Ang Dakilang Pag-Asa

18/44

16—Ang mga Pilgrim Fathers

Ang mga Repormador na taga-England, bagaman itinatakwil ang mga doktrina ng Romanismo ay pinanatili pa rin ang marami sa mga seremonya nito. Kaya bagama’t ang kapamahalaan at doktrina ng Roma ay tinanggihan, marami pa rinsa mga kaugalian at seremonya nito ang isinama sa pagsamba ng Church of England. Ipinapahayag na ang mga bagay na ito ay wala naman daw kinalaman sa budhi; na bagaman ang mga ito’y hindi ipinaguutos sa Kasulatan, at sa gayo’y hindi naman mahalaga, ngunit dahil hindi naman ipinagbabawal, ang mga ito raw ay hindi naman likas na masama. Ang pagdaraos daw sa mga ito ay magpapaliit sa malaking agwat na naghihiwalay sa mga repormadong iglesya at sa Roma, at iginiit na itataguyod raw nito ang pagtanggap ng mga Romanista sa pananampalatayang Protestante. ADP 169.1

Sa mga taong kainaman at mapagkompromiso, ang mga katwirang ito ay parang kapani-paniwala. Ngunit may isa pang grupo na hindi ganito ang pananaw. Para sa kanila, ang katotohanan na ang mga kaugaliang ito ay “magsisilbing tulay sa pagkakaiba ng Roma at ng Repormasyon,” ay kapani-paniwalang argumento laban sa pagpapanatili sa mga ito. Ang tingin nila sa mga ito ay mga tanda ng pagkaalipin na dito’y nakalaya na sila, at ayaw na nilang balikan pa. Ipinaliwanag nila na ang Diyos sa Kanyang Salita ay nagtatag ng mga alituntunin hinggil sa paraan ng pagsamba sa Kanya, at ang tao ay walang kalayaang magdagdag o magbawas dito. Ang pinakasimula ng malaking pagtalikod ay ang pagsisikap na idagdag sa kapamahalaan ng Diyos ang kapamahalaan iglesya. Ang Roma ay nagsimula sa pag-uutos ng mga bagay na hindi ipinagbabawal ng Diyos, at ito’y humantong sa pagbabawal sa mga bagay na malinaw Niyang ipinag-uutos. ADP 169.2

Marami ang taimtim na naghahangad na bumalik sa kalinisan at kasimplihang pagkakakilanlan sa unang iglesya. Ang marami sa itinatag na kaugalian ng Church of England ay itinuturing nila mga bantayog ng idolatriya, at sa kanilang konsensya ay hindi nila magawang makisama sa kanilang pagsamba. Ngunit ang iglesya, palibhasa’y suportado ng pamahalaang sibil ay hindi papayag sa anumang dipagkilala sa mga seremonya nito. Ang pagdalo sa mga serbisyo nito ay ipinagutos sa pamamagitan ng batas, at ang mga walang-pahintulot na pagpupulong para sa pagsambang panrelihiyon ay ipinagbabawal, sa ilalim ng parusang pagkabilanggo, pagkapatapon, at kamatayan. ADP 169.3

Sa pagsisimula ng ika-17 siglo, ang hari na kauupo pa lamang sa trono ng England ay nagpahayag ng matibay niyang hangarin na ang mga Puritan ay “pasang-ayunin, o... guluhin hanggang lumayas ng bansa, kung hindi’y mas malala pa.”—George Bancroft, History of the United States of America, pt. 1, ch. 12, par. 6. Dahil tinutugis, inuusig, at ibinibilanggo, wala silang nakikitang pagasa ng mas magandang araw sa hinaharap, at marami ang nagbigay-daan sa paniniwala na para sa mga gustong maglingkod sa Diyos ayon sa dikta ng kanilang budhi, “ang England ay hindi na nagiging lugar na matitirhan magpakailanman.”—J.G. Palfrey, History of New England, ch. 3, par. 43. Ang iba sa wakas ay nagpasyang maghanap ng kanlungan sa Holland. Nakasagupa nila ang mga kahirapan, kapinsalaan, at pagkabilanggo. Ang mga balak nila ay nabigo, at sila’y ipinahamak sa kamay ng kanilang mga kaaway. Ngunit ang matibay nilang pagpupursigi ay nagtagumpay din sa wakas, at sila’y nakasumpong ng kanlungan sa mga maaamong baybayin ng Dutch Republic. ADP 169.4

