Pauwi Na Sa Langit
Ang Halimbawa Ni Daniel Sa Pananalangin, Mayo 26
Kaya't ako'y bumaling sa Panginoong Diyos at hinanap Siya sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pag-aayuno, may damit sako at mga abo. Daniel 9:3. PnL
Hindi ipinapahayag ni Daniel ang kanyang katapatan sa harap ng Panginoon. Sa halip na angkinin na siya’y dalisay at banal, ang marangal na propetang ito’y may kapakumbabaang kinilala ang kanyang sarili sa tunay na makasalanang Israel. Ang katalinuhang ibinigay ng Diyos sa kanya ay higit na mas mataas kaysa katalinuhan ng mga dakilang lalaki ng sanlibutan tulad ng liwanag ng araw na nagniningning sa langit sa katanghaliang tapat ay mas maliwanag kaysa pinakamahinang bituin. Ngunit pag-isipan ang panalangin mula sa mga labi ng lalaking ito na lubos na pinaboran ng langit. Habang may matinding kapakumbabaan, na may mga luha at pagdadalamhati ng puso, nakikiusap siya para sa kanyang sarili at sa kanyang bayan. Inilagak niya ang kanyang kaluluwa sa harap ng Diyos, na ipinapahayag ang kanyang sariling kawalang kahalagahan at kinikilala ang kadakilaan at pagiging hari ng Panginoon. . . . PnL
Sa pagpapatuloy ng panalangin ni Daniel, mabilis na bumaba mula sa bulwagan ng langit ang anghel na si Gabriel upang sabihin sa kanya na ang kanyang mga kahilingan ay dininig at sinagot. Ang dakilang anghel na ito’y inutusan upang siya’y bigyan ng kakayahan at pang-unawa—upang mabuksan sa kanya ang mga misteryo ng hinaharap na mga panahon. Kaya, habang taimtim na nagsasaliksik upang malaman at maunawaan ang katotohanan, nahatid si Daniel sa pakikipag-usap sa itinakdang mensahero ng Langit. PnL
Bilang kasagutan sa kanyang kahilingan, ang tinanggap ni Daniel ay hindi lang liwanag at katotohanan na pinakakailangan niya at ng kanyang bayan, ngunit isang pananaw sa dakilang mga pangyayari sa hinaharap, kahit na hanggang sa pagdating ng Manunubos ng sanlibutan. Yaong mga nag-aangkin na mga pinabanal, habang wala silang pagnanais na saliksikin ang Kasulatan o makipagpunyagi sa Diyos sa panalangin para sa mas malinaw na pagkaunawa ng katotohanan ng Biblia, ay walang alam sa tunay na kabanalan. PnL
Nakipag-usap si Daniel sa Diyos. Nabuksan ang langit sa kanya. Ngunit ang matataas na karangalan na ibinigay sa kanya ay bunga ng kapakumbabaan at taimtim na pagsasaliksik. Yaong maniniwala nang taos -puso sa salita ng Diyos ay magugutom at mauuhaw sa kaalaman ng Kanyang kalooban. Ang Diyos ang mayakda ng katotohanan. Kanyang pinagliliwanag ang madilim na pang-unawa at nagbibigay sa kapangyarihan sa isipan ng tao para mapanghawakan at maunawaan ang mga katotohanang Kanyang inihayag. . . . PnL
Si Daniel ay natatalagang lingkod ng Pinakamataas sa Lahat. Ang mahabang niyang buhay ay puno ng maringal na mga gawain ng paglilingkod para sa kanyang Panginoon. Ang kanyang kadalisayan di-nagmamaliw na katapatan ay kapantay lang ng kapakumbabaan ng kanyang puso at kanyang pagsisisi sa harap ng Diyos.— The Sanctified Life , pp. 46-49, 52. PnL