ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

21/69

Kabanata 17—Ang Pagtawag Kay Eliseo

Inutusan ng Dios si Elias na pahiran ang magiging kahalili niyang propeta. “Si Eliseo na anak ni Saphat...ay iyong papahiran ng langis upang maging propeta na kahalili mo” (1 Hari 19:16), wika Niya; at bilang pagsunod sa tagubilin, hinanap ni Elias si Eliseo. Sa paglalakbay niya patungong hilaga, anong laki ng pagkakaiba ng tanawin sa maigsing panahong nakaraan! Dati ay tigang ang lupa, ang mga bukirin ay tiwangwang, sapagkat walang hamog ni ulan sa loob ng tatlo’t kalahating taon. Datapuwat ngayon sa bawat dako ay laganap ang pananim na parang tinutubos ang naganap na pagkatuyo at kagutom. PH 181.1

Ang ama ni Eliseo ay mayamang magbubukid, isang lalaking ang sambahayan ay isa sa marami na sa isang panahong halos lahat ay tumalikod ay hindi lumuhod kay Baal. Ang kanilang tahanan ay nagparangal sa Dios at ang katapatan sa pananampalataya ang naging patakaran ng buhay sa bawat araw. Sa paligid na ito ay nahubog ang mga unang taon ni Eliseo. Sa katahimikan ng buhay sa bukid, sa ilalim ng pagtuturo ng Dios at ng kalikasan at disiplina ng kapakipakinabang na paggawa, natanggap niya ang pagsasanay sa ugali ng simpleng buhay at pagsunod sa kanyang mga magulang at sa Dios na nakatulong upang maiangkop siya sa mataas na posisyong kanyang kukunin di na magtatagal. PH 181.2

Ang pagtawag sa pagiging propeta ay dumating kay Eliseo habang siya ay nag-aararo sa bukid na kasama ang mga lingkod ng kanyang ama. Ginagawa niya ang tungkuling nasa harapan niya. Taglay niya ang mga kakayahan sa pagiging lider ng mga tao at kaamuan ng isang handang maglingkod. Bagaman tahimik at maamo, taglay niya ang sigla at tatag. Katapatan, integridad, at ang pag-ibig at takot sa Dios ay taglay niya, gayun din ang araw-araw na paggawa ang nagbigay ng kalakasan ng adhikain at marangal na likas, na patuloy na lumalago sa biyaya at kaalaman. Habang nakikipagtulungan sa kanyang ama sa mga gawaing pantahanan at pangkabuhayan, siya rin ay nakikipagtulungan sa Dios sa mga adhikain Niya. PH 181.3

Sa pamamagitan ng pagtatapat sa mga maliliit na bagay, si Eliseo ay naghahanda ukol sa mga malalaking bagay. Sa bawat araw, sa praktikal na karanasan, naging handa siya sa lalong malawak, at mataas na gawain. Natutuhan niyang maglingkod; at kasabay nito, ay ang kakayahang magturo at manguna. Ang liksyong ito ay para sa lahat. Walang sinumang makakaalam kung ano ang panukala ng Dios sa Kanyang disiplina; datapuwat lahat ay makakaalam na sa katapatan sa maliliit na bagay ay katibayan ng pagiging angkop sa malalaking kapanagutan. Bawat gawa sa buhay ay paghahayag ng likas, at siyang sa maliliit na tungkulin ay nagpapatunay sa sarili ay magiging “manggagawang walang anumang ikahihiya” ang siyang pararangalan ng Dios sa lalong mataas na paglilingkod. 2 Timoteo 2:15. PH 182.1

Siyang nag-iisip na walang gaanong bunga ang maliit na tungkuling ginagampanan niya ay hindi marapat sa lalong marangal na tungkulin. Maaaring isipin niyang karapat-dapat siya sa malalaking tungkulin; datapuwat ang Dios ay tumitingin sa kabila ng panlabas. Matapos ang pagsubok at subukan, may masusulat laban sa kanya na hatol, “Ikaw ay tinimbang sa timbangan, at ikaw ay nasumpungang kulang.” Ang kawalang katapatan ay hatol laban sa sarili. Nagkulang siyang kamtan ang biyaya, kapangyarihan, lakas ng likas, na natatamo sa pamamagitan ng walang pasubaling pagpapasakop. PH 182.2