Sa kanilang pagtakas ay iniwan nila ang kanilang mga bahay, mga ari-arian, at ang mga ikinabubuhay nila. Sila’y mga dayuhan sa ibang lupain, sa gitna ng mga taong iba ang wika at mga kaugalian. Sila’y napilitang magtrabaho ng mga gawaing bago at hindi pa nasusubukan para lamang magkaroon ng pagkain. Ang mga taong nasa kalagitnaang-gulang, na iginugol ang kanilang buong buhay sa pagbubungkal ng lupa, ay dapat na ngayong matuto ng mga trabahong pangmakina. Ngunit may kagalakan nilang tinanggap ang kalagayang iyon, at hindi nag-aksaya ng panahon sa katamaran at pagdaing. Bagaman madalas na ginigipit ng kahirapan ay nagpapasalamat sila sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ipinagkakaloob pa rin sa kanila, at nakasumpong sila ng kaligayahan sa hindi nagagambalang espirituwal na pagsasama-sama. “Alam nilang sila’y mga manlalakbay, at hindi masyadong iniintindi ang mga bagay na iyon, kundi itinataas nila ang kanilang mga mata sa langit, sa pinakamamahal nilang bayan, at pinapayapa ang kanilang espiritu.”—Bancroft, pt. 1, ch. 12, par. 15. ADP 169.5

Sa gitna ng pagkapatapon at hirap, ang kanilang pag-ibig at pananampalataya ay naging matibay. Nagtiwala sila sa mga pangako ng Panginoon, at sila’y hindi Niya binigo sa panahon ng pangangailangan. Ang Kanyang mga anghel ay nasa tabi nila, upang sila’y palakasin at tulungan. At nang parang itinuturo sila ng kamay ng Diyos patawid sa dagat, sa lupaing kung saan sila makasusumpong ng sarili nilang bansa, at maaaring iwan sa kanilang mga anak ang napakahalagang pamana ng kalayaang panrelihiyon, sila’y humayo nang walang urungan sa landas ng pamamatnubay ng Diyos. ADP 170.1

Pinahintulutan ng Diyos na sumapit ang mga pagsubok sa Kanyang bayan upang ihanda sila sa pagsasagawa ng Kanyang mabiyayang panukala para sa kanila. Ang iglesya ay ibinaba, upang ito’y maitaas. Ipapakita na ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan para sa kapakanan ng iglesya, upang magbigay sa sanlibutan ng isa pang katibayan na hindi Niya pababayaan yung mga nagtitiwala sa Kanya. Pinangibabawan Niya ang mga pangyayari upang mapasulong ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng galit ni Satanas at ng mga pakana ng masasamang tao, at upang dalhin ang Kanyang bayan sa lugar na ligtas. Binubuksan ng pag-uusig at pagkapatapon ang daan tungo sa kalayaan. ADP 170.2

Noong una silang mapilitang humiwalay sa Church of England, ang mga Puritan ay nagbuklod sa isang banal na tipanan bilang malayang bayan ng Panginoon, “na lalakad na magkakasama sa lahat ng Kanyang landas na ipinaalam o ipapaalam sa kanila.”—J. Brown, The Pilgrim Fathers, pahina 74. Narito ang tunay na diwa ng repormasyon, ang napakahalagang prinsipyo ng Protestantismo. Ang layuning ito ang dahilan kung bakit umalis ang mga Pilgrim sa Holland upang humanap ng tahanan sa Bagong Daigdig [America]. Si John Robinson na pastor nila, na sa kalooban ng Diyos ay hindi pinasama sa kanila, noong siya’y magsalita ng pamamaalam sa mga maninirahan sa ibang lupain ay nagsabi: ADP 170.3

“Mga kapatid, ngayo’y magkakahiwahiwalay na tayo, at alam ng Diyos kung ako’y mabubuhay pa upang makita uli ang inyong mga mukha. Ngunit itakda man iyon ng Diyos o hindi ay inaatasan ko kayo sa harapan ng Diyos at ng Kanyang mga pinagpalang anghel na sundan ninyo ako ayon sa pagsunod ko kay Cristo. Kung ang Diyos ay maghayag sa inyo ng anumang bagay sa pamamagitan ng ibang instrumento Niya, maging handa kayong tanggapin ito na kasinghanda ng inyong pagtanggap sa anumang katotohanan sa aking paglilingkod; sapagkat ako’y lubos na nagtitiwala na ang Panginoon ay marami pang katotohanan at liwanag na sisikat mula sa Kanyang Banal na Salita.”—Martyn, vol. 5, p. 70. ADP 170.4

