Ang Dakilang Pag-Asa

17/44

15—Ang Biblia at ang French Revolution

Noong ika-16 na siglo habang inihaharap ang bukas na Biblia sa mga tao, ang Repormasyon ay nagsikap na makapasok sa lahat ng bansa sa Europa. May kagalakan itong tinanggap ng ibang mga bansa bilang sugo ng Langit. Sa ibang mga lupain ang kapapahan ay malawakang nagtagumpay na hadlangan ang pagpasok nito; at ang liwanag ng kaalaman sa Biblia, pati na ang mga nakakapagpabuting impluwensya nito, ay halos lubusang hindi nakapasok. Sa isang bansa, bagaman ang liwanag ay nakapasok, ito’y hindi naunawaan dahil sa kadiliman. Sa loob ng daan-daang taon, ang katotohanan at ang kamalian ay nagpunyagi para sa pamumuno. At sa wakas ang kasamaan ay nagtagumpay, at ang katotohanan ng Langit ay naitaboy. “Ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama” (Juan 3:19). Ang bansa ay binayaang anihin ang mga resulta ng hakbanging pinili nito. Ang pagpigil ng Espiritu ng Diyos ay inalis sa mga taong humamak sa kaloob ng Kanyang biyaya. Ang kasamaan ay hinayaang mahinog. At nakita ng buong sanlibutan ang bunga ng matigas na pagtanggi sa liwanag. ADP 155.2

Ang pakikidigma laban sa Biblia, na maraming dantaong isinulong sa France ay humantong sa mga tagpo ng Rebolusyon. Ang kakila-kilabot na pag-aalsa ay matuwid na bunga lamang ng panunupil ng Roma sa Banal na Kasulatan (Tingnan ang Apen-diks). Inihaharap nito ang pinakakapansinpansing paglalarawan na kailanma’y nasaksihan ng sanlibutan tungkol sa ibinunga ng mga patakaran ng kapapahan—isang larawan ng mga naging resulta na sa loob ng mahigit nang 1000 taon ay siya nang tinutungo ng aral ng Simbahang Romano. ADP 155.3

Ang pagsupil sa Kasulatan noong panahon ng paghahari ng kapapahan ay inihula na ng mga propeta; at itinuturo rin ni Juan Rebelador ang matitinding resulta na kasasapitan lalo na ng France dahil sa pangingibabaw ng “taong makasalanan.” ADP 155.4

Ang sabi ng anghel ng Panginoon: “Kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan. Papahintulutan Ko ang Aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.... At kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin. At ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.... At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila’y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa. Ngunit pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila’y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila” (Apocalipsis 11:2-11). ADP 156.1

Ang dalawang panahong binabanggit dito—ang “apatnapu’t dalawang buwan” at ang “1,260 araw” ay iisa lang, parehong kumakatawan sa panahon na ang iglesya ni Cristo ay daranas ng pagpapahirap ng Roma. Ang 1,260 taon ng pangingibabaw ng kapa-pahan ay nagsimula noong 538 A.D., at sa gayo’y magwawakas sa taong 1798 (Tingnan ang Apendiks para sa pahina 34). Nang taong iyon, isang hukbo ng France ang lumusob sa Roma at ginawang bihag ang papa, at siya’y namatay sa pagkakatapon sa ibang lupain. Bagaman di-nagtagal pagkatapos nito ay isang bagong papa ang hinirang, hindi na nahawakan pa ng pamunuan ng kapapahan ang kapangyarihang taglay nito dati. ADP 156.2

Ang pag-usig sa iglesya ay hindi nagpatuloy sa buong panahon ng 1,260 taon. Ang Diyos sa habag Niya sa Kanyang bayan ay pinaiksi ang panahon ng matindi nilang pagsubok. Nang hulaan ang “matinding paghihirap” na sasapitin ng iglesya, ay sinabi ng Tagapagligtas, “Kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon” (Mateo 24:22). Sa pamamagitan ng impluwensya ng Repormasyon, ang pag-uusig ay natapos na bago pa dumating ang 1798. ADP 156.3

Tungkol sa dalawang saksi ay sinabi ng propeta: “Ang mga ito’y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa” (Apocalipsis 11:4). Ang sabi ng mang-aawit, “Ilawan sa aking mga paa ang Salita Mo, at liwanag sa landas ko” (Awit 119:105). Ang dalawang saksi ay kumakatawan sa Banal na Kasulatan, sa Luma at sa Bagong Tipan. Pareho itong mahalagang patotoo ukol sa pinanggalingan at pamamalagi ng kautusan ng Diyos. Pareho rin silang mga saksi sa panukala ng kaligtasan. Ang mga simbolo, mga sakripisyo, at mga propesiya sa Lumang Tipan ay nakaturo sa darating na Tagapagligtas. Ang Ebanghelyo at ang mga Sulat sa Bagong Tipan ay nagsasabi ng tungkol sa Tagapagligtas na dumating sa eksaktong kaparaanang inihula ng mga simbolo at propesiya. ADP 156.4

“Papahintulutan Ko ang Aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.” Sa loob ng malaking bahagi ng panahong ito, ang dalawang saksi ng Diyos ay nanatili sa kalagayang hindi masyadong kilala. Sinikap ng kapangyarihan ng kapapahan na ikubli sa mga tao ang Salita ng katotohanan, at naglagay sa harapan nila ng mga bulaang saksi upang salungatin ang patotoo nito (Tingnan ang Apendiks). Nang ang Biblia ay ipagbawal ng pangasiwaan ng relihiyon at ng pamahalaan; nang ang patotoo nito ay baluktutin, at gawin ang lahat ng pagsisikap na maiisip ng tao at ng demonyo upang ilayo ang isipan ng mga tao dito; nang yung mga nangahas na ipahayag ang mga banal na katotohanan nito ay tugisin, ipagkanulo, pahirapan, ilibing sa mga selda ng bartolina, at pagpapatayin dahil sa kanilang pananampalataya, o kaya’y napilitang tumakas sa mga kuta sa kabundukan, at sa mga yungib at kuweba sa lupa—sa gayon ang dalawang tapat na saksi ay nanghula na nakasuot ng damitsako. Ngunit ipinagpatuloy nila ang kanilang patotoo sa loob ng 1,260 taon. Sa pinakamadidilim na panahon ay may mga taong tapat na nagmamahal sa Salita ng Diyos at naninibugho para sa karangalan Niya. Sa mga tapat na lingkod na ito ay ibinigay ang karunungan, kapangyarihan, at kapamahalaang ipahayag ang Kanyang katotohanan sa buong kapanahunang ito. ADP 156.5

“At kung naisin ng sinuman na sila’y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila’y pinsalain, siya’y kailangang patayin sa ganitong paraan” (Apocalipsis 11:5). Hindi mayuyurakan ng mga tao ang Salita ng Diyos nang ligtas sa kaparusahan. Ang kahulugan ng nakakatakot na babalang ito ay ipinagbigayalam sa huling kapitulo ng Apocalipsis: “Aking binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito, at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito” (Apocalipsis 22:18, 19). ADP 157.1

Ganito ang mga babalang ibinigay ng Diyos upang bantayan ang mga tao laban sa pagbago sa mga bagay na inihayag at ipinag-utos Niya sa anumang kaparaanan. Ang mga taimtim na babalang ito ay angkop sa lahat ng tao na dahil sa kanilang impluwensya ay inaakay ang tao na maliitin ang kautusan ng Diyos. Ito’y dapat ikatakot at ikanginig nung mga walang-galang na nagsasabing hindi naman daw mahalaga kung sundin natin o hindi ang kautusan ng Diyos. Lahat ng nagtataas ng sarili nilang opinyon sa ibabaw kapahayagan ng Diyos, lahat ng magbabago sa malinaw na kahulugan ng Kasulatan upang umangkop sa sarili nilang kaginhawahan, o kaya’y alang-alang sa pakikiayon sa sanlibutan, ay nag-aangkin ng isang nakakatakot na responsibilidad. Susukatin ng nasusulat na Salita, ng kautusan ng Diyos, ang karakter ng bawat tao, at hahatulan ang sinumang ihahayag na nagkukulang ng di-nagkakamaling subukang ito. ADP 157.2

“At kapag natapos na [nang tinatapos na] nila ang kanilang patotoo.” Ang panahon na ang dalawang saksing ito ay magpapahayag ng propesiya na nakasuot ng damitsako ay nagwakas noong 1798. Nang sila’y papalapit na sa pagwawakas ng kanilang gawain sa karimlan, sila’y didigmain ng kapangyarihang kinakatawanan ng “hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman.” Sa maraming bansa sa Europa, ang mga kapangyarihang namumuno sa mga iglesya at pamahalaan ay kontrolado ni Satanas sa pamamagitan ng kapapahan sa loob ng daan-daang taon. Ngunit dito’y makikita ang panibagong kapahayagan ng kapangyarihan ni Satanas. ADP 157.3