Sapagkat hindi kaugnay ng gawaing relihiyoso ang ginagawa, marami ang makadadama na ang buhay nila ay walang kabuluhan, at wala silang nagagawa upang pasulungin ang kaharian ng Dios. Kung may magagawa lamang silang dakilang bagay anong galak nga na gagawin nila ito! Datapuwat sapagkat maliit na bagay lamang ang kanilang ginagawa, nagbibigay katuwiran sila upang hindi na nga gumawa. Dito sila ay nagkakamali. Ang tao ay maaaring nasa aktibong paglilingkod sa Dios sa pamamagitan ng pangkaraniwan, maliit na bagay—pagputol ng kahoy, paglilinis ng bakuran, o pag-aararo. Ang isang inang nagsasanay ng mga anak para kay Kristo ay tunay ngang naglilingkod sa Dios tulad ng ministrong tumatayo sa pulpito. PH 182.3

Marami ang naghahangad ng tanging talento upang makagawa ng kahanga-hangang bagay, samantalang ang mga tungkuling nakabulaga sa kanya, ang paggawa nito na magbibigay halimuyak sa buhay, ay hindi pinapansin. Harapin ang mga tungkuling ito na nasa harapan. Ang tagumpay ay nakasalig hindi sa talento kundi sa lakas at laang gumawa din naman. Hindi ang pagkakaroon ng mga talentong kahanga-hanga ang magkakaloob sa atin ng karapat-dapat na paglilingkod, kundi ang nasa isip na paggawa sa bawat araw ng mga tungkulin, ang diwang nasisiyahan, ang hindi naaapektuhan, at taimtim na malasakit sa kapakanan ng iba. Sa pinakaabang kalagayan ay tunay na kagalingan ang masusumpungan. Ang pinakakaraniwang gawain, na ginagampanang may katapatan, ay maganda sa paningin ng Dios. PH 182.4

Habang si Elias, na binigyan ng dyak na tagubiling hanapin ang papalit sa kanya, ay dumadaan sa bukid, na kung saan si Eliseo ay nag-aararo, nakita niya sa balikat ng kabataang ito ang balabal ng pagtatalaga. Sa panahon ng kagutom ay alam ng sambahayan ni Shapat ang gawain at misyon ni Elias, at ngayon ang Espiritu ng Dios ang nagdiin sa puso ni Eliseo ng kahulugan ng gagawin ng propeta. Sa kanya ito ang hudyat ng Dios sa pagtawag sa kanya bilang kahalili ni Elias. PH 183.1

“At kanyang iniwan ang mga baka, at tumakbong sinundan si Elias, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na pahagkan mo sa akin ang aldng ama at aking ina, at susunod nga ako sa iyo.” At sinabi niya sa kanya, “Bumalik ka uli; sapagkat ano ang ginagawa ko sa iyo?” Narito ang subukan ng pananampalataya. Dapat na malaman ni Eliseo ang halaga ng pagtawag sa kanya—siya ay magpasyang tanggapin o tanggihan ito. Kung nais nitong mahaling higit ang tahanan o ang kanyang mga pakinabang, malaya siyang manatili roon. Datapuwat naunawaan ni Eliseo ang panawagan. Hindi para sa pakinabang sa mundo ang pagyaon niya bilang mensahero ng Dios at makasama ng Kanyang lingkod. Kanyang “kinuha ang parehang mga baka, at pinatay ang mga yaon, at inilaga ang laman ng mga yaon sa pamamagitan ng mga kasangkapan ng mga baka, at ibinigay sa bayan, at kanilang kinain. Nang magkagayo’y tumindig siya, at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kanya.” 1 Hari 19:20, 21. Walang atubiling iniwan niya ang tahanang nagmahal sa kanya, upang sumama sa propeta sa kanyang walang katiyakang buhay. PH 183.2

