ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 9—Si Elias na Tisbita
Ang kabanatang ito ay batay sa 1 Hari 17:1-7.
Sa mga kabundukan ng Galaad, sa silangan ng Jordan, ay may isang lalaki ng pananampalataya at panalangin na sa mga kaarawan ni Ahab ay natalagang pumigil ng pagtalikod na ito ng Israel sa pamamagitan ng kanyang walang takot na ministeryo. Malayo sa tanyag na siyudad at walang mataas na kalagayan sa buhay, si Elias na Tisbita ay pumasok sa misyong ito na may pagtitiwala sa adhikain ng Dios na ihanda ang daan niya at magbigay sa kanya ng saganang tagumpay. Ang salita ng pananampalataya at kapangyarihan ay nasa kanyang mga labi, at ang buhay niya ay natalaga sa gawain ng reporma. Ang tinig niya ay tulad ng isang sumisigaw sa ilang upang sansalain ang kasalanan at hadlangan ang mga puwersa ng kasamaan. Gayong siya ay humarap sa bayan bilang tagapagsansala ng kasalanan, ang pabalita naman niya ay naghandog ng balsamo ng Galaad sa mga kaluluwang salanta ng kasalanan na naghahangad ng pagpapagaling. PH 101.1
Habang nakikita ni Elias ang patuloy na paglubog ng Israel sa idolatriya, ang kaluluwa niya ay nanlulumo at ang galit niya ay umigting. Ang Dios ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa Kanyang bayan. Kanyang iniligtas sila mula sa pagkabilanggo at ibinigay Niya sa kanila “ang mga lupain ng mga bansa,...upang kanilang maingatan ang Kanyang mga palatuntunan, at sundin ang Kanyang mga kautusan.” Awit 105:44, 45. Ngunit ang mapagbigay na hangad ni Jehova ay matagal nang nilimot. Ang kawalangpagtitiwala ay mabilis na naghihiwalay sa piniling bayan mula sa Pinagmumulan ng kanilang lakas. Habang tinitingnan ang pagtalikod na ito sa pananampalataya mula sa bundok na kanyang pinapagpapahingahan, si Elias ay napakumbabawan ng kalungkutan. Sa pagdadalamhad ng kaluluwa kanyang nilapitan ang Dios upang kunin ang minsang-itinangi na mga tao mula sa kanilang makasalanang kalagayan, upang dalawin sila ng paghuhukom, kung kinakailangan, upang sila ay akayin na makita sa tunay na liwanag ang kanilang paglisan mula sa Langit. Kanyang inasam-asam na makita silang dalhin sa pagsisisi bago sila tuluyang mapalaot sa masamang-gawain na magpapagalit sa Panginoon at sila ay tuluyang wasakin. PH 101.2
Ang panalangin ni Elias ay sinagot Paulit-ulit na pagsamo, pagsalangsang, at mga babala ay nabigong dalhin ang Israel sa pagsisisi. Ang panahon ay dumating kung saan ang Diyos ay dapat magsalita sa kanila sa pamamagitan ng paghuhukom. Na hanggat maaari ang mga sumasamba kay Baal ay naninindigan na ang mga yaman sa langit, ang hamog at ang ulan, ay hindi nagmula kay Jehova, kundi sa mga pangunahing lakas ng kalikasan, at dahil sa mapaglikhang kakayahan ng araw ang mundo ay napayaman at nagawang mapagbungang tuluyan, ang sumpa ng Diyos ay mananahang mabigat sa maduming lupain. Ang mga tumalikod na tribo ng Israel ay pagpapakitaan ng kawalang-kabuluhan ng pagtidwala sa kapangyarihan ni Baal para sa pansamantalang pagpapala. Hanggang sila ay bumalik sa Diyos ng may pagsisisi, at kilalanin Siya bilang bukal ng lahat ng pagpapala, ay walang mananahan sa lupain ni hamog o ulan. PH 102.1
