ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

23/69

Kabanata 19—Isang Propeta ng Kapayapaan

Ang kabanatang ito ay batay sa 2 Hari 4.

Ang gawain ni Eliseo bilang propeta ay kakaiba sa ilang bahagi nito sa naging gawain ni Elias. Kay Elias ay ipinagkatiwala ang mga pabalita ng pagtuligsa at paghatol; ang kanyang tinig ay walang takot na sansala, na tinawagan ang hari at bayan na bumalikwas mula sa kanilang mga masasamang gawa. Ang kay Eliseo ay mas payapang misyon; na palakasin ang gawaing sinimulan ni Elias; magturo sa bayan ng daan ng Panginoon. Ang inspirasyon ay naglalarawan sa kanya bilang may personal na kaugnayan sa tao, napapalibutan ng mga anak ng mga propeta, naghahatid ng pagpapagaling at kagalakan sa pamamagitan ng kanyang mga milagro at ministeryo. PH 196.1

Si Eliseo ay taong may banayad at magandang loob na diwa; ngunit maaari ding maging matigas tulad ng sa paglalakbay patungong Bethel, nang siya ay inaglahi ng mga kabataang salbahe na lumabas mula sa siyudad. Nadinig ng mga kabataang ito ang pagpanhik ni Elias sa langit, at ginawa ang pangyayaring ito upang libakin si Eliseo, “Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo; umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo.” Sa tunog ng kanilang pangungutya ang propeta ay lumingon, at sa ilalim ng pagkasi ng Makapangyarihan ay isinumpa niya sila. Ang kasindak-sindak na paghatol na sumunod ay galing sa Dios. “At doo’y lumabas ang dalawang osong babae sa gubat, at lumapa ng apat na pu’t dalawang bata sa kanila.” 2 Hari 2:23, 24. PH 196.2

Kung pinalagpas ni Eliseo ang paglibak na ito, patuloy pa siyang lilibakin at abusuhin ng mga taong walang galang at ang misyon niyang turuan ang bayan at iligtas sila sa panahong iyon ng pambansang panganib ay nalagay sana sa alanganin. Ang isang tagpong ito ng katigasan ay sapat upang makuha niya ang paggalang sa buong panahon ng buhay niya. Sa loob ng limampung taon ay labas-masok siya sa pintuan ng Bethel, paroo’t parito sa lupain, mula siyudad tungo sa isang siyudad, nagdaraan sa mga karamihang tao na tamad, magaspang, at walang direksyong mga kabataan; datapuwat walang sinumang lumibak sa kanya o inismiran man ang kanyang mga katangian bilang propeta ng Kataastaasan. PH 196.3

Kahit na ang kagandahang loob ay dapat na may hangganan. Ang otoridad ay dapat itatag sa pamamagitan ng higpit, kundi ito ay tutuyain at iismiran lamang ng marami. Ang tinatawag na pagka malumanay, ang pagpapahinuhod at pagkukunsinting ginagamit ng mga magulang sa mga kabataan ay isa sa pinakamasamang bagay na maaaring maganap sa kanila. Sa bawat sambahayan, ang katatagan, disisyon, mga positibong patakaran ay kailangan. PH 197.1

Ang paggalang, na wala sa mga kabataang tumuya kay Eliseo, ay isang biyayang dapat na maingat na mahalin. Bawat bata ay dapat maturuang magpakita ng paggalang sa Dios. Hindi kailanman dapat na ang Kanyang pangalan ay sinasambit na walang pag-iisip o sa biro lamang. Ang mga anghel, kapag sila ay nagsasalita ay nagtatakip ng mga mukha. Gaano pa ngang higit na paggalang ang dapat nating dalhin sa ating mga labi, tayong nahulog at makasalanan sa kasamaan! PH 197.2

Ang pitagan ay dapat ipakita sa mga kinatawan ng Dios—mga ministro, mga guro, at mga magulang, na tinawagang mangusap at kumilos sa Kanyang kapakanan. Sa paggalang na iniuukol sa kanila, ang Dios ay napaparangalan. PH 197.3