Kung tinanong ni Eliseo kay Elias ang inaasahan sa kanya,—kung anong magiging gawain niya,—tiyak sanang siya ay tinugon ng: Alam ng Dios; at sasabihin Niya sa iyo. Kung maghihintay ka sa Panginoon, sasagutin Niya ang lahat mong katanungan. Maaari kang sumama sa akin kung may katibayan kang tinawagan ka nga ng Dios. Alamin mo na, nasa likuran ko ang Dios, at ang tinig Niya ang iyong nadidinig. Kung ituturing mo ang lahat na kalugihan upang makamit mo ang kaluguran ng Dios, sumama ka. PH 183.3

Katulad ng panawagang dumating kay Eliseo ang tugong ibinigay ni Kristo sa kabataang pinuno na nagtanong sa Kanya, “Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako’y magkaroon ng buhay na walang hanggan?” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at pumarito ka, sumunod ka sa Akin.” Mateo 19:16, 21. PH 184.1

Tinanggap ni Eliseo ang panawagan sa paglilingkod, na hindi nilingon ang mga kalayawan at kaginhawahang iiwanan niya. Ang kabataang pinuno nang madinig ang tugon ni Kristo ay “yumaon siyang namamanglaw: sapagkat siya’y isang may maraming pag-aari.” Talatang 22. Hindi siya handang magsakripisyo. Ang pag-ibig niya sa kayamanang tinatangkilik ay higit sa kanyang pag-ibig sa Dios. Sa pagtangging iwan ang lahat para kay Kristo, pinatunayan niyang hindi siya karapat-dapat sa lugar na paglilingkod sa Panginoon. PH 184.2

Ang panawagan upang ilagak ang lahat sa dambana ng paglilingkod ay dumarating sa bawat isa. Hindi tayong lahat ay tinawagang maglingkod gaya ng paglilingkod ni Eliseo, o kaya ay inutusang ipagbili ang lahat; datapuwat hinihilingan tayo ng Dios na bigyang pangunahing lugar sa ating buhay ang paglilingkod sa Kanya, na huwag tulutang ang isang araw ay lumipas na wala tayong ginagawa upang pasulungm ang gawain Niya dito sa lupa. Hindi Niya inaasahan ang magkakatulad na paglilingkod ng bawat isa. Maaaring may tawaging misyonero sa ibang lupain; may tatawaging gamitin ang kanyang kayamanan sa gawain ng ebanghelyo. Tinatanggap ng Dios ang handog ng bawat tao. Ang pagtatalaga ng buhay at lahat ng mga mteres nito, ang siyang kailangan. Silang gagawa ng ganitong pagtatalaga ay makadidinig at susunod sa panawagan ng Langit. PH 184.3

Sa bawat isang naging kabahagi ng Kanyang biyaya, ang Panginoon ay nagtatakda ng gawain para sa iba. Bawat isa sa atin ay tatayo sa adng lugar at magsasabi, “Narito ako; suguin Mo ako.” Maging ministro ng Salita o manggagamot, maging mangangalakal o magbubukid, propesyonal o mekaniko, ang kapanagutan ay nakababaw sa kanya. Gawain niyang ihayag ang ebanghelyo ng kanilang kaligtasan. Bawat gawaing isasabalikat niya ay paraan ng pagtatapos ng gawain. PH 184.4

Hindi malaking gawain ang unang hiniling kay Eliseo; maliliit na gawain ay naging bahagi ng kanyang disiplina. Tulad ng pagbubuhos ng tubig sa kamay ni Elias, na kanyang panginoon. Handa siyang gumanap ng alin mang tungkuling kaloob ng Panginoon, at sa bawat hakbang ay natutuhan niya ang mga liksyon ng kababaan at paglilingkod. Bilang personal na tagapaglingkod ng propeta, patuloy na pinatunayan niya ang katapatan sa maliliit na mga bagay, habang sa bawat araw ay lumalakas ang adhikaing magtalaga sa misyong itinakda sa kanya ng Dios. PH 185.1

