Pauwi Na Sa Langit

273/364

Oktubre—Si Jesus, ang Dakilang Saserdote

Ang Pangunahing Haligi Ng Adventismo, Oktubre 1

Hanggang kailan magtatagal ang pangitaing ito tungkol sa patuloy na handog na sinusunog, ang pagsuway na sumisira, at ang pagsusuko sa santuwaryo at sa hukbo upang mayapakan ng paa? Daniel 8:13. PnL

Ang banal na kasulatan na higit sa lahat ay naging parehong pundasyon at pangunahing haligi ng pananampalatayang Adventista na nagpapahayag: “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo” (Daniel 8:14). Ang mga salitang ito’y pamilyar na sa mga sumasampalataya sa malapit na pagdating ng Panginoon. Sa pamamagitan ng mga labi ng nakararami, naulit ang mga propesiyang ito bilang bansag sa kanilang pananampalataya. Naramdaman ng lahat na nakadepende sa mga pangyayaring nasa hula ang kanilang inaasahan at pag-asa. Ang araw na sinasabi sa hula ay ipinakitang magwawakas sa taglagas nang 1844. Karaniwan sa mundo ng mga Cristiano, naniniwala noong una ang mga Adventista na ang daigdig, o iba pang bahagi nito, ay ang santuwaryo. Naunawaan nilang ang paglilinis ng santuwaryo ay ang paglilinis ng mundo sa pamamagitan ng apoy sa huling dakilang araw, at mangyayari ito sa Ikalawang Pagdating. Kaya ang konklusyon ay babalik si Cristo sa mundo noong 1844. PnL

Ngunit lumipas na ang itinakdang panahon, at hindi nagpakita ang Panginoon. Alam ng mga mananampalatayang hindi magkakamali ang salita ng Diyos; maaaring mali ang kanilang interpretasyon sa propesiya; ngunit nasaan ang pagkakamali? Marami ang kaagad na sumagot sa kalituhang ito sa pamamagitan ng hindi pagtanggap na nagwakas ang 2,300 na araw noong 1844. Walang dahilang maaring ibigay dito maliban na si Cristo ay hindi dumating sa inaasahan nilang panahon. Ipinangangatwiran nila na kung nagwakas ang mga propetikong araw noong 1844, si Cristo kung gayon ay bumalik na upang linisin ang santuwaryo sa pamamagitan ng apoy; at dahil hindi pa Siya dumating, hindi matatapos ang mga araw. . . . PnL

Ngunit pinatnubayan ng Diyos ang Kanyang bayan sa malaking kilusang Adventismo; dumalo sa gawain ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian, at hindi Niya ito pahihintulutang magtapos sa kadiliman at pagkabigo, na masumbatan bilang isang mali at panatikong kasabikan. Hindi Niya hahayaang magdulot ang Kanyang salita ng pagdududa at kawalang katiyakan. . . . PnL

Nasumpungan nila sa Biblia ang buong paliwanag sa paksa ng santuwaryo, ang likas nito, lokasyon at mga serbisyo; ang mga patotoo ng mga manunulat ay malinaw at sapat na kaya ito’y hindi na mapagdududahan pa.— The Great Controversy, pp. 409-411. PnL