ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 16—Ang Pagbagsak ng Sambahayan ni Ahab
Ang kabanatang ito ay batay sa 1 Hari 21; 2 Hari 1.
Ang masamang impluwensya ni Jezabel kay Ahab sa una pa ay nagpatuloy hanggang sa mga huling taon ng kanyang buhay at nagbunga ng mga gawa ng kahihiyan at karahasan na hindi madalas maganap sa banal na kasaysayan. “Walang gaya ni Ahab na nagbili ng kanyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa Panginoon, na hinikayat ni Jezabel na kanyang asawa.” PH 171.1
Likas na mapag-imbot, si Ahab, napalakas sa masamang gawa ni Jezabel, ay sinunod ang dikta ng kanyang pusong masama hanggang siya ay lubusang mapailalim sa diwa ng kasakiman. Hindi pinalalampas ang kanyang kagustuhan; ang mga bagay na ninais niya ay inisip na marapat lamang na mapasa kanya. PH 171.2
Ang nananaig na likas na ito ni Ahab, na nakaimpluwensya nang malaki sa kapahamakan ng kaharian sa panahon ng mga kahalili niya, ay naganap nang si Elias pa ang propeta sa Israel. Katabi ng palasyo ng hari ay ang ubasan ni Naboth, isang Jezreelita. Ninais ni Ahab na makamtan ang ubasang ito, at nag-alok na ito ay bilhin, o kaya ay palitan ng isa ring lupain. At sinalita ni Ahab kay Naboth, na sinabi, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang aking tangkilikin na pinaka halamanang pananim, sapagkat malapit sa along bahay: at aking ipapalit sa iyo na kahalili niyaon ang isang mainam na ubasan kaysa roon; o, kung inaakala mong mabuti, along ibibigay sa iyo ang halaga niyaon na salapi.” PH 171.3
Malaki ang pagpapahalaga ni Naboth sa ubasang ito na mana pa sa kanyang mga magulang, kung kaya’t ito ay tumanggi. Sinabi ni Naboth kay Ahab, “huwag itulot ng Panginoon sa akin, na aking ibigay ang mana sa aking mga magulang sa iyo.” Ayon sa batas ng mga Levita walang lupang maililipat na lubusan sa bilihan o palitan; ang mga anak ni Israel ay “masasanib bawat isa sa mana ng lipi ng kanyang mga magulang.” Bilang 36:7. PH 171.4
Sa pagtangging ito ni Naboth nagkasakit ang sakim na hari. “At pumasok si Ahab sa kanyang bahay na yamot at lunos dahil sa sinalita ni Naboth na Jezreelita sa kanya.... At siya’y nahiga sa kanyang higaan, at ipinihit ang kanyang mukha, at ayaw kumain ng tinapay ” PH 171.5
Nalaman agad ni Jezabel ang mga bagay na ito, at, galit sa pangyayaring may naglakas ng loob na tanggihan ang hari, tiniyak niya kay Ahab na hindi siya dapat pang malungkot. At sinabi ni Jezabel na kanyang asawa sa kanya, “Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel?” “Ikaw ay bumangon, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso: aking ibibigay sa iyo ang ubasan ni Naboth na Jezreelita.” PH 172.1
Hindi mahalaga kay Ahab kung ano pang paraan ang gamitin ng asawa para masunod ang kanyang kagustuhan, at si Jezabel nga ay nagpatuloy sa pagsasagawa ng kanyang masamang balak. Sumulat siya ng liham sa pangalan ng hari, tinatakan ng singsing ng hari, at ipinadala sa mga matanda at maharlika sa siyudad na kinaroroonan ni Naboth, na nagsasabi: “Mangagtanyag kayo ng isang ayuno at ilagay ninyo si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan: at lumagay ang dalawang lalaki, na mga anak ni Belial, sa harap niya, upang mangagsisaksi laban sa kanya, na magsipagsabi, Ikaw ay namusong sa Dios at sa hari. At ilabas nga siya, at batuhin siya, upang siya’y mamatay.” PH 172.2
Ang utos ay sinunod. “At ginawa ng mga tao sa kanyang bayan, sa makatuwid baga’y ng mga matanda at ng mga maginoo,...kung ano ang ipinag-utos ni Jezabel...ayon sa nangasusulat sa mga sulat na kanyang ipinadala sa kanila.” At si Jezabel ay nagtungo sa hari at inutusang bumangon upang angkinin ang ubasan. At si Ahab, na hindi iniisip ang bunga nito, ay bulag na sumunod at inangkin ang minimithing pag-aari. PH 172.3