Ang buhay ni Eliseo matapos makisanib kay Elias ay di ligtas sa mga tukso. Maraming pagsubok na dumating sa kanya; datapuwat sa bawat kagipitan ay umasa siya sa Dios. Natukso siyang magbalik sa tahanang iniwan, ngunit hindi niya ito pinansin. Matapos hawakan ang araro, may kapasyahang hindi na siya babalik pa, at sa bawat pagsubok at subukan ay pinatunayan niyang siya’y tapat sa pagtitiwala. PH 185.2

Ang paglilingkod ay higit pa sa pangangaral ng salita. Kasama nito ang pagsasanay sa mga kabataang tulad ni Elias kay Eliseo, na kukunin sila sa mga karaniwang tungkulin at pagkakalooban ng kapanagutan sa gawain ng Dios—maliit na kapanagutan sa simula, at palaki habang nagtitipon ng kalakasan at karanasan. Mayroon sa mga naglilingkod na mga lalaki ng pananampalataya at panalangin, mga lalaking maaaring magsabi, “Yaong buhat sa pasimula, yaong aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa Salita ng buhay;...yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo.” 1 Juan 1:1-3. Ang mga kabataan, at walang karanasang manggagawa ay dapat sanavin sa aktuwal na paggawa kasama ng mga sanay na mga lingkod ng Dios. Sa ganito ay matututo silang magdala ng pasan. PH 185.3

Silang nagsasagawa ng ganitong pagsasanay sa mga kabataang manggagawa ay gumagawa ng marangal na gawain. Ang Panginoon na rin ang kaisa nila sa gawain. At sa mga kabataang ang salita ng pagtatalaga ay ibinigay, na nabigyang karapatang masanib sa taimtim, banal na manggagawa, ay dapat samantalahin ang pagkakataong ito. Pinarangalan sila ng Dios nang piliin sila sa Kanyang gawain at sa paglalagay sa kanila sa dakong doon ay higit silang maiangkop para dito at dapat silang maging maamo, tapat, masunurin, at laang magsakripisyo. Kung sila ay pasasailalim sa disiplina ng Dios, na sinusunod ang bawat Kanyang mga tagubilin at tumatanaw sa Kanyang mga lingkod bilang tagapayo nila, sila ay lalago sa pagiging matuwid, may mataas na prinsipyo, matatag na mga lalaki, na maaaring pagkatiwalaan ng Dios ng mga kapanagutan. PH 185.4

Sa pagpapahayag ng ebanghelyo sa kadalisayan nito, ang mga lalaki ay tatawagin mula sa mga araro at sa mga gawain sa daigdig ng komersyo at sila ay tuturuan ng mga lalaking may karanasan. Habang natututo silang gumawang may pakinabang, magpapahayag sila ng katotohanang may kapangyarihan. Sa mga kahanga-hangang pagakay ng kaloob ng langit, mga bundok ng kahirapan ay maaalis at matatapon sa dagat. Ang pabalitang mahalaga para sa mga nananahan sa lupa ay madidinig at mauunawaan. Malalaman ng tao kung ano ang katotohanan. Ang gawain ay patuloy na susulong hanggang ang buong lupa ay mababalaan, at sa ganito ay darating ang wakas. PH 186.1

Ilang taon matapos tawagan si Eliseo, siya ay gumawang kasama ni Elias, ang kabataan ay lalong nahahanda sa bawat araw. Si Elias ay naging instrumento ng Dios sa pag-aalis ng mga dambuhalang kasamaan. Ang idolatriya na, sinuportahan ni Ahab at ng paganong si Jezabel, na umakit sa bayan, ay binigyang pansin. Ang mga propeta ni Baal ay napatay. Ang buong Israel ay nakilos nang gayon at marami ang nanumbalik sa pagsamba sa Dios. Bilang kapalit ni Elias, si Eliseo sa matiyagang pagtuturo, ay dapat magsikap na patnubayan ang Israel sa panatag na mga landas. Ang pakikisama niya kay Elias, ang pinakadakilang propeta mula kay Moises, ang naghanda sa kanya sa gawaing isasabalikat niya nang mag-isa. PH 186.2

