Kasaysayan ng Pag-Asa

25/28

Gantimpala Ng Mga Banal

Mula sa siyudad, lumabas ang napakaraming mga anghel na may-dalang maluwalhating mga korona—isang korona para sa bawat banal, at nakasulat ang kanyang pangalan. Habang hinihingi ni Jesus ang mga korona, ibinibigay naman ito ng mga anghel sa Kanya, at inilalagay ng Kanyang kanang kamay ang mga korona sa mga ulo nila. Inilabas ng mga anghel ang mga alpa, at ibinigay rin ito ni Jesus sa mga banal. Unang kinalabit ng mga namumunong anghel ang tono, at pagkatapos, bawat tinig ay inilakas na sa nagpapasalamat at masayang pagpupuri, at ang bawat kamay ay buong husay na kinalabit ang mga kuwerdas ng alpa, naghahatid ng malamig na musika sa elegante’t napakagagandang himig. KP 112.3

Dinala ni Jesus ang mga natubos sa pintuan ng lunsod. Hinawakan Niya ang tarangkahan, pabukas itong ipinihit sa kumikinang nitong bisagra, at inanyayahang pumasok ang mga bansang nag-ingat sa katotohanan. Naroon sa loob ng lunsod ang lahat ng puwedeng pagsawaan ng mata. Mariwasang kaluwalhatian ang nakita nila kahit saan. Pinagmasdan ni Jesus ang mga tinubos Niya, na ang mga mukha'y nagliliwanag sa kaluwalhatian. Pagtingin Niya sa kanila ay sinabi Niya, “Nakikita Ko na ang bunga ng paghihirap ng Aking kaluluwa at Ako’y nasisiyahan. Ang masaganang kaluwalhatiang ito ay sa inyo, para tamasahin magpasawalang-hanggan. Ang kalungkutan ninyo’y nagwakas na. Wala nang kamatayan, ni kalungkutan o pagluha man, wala na ring ano pa mang kirot.” Yumukod sila at inilapag ang kumikinang nilang mga korona sa paanan Niya, at habang itinatayo sila ng kaibig-ibig Niyang kamay, kinalabit nila ang kanilang mga gintong alpa at pinuno ang buong langit ng mayamang musika at mga awitin sa Kordero. KP 113.1

Dinala ni Jesus ang Kanyang bayan sa puno ng buhay, at muli nilang narinig ang maganda Niyang boses, mas matamis kaysa alinmang musikang kanilang narinig, na nagsasabi, “Ang mga dahon ng punong ito ay para sa pagpapagaling ng mga bansa. Kumain kayo mula rito, lahat kayo.” Nasa puno ng buhay ang pinakamagandang prutas, na malayang makakain ng mga banal. May maluwalhating trono sa lunsod, at mula rito’y dumadaloy ang napakalinis na ilog ng tubig ng buhay na kasinglinaw ng kristal. Sa gilid ng ilog ay ang puno ng buhay, at may iba pang magagandang mga puno na namumunga at masarap kainin sa tabi ng ilog. KP 113.2

Hindi sapat ang salita para tangkaing ilarawan ang langit. Maisisigaw na lang natin, “O, anong laking pag-ibig! Talagang kamangha-manghang pag-ibig!” Hindi mailarawan ang kalu-walhatian ng langit o ang di-mapantayang pag-ibig ng isang Tagapagligtas. KP 113.3