Naging patakaran na ng Roma, sa ilalim ng pagpapanggap ng paggalang sa Biblia, na ito’y ikandado sa hindi nauunawaang salita, at itago sa mga tao. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang mga saksi ay nagpahayag ng propesiya “na nakasuot ng damit-sako.” Ngunit isa pang kapangyarihan—ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman—ay babangon upang magsagawa ng hayagan at tahasang pakikipaglaban sa Salita ng Diyos. ADP 157.4

“Ang malaking lunsod” na sa mga lansangan nito’y pinatay ang dalawang saksi, at kung saan nakahandusay ang kanilang bangkay ay Ehipto “sa espirituwal na pananalita.” Sa lahat ng bansang ipinakilala sa kasaysayan ng Biblia, ang Ehipto ang pinakamapangahas na tumanggi sa pagkakaroon ng buhay na Diyos, at kumalaban sa Kanyang mga utos. Wala nang hari ang kailanma’y nangahas na mas lantaran at mas palalong maghimagsik laban sa kapamahalaan ng Langit kaysa sa hari ng Ehipto. Nang ihatid ni Moises sa kanya ang mensahe sa pangalan ng Panginoon, ang Faraon ay may kapalaluang sumagot, “Sino ang Panginoon na aking papakinggan ang Kanyang tinig, upang pahintulutan kong umalis ang Israel? Hindi ko kilala ang Pangi-noon at saka hindi ko papahintulutang umalis ang Israel” (Exodo 5:2). Ito ay ateismo; at ang bansang kinakatawanan ng Ehipto ay magsasabi rin ng ganong pagtanggi sa mga pag-aangkin ng buhay na Diyos, at magpapakita ng ganon ding espiritu ng kawalang-paniniwala at paghahamon. Ang “malaking lunsod” ay inihahambing din sa Sodoma sa “espirituwal.” Ang kasamaan ng Sodoma dahil sa pagsalangsang sa kautusan ng Diyos ay lalo nang makikita sa kahalayan nila. At ang kasalanang ito ay magiging litaw na katangian ng bansang tutupad sa mga detalye ng talatang ito. ADP 157.5

Sang-ayon sa sinabi ng propeta, kaunting panahon bago ang taong 1798 ay merong kapangyarihang galing sa demonyo at may-likas ng demonyo na babangon upang makipagdigma sa Biblia. At sa bansang kung saan patatahimikin ang patotoo ng dalawang saksi ng Diyos ay mahahayag ang ateismo ni Faraon at ang kahalayan ng Sodoma. ADP 157.6

Ang propesiyang ito ay nagkaroon ng pinakatumpak at kapansin-pansing katuparan sa kasaysayan ng France. Sa panahon ng Rebolusyon, noong 1793, “ang sanlibutan sa kauna-unahang pagkakataon ay nakarinig ng pagtitipon ng mga taong ipinanganak at nakapag-aral sa sibilisadong pa-nahon, at may hawak sa karapatang pamunuan ang isa sa pinakamainam na bansa sa Europa, na itinataas ang nagkakaisa nilang tinig upang itakwil ang pinakadakilang katotohanang tinatanggap ng kaluluwa ng tao, at buong pagkakaisang tinalikuran ang pagsampalataya at pagsamba sa Diyos.”— Sir Walter Scott, Life of Napoleon, vol. 1, ch. 17. “France lamang ang nag-iisang bansa sa sanlibutan na tungkol dito’y may nananatili pang mapagtitiwalaang ulat, na bilang isang bansa ay itinaas niya ang kanyang kamay sa lantarang paghihimagsik laban sa Lumikha ng sansinukob. Nagkaroon ng maraming lapastangan, maraming walang-relihiyon, at patuloy pa ring marami sa England, Germany, Spain, at kahit saan; ngunit ang France ay namumukod sa kasaysayan ng daigdig bilang nag-iisang bansa na sa pamamagitan ng kautusan ng Pambatasang Kapulungan nito ay nagpahayag na walang Diyos, at ang buong populasyon ng kabisera, at ang napakalaking karamihan sa iba pang lugar, lalaki man o babae, ay nagsayawan at nag-awitang may katuwaan bilang pagtanggap sa pahayag na ito.”— Blackwood’s Magazine, November, 1870. ADP 158.1

Ipinakita rin ng France ang katangian na bukud-tanging ikinatanyag ng Sodoma. Sa panahon ng Rebolusyon ay may nahayag na kalagayan ng pagbagsak at pagsama ng moralidad na katulad nung nagdala ng pagkawasak sa Sodoma at sa mga karatig na lunsod nito. At magkasamang ipinahahayag ng isang manunulat ng kasaysayan ang kawalang-Diyos at ang kahalayan ng France, gaya ng ipinahayag sa propesiya: “Malapit na kaugnay ng mga batas na ito na nakasasama sa relihiyon ay ang pagpapababa sa pagbubuklod ng kasal—ang pinakabanal na tipanan na maaaring buuin ng mga tao, na ang pagiging permanente ay pinakamatibay na naghahatid sa pagiging matatag ng lipunan—na ibinaba sa kalagayan ng isang kasunduang sibil na panandalian lamang, na maaaring pasukin ng dalawang tao at makipagkalas kung ikaliligaya nila.... Kung inilaan ng mga demonyo ang sarili nila sa paggawa upang makatuklas ng isang paraan na pinakalubusang makasisira sa anumang dapat igalang, kalugudlugod, o permanente sa buhay-pamilya, at ganon din ay magkamit ng katiyakan na ang kalokohan na layuning malikha nito ay mapapamalagi sa paglipas ng mga henerasyon, wala na silang maiimbento pang mas matagumpay na panukala kaysa sa pagpapasama sa kasal.... Si Sophie Arnoult, isang aktres na kilala dahil sa mga nakakatawa niyang sinasabi ay inilarawan ang kasal ng republika bilang “sakramento ng pangangalunya”—Scott, vol. 1, ch. 17. ADP 158.2

“Kung saan ipinako sa krus ang ating Panginoon.” Ang detalyeng ito ng propesiya ay natupad din sa France. Wala nang iba pang lupain na mas kapansin-pansing nakita ang pagkapoot kay Cristo. Wala nang iba pang bansa na ang katotohanan ay nakasagupa ng mas matindi at mas malupit na pagsalungat. Sa pag-uusig na iginawad ng France sa mga nagpapahayag ng pananampalataya sa ebanghelyo, si Cristo ay ipinako nito sa katauhan ng Kanyang mga alagad. ADP 158.3

Sa bawat dantaon ang dugo ng mga banal ay nabubuhos. Samantalang ibinubuwis ng mga Waldenses ang kanilang buhay sa mga kabundukan ng Piedmont “dahil sa Salita ng Diyos, at dahil sa patotoo ni Jesu-Cristo,” ang ganon ding pagsaksi sa katotohanan ay tinaglay ng kanilang mga kapatid, ang mga Albigenses ng France. Noong panahon ng Repormasyon, ang mga tagasunod nito ay pinagpapatay sa pamamagitan ng matitinding pagpapahirap. Ang hari at ang mga mahal na tao, ang mga babaing dugongbughaw at mahihinhing dalaga, at ang mga taong ikinararangal at magigiting sa bansa, ay binusog ang kanilang mga mata sa matitinding paghihirap ng mga martir ni Jesus. Ang magigiting na Huguenot, na nakikipaglaban para sa mga karapatang iyon na pinanghahawakang sagrado ng puso ng tao higit sa lahat, ay nagbuhos ng kanilang dugo sa maraming larangang pinaglabanan nang maigi. Ang mga Protestante ay itinuring na mga tulisan, pinatungan ng halaga ang kanilang ulo, at sila’y tinugis na parang mababangis na hayop. ADP 158.4