Hindi pinalagpas na ang hari ay hindi masansala tungkol sa bagay na kanyang nakuha sa pandaraya at pagdanak ng dugo. “Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na nagsabi, Bumangon ka, panaugin mong salubungin si Ahab na hari ng Israel, na tumatahan sa Samaria: narito, siya’y nasa ubasan ni Naboth na kanyang pinapanaog upang ariin. At iyong sasalitain sa kanya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyo bang pinatay, at iyo rin namang inari?” At ang Dios ay nagbigay din ng tagubilin kay Elias upang sabihin kay Ahab ang nakalulunos na hatol. PH 172.4
Mabilis na isinagawa ng propeta ang utos ng langit. Sa pagkakita sa sinugo ni Jehova sa ubasan, ang nagkasalang hari ay takot na nagsabing, “Nasumpungan mo ba ako, Oh aking kaaway?” PH 172.5
Walang atubiling sumagot ang mensahero ng Panginoon, “Nasumpungan kita: sapagkat ikaw ay napabili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon. Narito, Aking dadalhan ng kasamaan ka, at Aking lubos na papaalisin ka.” Walang ipakikitang awa. Ang sambahayan ni Ahab ay dapat wasakin nang husto, “na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahia,” pahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang lingkod, “dahil sa pamumungkahi na iyong iminungkahi sa Akin sa galit, at iyong pinapagkasala ang Israel.” PH 173.1
At tungkol kay Jezabel ay nagsalita naman ang Panginoon, na nagsasabi, “Lalapain naman ng mga aso si Jezabel sa tabi ng kuta ng Jezreel. Ang mamamatay kay Ahab sa bayan ay lalapain ng mga aso; at ang mamamatay sa parang ay tutukain ng mga ibon sa himpapawid.” Nang marinig ng hari ang nakakatakot na pabalita, “na kanyang hinapak ang kanyang mga damit, at nagsuot ng kayong magaspang sa kanpng katawan, at nag-ayuno, at nahiga sa kayong magaspang, at lumakad ng marahan. PH 173.2
“At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na sinabi, Nakita mo ba kung paanong si Ahab ay nagpakababa sa harap Ko? sapagkat sip’y nagpakababa sa harap Ko, hindi Ko dadalhin ang kasamaan sa kanyang mga kaarawan: kundi sa mga kaarawan ng kanyang mga anak na dadalhin Ko ang kasamaan sa kanyang sambahayan.” PH 173.3
Kulang-kulang ng tatlong taon bago namatay si Ahab sa kamay ng mga taga Syria. Si Ahazias, na pumalit sa kanya ay, “gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa lakad ng kanyang ama, at sa lakad ng kanyang ina, at sa lakad ni Jeroboam.” “Siya’y naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel,” ayon sa lahat na ginawa ng kanyang amang si Ahab. 1 Hari 22:52-53. Ang parusa ay dumating agad sa mga kasalanan ng mapanghimagsik na haring ito. Isang mapangwasak na digmaan sa Moab, at pagkatapos isang aksidenteng halos kumuha ng kanyang buhay, ang nagpatotoo ng galit ng Dios sa kanya. PH 173.4
Nahulog “sa silahia sa kanyang silid sa itaas,” lubhang napinsala, at sindak sa maaring kalabasan, nagsugo si Ahazias ng mga sugo upang magtanong kay Baal-zebub, na diyos ng Ecron, kung gagaling pa siya o hindi na. Ang diyos ng Ecron ay dapat magbigay ng kaalaman, tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap, sa pamamagitan ng mga alagad nito. May karamihan ang nag-usisa; subalit ang ipinopropesiya, at pahayag, ay nagmula sa prinsipe ng kadiliman. PH 173.5
Ang mga lingkod ni Ahazias ay sinalubong ng alagad ng Dios, na sinabihan silang bumalik sa hari na dala ang mensaheng: “Dahilan ba sa walang Dios sa Israel na kaya kayo’y nagsisiyaon upang magsipagusisa kay Baal-zebub, na diyos ng Ecron? Ngayon nga’y ganito ang sinabi ni Jehova, Ikaw ay hindi bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay.” Nang masabi ang kanyang mensahe, ang propeta ay umalis. PH 174.1
