Pauwi Na Sa Langit
Ang Ina, Setyembre 12
Tumatayo ang kanyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayundin ang kanyang asawa, at kanyang pinupuri siya. Kawikaan 31:28. PnL
Masaya ang mga magulang na ang mga buhay ay isang tunay na nagpapabanaag ng banal, upang magising ng mga pangako at utos ng Diyos ang pasasalamat at paggalang sa mga anak; ang mga magulang na ang kanilang pagkamagiliw at katarungan at pagkamatiisin ay nagpapaliwanag sa mga anak na umibig at magtiwala at sumunod sa kanila, ay nagtuturo sa mga bata na umibig at magtiwala at sumunod sa kanilang Ama sa langit. Ang mga magulang na nagbabahagi sa kanilang mga anak ng ganitong kaloob ay nagkaloob sa kanila ng isang kayamanang higit pang mahalaga kaysa kayamanan ng lahat ng panahon—kayamanang nagtatagal hanggang sa walang hanggan. PnL
Sa mga batang itinalaga sa kanyang pangangalaga, bawat ina ay may isang sagradong sagutin sa Diyos. “Kunin mo ang anak na lalaki, anak na babaing ito,” Sinasabi Niya; “Sanayin ito para sa Akin; bigyan ng isang napakintab na karakter na nahahalintulad sa isang palasyo, upang ito’y magliwanag sa mga bulwagan ng Panginoon magpakailanman.” PnL
Ang gawain ng ina ay madalas tila isang di-mahalagang paglilingkod sa kanya. Ito ang gawaing bihirang napapahalagahan. Kakaunti ang nalalaman ng iba tungkol sa kanyang mga alalahanin at pasanin. Ang kanyang mga araw ay puno ng maliliit na tungkulin sa lahat ng dako, lahat ay nangangailangan ng matiyagang pagsisikap, ng pagkontrol sa sarili, ng katalasan, karunungan, at mapagsakripisyo sa sariling pag-ibig; ngunit hindi niya maipagmamalaki ang mga nagawa niya gaya ng anumang tagumpay. Pinananatili lamang niyang nagiging maayos ang pagdaloy ng mga bagay sa tahanan; madalas na napapagod at naguguluhan, sinusubukan niyang magsalita nang may kabaitan sa mga anak, upang gawin silang abala at masaya, at upang patnubayan ang maliliit na mga paa sa tamang landas. Pakiramdam niya’y wala siyang nagawa. Ngunit hindi ganito. Ang makalangit na mga anghel ay nagbabantay sa mga pagod na mga ina, na pinapansin ang mga pasaning dinadala niya araw-araw. Ang pangalan niya’y hindi man naririnig sa mundo, ngunit nasusulat sa aklat ng buhay ng Kordero. PnL
May Diyos sa itaas, at ang liwanag at kaluwalhatian mula sa Kanyang trono ay nakasalalay sa matapat na ina sa kanyang pagsisikap na turuan ang kanyang mga anak na tumanggi sa masamang impluwensya. Walang anumang gawain ang makapapantay sa kanyang kahalagahan. Hindi siya, tulad ng pintor, na nagpipinta ng isang hugis ng kagandahan sa kuwadra, ni, tulad sa iskultor, na nagpapait ng marmol. Hindi siya, tulad sa may-akda, na naglalangkap ng isang marangal na kaisipan sa mga salitang may kapangyarihan, ni, tulad sa musikero, na nagpapahayag ng isang magandang damdamin sa himig. Ang sa kanya, sa tulong ng Diyos, ay ang pagbuo sa kaluluwa ng larawan ng Diyos.— The Ministry Of Healing, pp. 375-378. PnL