Ang “Iglesya sa Ilang,” ang ilang mga nagmula sa mga unang Kristiyano na nananatili pa rin sa France noong ika-18 siglo, na nagtatago sa mga kabundukan sa timog, ay pinakamamahal pa rin ang pananampala-taya ng kanilang mga ninuno. Kapag sila’y naglalakas-loob na magpulong kung gabi sa gilid ng bundok o sa mga walang-taong putikan, sila’y hinahabol ng mga nakakabayong kawal, at kinakaladkad sa mga barko noon na de-layag para gawing alipin habambuhay. Ang mga pinakamalinis, ang mga pinakapino, at ang mga pinakamatatalino sa mga taga-France ay iginagapos nang may matinding pagpapahirap, sa gitna ng mga magnanakaw at mga mamamatay-tao. (Tingnan ang aklat ni Wylie, b. 22, ch. 6). Ang iba na mas may-awang pinakikitunguhan ay basta na lang binabaril, na dahil walang-armas at walang-magagawa ay lumuluhod na lang para manalangin. Daandaang matatanda, mga babaing walang kalaban-laban, at mga batang walang kamuwang-muwang ang iniiwang patay sa lugar na kanilang pinagpupulungan. Kung babagtasin ang gilid ng bundok o ng kagubatang nakaugalian na nilang pagpulungan ay karaniwan na ang makakita “ng mga patay na nangangalat sa damuhan bawat apat na hakbang, at mga bangkay na nakabitin sa mga puno.” Ang kanilang pook na winasak ng tabak, ng palakol, at ng mga gatong na kahoy, “ay naging isang malawak at mapanglaw na kasukalan.” “Ang mga kabuktutang ito ay ginawa. . .hindi sa panahon ng kadiliman, kundi sa maningning na kapanahunan ni Louis XIV. Ang siyensya ay nililinang na noon, ang pagsusulat ay lumalago, ang mga dakila sa hukuman at sa kabisera ay mga taong may pinag-aralan at magagaling magsalita, at labis na ipinagkunwari ang mga biyaya ng kaamuan at pagkakawanggawa.”—Ibid., b. 22, ch. 7. ADP 159.1

Ngunit pinakamaitim sa maitim na listahan ng krimen, pinakanakakakilabot sa mga makademonyong gawain sa lahat ng kakilakilabot na siglo ay ang St. Bartholomew Massacre. May panginginig pa ring naaalala ng mundo ang mga tagpo ng duwag at napakalupit na paglusob na iyon. Dahil sa pamimilit ng mga pari at ng matataas na kawani ng simbahang Romano, idinulot ng hari ng France ang kanyang pahintulot sa nakapanghihilakbot na gawaing ito. Ang madalang na pagtunog ng kampana sa katahimikan ng gabi ay siyang magiging hudyat para sa malupit na patayang iyon. Libu-libong Protestante na payapang natutulog sa kanilang mga tahanan, na nagtitiwala sa nakapangakong karangalan ng kanilang hari ang kinaladkad nang walang sabi-sabi at basta na lang pinagpapatay. ADP 159.2

Kung paanong si Cristo ang Siyang dinakikitang lider ng Kanyang bayan palabas sa pagkaalipin sa Ehipto, sa ganon ding paraan ay si Satanas ang di-nakikitang lider ng kanyang mga tauhan sa kakila-kilabot na gawaing ito ng pagpaparami ng mga martir. Ang masaker na ito ay nagpatuloy sa Paris sa loob ng pitong araw, na ang unang tatlong araw ay may hindi mapaniwalaang kabangisan. At ito’y hindi lamang sa lunsod mismo, kundi ayon na rin sa tanging paguutos ng hari, ito’y ipinagpatuloy pa sa lahat ng probinsya at bayan na merong Protestante. Hindi na iginalang ang edad o kasarian. Pati na ang mga walang muwang na sanggol at mga taong puti na ang buhok ay hindi pinaligtas. Ang maharlika at magbubukid, matanda’t bata, ina at anak, ay samasamang pinagpapatay. Sa buong France ang walang-awang pagpatay na ito ay nagpatuloy sa loob ng dalawang buwan. Pitumpung libo sa mismong pinakamagagaling na halimbawa ng bansa ang nasawi. ADP 159.3

“Nang ang balita tungkol sa masaker ay makarating sa Roma, walang katapusan ang malaking katuwaan ng mga opisyal ng simbahan. Ginantimpalaan ng kardinal ng Lorraine ng 1000 korona ang naghatid ng balita; ang kanyon sa St. Angelo ay dumagundong para sa masayang pagpupugay; ang mga kampana sa bawat simbahan ay pinatunog; ang gabi ay ginawang parang araw ng malalaking siga; si Gregory XIII, na sinamahan ng mga kardinal at ng mga may matataas na katungkulan sa simbahan ay nagdaos ng mahabang prusisyon papunta sa simbahan ng St. Louis kung saan paawit na binigkas ng kardinal ng Lorraine ang Te Deum.... Isang medalya ang ginawa upang parangalan ang masaker, at sa Vatican ay makikita pa rin ang tatlong larawang iginuhit ni Vasari, yung naglalarawan sa pagpatay sa admiral, yung sa hari na nakaupo sa konsilyo at pinaplano ang masaker, at yung masaker mismo. Ang Golden Rose ay ipinadala ni Gregory kay Charles; at apat na buwan pagkatapos ng masaker...siya’y malugod na nakinig sa sermon ng isang paring French,... na nagsalita tungkol sa ‘araw na iyon na punung-puno ng kasiyahan at kagalakan, nang matanggap ng papa ang balita, at humayo nang may taimtim na kalagayan upang magpasalamat sa Diyos at kay St. Louis.’ “—Henry White, The Massacre of St. Bartholomew, ch. 14, par. 34. ADP 159.4

Ang pangunahing espiritung iyon na nagsulsol sa St. Bartholomew Massacre ay siya ring nanguna sa mga eksena sa Rebolusyon. Si Jesu-Cristo ay idineklarang impostor, at ang sama-samang sigaw ng mga walang-Diyos na mamamayan ng France ay “Puksain ang Buktot,” na ang ibig sabihin ay si Cristo. Ang kalapastanganang mapaghamon sa Langit at ang kasuklam-suklam na kasamaan ay magkatulong, at ang mga pinakamasasamang tao, ang mga pinakasugapang halimaw sa kalupitan at kasamaan ay labis na pinararangalan. Sa lahat ng ito, ang pinakamataas na pagsamba ay naiukol kay Satanas; samantalang si Cristo, na taglay ang Kanyang mga katangian ng katotohanan, kalinisan, at di-makasariling pag-ibig, ay ipinako sa krus. ADP 160.1

“Ang hayop na umahon mula sa dimatarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.” Ang ateistang kapangyarihang na namuno sa France noong panahon ng Rebolusyon at ng Paghahari ng Lagim, ay talagang nagtaguyod ng ganong pakikidigma sa Diyos at sa Kanyang Banal na Salita, na kailanma’y hindi pa nasasaksihan ng sanlibutan. Ang pagsamba sa Diyos ay binuwag ng Pambansang Kapulungan. Ang mga Biblia ay pinagkukuha at sinunog sa publiko nang may lahat ng posibleng paghahayag ng paghamak. Ang kautusan ng Diyos ay niyurakan. Ang mga institusyon ng Biblia ay binuwag. Ang lingguhang araw ng pamamahinga ay inalis, at kapalit nito’y itinakda ang bawat ikasampung araw para sa pagsasaya at kalapastanganan. Ang bautismo at komunyon ay ipinagbawal. At lantarang ipinaskil ang mga patalastas sa mga libingan na nagsasabing walanghanggang pagtulog daw ang kamatayan. ADP 160.2

Ang pagkatakot daw sa Diyos ay malayung-malayo na maging pasimula ng karunungan anupa’t ito raw ay pasimula ng kalokohan. Lahat ng pagsambang panrelihiyon ay ipinagbawal, maliban sa pagsamba sa kalayaan at sa bansa. Ang “obispo ng Paris ayon sa batas, ay iniharap upang gumanap ng pangunahing bahagi sa pinakawalangpakundangan at kahiya-hiyang palabas na naitanghal sa harapan ng buong kinatawan ng bansa.... Siya’y iniharap nang may buong prusisyon upang ideklara sa Kapulungan na ang relihiyong itinuro niya sa loob ng maraming taon ay isang kapiraso lamang ng pakana ng mga pari sa lahat ng bahagi nito, na walang batayan maging sa kasaysayan man o sa banal na katotohanan. Sa taimtim at malinaw na pananalita ay itinanggi niya ang pagkakaroon ng Diyos, na kaya nga siya inordenahan ay dahil sa pagsamba sa Kanya, at sa itinalaga ang sarili niya sa pagsamba sa kalayaan, pagkapantay-pantay, kahusayan, at sa moralidad, sa darating na panahon. Pagkatapos ay inilapag niya sa mesa ang mga gayak niyang pang-obispo, at tinanggap ang yakap pangkapatid ng presidente ng Kapulungan. May ilang paring tumalikod na gumaya sa halimbawa ng obispong ito.”—Scott, vol. 1, ch. 17. ADP 160.3