Kay Elias ipinagkatiwala ang misyon na dalhin kay Ahab ang pabalita ng Langit na paghuhukom. Hindi niya piniling maging mensahero ng Panginoon; ang salita ng Panginoon ang dumating sa kanya. At naghihimutok para sa dangal ng gawain ng Panginoon, hindi siya nag-atubiling sundin ang banal na panawagan, kahit na ang pagsunod ay maaaring mag-anyaya sa kanyang dagliang pagkawasak sa kamay ng malupit na hari. Ang propeta ay naghanda kaagad at naglakbay gabi’t araw hanggang marating ang Samaria. Sa dakong yaon hindi siya humingi ng pagtangkilik, o naghintay man ng pormal na pagpapahayag. Balot ng magaspang na pananamit na isinusuot ng mga propeta noong mga kapanahunang yaon, nakalusot siya sa mga bantay, na hindi man lang napansin, at tumayo ng ilang sandali sa harap ng napamanghang hari. PH 102.2
Si Elias ay hindi nagpaumanhin sa kanyang madaliang paglitaw. Isang mas Dakila kaysa sa taga-panguna ng Israel ang nag-utos sa kanya para magsalita; at, habang itinataas ang kanyang kamay sa langit, at taimtim na pinagtibay sa pamamagitan ng buhay na Dios na ang paghuhukom ng Pinaka-Mataas ay bababa sa Israel. “Kung paanong ang Panginoong Dios ng Israel ay nabubuhay, sa Kanya ako’y tumatayo,” kanyang ipinahayag, “walang magiging hamog ni ulan sa mga taon, nguni’t ayon sa aking salita.” PH 102.3
Dahilan sa pagganap ng malakas na pananampalataya sa di nagkukulang na lakas ng salita ng Dios naipahatid ni Elias ang kanyang pabalita. Kung hindi sa pagkakaroon ng lubos na pagtidwala sa Dios na kanyang pinaglilingkuran, hindi niya magagawang humarap kay Ahab. Sa kanyang daan patungong Samaria, nadaanan ni Elias ang mga dumadaloy na batis, mga burol na luntian, at mga kakahuyan na kung iisipin ay hindi mararating ng tagtuyot. Lahat ng bagay na makita ng mga mata ay nababalutan ng kagandahan. Ang propeta ay maaaring nag-isip kung paanong ang mga batis na hindi nawawalan ng daloy ay matutuyo, o kung paanong ang mga burol at mga lambak ay madadarang ng tagtuyot. Ngunit hindi siya nagbigay ng puwang sa hindi paniniwala. Siya ay lubusang naniwala na ang Dios ang magpapahandusay sa tumalikod na Israel, at sa pamamagitan ng mga kahatulan ay dadalhin ito sa pagsisisi. Ang salita ng Langit ay lumabas; ang salita ng Dios ay hindi magkukulang; at sa kabila ng panganib sa buhay ni Elias ay walang takot na tinupad ang kanyang tungkulin. Tulad ng kidlat sa maaliwalas na langit, ang pabalita ng namumuong kahatulan ay nadinig ng masamang hari; datapuwat bago natauhan si Ahab mula sa kanyang kabiglaanan, o kaya ay makasagot, si Elias ay biglang umalis tulad ng kanyang biglang pagdating, na hindi na hinintay pa ang bunga ng kanyang pabalita. At nauna ang Panginoon sa kanya, at inihanda ang kanyang landas. “Lumiko ka pasilangan,” ang utos sa propeta, “at magtago ka sa Kerit, sa gawing Jordan. At ikaw ay iinom sa ilog; at inutusan Ko ang mga uwak upang magpakain sa iyo.” PH 103.1
Matiyagang nagtanong-tanong ang hari, ngunit hindi masumpungan ang propeta. Si Reyna Jezabel, na nagalit sa pabalitang ito na nagkandado sa mga kayamanan ng langit, ay hindi nag-aksaya ng panahon upang makipagsanggunian sa mga saserdote ni Baal, na nakipagsanib sa kanya upang sumpain ang propeta at labanan ang galit ni Jehova. Datapuwat sa kabila ng paghahangad nilang makita ang nangusap ng mga salita ng kagulumihanan, sila ay nabigo. At hindi rin nila mailihim sa iba na di malaman ang mga hatol na darating bunga ng namamayaning pagtalikod. Ang balita ng pagtuligsang ginawa ni Elias sa mga kasalanan ng Israel, at ang propesiya ng mabilis na parusang daradng, ay agad-agad kumalat sa buong lupain. Ang takot ng ilan ay nagising, datapuwat sa kalakhang bahagi ang pabalitang ito ng langit ay tinanggap na may pagtuya at halakhak. PH 104.1
