Pauwi Na Sa Langit

258/364

Ano Ang “Pampamilyang Relihiyon”? Setyembre 16

Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan, at sa lahat niyang kasama, “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos na nasa inyo, at maglinis kayo ng inyong sarili, at palitan ninyo ang inyong mga suot.” Genesis 35:2. PnL

Ang relihiyon ng pamilya ay binubuo ng pagpapalaki ng mga anak sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon. Ang bawat isa sa pamilya ay dapat tustusan ng mga aralin ni Cristo, at ang interes ng bawat kaluluwa ay dapat mahigpit na bantayan, upang si Satanas ay hindi makapanlinlang at makapagpalayo kay Cristo. Ito ang pamantayang dapat hangaring abutin ng bawat pamilya, at dapat silang maging determinadong hindi mabigo o mapanghinaan ng loob. Kapag masigasig at mapagbantay ang mga magulang sa kanilang pagtuturo, at sinasanay ang kanilang mga anak na nakatutok sa kaluwalhatian ng Diyos, nakikipagtulungan sila sa Diyos, at ang Diyos ay nakikipagtulungan sa kanila sa pagliligtas ng mga kaluluwa ng mga anak na alangalang sa kanila’y namatay si Cristo. PnL

Ang pagtuturo sa relihiyon ay nangangahulugang higit pa sa ordinaryong pagtuturo. Nangangahulugan itong kailangan mong manalangin kasama ang iyong mga anak, na tinuturuan sila kung paano lumapit kay Jesus at sabihin sa Kanya ang lahat ng kanilang ninanais. Nangangahulugan itong dapat mong ipakita sa iyong buhay na si Jesus ang lahat sa iyo, at ang Kanyang pag-ibig ay ginagawa kang matiisin, mabait, mapagpasensya, ngunit matatag sa pag-uutos sa iyong mga anak na sumunod sa iyo, gaya ng ginawa ni Abraham. PnL

Kung ano ang pag-uugali mo sa iyong buhay sa tahanan, gayon ka nakarehistro sa mga aklat ng langit. Ang mga magiging banal sa langit ay dapat munang maging mga banal sa kanilang sariling pamilya. Kung tunay ngang mga Cristiano ang mga magulang sa pamilya, sila’y magiging kapaki-pakinabang na mga miyembro ng iglesya at magagawang magsagawa ng mga gawain sa iglesya at sa lipunan ayon sa parehong paraan kung paano nila pinangangasiwaan ang mga alalahanin sa kanilang pamilya. Mga magulang, huwag hayaang maging isang propesyon lang ang inyong relihiyon, ngunit hayaan itong maging isang reyalidad. . . . PnL

Sa bahay inilatag ang pundasyon para sa kaunlaran ng iglesya. Ang mga impluwensyang namumuno sa buhay sa tahanan ay nadadala sa buhay sa iglesya; samakatuwid dapat munang magsimula sa tahanan ang mga tungkulin sa iglesya. PnL

Kung mayroon tayong maayos na relihiyon sa tahanan, magkakaroon tayo ng mahusay na relihiyon sa pagpupulong. Hawakan ang kuta sa bahay. Italaga ang iyong pamilya sa Diyos, at magsalita at kumilos bilang isang Cristiano sa tahanan. Maging mabait at mapagpasensya at matiisin sa tahanan, nalalamang kayo’y mga guro.— The Adventist Home, pp. 317-319. PnL