Ang kabutihang asal, gayon din naman, ay isa sa mga kaloob ng Espiritu at dapat linangin ng lahat May kapangyarihan itong magpalambot ng mga likas na titigas at gagaspang lamang kung wala ito. Silang nagsasabing mga alagad ni Kristo, ngunit magaspang, walang galang, at walang pakundangan, ay hindi pa natututo kay Jesus. Ang kataimtiman nila ay maaaring hindi pag-aalinlanganan, ang kanilang pagiging matuwid ay di pagdududahan; datapuwat ang kataimtiman at pagiging matuwid ay hindi kapalit ng paggalang at kagandahang asal. PH 197.4

Ang mainam na diwang nagpalakas ng impluwensya ni Eliseo sa buhay ng marami sa Israel, ay nahayag sa istorya sa kanyang kaugnayan sa isang pamilyang naninirahan sa Sunem. Sa kanyang paglalakbay na paroo’t panto sa kaharian, “isang araw na si Eliseo ay nagdaan sa Sunem, na kinaroroonan ng isang dakilang babae; at pinilit niya siya na kumain ng tinapay.” Alam ng babaeng ito na si Eliseo ay “isang banal na lalaki ng Dios,” at sinabi niya sa kanyang asawa: “Isinasamo ko sa iyo na tayo’y gumawa ng isang maliit na silid sa pader; at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, at ng isang dulang, at ng isang upuan, at ng isang kandelero: at mangyayari, pagka siya’y dumarating sa atin, na siya’y papasok doon.” Sa pahingahang ito ay madalas na nagtungo si Eliseo, na nagpapasalamat sa katahimikang dulot nito. Gayunman ang Dios ay alam ang kabutihan ng babae. Ang tahanang ito ay walang anak; at ginantimpalaan ng Dios ang kagandahang loob ng tahanan sa kaloob na isang anak na lalaki. PH 197.5

Nagdaan ang mga taon. Malaki na ang bata upang humayo sa bukid kasama ng mga mang-aani. Isang araw ay nagkasakit ito sa matinding init, “at kanyang sinabi sa kanyang ama, Ulo ko, ulo ko.” Inutusan ng ama ang kanyang bataan na dalhin sa kanyang ina; “at nang kanyang makuha siya at dalhin siya sa kanyang ina, siya’y umupo sa kanyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo’y namatay. At siya’y pumanhik, at inihiga siya sa higaan ng lalaki ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas.” PH 198.1

Sa gayo’y, yumaon ang Sunamitang pighati at naparoon kay Eliseo upang humingi ng tulong. Ang propeta ay nasa Bundok ng Carmel, at ang babae, ay sinamahan ng kanyang utusan, ay nagmamadaling nagpunta. “At nangyari, nang makita siya ng lalaki ng Dios sa malayo, na kanyang sinabi kay Giezi na kanyang lingkod, Narito, nandoon ang Sunamita: tumakbo ka, isinasamo ko sa iyo ngayon, na salubungin siya, at iyong sabihin sa kanya, Mabuti ka ba? mabuti ba ang iyong asawa? mabuti ba ang bata?” Gayon nga ang ginawa ng lingkod, ngunit mihayag lamang ng babae ang kanyang sama ng loob nang makaradng siya kay Eliseo. Sa pagkarimg nito, nagwika si Eliseo kay Giezi: “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at tangnan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at yumaon ka ng iyong lakad: kung ikaw ay makasasalubong ng sinumang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinuman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sasagutin: at ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.” PH 198.2

Ngunit masisiyahan lamang ang ina kung si Eliseo mismo ang sasama. At sinabi ng ina ng bata, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan.” “At siya’y tumindig, at sumunod sa kanya. At si Giezi ay nagpauna sa kanila, at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; ngunit wala kahit tinig, o pakinig man. Kaya’t siya’y bumalik na sinalubong siya, at nagsaysay sa kanya, na nagsabi, Ang bata’y hindi magising.” PH 198.3

At nang sila’y dumadng sa bahay, si Eliseo ay pumasok sa silid kung saan nando 'n ang bata’y patay, “at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at dumalangin sa Panginoon. At siya’y sumampa, at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kanyang bibig sa bibig niya, at ang kanyang mga mata sa mga mata niya, at ang kanyang mga kamay sa mga kamay niya: at siya’y dumapa sa kanya; at ang laman ng bata ay uminit Nang magkagayo’y bumalik siya, at lumakad sa bahay na paroo’t parito na minsan; at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya: at ang bata’y nagbahing makapito, at idinilat ng bata ang kanyang mga mata.” PH 198.4

