Pauwi Na Sa Langit
Halimbawa Ng Mga Taga-Berea, Enero 23
Tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay ang mga bagay na ito.Gawa 17:11. PnL
Sa Berea, natagpuan ni Pablo ang mga Judio na handang siyasatin ang mga katotohanang kanyang itinuro. Ang tala ni Lucas ay naghayag tungkol sa kanila, “Ngayon ang mga ito ay higit na marangal kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito. Kaya marami sa kanila ang nanampalataya, kasama ang maraming babaing Griyego at mga pangunahing lalaki.” (Gawa 17:11, 12.) PnL
Ang isipan ng mga taga-Berea ay hindi napakitid ng maling palagay. Handa nilang siyasatin ang pagiging totoo ng mga doktrinang ipinangaral ng mga apostol. Pinagaralan nila ang Biblia, hindi dahil sa pagkamausisa, kundi upang matuto sila sa kung ano ang nakasulat patungkol sa ipinangakong Mesiyas. Araw-araw silang nagsasaliksik sa mga kinasihang talaan, at habang kanilang pinaghahambing-hambing ang kasulatan sa kasulatan, nasa tabi nila ang mga anghel ng langit, na pinagliliwanag ang kanilang mga isipan at nagkikintal sa kanilang mga puso. PnL
Saanmang lugar ipinapangaral ang mga katotohanan ng ebanghelyo, yaong tapat na nagnanais na gumawa ng tama ay inihahatid sa isang masigasig na pagsasaliksik ng mga Kasulatan. Kung, sa huling mga eksena ng kasaysayan ng lupa, silang pinangaralan ng sumusubok na mga katotohanan ay susunod sa halimbawa ng mga taga-Berea, na sinasaliksik ang mga Kasulatan araw-araw, inihahambing sa salita ng Diyos ang mga mensaheng dinadala sa kanila, magkakaroon ngayon ng malaking bilang ng mga tapat PnL
sa panuntunan ng batas ng Diyos, na sa ngayon ay may iilan lang. Subalit kapag ang mga di-popular na katotohanan ng Biblia ang iniharap, marami ang tumatangging gumawa ng ganitong pagsisiyasat. Bagaman hindi nila kayang salungatin ang mga payak na mga turo ng Kasulatan, sila pa rin ay nagpapakita ng lubusang pag-aatubili sa pag-aaral ng mga ebidensyang ibinigay. May ilang nag-iisip na kahit pa tunay nga ang mga doktrinang ito, hindi masyadong mahalaga kung tatanggapin nila o hindi ang bagong liwanag, at sila’y nangungunyapit sa mga nakaaaliw na kathang-isip na ginagamit ng kaaway upang iligaw ang mga kaluluwa. Kaya ang kanilang mga isipan ay nabubulag ng kamalian, at sila’y nahihiwalay sa langit. PnL
Ang lahat ay hahatulan ayon sa liwanag na ibinigay. Sinusugo ng Panginoon ang Kanyang mga kinatawan na mayroong mensahe ng kaligtasan, at yaong mga nakarinig ay bibigyan Niya ng kapananagutan sa ginawa nilang paraan ng pagtrato sa mga salita ng Kanyang mga lingkod. Ang mga taimtim na naghahanap ng katotohanan ay gagawa ng maingat na pagsisiyasat, sa liwanag ng salita ng Diyos, sa mga doktrinang iniharap sa kanila.— The Acts of the Apostles, pp. 231, 232. PnL