Sa panahon ng magkasamang ministeryo, paminsan-minsan ay tinawagan si Eliseo upang harapin ang mga maliwanag na kasamaan sa pamamagitan ng matapang na batikos. Nang agawin ni Ahab ang ubasan ni Naboth, ang tinig ni Elias ang nagbigay propesiya ng malagim na hantungan niya at ng kanyang sambahayan. At si Ahazias, nang ito ay tumalikod sa Dios na buhay tungo kay Baal-zebub, ang diyos ng Ekron, matapos mamatay ang kanyang amang si Ahab, ang tinig din ni Elias ang nadinig upang sansalain ito. PH 186.3

Ang mga paaralan ng mga propeta, na itinatag ni Samuel, ay napabayaan sa mga taon ng pagtalikod ng Israel. Muling itinatag ni Elias ang mga paaralang ito, na binigyang probisyon ang mga kabataang magkaroon ng kasanayang aakay sa kanila upang parangalan ang kautusan ng Dios. Tatlo sa mga paaralang ito, isa sa Gilgal, isa sa Bethel, at isa sa Jerico, ay nabanggit sa talaan. Bago dalhin si Elias sa langit, siya at si Eliseo ay dumalaw sa mga dakong sanayang ito. Ang mga liksyong ibinigay ng propeta ng Dios sa mga unang pagdalaw niya ay inulit Tangi na tinuruan silang pahalagahan ang mataas na pagkatawag nila at pagiging tapat nila sa Dios ng kalangitan. Idiniin din sa kanilang isipan ang halaga ng pagiging simple sa bawat sangkap ng kanilang pag-aaral. Sa ganitong paraan lamang sila mahuhubog sa hulmahan ng langit at makahahayo sa paggawa sa mga daan ng Panginoon. PH 186.4

Nagalak si Elias noong nakita niya ang mga nagagampanan sa paaralang ito. Hindi pa tapos ang gawain ng repormasyon, ngunit nababanaag niya sa buong kaharian ang katunayan ng salita ng Panginoon, “Gayon ma’y iiwan Ko’y pitong libo sa Israel, lahat na tuhod na hindi nagsiluhod kay Baal.” 1 Hari 19:18. PH 187.1

Sa pagsama ni Eliseo sa propeta sa pagdalaw sa bawat paaralan, ang pananampalataya at pagpapasya niya ay lalo pang nasubok. Sa Gilgal, at gayon din sa Bethel at Jerico, sinabihan siya ng propeta na magbalik na. “Maghintay ka rito,” wika ni Elias; “sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Datapuwat sa mga taon ng kanyang paggawa sa araro, natutuhan ni Eliseo ang di dapat manghinang loob o manlupaypay, at ngayon ay nagpasya siyang hawakan ang araro ng ibang uri ng paglilingkod ay hindi siya maililihis sa kanyang adhikain. Hindi siya maaaring ihiwalay sa kanyang panginoon, hanggang may pagkakataong natitira upang magtamo pang higit na pag-aangkop sa paglilingkod. Hindi alam ni Elias, na naipahayag na sa mga kabataan sa mga paaralan ng mga propeta, at tangi kay Eliseo: na siya ay ililipat na. At ngayon ang subok na lingkod ng Dios ay lalo pang dumikit sa kanya. Sa bawat tagubiling magpaiwan na, ang tugon niya ay, “Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan.” PH 188.1

“At silang dalawa ay nagsiyaon.... At silang dalawa ay nagsitayo sa tabi ng Jordan. At kinuha ni Elias ang kanyang balabal, at tiniklop, at hinampas ang tubig, at nahawi dito at doon, na anupa’t silang dalawa’y nagsidaan sa tuyong lupa. At nangyari, nang sila’y makatawid, na sinabi ni Elias kay Eliseo, Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako ihiwalay sa iyo.” PH 188.2

Si Eliseo ay hindi humingi ng makamundong karangalan o mataas na posisyon katulad ng mga matataas na mga tao sa sanlibutan. Ang kanyang pinakaasam-asam ay ang malaking sukat ng Espiritu na malayang ipagkakaloob ng Dios sa isa na pararangalan ng may paglilipat. Alam niya na walang iba kundi ang Espiritu na nasa kay Elias ang mag-aangkop sa kanya upang punan ang lugar sa Israel na kung saan, siya ay tinawagan ng Dios, at kanyang itinanong, “Isinasamo ko sa iyo, na ang ibayong bahagi ng iyong Diwa ay sumaakin.” PH 188.3