Ipinatawag ni Eliseo ang ina ng bata kay Giezi upang kunin ang anak. “At nang sip’y pumaroon sa kanya, sinabi nip, Kalungin mo ang iyong anak. Nang magkagayo’y pumasok sip at nagpatirapa sa kanyang mga paa, at yumukod sa lupa; at kinalong nip ang kanpng anak, at lumabas.” PH 199.1

Sa ganito ay ginantimpalaan ang pananampalataya ng babaeng ito. Si Kristo, ang Tagapagbigay-buhay, ang nagsauli ng kanpng anak sa kanya. Ganito rin naman na gagantihan ang Kanyang mga tapat, at sa Kanyang ikalawang pagparito, na ang kamatayan ay maalisan ng tibo at ang libingan ay aagawan ng tagumpay na inaangkin nito. At isasauli sa Kanyang mga lingkod ang mga anak na inagaw ng kamatayan. “Ganito ang sabi ng Panginoon; Isang dnig ay narinig sa Rama, panaghoy, at kalagim-lagim na iyak; iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak; siya’y tumatangging maaliw dahil sa kanyang mga anak, sapagkat sila’y wala na. Ganito ang sabi ng Panginoon; Iyong pigilin ang iyong tinig sa pag-iyak, at ang iyong mga mata sa mga luha: sapagkat gagantihin ang iyong mga gawa,...at sila’y magsisibalik na mula sa lupain ng kaaway. At may pag-asa sa iyong huling wakas, sabi ng Panginoon, at ang iyong mga anak ay magsisiparoon uli sa kanilang sariling hangganan.” Jeremias 31:1517. PH 199.2

May kaginhawahang kaloob si Jesus para sa kamatayan sa pabalitang ito ng walang katapusang pag-asa: “Aking tutubusin sila mula sa kapangyarihan ng Sheol; Aking tutubusin sila mula sa kamatayan: Oh kamatayan, saan nandoon ang iyong mga salot; Oh Sheol, saan nandoon ang iyong kasiraan.” Oseas 13:14. “Ako ang nabubuhay, at Ako’y namatay; at, narito, Ako’y nabubuhay magpakailanman,...at nasa Akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.” Apocalipsis 1:18. “Ang Panginoon din ang bababang mula sa langit na may isang sigaw, may tinig ng Arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Kristo ay unang mangabubuhay na mag-uli; kung magkagayon tayong nangabubuhay na nangatitira ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailanman.” 1 Tesalonica 4:16,17. PH 199.3

Tulad ng Tagapagligtas ng tao, na siya ay isang tipo, si Eliseo ay pinagsama ang gawain ng pagtuturo at pagpapagaling sa kanyang ministeryo. Matapat, walang pagod, sa mahabang paglilingkod, na sinikap ni Eliseong magpasulong at magtaguyod ng mahalagang gawaing isasabalikat ng mga paaralan ng mga propeta. Sa pamamatnubay ng Dios ang kanyang mga turo sa mga masikap na mga grupo ng mga kabataang lalakiay pinadbayan ng Banal na Espiritu, at gayon din ng mga tunay na kadbayan ng kanyang otoridad bilang lingkod ni Jehova. PH 200.1

Minsang pagdalaw niya sa paaralan na itinatag sa Gilgal na pinagaling niya ang pagkaing may lason. “May kagutom sa lupain; at ang mga anak ng mga propeta ay nangakaupo sa harap niya: at sinabi niya sa kanyang lingkod, Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng lutuin ang mga anak ng mga propeta. At ang isa ay lumabas sa bukid upang manguha ng mga gugulayin, at nakasumpong ng isang baging gubat, at namitas doon ng mga kalabasang gubat na ang kanyang kandungan ay napuno, at bumalik at pinagputul-putol sa palayok ng lutuin: sapagkat hindi nila nalalaman. Sa gayo’y kanilang ibinuhos para sa mga tao upang kanin. At nangyari, samantalang sila’y nagsisikain ng lutuin, na sila’y nagsisigaw, at nagsipagsabi, Oh lalaki ng Dios, may kamatayan sa palayok. At hindi nakain yaon. Ngunit kanyang sinabi, Magdala nga rito ng harina. At kanyang isinilid sa palayok; at kanyang sinabi, Ibuhos ninyo para sa bayan, upang sila’y makakain. At wala nang makasasama sa palayok.” PH 200.2