“At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila’y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga nanini-rahan sa ibabaw ng lupa.” Pinatahimik ng walang-Diyos na France ang sumusumbat na tinig ng dalawang saksi ng Diyos. Ang Salita ng katotohanan ay nahandusay sa mga lansangan nito, at yung mga nagagalit sa mga pagbabawal at ipinagagawa ng kau-tusan ng Diyos ay tuwang-tuwa. Lantarang sinuway ng mga tao ang Hari ng kalangitan. Gaya ng mga makasalanan noong unang kapanahunan, ay isinisigaw nila, “Paanong nalalaman ng Diyos? May kaalaman ba sa Kataas-taasan?” (Awit 73:11). ADP 160.4

Sa lapastangang kapangahasan na halos hindi mapaniwalaan, isa sa mga pari ng bagong kaayusang ito ay nagsabi: “Diyos, kung talagang nariyan Ka, ipaghiganti Mo ang nasira Mong pangalan. Hinahamon kita! Nananahimik Ka lang; Hindi Ka nagpapakulog. Pagkatapos nito’y sinong maniniwala na may Diyos nga.”—Lacretelle, History, vol. 11, p. 309; sa aklat ni Sir Archibald Alison, History of Europe, vol. 1, ch. 10. Talagang pag-uulit ito ng pagtatanong ni Faraon: “Sino si Jehova, na aking papakinggan ang Kanyang tinig? Hindi Ko kilala si Jehova!” ADP 160.5

“Sinasabi ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.’ ” (Awit 14:1). At sinasabi ng Diyos tungkol sa mga bumabaluktot sa katotohanan, “Mahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kahangalan” (2 Timoteo 3:9). Matapos na itakwil ng France ang pagsamba sa buhay na Diyos, sa “Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan,” hindi natagalan at siya’y nalugmok sa nagpapasamang pagsamba sa diyus-diyosan sa pamamagitan ng pagsamba sa Diyosa ng Katwiran, sa katauhan ng isang napakahalay na babae. At ito’y sa kapulungan ng mga kinatawan ng bansa, at ginawa ng pinakamatataas na pangasiwaang sibil at pambatasan! Ang sabi ng isang manunulat ng kasaysayan: “Ang isa sa mga seremonya ng baliw na kapanahunang ito ay hindi pa rin napapantayan dahil sa kahangalan na sinamahan pa ng kawalang-galang sa Diyos. Ang pintuan ng Kapulungan ay binuksan para sa banda ng musika na nakasunod sa isang tao, na dahil sa kanya’y taimtim na nagprusisyon ang mga kaanib ng pambansang sanggunian, na umaawit ng papuri sa kalayaan, at inaabayan bilang pag-uukulan ng kani-lang pagsamba sa hinaharap, siya’y isang babaing nakatalukbong na tinawag nilang Diyosa ng Katwiran. Pagkadala sa kanya sa loob ng hukuman, siya’y inalisan ng talukbong sa kahanga-hangang anyo, at pinaupo sa kanan ng presidente, at siya’y nakilala ng lahat bilang yung babaing sumasayaw sa teatro.... Bilang pinakaangkop na kinatawan ng pangangatwirang sinasamba nila, sa taong ito nag-ukol ng pagsamba ang Pambansang Kapulungan ng France. ADP 161.1

“Ang lapastangan at nakakatawang palabas na ito ay merong istilo; at ang paglalagay ng Diyosa ng Katwiran ay inulit at ginaya sa buong bansa, sa mga lugar na ang mga nakatira ay gustong mapantayan ang buong sukdulan ng Rebolusyon.”— Scott, vol. 1, ch. 17. ADP 161.2

Ang sabi ng mananalumpating nagpakilala sa pagsamba sa Katwiran: “Mga mambabatas! Ang panatismo ay nagbigay-daan sa pangangatwiran. Hindi matagalan ng mga nanlalabong mata nito ang kaningningan ng liwanag. Sa araw na ito, ang malaking karamihan ay nagkatipon sa ilalim ng nakaarkong bubungang iyon na yaring Gothic, na sa unang pagkakataon ay muling pinaalingawngaw ang katotohanan. Doon ipinagdiwang ng mga taga-France ang tunay na pagsamba—ang pagsamba sa Kalayaan, pagsamba sa Katwiran. Doon natin binuo ang mga pangarap para sa pagtatagumpay ng mga sangay ng Republika. Doon natin iniwan ang walang-buhay na imahen para sa Katwiran at ipinalit ang buhay na simbolo, ang obra-maestra ng kalikasan.”—M.A. Thiers, History of the French Revolution, vol. 2, pp. 370, 371. ADP 161.3

Nang ang diyosa ay dalhin sa Kapulungan, hinawakan siya ng mananalumpati sa kamay, at pagharap sa karamihan ay sinabi: “Mga tao, huwag na kayong manginig sa mga walang-kapangyarihang kulog ng Diyos, na likha ng inyong mga takot. Mula ngayo’y wala na kayong kikilalaning Diyos kundi ang Katwiran. Inihahandog ko sa inyo ang pinakamarangal at pinakadalisay na larawan nito; kung magkakaroon lang din kayo ng mga imahen, maghandog lang kayo sa mga katulad nito.... Magpatirapa kayo sa harapan ng kagalang-galang na Senado ng Kalayaan! Oh! Lambong ng Katwiran!... ADP 161.4

“Pagkatapos na yakapin ng presidente, ang diyosa ay isinakay sa isang magarang karwahe, at sa gitna ng napakaraming tao ay inihatid sa katedral ng Notre Dame, upang pumalit sa Diyos. At doon ay iniakyat siya sa isang mataas na altar, upang tanggapin ang pagsamba ng lahat ng naroon”—Alison, vol. 1, ch. 10. ADP 161.5

Hindi nagtagal ay sinundan ito ng pagsunog ng Biblia sa publiko. Sa isang pagkakataon “ang Popular Society of the Museum” ay pumasok sa bulwagan ng munisipyo na sumisigaw ng, “Vive la Raison!” at dala-dala sa dulo ng isang patpat ang mga tira ng sinunog na ilang aklat, na kasama dito’y mga aklat ng mga dasal ng pari sa buong araw, mga aklat na naglalaman ng lahat ng sinasabi at inaawit sa misa sa buong taon, at ang Luma at Bagong Tipan na ayon sa presidente ay “pinagbayaran sa matinding apoy ang lahat ng kalokohan na iniudyok nilang gawin ng sangkatauhan”— Journal of Paris, 1793, No. 318. Quoted in Buchez-Roux, Collection of Parliamentary History, vol. 30, pp. 200, 201. ADP 161.6

Kapapahan ang nagsimula sa gawaing tinatapos ng ateismo. Ang patakaran ng Roma ang gumawa sa mga sosyal, pulitikal, at panrelihiyong kalagayang iyon na nagpapamadali sa France sa pagkawasak nito. Tungkol sa mga lagim ng Rebolusyon, ang mga manunulat ay nagsasabi na ang mga kalabisang ito ay dapat iparatang sa trono at sa simbahan (Tingnan ang Apendiks). Sa pinakatamang katarungan ang mga ito’y dapat iparatang sa simbahan. Nilason ng kapapahan ang isipan ng mga hari laban sa Repormasyon, bilang kaaway daw ng kaharian, isang elemento ng alitan na makakapinsala sa kapayapaan at pagkakaisa ng bansa. Ang kadalubhasaan ng Roma ang siyang sa ganitong paraan ay nag-udyok sa lubhang kahila-hilakbot na kalupitan at pinakanakakayamot na pahirap na nagmula sa kaharian. ADP 162.1

Ang espiritu ng kalayaan ay kaayon ng Biblia. Saan man tanggapin ang ebanghelyo, ang isipan ng mga tao ay nagigising. Sinisimulan nilang kalagin ang mga gapos na nagpaging alipin sa kanila sa kawalangalam, bisyo, at pamahiin. Sila ay nagsisimulang mag-isip at kumilos bilang mga tao. Nakita ito ng mga hari, at nanginig dahil sa kanilang kalupitan. ADP 162.2