Ang nabiglang mga tagapaglingkod ay nagmadaling bumalik sa hari, at inulit sa kanya ang mga salita ng alagad ng Dios. At sinabi niya sa kanila, “Anong anyo ng lalaking yaon?” At sila’y nagsisagot, “Siya’y lalaking mabalahibo, at nakabigkis ng bigkis ng balat ng hayop sa kanyang mga balakang.” At kanyang sinabi, “Siya’y si Elias na Thisbita.” Alam niya na kung ang taong ito ay tunay ngang si Elias, ang hulang pagkapahamak ay magaganap na walang pagsala. Sa kagustuhang mapigilan ito, ipinasiyang ipatawag ang propeta. PH 174.2
Dalawang ulit na nagpadala si Ahazias ng mga sundalo upang takutin ang propeta, at dalawang ulit na ang galit ng Dios ay lumapag sa kanila. Ang ikatlong grupo ng kawal ay nagpakababa sa Dios; at ang punong kawal, sa paglapit sa sugo ng Panginoon ay, “lumuhod sa harap ni Elias, at namanhik sa kanya at nagsabi sa kanya, Oh lalaki ng Dios, isinasamo ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limampung ito na iyong mga lingkod, ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.” PH 174.3
“At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, Bumaba kang kasama niya: huwag kang matakot sa kanya. At siya’y tumindig, at bumabang kasama niya hanggang sa hari. At sinabi niya sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Yamang ikaw ay nagsugo ng mga sugo upang mag-usisa kay Baal-zebub, na diyos sa Ecron, dahil ba sa walang Dios sa Israel na mapag-uusisaan ng Kanyang salita? kaya’t hindi ka bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang mamamatay ka.” PH 174.4
Sa panahon ng paghahari ng kanyang ama, nakita ni Ahazias ang mga kahanga-hangang gawa ng Kataastaasan. Namasdan niya ang nakalulunos na ebidensya ng galit ng Dios sa tumalikod na Israel at sa nagwawalang bahala sa Kanyang kautusan. Kumilos si Ahazias na parang ang mga kalunus-lunos na katunayang ito ay mga kathang isip lamang. Sa halip na magpakababa ng puso sa Panginoon ay sinundan niya si Baal, at sa wakas ay dumating sa pinakamasamang gawang ito. Mapanghimagsik, at ayaw magsisi, Si Ahazias ay namatay, “ayon sa salita ng Panginoon na sinalita ni Elias.” PH 174.5
Ang tala ng kasalanan ni Haring Ahazias at ang parusa dito ay may babalang hindi natin maisasaisantabi na lamang. Ang tao ngayon ay maaaring hindi naglilingkod sa mga diyos na pagano, gayunman ay libu-libo ang sumasamba sa dambana ni Satanas tulad ng hari ng Israel. Ang diwa ng idolatriya ay laganap sa buong mundo, bagaman ito ay sa ilalim ng impluwensyra ng agham at edukasyon, ay nasa iba 't ibang anyo itong higit na kaakit-akit at pino kaysa mga kaarawan ni Ahazias sa Ecron. Sa bawat araw na nadaragdag ang nakalulungkot na ebidensya na ang pananampalataya sa tiyak na salita ng propesiya ay nababawasan, at sa halip nito ang makasatanas na pangkukulam ay nakagagayuma sa isipan ng marami. PH 175.1
Ngayon ang mga misteryo ng pagsambang pagano ay napalitan ng mga lihim na asosasyon at mga pagtitipong espiritismo. Ang pag- hahayag ng mga alagad na ito ng espiritismo ay kinasasabikan ng mga libong ayaw tumanggap sa liwanag ng salita ng Dios o ng Kanyang Banal na Espiritu. Ang mga naniniwala sa espiritismo ay maaaring nagtatawa sa mga mahikero noong una, datapuwat ang dakilang mandaraya ay humahalakhak habang sila naman ay nagiging alipin ng mga ibang anyo ng espiritismo. PH 175.2
Marami ang nanliliit sa takot sa isipang sila ay makipagsanggunian sa mga espiritu, datapuwat naakit naman ng mga nakagagayumang uri ng espiritismo. Ang iba ay naliligaw sa mga turo ng Kristianong Agham, at ng mistikong Teosopiya at mga relihiyon sa Silangan. PH 176.1