Sa Gilgal din naman, samantalang may kagutom pa ay pinakain ni Eliseo ang isang daang katao sa dinala ng “isang lalaki na mula sa Baal-salisa,” “mga unang bunga, na dalawampung tinapay ng sebada, at mga murang uhay ng trigo na nangasa kanyang bayong.” May mga kasama siyang talagang kailangan ng pagkain. Nang nagsimula ang paghahain, sinabi niya sa kanyang lingkod, “Ibigay mo sa bayan, upang kanilang makain. At sinabi ng kanyang lingkod, Ano, ilalapag ko ba ito sa harap ng isang daang tao? Ngunit kanyang sinabi, Ibigay sa bayan upang kanilang makain; sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, Sila’y kakain, at magtitira niyaon. Sa gayo 'y inilapag niya, sa harap nila, at sila 'y nagsikain at nagsipagtira niyaon, ayon sa salita ng Panginoon.” PH 200.3

Anong pagpapakababa ito sa bahagi ni Kristo, na sa pamamagitan ng Kanyang lingkod, ay magsagawa ng milagro upang sapatan ang gutom! Muli at muli mula noon, bagaman hindi sa malawakan at maliwanag na paraan, na ang Panginoong Jesus ay gumawa upang sapatan ang pangangailangan ng tao. Kung mayroon lamang tayong malinaw na pananaw espirituwal ay higit nating makikilala na mayroon tayong mahabaging Dios na nakikitungo sa mga anak ng mga tao. Ang biyaya ng Dios sa mga maliliit na sukat ang nagkakaloob ng kasapatan. Ang kamay ng Dios ay napaparami ang mga ito ng makaisang daan. Mula sa Kanyang kayamanan ay makakapaghain Siya ng dulang sa ilang. Sa dampi ng Kanyang palad ay mapaparami Niya ang kakaunti at magiging sapat para sa lahat. Ang kapangyarihan Niya ang nagparami ng tinapay at mais sa kamay ng mga anak ng mga propeta. PH 201.1

Sa panahon ng ministri ni Kristo sa lupa, nang gumawa Siya ng milagro na katulad sa pagpapakain sa karamihan, ang katulad na kawalang pananampalataya ay nahayag din tulad ng sa panahon ng mga propeta noong una. “Ano!” sinabi ng lingkod ni Eliseo; “ilalapag ko ba ito sa harap ng isang daang tao?” Nang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na bigyan ng makakain ang karamihan, sinabi nila, “Wala tayo kundi limang tinapay at dalawang isda; malibang kami’y magsiyaon at ibili ng pagkain ang lahat ng mga taong ito.” Lucas 9:13. Ano iyan kung ihambing sa dami ng tao? PH 202.1

Ang liksyon ay para sa mga anak ng Dios sa bawat kapanahunan. Kapag ang Panginoon ay nagbigay ng gawaing gagampanan, di dapat magtanong pa ang sinuman sa katinuan ng utos o sa magiging bunga ng kanilang pagsunod. Maaaring ang tinatangkilik ay kulang pa sa pangangailangan; datapuwat sa kamay ng Panginoon ay magiging labis pa ito. Inilapag ng lingkod “sa harap nila, at sila’y nagsikain at nagsipagtira niyaon, ayon sa salita ng Panginoon.” PH 202.2

Ang lalong malalim na pagkadama ng kaugnayan ng Dios sa kanilang tinubos Niya sa pagkakaloob ng Kanyang Anak, ang lalong dakilang pananampalataya sa pagpapasulong ng Kanyang gawain sa lupa—ito ang higit na kailangan ng iglesia ngayon. Walang dapat mag-aksaya ng panahon sa kalungkutan sa kakulangan ng kanilang mapagkukunan ng salapi. Ang panlabas na anyo ay maaring walang pag-asa, ngunit ang lakas at tiwala sa Dios ay magpapalago ng kayamanan. Ang kaloob na handog sa Kanya na may pagpapasalamat at panalangin upang pagpalain Niya, ay pararamihin Niya kung paanong pinarami ang pagkaing kaloob sa mga anak ng mga propeta at sa pagal na karamihan. PH 202.3