Ang Roma ay hindi babagal-bagal na pag-alabin ang mga mapanibughuin nilang pangamba. Ang sabi ng papa sa hari ng France noong 1525: Ang kahibangang ito [Protestantismo] ay hindi lamang lilituhin at sisirain ang relihiyon, kundi pati na ang lahat ng pamunuan, kamaharlikaan, kautusan, batas, katiwasayan, at tangi na rito ang mga katungkulan.”—G. de Felice, History of the Protestants of France, b. 1, ch. 2, par. 8. Makaraan ang ilang taon, isang kinatawan ng papa ang nagbabala sa hari: “Kamahalan, huwag kayong magpadaya. Guguluhin ng mga Protestante ang lahat ng kaayusang sibil pati na sa relihiyon.... Ang trono ay nasa malaking panganib gaya rin ng altar.... Ang pagpasok ng bagong relihiyon ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng bagong pamahalaan”—D’Aubigné, History of the Reformation in Europe in the Time of Calvin, b. 2, ch. 36. At ginising rin ng mga teologo ang mga maling iniisip ng mga tao sa pagsasabing ang doktrina raw ng Protestantismo “ay umaakit sa mga tao papunta sa naiibang mga bagay at sa kalokohan; inaagawan daw nito ang hari ng tapat na damdamin ng kanyang nasasakupan, at parehong sinisira ang simbahan at ang pamahalaan.” Sa ganitong paraan ay nagtagumpay ang Roma na ihanay ang France laban sa Repormasyon. “Ang tabak ng paguusig ay hinugot sa France sa unang pagkakataon, upang ipagtanggol ang trono, ingatan ang mga maharlika, at panatilihin ang mga kautusan”—Wylie, b. 13, ch. 4. ADP 162.3

Hindi nakini-kinita ng mga pinuno ang mga magiging resulta ng kritikal na patakarang iyon. Naitanim sana ng turo ng Biblia sa isip ng mga tao ang mga prinsipyong iyon ng katarungan, pagtitimpi, katotohanan, pagkapantay-pantay, at kagandahangloob na siyang pinakasaligan ng pag-unlad ng isang bansa. “Ang katuwiran ay nagtataas sa isang bansa.” Sa ganitong paraan “ang trono ay natatatag” (Kawikaan 14:34; 16:12). “Ang gawa ng katuwiran ay kapayapaan;” at ang dulot nito, “katahimikan at pagtitiwala kailanman” (Isaias 32:17). Ang taong sumusunod sa kautusan ng Diyos ay tunay talagang igagalang at susundin ang mga batas ng kanyang bansa. Ang taong natatakot sa Diyos ay pararangalan ang hari sa pagsasagawa niya ng lahat ng makatwiran at marapat na kapamahalaan. Ngunit ipinagbawal ng kapus-palad na France ang Biblia at pinigilan ang mga tagasunod nito. Sa paglipas ng mga dantaon, ang mga taong may prinsipyo at integridad, mga taong may talas ng talino at katatagang moral, na may lakas ng loob na tahasang ihayag ang kanilang matitibay na paniniwala, at may pananampalataya upang magtiis alang-alang sa katotohanan—sa maraming dantaon ang mga taong ito ay naghirap bilang mga alipin sa mga malalaking barko noon, namatay dahil sa pagsunog, o kaya’y nabulok sa mga selda sa ilalim ng lupa. Libu-libo ang nakasumpong ng kaligtasan sa pagtakas; at ang kalagayang ito’y nagpatuloy sa loob ng 250 taon pagkasimula ng Repormasyon. ADP 162.4

“Halos walang henerasyon ng mga taga-France noong mahabang panahong iyon na hindi nakasaksi sa pagtakas ng mga alagad ng ebanghelyo sa nababaliw na matinding galit ng mga umuusig, dala ang katalinuhan, kahusayan, kasipagan, at kaayusan kung saan sila’y karaniwan nang nangunguna nang higit sa lahat, upang pagyamanin ang mga lupaing kinasumpungan nila ng kanlungan. At habang pinagpapala nila ng magagandang kaloob na ito ang ibang mga bansa, ay katumbas namang nawawalan ng mga ito ang sarili nilang bansa. Kung ang lahat ng itinaboy na ito ay pinanatili sana sa France; kung sa loob ng 300 taong ito ay nalilinang sana ng kahusayang pang-industriya ng mga napatapong ito ang lupain ng bansang ito; kung sa panahon ng 300 taong ito ay napapabuti sana ng kanilang makasining na hilig ang mga produkto nito; kung sa loob ng 300 taong ito ay napapagyaman sana ng kanilang malikhaing talino at kakayahang mag-analisa ang literatura nito at napapaunlad ang siyensya nito; kung sana’y nagagabayan ng kanilang talino ang mga konsilyo nito, nakikilaban ang kanilang katapangan sa mga digmaan nito, binubuo ng kanilang pagkamakatao ang mga batas nito, at pinatitibay ng relihiyon ng Biblia ang isip at pinamamahalaan ang budhi ng mga mamamayan nito, labis na kaluwalhatian sana ang ngayo’y nakapalibot sa France! Napakadakila, napakasagana, at napakasayang bansa sana nito—isang huwaran ng mga bansa! ADP 162.5

“Ngunit tinugis ng bulag at matigas na pagkapanatiko palayo sa lupain nito ang bawat tagapagturo ng kabutihan, bawat tagapagtaguyod ng katiwasayan, at bawat tapat na tagapagtanggol ng kaharian; sinabi nito sa mga taong naging dahilan sana ng pagiging ‘tanyag at maluwalhati’ ng kanilang bansa sa lupa, Piliin ninyo kung anong tatamuhin ninyo, ang sunugin o mapatapon. Sa wakas ang pagkasira ng bansa ay nalubos; wala nang natira pang budhi na pagbabawalan; wala nang relihiyong kakaladkarin sa pagsusunugan; wala nang pagkamakabayang tutugisin hanggang lumayas.”—Wylie, b. 13, ch. 20. Kaya’t ang Rebolusyon, pati na ang lahat ng kilabot nito, ang naging kahila-hilakbot na kinalabasan. ADP 163.1

“Dahil sa pag-alis ng mga Huguenot, isang malawakang paglubha ang lumukob sa France. Ang mga umuunlad na lunsod na gumagawa ng mga produkto ay humina; ang mabubungang pook ay bumalik sa nakagisnang kasukalan; kapurulan ng isip at pagsama ng moral ang sumunod sa panahon ng pambihirang kaunlaran. Ang Paris ay naging isang malawak na tirahan ng mga pulubi, at tinatayang sa pagsisimula ng Rebolusyon ay may 200,000 pulubi na humihingi ng tulong sa hari. Ang mga Jesuits lang ang umuunlad sa nanghihinang bansang ito, at sila’y namuno nang may kakila-kilabot na kalupitan sa mga simbahan at paaralan, sa mga bilangguan at sa mga barko.” ADP 163.2

Inihatid sana ng ebanghelyo sa France ang solusyon sa problemang iyon sa pulitika at sa lipunan na tumaranta sa kakayahan ng mga alagad ng simbahan nito, ng hari nito, at ng mga mambabatas nito, at sa wakas ay naglubog sa bansa sa pambansang kaguluhan at pagkawasak. Ngunit sa ilalim ng paghahari ng Roma ay nawala sa mga tao ang pinagpalang aral ng Tagapagligtas tungkol sa pagsasakripisyo sa sarili at di-makasariling pagmamahal. Sila’y nailayo sa pagsasakabuhayan ng pagtanggi sa sarili para sa ikabubuti ng iba. Walang sumasaway sa mga mayayaman sa pangaapi nila sa mahihirap, walang tumutulong sa mga mahihirap sa kanilang mabigat na trabaho at hamak na kalagayan. Ang kasakiman ng mga mayayaman at maimpluwensyang tao ay lalong nagiging lantad at mas mapang-api. Sa loob ng maraming dantaon ang pagkamakasarili at kabisyuhan ng mga maharlika ay nagresulta sa masaklap na pamemera sa mga magbubukid. Hindi mabuti ang pagtrato ng mga mayayaman sa mga mahihirap, at kinamumuhian ng mahihirap ang mayayaman. ADP 163.3