Ang mga apostol ng halos lahat ng uri ng espiritismo ay nagaangkin na mayroong kapangyarihang magpagaling. Sinasabi nilang ito ay bisa ng elektrisidad, magnetismo, mga tinatawag na “remedyong nag-mamalasakitan,” o kaya ay ng kapangyarihan ng isipan. At hindi lamang iilan, kahit na sa Kristianong panahong ito, ang nagtutungo sa mga nagpapagaling na ito, sa halip na magtiwala sa kapangyarihan ng Dios na buhay at kakayahan ng mga nasanay na manggagamot. Ang ina, na nagmamasid sa kawalang pag-asa sa anak na may sakit, ay nagtatanong, “Wala na akong magagawa pa. Wala bang manggagamot na may kapangyarihang magpagaling sa aking anak?” Sasabihan siya tungkol sa mahimalang kapangyarihan ng isang manghuhula o nagpapagaling sa paggamit ng magneto, at doon ay ipagkakatiwala ang mahal sa buhay, inilalagay ito sa kamay ni Satanas na parang ito ay nakatayo sa tabi ng anak. Sa maraming pagkakataon ang buhay sa hinaharap ng bata ay natutungo sa kontrol ng satanismo na tila imposibleng sirain. PH 176.2
Ang Dios ay may matuwid sa galit kay Ahazias dahilan sa kawalang kabanalan nito. Ano pa ba ang hindi Niya nagawa upang akitin ang puso ng Israel at pasiglahin silang magtiwala sa Kanya? Sa maraming panahon ay ipinagkaloob sa kanila ang pagpapahayag ng halimbawa ng kagandahang loob at pag-ibig na walang katulad. Sa pasimula pa ay ipinakita sa kanilang ang Kanyang “kaaliwan ay sa mga anak ng mga tao.” Kawikaan 8:31. Lagi Siyang naroroon upang tumulong sa mga taimtim na lumalapit sa Kanya. Subalit ngayon, ang haring ito ng Israel, ay tumalikod sa Dios upang hilingin ang tulong ng pinakamasamang kaaway ng kanyang bayan, at inihayag sa mga paganong ito na higit ang kanyang tiwala sa kanilang mga diyusdiyusan kaysa sa Dios ng langit. Sa ganitong paraan din naman ay inaalisan ng tao ng karangalan Siya kapag sila ay tumatalikod sa Bukal ng kalakasan at kaninungan upang hilingin ang tulong o payo ng mga kapangyarihan ng kadiliman. Kung ang galit ng Dios ay pinaapoy ni Ahazias sa ginawa niyang ito, ano naman ang tingin Niya sa kanilang, may lalong malaking liwanag, na susunod din sa ginawa ni Ahazias? PH 176.3
Silang pasasailalim sa kulam ni Satanas, ay maaaring mag-angkin ng higit na kapangyarihan at pagpapala; ngunit ito ba ang patunay na panatag ang landas nila? Ano’t kung ang buhay ay napahaba? Ano 't kung ang pakinabang na materyal ay higit? Mababayaran ba nito sa bandang huli ang pagsalangsang sa saloobin ng Dios? Lahat ng ito sa wakas ay magiging malaking kawalan. Hindi natin basta na lamang masisira ang hadlang na inilagay ng Dios sa pagitan ng Kanyang bayan at ng kapangyarihan ni Satanas. PH 177.1
Sapagkat walang anak na lalaki si Ahazias, sinundan siya ni Joram sa trono, ang kanyang kapatid, na naghari sa sampung tribo sa loob ng labing-dalawang taon. Sa mga panahong ito, si Jezabel, na ina niya ay buhay pa, at patuloy na nagsagawa ng masamang impluwensya sa bayan. Mga pagsamba sa mga diyos ay patuloy pa ring isinagawa ng maraming tao. Si Joram mismo ay “gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; ngunit hindi gaya ng kanyang ama, at ng kanyang ina: sapagkat kanyang inalis ang haligi na pinakaalaala kay Baal na ginawa ng kanyang ama. Gayon ma’y lumakip siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel; hindi niya hiniwalayan.” 2 Hari 3:2, 3. PH 177.2
Sa panahon ng paghahari ni Joram sa Israel na namatay si Josaphat, at ang anak ni Josaphat, na ang pangalan ay Joram din, ang pumalit sa trono ng kaharian ng Juda. Sa pag-aasawa nito sa anak ni Ahab at Jezabel, si Joram ng Juda ay naging malapit ang kaugnayan sa hari ng Israel; at sa paghahari nito ay sinunod si Baal, “gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab.” “Bukod dito’y kanyang ginawa ang mga mataas na dako sa mga bundok ng Juda, at pinasamba sa diyus-diyusan ang mga taga Jerusalem, at iniligaw ang Juda.” 2 Cronica 21:6, 11. PH 177.3