“Sa ganang akin, hindi sapat ang iyakan ko ang kalagayan ng mga repormadong iglesya, na sumapit sa isang kapanahunan sa relihiyon, at sa kasalukuya’y ayaw nang lampasan ang mga naging instrumento ng kanilang pagrereporma. Ang mga Lutheran ay hindi mahimok na lampasan ang mga nakita ni Luther;.. .at ang mga Calvinist, kita n’yo naman, ay nanatili nang mahigpit kung saan sila iniwan ng dakilang lalaking iyon ng Diyos, na hindi pa rin naman nakakita sa lahat ng bagay. Ito ay isang kalungkutang dapat ipagluksa nang labis; sapagkat bagaman sila’y mga nagniningas at nagliliwanag na ilaw noong kanilang kapanahunan ay hindi naman nila natarok ang buong layunin ng Diyos, gayunma’y kung nabubuhay lang sila ngayon ay laan nilang tatangga-pin ang karagdagan pang liwanag na gaya nung sa una nilang tinanggap.”—D. Neal, History of the Puritans, vol. 1, p. 269. ADP 170.5

“Tandaan ninyo ang inyong pakikipagtipan sa iglesya, kung saan ay sumang-ayon kayo na kayo’y lalakad sa lahat ng landas ng Panginoon, na ipinaalam o ipapaalam pa sa inyo. Tandaan ninyo ang inyong pangako at pakikipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa, na tatanggapin ang anumang liwanag at katotohanan na ipapaalam sa inyo mula sa Kanyang nakasulat na Salita; ngunit sa kabila nito ay mag-ingat kayo, pakiusap ko, sa kung anong tinatanggap ninyo bilang katotohanan, at ihambing ninyo ito at timbangin sa iba pang talata ng katotohanan bago ninyo ito tanggapin; sapagkat hindi posible na ang daigdig ng Kristiyanismo ay ngayon pa lang makakalabas sa ganon kakapal na antikristiyanong kadiliman, at ang buong kasakdalan ng karunungan ay agad na sisikat.”—Martyn, vol. 5, pp. 70, 71. ADP 170.6

Ang paghahangad sa kalayaan ng budhi ang nagpasigla sa mga Pilgrim na harapin nang buong tapang ang mga panganib ng mahabang paglalakbay sa karagatan, na tiisin ang mga hirap at panganib ng kagubatan, at taglay ang pagpapala ng Diyos ay ilagay sa baybayin ng America ang pundasyon ng isang makapangyarihang bansa. Ngunit bagaman tapat at may takot sa Diyos, hindi pa rin nauunawaan ng mga Pilgrim ang dakilang prinsipyo ng kalayaang panrelihiyon. Ang kalayaan na napakalaki ng naging sakripisyo nila para lamang makamit ay hindi pa nila handang ipagkaloob nang patas sa iba. “Iilan lamang, kahit sa mga nangungunang taong palaisip at tagapagtaguyod ng moralidad noong ika-17 siglo ang may tamang pagkaunawa sa dakilang prinsipyong iyon na resulta ng Bagong Tipan, na kinikilala ang Diyos bilang nag-iisang hukom ng pananampalataya ng tao.”—Ibid., vol. 5, p. 297. Ang doktrina na ibinigay na raw ng Diyos sa iglesya ang karapatang kumontrol sa konsensya, at magsabi at magparusa sa erehiya ay isa sa mga kamalian ng kapapahan na pinakamalalim na nakaugat. Bagaman itinakwil na ng mga Repormador ang doktrina ng Roma, hindi pa rin sila lubos na malaya sa espiritu ng paghihigpit sa ibang paniniwala. Ang makapal na kadiliman na sa mahabang panahon ng paghahari ng kapapahan ay ibinalot nito sa buong Sangkakristiyanuhan ay hindi pa rin lubos na nawawala. Ang sabi ng isang nangungunang ministro sa kolonya ng Massachusetts Bay: “Ang kalayaang panrelihiyon ang sanhi ng pagiging antikristiyano ng sanlibutan; at hindi nakapinsala sa iglesya ang pagpaparusa sa mga erehe.”—Ibid., vol. 5, p. 335. Pinagtibay ng mga kolonista ang alituntunin, na yung mga kaanib lamang ng iglesya ang may karapatang makapagsalita sa pamahalaang sibil. Isang uri ng iglesya ng pamahalaan ang nabuo, na ang lahat ng tao ay inuutusang mag-ambag bilang suporta sa mga pari o ministro, at ang mga mahistrado ay may karapatang sumugpo sa erehiya. Kaya’t ang kapangyarihang sibil ay hawak ng iglesya. Hindi na nagtagal bago pa mauwi ang mga pamamaraang ito sa dimaiiwasang resulta—ang pang-uusig. ADP 171.1