Sa maraming probinsya ang mga lupain ay hawak ng mga maharlika, at ang mga manggagawa ay nangungupahan lamang; at sila’y nasa kapangyarihan ng mga mayari ng lupa, at napipilitang magpasailalim sa labis-labis na mga hinihingi nila. Ang pasanin ng pagsustento kapwa sa simbahan at sa pamahalaan ay napaatang sa mga karaniwan at mahihirap na tao, na labis-labis na binubuwisan ng pangasiwaang sibil at ng mga kawani ng simbahan. “Ang kagustuhan ng mga maharlika ay itinuturing na pinakamataas na batas; ang mga magbubukid at mahihirap ay maaaring magutom, sapagkat walang anumang pakialam ang mga nagpapahirap sa kanila.... Ang mga tao ay palaging pinipilit na sangguniin ang pansariling kapakanan ng mga may-ari ng lupa. Ang buhay ng mga magsasaka ay buhay ng walang-tigil na pagtatrabaho at walangpagbabagong kahirapan; ang kanilang mga reklamo, kung maglakas-loob man silang magreklamo, ay pinakikitunguhan nang may bastos na paghamak. Ang mga hukuman ng paglilitis ay laging makikinig sa mga maharlika kaysa sa isang mahirap; ang mga suhol ay lantarang tinatanggap ng mga hukom; at ang pinakamaliit na kapritso ng mga maharlikang tao ay nagtataglay ng puwersa ng batas sa bisa ng sistemang ito ng pangkalahatang katiwalian. Sa mga buwis na napipiga sa mga karaniwang mamamayan, ng mayayamang tao sa isang banda, at ng mga kawani ng simbahan sa kabila, hindi pa nangalahati ang napupunta sa kabang-yaman ng kaharian o ng simbahan; ang iba ay nilustay sa napakasamang pagpapalayaw sa sarili. At ang mga taong ito mismo na pinaghirap ang mga kapwa nila mamamayan ay libre pa sa pagbabayad ng buwis, at binigyang-karapatan ng batas o ng kalakaran na mapalagay sa lahat ng katungkulan sa pamahalaan. Ang mga taong nagtatamasa ng pribilehiyo ay 150,000 lamang, at dahil sa kanilang pagpapakasaya, milyun-milyon ang mga nalagay sa walang pag-asa at lumalalang pamumuhay” (Tingnan ang Apendiks). ADP 163.4

Ang hukuman ay sugapa sa luho at bisyo. Kakaunti ang tiwala sa pagitan ng mga tao at ng mga namumuno. Ang paghihinala ay nakapako sa lahat ng hakbangin ng pamahalaan, na para bang pakana at makasarili. Sa loob ng mahigit 50 taon bago sumapit ang Rebolusyon, ang nakaupo sa trono ay si Louis XV, na kahit noong masamang kapanahunang iyon ay kilala na sa pagiging tamad, hangal, at mahalay na hari. Sa ganitong ubod ng sama’t malulupit na maharlika, at namumulubi’t walang-alam na mahihirap na tao, ang bansa ay nahadlangan ukol sa pananalapi, at ang mga tao ay nagalit, hindi na kailangan pa ang paningin ng propeta para makini-kinita ang kakilakilabot na nalalapit na pag-aalsa. Sa mga babala ng mga tagapayo niya ay nakagawian nang itugon ng hari, “Sikapin ninyong magpatuloy ang takbo ng mga pangyayari hangga’t mukhang mabubuhay pa ako; pagkamatay ko ay maaari nang mangyari ang ayon sa kagustuhan nito.” Walang kabuluhan ang paggigiit nila sa pangangailangan ng pagbabago. Nakita niya ang mga kasamaan, ngunit wala siyang lakas ng loob o kakayahan na harapin ang mga ito. Ang kapahamakang naghihintay sa France ay tunay talagang nailarawan sa kanyang batugan at makasariling sagot— “Pagkatapos ko ay ang gunaw!” ADP 164.1

Sa pamamagitan ng paggamit sa inggit ng mga hari at ng mga namumuno ay naimpluwensyahan sila ng Roma na panatilihin ang mga tao sa pagkaalipin, dahil alam na alam na sa gayo’y manghihina ang bansa, at layuning sa ganitong paraan ay maipako kapwa ang mga pinuno at ang mga tao sa pang-aalipin niya. Sa pamamagitan ng patakaran na malayo ang pananaw ay nakita niya na para lubusang maalipin ang mga tao, kailangang sa kanilang kaluluwa maigapos ang mga kadena; na ang pinakasiguradong paraan upang mapigilan sila sa pagtakas ay ang gawin silang walang-kakayahang makalaya. Libu-libong beses pang mas matindi kaysa sa pisikal na pagdurusang ibinunga ng mga patakaran nito, ay ang pagsama ng kalagayang moral. Dahil pinagkaitan ng Biblia, at binayaan sa mga turo ng pagkapanatiko at kasakiman, ang mga tao ay nabalot ng kawalang-alam at pamahiin, at nalubog sa bisyo, anupa’t sila’y lubusang di-angkop na pamahalaan ang sarili. ADP 164.2

Ngunit ang kinalabasan ng lahat ng ito ay malayung-malayo sa hinahangad ng Roma. Sa halip na mapigilan ang mga tao sa bulag na pagsunod sa mga doktrina niya, ang ginawa niya ay nagresulta sa kanilang pagiging walang-Diyos at mga rebolusyonista. Ang Romanismo ay kinamuhian nila bilang gawa-gawa ng mga pari. Ang tingin nila sa mga kawani ng simbahan ay mga taong nagpapahirap sa kanila. Ang tanging diyos na nakilala nila ay ang diyos ng Roma; ang mga paniniwala nito ang tangi nilang relihiyon. Ipinalagay nila na ang kasakiman at kalupitan nito ay tunay na bunga ng Biblia, at ayaw nilang makabahagi ang alinman dito. ADP 164.3

Ipinakilala nang mali ng Roma ang karakter ng Diyos, at binigyan ng maling pakahulugan ang Kanyang mga ipinaguutos, at ngayon nga ay parehong itinakwil ng mga tao ang Biblia at ang May-akda ADP 164.4

nito. Ipinag-utos niya ang bulag na pagsampalataya sa mga turo niya, sa ilalim ng pakunyaring kapahintulutan ng Kasulatan. At bilang tugon, lubos na itinakwil ni Voltaire at ng kanyang mga kasamahan ang Salita ng Diyos, at ikinalat kahit saan ang lason ng hindi paniniwala na merong Diyos. Dinurog ng Roma ang mga tao sa ilalim ng bakal niyang sakong; kaya’t ang mga tao, na dinusta’t pinagmalupitan dahil takot sila sa kalupitan nito, ay kinalag na ngayon ang lahat ng pagbabawal. Dahil sa galit sa nakaliligaw na pandaraya na napakatagal nilang pinag-ukulan ng pagsamba, magkasama nilang itinakwil ang katotohanan at ang kasinungalingan; at sa pag-aakalang ito’y lisensya para sa kalayaan, ang mga aliping ito ng bisyo ay nagpakasaya sa iniisip nilang kalayaan. ADP 165.1

Sa pagsisimula ng Rebolusyon, ang mga tao ay pinayagang magkaroon ng kinatawang mas marami pa kaysa sa pinagsamang kinatawan ng mga maharlika at mga kawani ng simbahan, ayon na rin sa pahintulot ng hari. Kung kaya’t hawak nila ang balanse ng kapangyarihan; ngunit hindi sila handa na gamitin ito nang may karunungan at hinahon. Dahil sabik na ituwid ang mga kasamaang naranasan nila, ipinasya nilang magtangka ng muling pagtatatag ng lipunan. Ang mga nagagalit na taong-bayan, na ang mga isipan ay puno ng mapapait at matagal nang iniingat-ingatang alaala ng pang-aabuso ay nagkaisang baguhin ang kalagayan ng paghihirap na hindi na matiis, at ipaghiganti ang kanilang sarili doon sa mga itinuturing nilang maygawa ng kanilang pagdurusa. Isinagawa ng mga inaaping ito ang liksyon na natutunan nila sa ilalim ng kalupitan, at naging mang-aapi nung mga umapi sa kanila. ADP 165.2

Dugo ang inani ng kaawa-awang France sa kanyang inihasik. Kakila-kilabot ang mga naging resulta ng kanyang pagpapasakop sa kumukontrol na kapangyarihan ng Roma. Kung saan itinayo ng France noong pasimula ng Repormasyon ang una nitong pinagsunugan dahil sa impluwensya ng Roma, ay doon din itinayo ng Rebolusyon ang unang bitayan nito. Doon sa mismong lugar kung saan sinunog ang mga unang martir ng pananampalatayang Protestante noong ika-16 na siglo, ay doon din pinugutan ang mga unang biktima noong ika-18 siglo. Dahil sa pagtataboy sa ebanghelyo na sana’y nagbigay sa kanya ng kagamutan, binuksan ng France ang pinto para sa kawalang-Diyos at pagkawasak. Nang alisin ang mga pagpigil ng kautusan ng Diyos, natuklasan nila na ang mga batas ng tao ay hindi sapat upang pigilan ang napakalakas na agos ng bugso ng damdamin ng tao; at ang bansa ay natangay sa paghihimagsik at pambansang kaguluhan. Sinimulan ng pakikilaban sa Biblia ang panahon na kilala sa kasaysayan ng daigdig bilang “Paghahari ng Lagim.” Ang kapayapaan at kaligayahan ay nawala sa mga tahanan at puso ng mga tao. Lahat ay nanganganib. Siyang nagtatagumpay ngayon ay pinaghihinalaan at hinahatulan kinabukasan. Ang karahasan at kasakiman ay may di-matututulang pagkontrol. ADP 165.3