Ang hari ng Juda ay hindi pinahintulutang isagawa ang kalunuslunos na pagtalikod na ito na hindi nasasawata. Si propeta Elias ay hindi pa nadadala sa langit at hindi siya matahimik samantalang ang kaharian ng Juda ay sinusundan ang landas na naghatid sa kaharian sa hilaga sa bingit ng pagkawasak. Nagpadala ang propeta ng isang liham kay Joram ng Juda, na dito ay nabasa ng masamang hari ang malungkot na mga salita: PH 177.4
“Ganito ang sabi ng Panginoong Dios ni David na iyong ama, Sapagkat hindi ka lumakad ng mga lakad ni Josaphat na iyong ama, o ng mga lakad man ni Asa na hari sa Juda, kundi ikaw ay lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iyong pinasamba sa diyus-diyusan ang Juda at ang mga nananahan sa Jerusalem, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, at iyo rin namang pinatay ang iyong mga kapatid sa sambahayan ng iyong ama, na lalong mabuti kaysa iyo: narito, ang Panginoon ay mananalot ng malaki sa iyong bayan, at sa iyong mga anak, at sa iyong mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari: at ikaw ay magkakasakit ng mabigat.” PH 178.1
Sa kaganapan ng propesiyang ito “inudyukan ng Panginoon laban kay Joram ang diwa ng mga Filisteo, at ng mga taga Arabia, na nangasa siping ng mga taga Etiopia: at sila’y nagsiahon laban sa Juda, at nagpumilit doon, at dinala ang lahat na pag-aari na nasumpungan sa bahay ng hari, at pari ang mga anak niya, at ang mga asawa niya; na anupa’t walang naiwang anak sa kanya, liban si Joachaz [Ahazias, Azarias], na bunso sa kanyang mga anak. PH 178.2
“At pagkatapos ng lahat na ito ay sinaktan siya ng Panginoon sa kanyang tiyan ng walang kagamutang sakit. At nangyari, sa lakad ng panahon sa katapusan ng dalawang taon,...siya’y namatay sa mabigat na sakit.” “At si Ahazias [Joachaz] na kanyang anak ay naghari na kahalili niya.” Talatang 12-19; 2 Hari 8:24. PH 178.3
Si Joram na anak ni Ahab ay naghahari pa sa Israel nang ang kanyang pamangking si Ahazias ay umupo sa trono ng Juda. Isang taon lamang naghari si Ahazias, at sa impluwensiya ng kanyang inang si Athalia, na “kanyang taga-payo upang gumawang may kasamaan,” “siya’y lumakad ng lakad ng sambahayan ni Ahab, at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.” 2 Cronica 22:3, 4; 2 Hari 8:27. Ang kanyang lolang si Jezabel, ay buhay pa rin, at nakipagalyansang hayagan sa kanyang tiyuhing Joram ng Israel. PH 178.4
Di nagtagal ay dumating sa malagim na wakas si Ahazias ng Juda. Ang mga natirang kaanib ng sambahayan ni Ahab ay tunay na naging “kanyang taga-payo pagkamatay ng kanyang ama sa ikapapahamak niya.” 2 Cronica 22:3, 4. Samantalang dumadalaw si Ahazias sa kanyang tiyuhin sa Jezreel, ang propetang Eliseo ay sinabihan ng Dios na ipadala ang isa sa mga anak ng mga propeta sa Ramothgilead upang pahiran ng langis si Jehu bilang han ng Israel. .Ang magkasanib na puwersa ngjuda at Israel sa panahong iyon ay nakikipaghamok sa mga Siriano sa Ramothgilead. Si Joram ay nasugatan sa laban at nagbalik sa Jezreel, at naiwan si Jehu upang manguna sa digmaan. PH 178.5
Sa pagpahid ng langis kay Jehu, sinabi ng mensahero ni Eliseo, “Aking pinahiran ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, samakatuwid baga’y sa Israel.” At solemne niyang isinabalikat kay Jehu ang natatanging gawain mula sa langit. “Iyong sasaktan ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon,” ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang sugo, “upang Aking ipaghiganti ang dugo ng Aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat na lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezabel. Sapagkat ang buong sambahayan ni Ahab ay mamamatay.” 2 Hari 9:6-8. PH 179.1