Sa pagtugon sa kahilingang ito, sinabi ni Elias, “Ikaw ay humingi ng mabigat na bagay: gayon ma’y kung makita mo ako pagka ako’y inihiwalay sa iyo, magiging gayon sa iyo; ngunit kung hindi, ay hindi magiging gayon. At nangyari, samantalang sila’y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na narito, napakita ang isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na naghiwalay sa kanila kapwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.” Tingnan ang 2 Hari 2:1-11. PH 188.4

Si Elias ay sumagisag sa mga banal na nabubuhay sa lupa sa panahon ng ikalawang pagparito ni Kristo at sa “babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng huling pakakak,” na hindi makakatikim ng kamatayan. 1 Corinto 15:51, 52. Bilang kinatawan ng mga banal na isasalin sa langit na si Elias, sa pagtatapos ng ministeryo ni Kristo sa lupa ay pinahintulutang tumayo kasama ni Moises sa tabi ng Tagapagligtas doon sa bundok ng pagbabagonganyo. Sa mga niluwalhating mga lingkod na ito, ay nakita ng mga alagad ang maliit na larawan ng kaharian ng mga tinubos. Nakita nila si Jesus na nadadamtan ng liwanag ng langit; narinig nila ang “tinig na nanggaling sa alapaap” (Lucas 9:35), na kinikilala Siya bilang Anak ng Dios; nakita nila si Moises na kumakatawan sa mga bubuhaying mula sa mga patay sa ikalawang pagparito; at naroon ding nakatayo si Elias, na kumakatawan doon sa mga hindi titikim ng kamatayan na sa pagsasara ng kasaysayan ng sanlibutan ay babaguhin mula sa mortal hanggang imortal. PH 189.1

Sa disyerto, sa pangungulila at kapanglawan, si Elias ay nanalanging pagod na siya sa buhay at dumalanging siya ay mamatay na. Datapuwat ang Panginoon sa Kanyang habag ay hindi siya dininig sa kanyang salita. May dakila pang gawaing gagampanan si Elias; at kung ang kanyang gawain ay matapos na, hindi siya mamamatay sa pagkabigo at kapanglawan. Hindi para sa kanya ang pagpanaog sa libingan, kundi ang pagpanhik kasama ng mga anghel sa presensya ng Kanyang kaluwalhatian. PH 189.2

“At nakita ni Eliseo, at siya’y sumigaw, Ama ko, ama ko, mga karo ng Israel, at mga mangangabayo niyaon. At hindi na niya nakita siya: at kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuutan, at hinapak ng dalawang hati. Kinuha rin niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at bumalik, at tumayo sa tabi ng pampang ng Jordan; at kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, at sinabi, Saan nandoon ang Panginoon, ang Dios ni Elias? at nang kanyang mahampas naman ang tubig, ay nahawi dito at doon: at si Eliseo ay tumawid. At nang makita siya ng mga anak ng mga propeta na nanga sa Jerico sa tapat niya, ay kanilang sinabi, Ang Espiritu ni Elias ay sumasa kay Eliseo. At sila’y nagsiyaon na sinalubong siya, at sila’y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya. 2 Hari 2:12-15. PH 189.3

Kapag nakita ng Panginoon na panahon nang alisin na sa gawain silang pinagkalooban Niya ng kamnungan, tinutulungan at pinalalakas Niya ang mga papalit sa kanila, kung sila ay tatanaw sa Kanya ukol sa tulong at lalakad sa Kanyang mga landas. Maaaring sila’y higit pang pantas sa kanilang hahalinhan; sapagkat sila ay nakinabang sa karanasan at natuto sa mga pagkakamali ng nauna sa kanila. PH 189.4

Mula noon ay tumayo si Eliseo sa lugar ni Elias. Siya na naging tapat sa pinakamaliit ay patutunayang siya ay tapat din sa malaki. PH 190.1