Ang hari, ang mga kawani ng simbahan, at ang mga maharlika ay napilitang magpasakop sa mga kasamaan ng mga taong nagkakagulo at galit na galit. Ang kanilang pagkauhaw sa paghihiganti ay lalo lamang pinatindi ng pagkakabitay sa hari; at yung mga nag-utos ng kanyang kamatayan ay sumunod din agad sa bitayan. Ang malawakang pagpatay sa lahat ng napapaghinalaang kumukontra sa Rebolusyon ay itinakda. Ang mga bilangguan ay nagsiksikan at nagkaroon pa nga ng pagkakataong mahigit sa 200,000 ang nakabilanggo. Ang mga lunsod ng kaharian ay napuno ng mga eksena ng lagim. Ang ibang grupo ng mga naghihimagsik ay laban sa isa pang grupo, at ang France ay naging malawak na lugar ng naglalaban-labang mga tao na kontrolado ng galit ng sumisilakbo nilang damdamin. “Sa Paris ay sunud-sunod ang kaguluhan, at ang mga mamamayan ay nagkahati-hati sa sari-saring uri ng grupo, na parang walang ibang hangad kundi ang lipulin ang isa’t isa.” At dagdag pa sa pangkalahatang paghihirap, ang bansa ay nasangkot sa matagal at mapangwasak na pakikidigma sa malalakas na bansa sa Europa. “Ang bansa ay halos babagsak na, ang mga kawal ay umaangal para sa kakulangang bayad sa kanila, ang mga taga-Paris ay nagugutom, at ang mga probinsya ay winasak ng mga tulisan, at ang sibilisasyon ay halos mapawi na dahil sa laganap na kaguluhan at abuso sa kalayaan.” ADP 165.4

Natutunang maigi ng mga tao ang mga liksyon ng kalupitan at pagpapahirap na napakasipag na itinuro ng Roma. At sa wakas ay dumating na ang araw ng paghihiganti. Hindi na ang mga alagad ni Jesus ngayon ang ipinapasok sa mga bilangguan sa ilalim ng lupa at kinakaladkad sa pagsusunugan. Noon ay ang mga ito ang pinatay o kaya’y itinaboy sa ibang lupain. Naramdaman ngayon ng walang-awang Roma ang malupit na kapangyarihan nung mga tinuruan niyang masiyahan sa pagpapadanak ng dugo. “Ang halimbawa ng pang-uusig na matagal na panahong ipinakita ng mga kawani ng simbahan sa France ay gumanti na ngayon sa kanila nang may pahiwatig na kalakasan. Ang mga bitayan ay namula dahil sa dugo ng mga pari. Ang mga barko at ang mga bilangguan sa ilalim ng lupa na dati’y siksikan sa mga Huguenot ay punung-puno na ngayon ng mga umusig sa kanila. Sa pagkakakadena sa upuan at pagpapakapagod sa pagsagwan ay naranasan ng mga pari’t obispong Romano ang lahat ng kasawiang iyon na buong kalayaang ipinadanas ng kanilang simbahan sa maaamong erehe” (Tingnan ang Apendiks). ADP 166.1

“At pagkatapos ay sumapit ang panahong iyon na ang pinakamalulupit na batas ay ipinatupad ng pinakamalupit na hukuman; na walang taong maaaring bumati sa kanyang kapitbahay o umusal ng kanyang panalangin...nang hindi nanganganib na makagawa ng krimeng pinarurusahan ng kamatayan; na ang mga espiya ay nagkukubli sa lahat ng sulok; na ang bitayan ay abala tuwing umaga; na ang mga bilangguan ay napuno nang halos kasindami ng kayang isakay ng barkong para sa mga alipin; na ang mga kanal ay bumubula sa dugo sa pag-agos nito sa ilog ng Seine.... Samantalang isang karitong punung-puno ng mga biktima ang araw-araw na inihahatid sa lugar ng kanilang kamatayan padaan sa mga lansangan ng Paris, ang mga gobernador na isinugo ng pinakamataas na komite sa mga departamento, ay nagdiwang dahil sa kalabisan ng kalupitang lingid maging sa kabisera. Ang talim ng pugutan ay napakabagal sa pagtaas at pagbaba nito kumpara sa dami ng papatayin. Napakahabang pila ng mga bilanggo ang pinalis sa pamamagitan ng bala ng kanyon. Ang ilalim ng mga kargahang lantsa na punungpuno ng tao ay binubutas. Ang Lyon ay naging parang disyerto. Sa Arras, kahit ang malupit na habag ng mabilis na kamatayan ay ipinagkakait sa mga bilanggo. Lahat padaan sa Loire, mula Saumur hanggang sa dagat, napakaraming uwak at lawin na nagpipiyesta sa mga hubad na bangkay, na magkakapulupot sa kakila-kilabot nilang pagyayakapan. Walang habag na ipinakita sa kasarian man o sa edad. Ang bilang ng mga binatilyo at mga babaing may edad na 17 taon na pinagpapatay ng kasuklamsuklam na pamahalaang iyon ay umabot sa daan-daan. Ang mga sanggol na inihiwalay sa suso ay pinagpasa-pasahan ng sibat ng mga nakahilerang Jacobin [miyembro ng French Revolution]” (Tingnan ang Apendiks). Sa loob lamang ng 10 taon ay napakaraming tao ang namatay. ADP 166.2

Ang lahat ng ito ay ayon sa kagustuhan ni Satanas. Ito ang pinagsisikapan niyang mangyari sa loob ng mahabang panahon. Ang patakaran niya ay pandaraya mula pasimula hanggang katapusan, at ang walang-pagbabago niyang hangarin ay ang magdala ng kasawian at pagkaaba sa mga tao, ang papangitin at dungisan ang pinakamahusay na gawa ng Diyos, upang sirain ang banal na layunin ng kabaitan at pagibig, at sa gayon ay magdulot ng kalungkutan sa langit. At sa pamamagitan ng mapandaya niyang pamamaraan ay binubulag niya ang isipan ng mga tao, at hinihimok silang ibalik sa Diyos ang sisi ng kanyang ginawa, na para bang ang lahat ng kasawian ay resulta ng panukala ng Lumikha. Sa ganon ding paraan, kapag nakamit na ng mga taong pinasama at pinagmalupitan ng mabagsik niyang kapangyarihan ang kanilang kalayaan, hinihimok niya sila sa pagmamalabis at kasamaan. At ang larawang ito ng hindi mapigilang pag-abuso sa kalayaan ay ipinakikilala ng mga mapagmalupit at mga mapang-api bilang halimbawa ng mga resulta ng kalayaan. ADP 166.3

Kapag natuklasan ang isang pagkakamali sa isang damit, ikinukubli lang ito ni Satanas sa ibang balatkayo, at tinatanggap ito ng napakaraming tao nang may ganon ding pananabik sa una. Nang matuklasan ng mga tao na pandaraya pala ang Romanismo, at ang mga tao ay hindi na mapalabag ni Satanas sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng ahensyang ito, hinimok niya silang ituring na pandaraya ang lahat ng relihiyon, at katha-katha ang Biblia; at dahil binale-wala na ang mga alituntunin ng Diyos, itinalaga nila ang kanilang sarili sa di-mapigil na kasamaan. ADP 166.4

Ang malubhang pagkakamali na nagdulot ng ganong kasawian sa mga taga-France ay ang pagwawalang-bahala sa isang dakilang katotohanang ito: na ang tunay na kalayaan ay naroon sa nasasaklawan ng pagbabawal ng kautusan ng Diyos. “O kung dininig mo sana ang Aking mga utos! Ang iyong kapayapaan sana ay naging parang ilog, at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat.” ” ‘Walang kapayapaan para sa masama,’ sabi ng Panginoon” (Isaias 48:18, 22). “Ngunit ang nakikinig sa Akin ay tatahang tiwasay, at papanatag na walang takot sa kasamaan” (Kawikaan 1:33). ADP 167.1

Kinalaban at tinuligsa ng mga ateista, ng mga walang-Diyos, at ng mga tumalikod ang kautusan ng Diyos; ngunit ang bunga ng kanilang impluwensya ay nagpapatunay na ang kabutihan ng mga tao ay nakaugnay sa kanyang pagsunod sa mga banal na alituntunin. Yung mga ayaw basahin ang liksyon sa Aklat ng Diyos, ay pinapayuhang basahin ito sa kasaysayan ng mga bansa. ADP 167.2