Labing-isang taon pagkatapos maitatag ang unang kolonya, si Roger Williams ay dumating sa Bagong Daigdig. Kagaya ng mga naunang Pilgrim, natamasa niya ang kalayaan sa relihiyon; ngunit di gaya nila, nakita niya ang bagay na iilan pa lang sa kanyang panahon ang nakakakita—na ang kalayaang ito ay siyang di-maipagkakait na karapatan ng lahat, anuman ang kanilang paniniwala. Siya’y masugid na naghahanap ng katotohanan, at gaya ni Robinson ay naniniwala na hindi mangyayaring natanggap na ang lahat ng liwanag mula sa Salita ng Diyos. Si Williams “ang unang tao sa makabagong Sangkakristiyanuhan na nakapagtayo ng pamahalaang sibil batay sa doktrina ng kalayaan ng budhi, ng pagkapantay-pantay ng mga kuru-kuro sa harapan ng batas.”—Bancroft, pt. 1, ch. 5, par. 16. Ipinahayag niya na tungkulin ng mga mahistrado na sugpuin ang krimen, ngunit hindi ang supilin ang budhi. “Ang madia o ang mga mahistrado ay maaaring magpasya,” sabi niya, “kung ano ang pananagutan ng tao sa isang tao; ngunit kapag sinubukan na nilang magtakda ng tungkulin ng tao sa Diyos, sila’y wala na sa tamang lugar, at magkakaroon ng panganib; sapagkat malinaw na kung ang mahistrado ay may kapangyarihan, maaari siyang mag-utos ng isang hanay ng kuru-kuro o paniniwala ngayon at iba na naman bukas; kagaya ng ginawa sa England ng iba’t ibang hari’t reyna, at sa Simbahang Romano ng iba’t ibang papa at konsilyo; anupa’t ang paniniwala ay nagiging santambak ng kalituhan.”—Martyn, vol. 5, p. 340. ADP 171.2

Ang pagdalo sa mga serbisyo ng natatag na iglesya ay ipinag-utos sa ilalim ng kaparusahang pagmumulta o pagkabilanggo. “Itinakwil ni Williams ang kautusan; ang pinakamasamang ordinansa sa mga batas ng England ay yung nagpipilit ng pagdalo sa simbahan. Ang pamimilit sa mga tao na makisama doon sa mga may ibang paniniwala ay itinuturing niyang lantarang paglabag sa katutubo nilang karapatan; ang hilahin sa hayagang pagsamba ang mga walang-relihiyon ay katulad ng pagsasabatas ng pagpapakitang-tao.... ‘Walang sinumang dapat obligahing sumamba,’ dagdag niya, ‘o manatili sa pagsamba na labag sa sarili niyang pagsang-ayon.’ ‘Ano!’ sigaw ng mga kalaban niya na nabigla sa kanyang mga doktrina, ‘hindi ba’t ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang upa?’ ‘Oo,’ sagot niya, ‘mula sa mga umupa sa kanya.’ ” —Bancroft, pt. 1, ch. 15, par. 2. ADP 171.3

Si Roger Williams ay iginagalang at minamahal bilang isang tapat na ministro, isang taong may pambihirang talento, may matatag na integridad at tunay na kagandahang-loob; ngunit ang matigas niyang pagtanggi sa karapatan ng pamahalaang sibil na mamahala sa iglesya, at ang paghahabol niya sa kalayaang panrelihiyon ay hindi maaaring pahintulutan. Ang pagpapairal ng bagong doktrinang ito, giit nila, ay “magpapabagsak sa pangunahing estado at pamahalaan ng bansa.”—Ibid., pt. 1, ch. 15, par. 10. Siya’y hinatulang palayasin sa kolonya, at upang makaiwas sa pag-aresto ay napilitan siya sa wakas na tumakas papunta sa makapal na kagubatan, sa gitna ng ginaw at bagyo ng taglamig. ADP 172.1

