Pauwi Na Sa Langit
Pinatawad, Oktubre 19
Aking ipatatawad ang lahat nilang kasamaan na kanilang ipinagkasala laban sa akin, at kanilang ikinasalangsang laban sa akin. Jeremias 33:8. PnL
Sa pagbubukas ng mga aklat talaan sa paghuhukom, ay napapaharap sa Diyos ang mga kabuhayan ng lahat ng nananampalataya kay Jesus. Pasimula sa mga unang nabuhay dito sa lupa, ay inihaharap ng ating Tagapamagitan ang mga kaso ng bawat lahi, ayon sa kanilang pagkakasunud-sunod, at magtatapos sa mga nabubuhay. Bawat pangalan ay binabanggit, bawat kabuhayan ay mahigpit na sinisiyasat. May mga pangalang tinatanggap, may mga pangalang itinatakwil. Kapag ang sinuman ay may mga kasalanang natitira pa sa mga aklat talaan na hindi napagsisihan at dahil dito ay hindi ipinatawad sa Kanila, ang kanilang mga pangalan ay papawiin sa aklat ng buhay, ang tala ng kanilang mga mabuting gawa ay aalisin sa aklat ng alaala ng Diyos. Ipinahayag ng Panginoon kay Moises, “Ang magkasala laban sa Akin ay siya Kong aalisin sa Aking aklat.” (Exodo 32:33.) At sinabi ni propeta Ezekiel, “pagka ang matuwid ay humihiwalay sa kanyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, . . . walang aalalahanin sa kanyang mga matuwid na gawa na kanyang ginawa.” (Ezekiel 18:24.) PnL
Ang lahat ng tapat na nagsisi ng kanilang kasalanan at sa pamamagitan ng pananampalataya ay inangkin nila ang dugo ni Cristo na pinakahaing sa kanila ay tumutubos, ay nagkamit ng kapatawaran na itinala sa tapat ng kanilang mga pangalan sa mga aklat ng langit; at sapagkat naging kabahagi sila ng katuwiran ni Cristo, at ang mga likas nila’y natagpuang kasang-ayon ng kautusan ng Diyos, ang kanilang mga kasalanan ay papawiin, at sila’y ibibilang na karapat-dapat magtamo ng buhay na walang-hanggang. Sa pamamagitan ni Isaias ay ipinahayag ng Panginoon: “Ako, Ako nga ay Siyang pumapawi ng iyong mga pagsalansang alang-alang sa Akin, at hindi Ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.” (Isaias 43:25.) Sinabi naman ni Jesus, “Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi Ko papawiin sa anumang paraan ang kanyang pangalan sa harapan ng Aking Ama, at sa harapan ng Kanyang mga anghel.” “Kaya’t ang bawat kumikilala sa Akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin Ko naman siya sa harap ng Aking Ama na nasa langit. Datapwat sinumang sa Aki’y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila Ko naman siya sa harap ng Aking Ama na nasa langit.” (Apocalipsis 3:5; Mateo 10:32, 33.) PnL
Ang mataos na interes na ipinakikita ng mga tao sa mga kapasyahan ng mga hukuman dito sa lupa ay bahagya lang kumakatawan sa interes na mahahayag sa hukuman sa langit kapag ang mga pangalang nakatala sa aklat ng buhay ay mapapaharap sa Hukom ng buong lupa. Iniharap ng banal na Tagapamagitan ang Kanyang pamanhik, na ang lahat ng nanaig sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang dugo ay patawarin sa lahat nilang pagsalansang, isauli sa kanilang tahanang Eden, at putungang tulad sa mga tagapagmana Niya ng “dating kapangyarihan.” (Mikas 4:8.)— The Great Controversy, pp. 483, 484. PnL