Nang si Satanas ay gumawa sa pamamagitan Simbahang Romano upang ilayo ang mga tao sa pagsunod, ang kanyang ahensya ay nakatago, at ang kanyang gawain ay inilihim nang husto anupa’t ang paglala at kasawian na naging resulta nito ay hindi nakikita bilang bunga ng paglabag. At ang kanyang kapangyarihan ay napakatagal na sinalungat ng paggawa ng Espiritu ng Diyos, anupa’t ang kanyang mga panukala ay napigilang makaabot sa sukdulang katuparan nito. Hindi natunton ng mga tao ang resulta sa sanhi nito, at hindi natuklasan ang pinagmulan ng mga kasawian nila. Ngunit sa Rebolusyon, ang kautusan ng Diyos ay hayagang binale-wala ng Pambansang Konsilyo. At sa Paghahari ng Lagim na sumunod, ang paggawa ng sanhi at resulta ay makikita ng lahat. ADP 167.3

Nang hayagang itakwil ng France ang Diyos at isaisantabi ang Biblia, ang masasamang tao at ang mga espiritu ng kadiliman ay nagdiwang sa pagkakatamo nila sa layuning matagal na nilang minimithi—isang kahariang malaya sa mga pagbabawal ng kautusan ng Diyos. At dahil ang hatol laban sa isang masamang gawa ay hindi agad iginawad, ang puso ng mga tao sa gayon, ay “lubos na nakatuon sa paggawa ng kasamaan” (Eclesiastes 8:11). Ngunit ang paglabag sa isang mabuti at matuwid na kautusan ay di-maiiwasang humantong sa kasawian at pagkawasak. Bagaman hindi agad hinahatulan, ang kasamaan ng tao ay tiyak namang gumagawa ng kanilang kapahamakan. Ang daan-daang taon ng pagtalikod at karahasan ay nag-iimpok ng galit laban sa araw ng paghihiganti; at kapag ang kasamaan nila ay napuno, huli na bago malaman ng mga humahamak sa Diyos na isang kakila-kilabot na bagay ang ubusin ang banal na pagpapahinuhod. Ang pumipigil na Espiritu ng Diyos, na naglalagay ng pampigil sa malupit na kapangyarihan ni Satanas ay malawakang inalis, at siya na ang tanging kasiyahan ay nasa pagiging hamak ng mga tao ay pinahintulutang isagawa ang kanyang kagustuhan. Yung mga pumiling maglingkod sa paghihimagsik ay hinayaang anihin ang mga bunga nito hanggang sa ang lupain ay mapuno ng karahasang lubhang kakila-kilabot para mabakas ng panulat. Mula sa mga wasak na probinsya at guhong mga lunsod, isang matinding pagtangis ang naririnig—pagtangis ng pinakamatinding pagdadalamhati. Ang France ay nayanig na para bang niyanig ng lindol. Ang relihiyon, batas, katiwasayan, ang pamilya, ang pamahalaan, at ang iglesya—lahat ay tinamaan ng lapastangang kamay na iniangat laban sa kautusan ng Diyos. Totoo ang sinabi ng matalinong tao: “Nabubuwal ang masama dahil sa sarili niyang kasamaan” (Kawikaan 11:5). “Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisandaang ulit at humahaba ang kanyang buhay, gayunma’y tunay na nalalaman ko, na magiging tiwasay para sa mga natatakot sa Diyos, na natatakot sila sa harapan Niya, ngunit hindi ikabubuti ng masama” (Eclesiastes 8:12, 13). “Kinamuhian nila ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.” “Kaya’t kakainin nila ang bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog sa kanilang sariling mga pakana” (Kawikaan 1:29, 31). ADP 167.4

Ang dalawang tapat na saksi ng Diyos, na pinatay ng lapastangang kapangyarihan na “umahon mula sa di-matarok na kalaliman,” ay hindi matagal na mananahimik. “Pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila’y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila” (Apocalipsis 11:11). Iyon ay noong 1793 na ang mga kautusang bumubuwag sa relihiyong Kristiyano at pagtatakwil sa Biblia ay ipinasa ng Kapulungan ng France. Pagkaraan ng tatlo’t kalahating taon isang resolusyon na nagpapawalang-bisa sa mga kautusang ito ang pinagtibay ng Kapulungan ding iyon, sa gayo’y nagbibigay ng kalayaan sa Banal na Kasulatan. Ang sanlibutan ay nanghilakbot sa napakalaking kasalanan na ibinunga ng pagtatakwil sa Banal na Kapahayagan, at kinilala ng mga tao na kailangan ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Salita bilang saligan ng kabutihan at moralidad. Ang sabi ng Panginoon, “Sino ang iyong inalipusta at hinamak? Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig at may pagmamalaking itinaas mo ang iyong mga mata? Laban nga sa Banal ng Israel” (Isaias 37:23). “Kaya’t ipapaalam Ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam Ko sa kanila ang Aking lakas at ang Aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang Aking pangalan ay Panginoon” (Jeremias 16:21). ADP 167.5

Patungkol sa dalawang saksi ay sinabi pa ng propeta: “At narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, ‘Umakyat kayo rito!’ At sila’y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway” (Apocalipsis 11:12). Mula nang makipaglaban ang France sa dalawang saksi ng Diyos, ang mga ito’y pinarangalan nang higit kaysa dati. Noong 1804 ang British and Foreign Bible Society ay itinatag. Ito’y sinundan ng ganon ding mga organisasyon na may napakaraming sangay sa kontinente ng Europa. Noong 1816 ang American Bible Society ay itinatag. Noong ang British Society ay maitatag, ang Biblia ay inilimbag at ipinalaganap sa 50 wika. At mula noon ito’y isinalin sa higit sa 400 wika at salita (Tingnan ang Apendiks). ADP 168.1

Sa loob ng 50 taon bago ang 1792, walang gaanong pansin na ibinibigay sa gawain ng pagmimisyon sa ibang mga lupain. Walang mga bagong samahang itinatatag, at meron lamang iilang iglesya na gumagawa ng pagsisikap upang mapalaganap ang Kristiyanismo sa lupain ng mga pagano. Ngunit sa pagtatapos ng ika-18 siglo ay isang mala king pagbabago ang nangyari. Nagsawa na ang mga tao sa mga kinahinatnan ng rasyonalismo, at nakita ang pangangailangan sa kapahayagan ng Diyos at relihiyong batay sa karanasan. Mula sa panahong ito ang gawain ng pagmimisyon sa ibang mga lupain ay nagtamo ng walang-kapantay na paglago (Tingnan ang Apendiks). ADP 168.2

Ang pagpapaunlad sa paglilimbag ay nagbigay ng lakas sa gawain ng pagpapakalat sa Biblia. Ang pagdami ng mga kagamitan para sa komunikasyon sa pagitan ng iba’t ibang bansa, ang pagkatibag ng matagal nang mga hadlang ng masamang iniisip sa kapwa at pagsasarili ng mga bansa, at ang pagkawala ng kapangyarihang sibil ng papa sa Roma ay nagbukas ng daan para sa pagpasok ng Salita ng Diyos. Sa loob ng ilang taon ang Biblia ay ibinibenta nang walang pumipigil sa mga lansangan ng Roma, at ito ngayon ay nakarating sa lahat ng bahagi ng mundo na may naninirahang tao. ADP 168.3

Minsan ay buong pagmamalaking sinabi ng walang-Diyos na si Voltaire, “Ako’y sawa nang marinig ang paulit-ulit na sinasabi ng mga tao na 12 tao lang daw ang nagtatag ng relihiyong Kristiyano. Patutunayan ko na sapat na ang isang tao upang ito’y pabagsakin.” Maraming taon na ang lumipas mula nang siya’y mamatay. Milyun-milyon na ang nakisama sa pakikipaglaban sa Biblia. Ngunit napakalayong ito’y malipol, anupa’t kung merong 100 noong panahon ni Voltaire, ay meron na ngayong 10,000, opo, 100,000 pa ngang kopya ng Aklat ng Diyos. Ayon sa pananalita ng isang unang Repormador tungkol sa iglesyang Kristiyano, “Ang Biblia ay isang pukpukan ng bakal na sumira ng maraming maso.” Ang sabi ng Panginoon, “Walang sandata na ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay, at bawat dila na babangon laban sa iyo sa kahatulan, ay iyong hahatulan” (Isaias 54:17). ADP 168.4

“Ang Salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman” (Isaias 40:8). “Ang lahat Niyang tuntunin ay mapagkakatiwalaan, ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman, ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran” (Awit 111:7, 8). Anumang itinayo sa kapamahalaan ng tao ay babagsak; ngunit yung itinatag sa ibabaw ng bato ng di-nagbabagong Salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. ADP 168.5