“Sa loob ng 14 na linggo,” sabi niya, “ako’y lubhang nasadlak sa masungit na panahon, walang makain at mahihigaan.” Ngunit “pinakain ako ng mga uwak sa kagubatan,” at isang punong may-guwang ang madalas na nagiging silungan niya. Ganon siya nagpatuloy sa masaklap niyang pagtakas padaan sa yelo at sa kagubatang walang daanan, hanggang sa makasumpong siya ng kanlungan sa isang tribu ng mga Indian na nakuha niya ang tiwala at damdamin samantalang sinisikap niyang ituro sa kanila ang mga katotohanan ng ebanghelyo. ADP 172.2

At sa wakas, pagkatapos ng maraming buwang kalilipat at paglalakbay ay nakarating siya sa baybayin ng Narragansett Bay, doon niya itinatag ang pundasyon ng unang bansa ng makabagong panahon na sa kabuuang diwa nito ay kumikilala sa karapatan sa kalayaang panrelihiyon. Ang pangunahing prinsipyo ng kolonya ni Roger Williams ay, “ang bawat tao ay dapat magkaroon ng kalayaang sumamba sa Diyos ayon sa liwanag ng sarili niyang budhi.”—Ibid., vol. 5, p. 354. Ang maliit niyang estado, ang Rhode Island, ay naging kanlungan ng mga naaapi, at ito’y lumaki at umunlad hanggang ang mga saligang prinsipyo nito—ang kalayaang sibil at panrelihiyon—ay naging saligang bato ng Republika ng America. ADP 172.3

Doon sa dakila’t lumang dokumento na inilathala ng mga nagtatag ng Republika bilang panukalang-batas ng kanilang mga karapatan—ang Paghahayag ng Kalayaan (Declaration of Independence —ay ipinahayag nila: “Pinaniniwalaan namin na ang mga katotohanang ito ay di na kailangang patunayan pa, na ang lahat ng tao ay nilalang nang pantay-pantay; na sila’y pinagkalooban ng Lumikha sa kanila ng mga karapatang di-maipagkakait; na kasama sa mga ito ay ang buhay, kalayaan, at paghahanap ng kaligayahan.” At sa pinakamalinaw na pananalita ay tinitiyak ng Konstitusyon na ang konsensya ay hindi dapat labagin: “Walang pagsusulit na ukol sa relihiyon ang kakailanganin bilang kuwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong katungkulan sa ilalim ng Estados Unidos.” “Ang Kongreso ay hindi gagawa ng anumang batas tungkol sa pagkakatatag ng relihiyon, o ipagbabawal man ang malayang pagsasagawa nito.” ADP 172.4

“Kinikilala ng mga bumuo ng Konstitusyon ang walang-hanggang prinsipyo na ang relasyon ng tao sa Diyos ay hindi saklaw ng batas ng tao, at ang karapatan ng budhi niya ay hindi maaaring alisin. Ang pangangatwiran ay hindi na kailangan pa para patunayan ang katotohanang ito; alam natin ito sa ating mga dibdib. Ang pagkaalam na ito ang nagpatatag sa napakaraming martir sa mga pagpapahirap at sa apoy, dahil sa pagsuway sa mga kautusan ng tao. Nadama nila na ang kanilang katungkulan sa Diyos ay mas mataas kaysa sa mga pinagtibay ng tao, at ang tao’y walang magagamit na kapamahalaan sa kanilang mga budhi. Ito ay isang katutubong prinsipyo na walang anumang makakalipol.” ADP 172.5

Habang kumakalat sa mga bansa sa Europa ang balita tungkol sa isang lupain na maaaring tamasahin ng bawat tao ang bunga ng sarili niyang pinagpaguran at sundin ang paniniwala ng kanyang budhi, libu-libo ang dumagsa sa baybayin ng Bagong Daigdig. Ang mga kolonya ay mabilis na dumami. “Ang Massachusetts, sa pamamagitan ng isang espesyal na batas, ay nag-alok ng libreng pagtanggap at tulong, na gagastusan ng publiko, sa mga Kristiyano ng anumang bansa na maaaring tumawid sa Atlantic ‘upang makatakas sa digmaan o taggutom, o pang-aapi ng mga umuusig sa kanila.’ Kaya’t ang mga tumakas at ang mga inaapi ay ginawang mga panauhin ng republika sa pamamagitan ng batas.”—Martyn, vol. 5, p. 417. Sa loob ng 20 taon mula noong unang pagdaong sa Plymouth, ay libu-libo nang Pilgrim ang nanirahan sa New England. ADP 172.6

