Ang Aking Buhay Ngayon
Nagtutumulin Ako sa Hangganan, 31 Disyembre
Mga kapatid, hindi ko pa inaaritig inabot: datapuwa 't isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap, nagtutumulin ako sa hangganan ng gantingpala ng dakilang pagtawag ng Diyos na kay Cristo Jesus. Filipos 3:13,14 BN 278.1
Nagsasara ngayon ang isa na namang taon. Paano mo ito binabalik tanawan? Sumulong ka ba sa iyong banal na kabuhayan? Lumago ka ba sa espiritwalidad? Naipako mo na ba ang iyong sarili sa krus kasama ang mga damdamin at pagnanasa? Nagkaroon ka ba ng dagdag na interes sa pag-aaral ng Salita ng Diyos? Nakapagtamo ka ba ng mga tiyak na tagumpay sa sarili mong mga damdamin at pagkasuwail? Oh, ano nga ba ang tala ng iyong buhay sa taong na ngayon ay lumipas na sa walang hanggan at hindi na maibabalik? BN 278.2
Habang pumapasok ka sa isang bagong taon, itulot mong gawin itong may masikap na pagtatalagang ang iyong landas ay gawing pasulong at paakyat. Itulot mong maging higit na mataas at kapuri- puri ang iyong buhay kaysa dati. Gawin mong layuning huwag nasain ang pansarili mong interes at kalayawan, kundi ang maisulong ang layunin ng iyong Manunubos. Huwag kang manatili sa kalagayang lagi kang nangangailangan ng tulong, na ang kailangan kang bantayan ng iba upang mapanatili ka sa makipot na daan. Maaari kang maging malakas sa pagbibigay ng nakapagpapabanal na impluwensya sa ibang tao. Maaari kang lumagay kung saan ang pakay ng iyong kaluluwa ay magigising sa paggawa ng mabuti sa iyong kapwa, ang aliwin ang nalulumbay, palakasin ang mahihina, at magpatotoo para kay Cristo kung kailan may pagkakataon. Nasain mong parangalan ang Diyos sa lahat ng bagay, palagi at saanman. Dalhin mo ang iyong relihiyon sa lahat ng bagay. BN 278.3
Maghanda ka para sa walang hanggan na may kasipagang hindi mo pa naipapakita. Aralan mo ang iyong isip na mahalin ang Biblia, ang mahalin ang pulong panalangin, ang mahalin ang oras ng pagbubulay, at, higit sa lahat, ang oras kung kailan ang kaluluwa ay nakikipagtalastasan sa Diyos. Dapat maging makalangit ang iyong pag-iisip kung nanaisin mong sumama sa makalangit na koro sa mga tahanan sa kaitaasan. . . . BN 278.4
Isang bagong pahina ang mabubuksan sa aklat ng tagapagtalang anghel. . . . Hayaang ang talang matatakan ay iyong hindi mo ikahihiyang ipahayag sa paningin ng mga tao at mga anghel. BN 278.5