Matapos na siya ay itanghal ng hukbo bilang hari, si Jehu ay nagmadaling tumungo sa Jezreel, na doon ay pinasimulan ang gawaing pagpatay sa kanilang kusang pinili ang pagsunod sa kasalanan at mag-akay pa ng iba sa pagkakasala. Si Joram ng Israel, Ahazias ng Juda, at Jezabel na inang reyna, at “ang lahat niyang dakilang tao, at ang kanyang mga kasama-samang kaibigan, at ang kanyang mga saserdote,” ay pinatay. “Ang lahat na propeta ni Baal, ang lahat niyang mananamba, at ang lahat niyang mga saserdote” na nananahan sa sentro ng pagsamba kay Baal sa Samaria, ay pinagpapatay sa tabak. Ang mga diyus-diyusang imahen ay winasak at sinunog, at ang templo ru Baal ay natiwangwang. “Ganito ibinuwal ni Jehu si Baal sa Israel.” 2 Hari 10:11, 19,28. PH 179.2
Ang balita ng ganitong malawakang pagpatay ay nakaraung kay Athalia na anak ni Jezabel, na may mataas pang tungkulin sa kaharian ng Juda. Nang makita niyang patay na ang kanyang anak, na hari ng Juda, “siya’y tumindig at nilipol ang lahat na binhing hari ng sambahayan ni Juda.” Sa pagpatay na ito, lahat ng kalahi ni David na angkop maging hari ay winasak, isa ang naligtas, ang sanggol na si Joas, na itinago ng asawa ni Joiada na saserdote sa loob ng templo. Siya’y nakakubling kasama nila sa bahay ng Dios na anim na taon, habang “si Athalia ay naghan sa lupain.” 2 Cronica 22:10, 12. PH 179.3
Sa katapusan ng panahong ito, ang “mga Levita at ang buong Juda” (2 Cronica 23:8) ay nakiisa kay Joiada na saserdote sa pagpuputong ng korona at pagpapahid ng langis sa batang si Joas at binubunyi siya bilang kanilang hari. “At kanilang ipinalakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, Mabuhay ang hari.” 2 Han 11:12. PH 179.4
“At nang marinig ni Athalia ang kaingay ng bayan, na tumatakbo at pinupuri ang hari, siya’y naparoon sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon.” 2 Cronica 23:12. “At siya’y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng haligi, ayon sa kaugalian, at ang mga punong kawal at ang mga pakakak sa siping ng hari, at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak.” PH 180.1
“Nang magkagayo’y hinapak ni Athalia ang kanyang kasuutan, at humiyaw, Paglililo, Paglililo.” 2 Hari 11:14. Datapuwat inutusan ni Joiada ang mga pinuno ng kawal na dakpin si Athalia at lahat ng mga tagasunod niya at dalhin sa dakong patayan upang doon ay paslangin. PH 180.2
Sa ganito ay pinatay ang huling kaanib ng sambahayan ni Ahab. Ang nakalulunos na kasamaang ginawa niya sa pakikipag-alyansa kay Jezabel, ay nagpatuloy hanggang ang pinakahuling kaanib ng sambahayan ay pinatay. Kahit na sa lupain ng Juda, na ang pagsamba sa tunay na Dios ay hindi pormal na isinaisantabi, si Athalia ay naging matagumpay sa pandaraya sa marami. At nang mapatay ang reynang di nagsisi, “ang buong bayan ng lupain ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak; ang kanyang mga larawan ay pinagputulputol nilang mainam, at pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana.” Talatang 18. PH 180.3
Isang repormasyon ang naganap. Ang lahat ng nagbunyi kay Joas na hari, ay nakipagtipang “sila’y magiging bayan ng Panginoon.” At nang mawala na ang impluwensya ng anak ni Jezabel sa kaharian ng Juda, at ang mga saserdote ni Baal ay pinatay at winasak ang kanilang templo, “ang buong bayan ng lupain ay nagalak: at ang bayan ay natahimik.” 2 Cronica 23:16, 21. PH 180.4