Upang makamit ang layuning nais nilang matamo, “sila’y nasisiyahan nang kumita ng sapat lamang na ikabubuhay sa pamamagitan ng isang buhay ng pagtitipid at pagtatrabahong mabuti. Wala silang ibang hinihiling mula sa lupa kundi ang makatwirang kagantihan ng sarili nilang pagpapagal. Walang ginintuang pangarap na nagbigay ng mapanlinlang na sinag sa palibot ng kanilang daanan.... Sila’y kontento na sa mabagal ngunit patuloy na pagsulong ng kanilang samahang panlipunan. Matiyaga nilang tiniis ang mga kasalatan sa kagubatan, na dinidiligan ng kanilang luha, at ng pawis sa kanilang noo ang puno ng kalayaan, hanggang sa ito’y malalim na mag-ugat sa lupaing iyon.” ADP 173.1

Ang Biblia ay pinanghawakan bilang saligan ng pananampalataya, ang pinagmumulan ng karunungan, at ang prangkisa ng kapayapaan. Ang mga prinsipyo nito ay masikap na itinuro sa tahanan, sa paaralan, at sa simbahan, at ang mga bunga nito ay hayag sa katipiran, karunungan, kadalisayan, at pagtitimpi. Ang sinuman ay maaaring tumira ng maraming taon sa pamayanan ng mga Puritan, “at walang makikitang lasenggero, o maririnig na nagmumura o makakatagpo ng pulubi.”—Bancroft, pt 1, ch. 19, par 25. Naipakita na ang mga prinsipyo ng Biblia ay siyang pinakasiguradong bantay sa kadakilaan ng bansa. Ang mahihina at hiwa-hiwalay na kolonya ay naging isang samahan ng mga makapangyarihang Estado, at namamanghang pinagmasdan ng sanlibutan ang kapayapaan at kaunlaran ng “isang simbahang walang papa, at ng isang bansang walang hari.” ADP 173.2

Ngunit patuloy na dumarami ang naaakit sa baybayin ng America, na itinulak ng mga motibo na talagang malayo sa motibo nung mga unang Pilgrim. Bagaman ang sinaunang pananampalataya at kalinisan ay nagkaroon ng malawak at humuhubog na kapangyarihan, ang impluwensya nito ay humina nang humina habang dumarami ang mga tao na ang hinahangad ay mga bagay ng sanlibutan. ADP 173.3

Ang alituntunin na pinagtibay ng mga naunang kolonista, na mga kaanib lamang ng iglesya ang pinapayagang bumoto o humawak ng katungkulan sa pamahalaang sibil ay nauwi sa pinakamapaminsalang mga resulta. Ang hakbanging ito ay tinanggap para mapangalagaan ang kalinisan ng pamahalaan, ngunit ito’y nagresulta sa kasamaan ng iglesya. Dahil ang pagpapahayag ng relihiyon ay kondisyon sa pagboto at paghawak ng tungkulin, marami na itinulak lamang ng mga motibong makasanlibutan ang umanib sa iglesya nang hindi naman nabago ang puso. Kung kaya’t ang iglesya ay binuo ng maraming tao na hindi hikayat; at may mga nakapasok pa nga sa pagmiministro na hindi lamang mali ang mga doktrinang pinaninindigan, kundi walang-alam sa bumabagong kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kaya’t nakita uli ang masasamang resulta na napakadalas na nasaksihan sa kasaysayan ng iglesya mula noong panahon ni Constantino hanggang ngayon, ukol sa pagtatangkang itatag ang iglesya sa tulong ng pamahalaan, tungkol sa paggamit ng pamahalaang sibil upang itaguyod ang ebanghelyo Niyang nagsabi ng ganito: “Ang kaharian Ko ay hindi mula sa sanlibutang ito” (Juan 18:36). Ang pagsasanib ng simbahan at pamahalaan, kahit na hindi masyado, bagaman parang mas inilalapit nito ang sanlibutan sa iglesya, sa totoo lang ay mas inilalapit ang iglesya sa sanlibutan. ADP 173.4

