Pauwi Na Sa Langit

148/364

Mga Gabi Sa Pananalangin, Mayo 28

Nang mga araw na iyon, Siya ay nagtungo sa bundok upang manalangin at ginugol ang buong magdamag sa pananalangin sa Diyos. Lucas 6:12. PnL

Ang Karingalan ng langit, samantalang gumagawa sa Kanyang ministeryo sa lupa, ay lubos na nanalangin sa Kanyang Ama. Madalas Siyang nakayuko buong gabi sa pananalangin. Ang Kanyang espiritu ay madalas na malungkot sa Kanyang pagkadama sa kapangyarihan ng kadiliman ng mundong ito, at iniwan Niya ang mga abalang lunsod at maingay na mga tao, upang humanap ng tahimik na lugar para sa Kanyang pamamagitan. Ang Bundok ng mga Olibo ang paboritong puntahan ng Anak ng Diyos para sa Kanyang mga debosyon. Madalas, matapos Siyang iwan ng maraming tao para sa pagpapahinga sa gabi, hindi Siya nagpapahinga, bagaman pagod sa mga gawain sa buong araw. Mababasa natin sa Ebanghelyo ni Juan na: “At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay. Samantala, si Jesus ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.” Habang tahimik ang buong lunsod, at umuwi na ang mga alagad sa kanilang mga tahanan para magkaroon ng kaginhawaan sa pagtulog, hindi natutulog si Jesus. Ang Kanyang mga makalangit na pananalangin ay umaakyat sa Kanyang Ama mula sa Bundok ng mga Olibo upang maingatan ang Kanyang mga alagad mula sa impluwensya ng kasamaan na araw-araw nilang nahaharap sa mundo, at upang ang Kanyang kaluluwa ay mapalakas at mapatibay mula sa mga katungkulan at mga pagsubok sa darating na araw. Sa buong magdamag, habang natutulog ang Kanyang mga tagasunod, nananalangin ang kanilang Guro na mula sa langit. Dumapo sa Kanyang ulo ang mga ambon at lamig ng gabi habang Siya’y nakayuko sa pananalangin. Iniwan ang Kanyang halimbawa para sa Kanyang mga tagasunod. PnL

Ang Karingalan ng langit, habang gumagawa sa Kanyang misyon, ay madalas na nasa taimtim na panalangin. Hindi Siya palaging pumupunta sa ang Olivet, sapagkat nalaman na ng Kanyang mga alagad ang paborito Niyang pahingahan, at madalas na sumusunod sa Kanya. Pinili Niya ang katahimikan ng gabi, kung saan walang magiging abala. Kayang magpagaling ni Jesus ng maysakit at bumuhay ng patay. Siya mismo ang pinanggagalingan ng pagpapala at lakas. Kanyang inutusan kahit na mga bagyo, at sinunod nito Siya. Siya’y hindi narumihan ng katiwalian, isang estranghero sa kasalanan; ngunit Siya’y nanalangin, at madalas ay may kasamang malakas na pagtangis at pagluha. Nanalangin Siya para sa Kanyang mga alagad at para sa Kanyang sarili, sa ganito ay nakikilala niya ang ating mga pangangailangan, ang ating mga kahinaan, at ang ating mga kabiguan, na napakakaraniwan sa sangkatauhan. Siya’y isang makapangyarihang nakikiusap, na hindi nagtataglay ng simbuyo ng damdamin nating mga tao, na may nagkasalang likas, ngunit napaliligiran ng mga katulad na karumihan, tinukso sa lahat ng paraan gaya natin, tiniis ni Jesus ang pagdurusang nangangailangan ng tulong at suporta mula sa Kanyang Ama.— Testimonies For The Church, vol. 2, pp. 508, 509. PnL