Ang dakilang prinsipyong napakarangal na itinaguyod nina Robinson at Roger Williams, na ang katotohanan ay progresibo, na ang mga Kristiyano ay dapat handang tanggapin ang lahat ng liwanag na maaaring sumikat mula sa Banal na Salita ng Diyos, ay kinalimutan ng mga sumunod sa kanila. Ang mga Protestanteng iglesya sa America—at ganon din yung mga nasa Europa—na talagang labis na nakinabang sa pagkakatanggap sa mga pagpapala ng Repormasyon ay hindi na nagpatuloy pa sa landas ng repormasyon. Bagaman paminsan-minsan ay may ilang tapat na taong bumabangon upang ihayag ang bagong katotohanan at ibunyag ang matagal nang iniingatang kamalian, ang karamihan, gaya ng mga Judio noong panahon ni Cristo o kaya’y ng mga makapapa noong panahon ni Luther, ay kontento nang paniwalaan kung anong pinaniwalaan ng kanilang mga ninuno, at mamuhay kung paano sila namuhay. Kaya nga’t ang relihiyon ay bumaba uli sa pagiging seremonya; at ang mga pagkakamali at pamahiin, na naalis na sana kung ang iglesya ay nagpatuloy lang na lumakad sa liwanag ng Salita ng Diyos, ay pinanatili at pinakaingatan. Sa gayon, ang kasiglahang binuhay ng Repormasyon ay unti-unting namatay, hanggang magkaroon ng malaking pangangailangan ng pagrereporma sa mga iglesyang Protestante na halos ganon din sa Simbahang Romano noong panahon ni Luther. May ganon ding pagkamakamundo at espirituwal na kawalang-malasakit, ganon ding paggalang sa mga opinyon ng mga tao, at pagpapalit ng mga kuru-kuro ng mga tao sa mga aral ng Salita ng Diyos. ADP 173.5

Ang malawakang paglaganap ng Biblia noong mga unang bahagi ng ika-19 siglo, at ang malaking liwanag na nabuhos sa sanlibutan, ay hindi nasundan ng katumbas na paglago ng karunungan sa inihayag na katotohanan, o sa relihiyong batay sa karanasan. Hindi na kayang alisin ni Satanas ang Salita ng Diyos sa mga tao gaya ng mga dating kapanahunan; ito’y nailagay na sa maaabot ng lahat; ngunit upang maisagawa pa rin ang kanyang hangarin, hinimok niya ang marami na huwag itong gaanong pahalagahan. Ipinagwalang-bahala ng mga tao ang pagsasaliksik ng Kasulatan, at sa gayo’y patuloy silang tumanggap ng mga maling paliwanag, at nag-ingat ng mga doktrinang walang batayan sa Biblia. ADP 174.1

Nang makitang bigo ang kanyang mga pagsisikap na lipulin ang katotohanan sa pamamagitan ng pag-uusig, ginamit uli ni Satanas ang piano ng pakikipagkompromiso na naging dahilan malaking pagtalikod at sa pagkatatag ng Simbahan ng Roma. Hinimok niya ang mga Kristiyano na makianib, hindi na ngayon sa mga pagano, kundi doon sa mga tao, na dahil sa pagmamahal nila sa mga bagay ng sanlibutang ito, ay pinatunayang sila’y talaga rin ngang tagasamba ng mga diyus-diyosan gaya rin nung mga sumasamba sa mga inukit na imahen. At ang resulta ng pagsasanib na ito ay mapaminsala rin ngayon gaya nung sa nagdaang mga panahon; ang pagmamataas at karangyaan ay pinatatatag sa ilalim ng pagkukunwari ng relihiyon, at ang mga iglesya ay naging masama. Patuloy na binabaluktot ni Satanas ang mga doktrina ng Biblia, at ang mga tradisyon na magpapahamak sa milyun-milyong tao ay malalim nang nag-uugat. Pinaninindigan at ipinagtatanggol ng simbahan ang mga tradisyong ito, sa halip na ipaglaban “ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.” Ganyan pinasama ang mga prinsipyong labis na pinagpaguran at pinaghirapan ng mga Repormador. ADP 174.2