Ang salita ng propeta ay agad nagkabisa. Silang sa una ay umismid lamang sa isipan ng kalamidad, ay mabilis na naakay sa seryosong pag-iisip; sapagkat pagkaraan lamang ng ilang buwan, ang lupang hindi nadiligan ng hamog o ulan, ay nadgang at mga halaman ay natuyo. Sa pagdaan ng panahon, ang mga daluyan ng tubig na kailanman ay hindi nawawalan ng tubig ay nagsimulang bumabaw, at ang mga sapa ay natuyo. Datapuwat ang bayan ay pinasigla ng mga lider na magtiwala sa kapangyarihan ni Baal at iwaksi ang walang kabuluhang pangungusap ng propesiya ni Elias. Iginiit pa rin ng mga saserdote na ang ulan ay pumapatak sa kapangyarihan ni Baal. Huwag ninyong katakutan ang Dios ni Elias, o manginig man sa Kanyang mga salita, pamanhik nila, sapagkat si Baal ang nagpapabunga sa takdang panahon at nagkakaloob para sa tao at hayop. PH 104.2
Ang pabalita ng Dios kay Ahab ay nagbigay pagkakataon kay Jezabel at mga saserdote niya at lahat ng mga tagasunod ni Baal at Astoret upang subukin ang kapangyarihan ng kanilang mga diyos, at kung maaari, at patunayang mali ang mga salita ni Elias. Laban sa mga pampasigla ng daan-daang mga saserdote ng mga bulaang diyos, ang propesiya ni Elias ay tumayong nag-iisa. Kung, sa kabila ng sinabi ng propeta, si Baal ay makapagbibigay pa rin ng hamog at ulan, at mapapaagos na muli ang mga ilog at mapapayabong ang mga pananim, kung gayon ay sambahin siya ng hari ng Israel at sabihin ng bayan na siya nga ang Dios. PH 105.1
Sa paghahangad na ang bayan ay madaya, ang mga saserdote ni Baal ay patuloy sa paghahandog ng sakripisyo sa kanilang mga diyos at nananawagan sa kanila gabi ' t araw upang paginhawahin ang lupa. Sa mamahaling mga handog ay sinikap ng mga saserdote na bawasan ang galit ng mga diyos; taglay ang sigasig at pagtitiyagang angkop sa lalong mainam na dahilan sila ay nananatili sa mga altar na pagano at taimtim na nanalangin para sa ulan. Gabi-gabi, sa buong lupain, ang panangis nila ay narinig. Datapuwat walang mga ulap na nakita sa mga langit sa araw upang ikanlong sila sa sumusunog na sikat ng araw. Walang hamog o ulan na magpapaginhawa sa lupang uhaw. Ang salita ni Jehova ay hindi mabago ng anumang gawin ng mga saserdote ni Baal. PH 105.2
Isang taon ang lumipas, at wala pa ring ulan. Ang lupa ay tigang na parang sinunog ng apoy. Sinira ng init ang anumang natitira pang pananim. Mga ilog ay natuyo, at ang mga kawan ng hayop ay lumaboy sa paghihirap. Ang dating mabungang bukiran ay naging nagniningas na disyerto, isang walang laman at wasak na dako. Ang mga hardin at grotong ukol sa idolatriyang pagsamba ay walang isa mang dahon; ang puno sa gubat, ay naging mga kalansay na matatayog, ay walang maihandog na lilim. Ang hangin ay tuyo at sumasakal sa paghinga; mga bagyong buhangin ay bumubulag sa mata at pumipigil ng paghinga. Mga siyudad at bayang dati’y mayayaman ay naging dako ng pagluluksa. Gutom at uhaw ay nagbubunga ng nakalulunos na kamatayan ng tao at hayop. Kagutom, taglay ang kakilakilabot na epekto nito, ay palapit nang palapit. PH 105.3
Datapuwat sa kabila ng mga katibayang ito ng kapangyarihan ng Dios, ang Israel ay hindi pa rin nagsisi, o natuto man ng mga liksyong nais ng Dios na matutuhan nila. Di nila nakitang ang Dios na lumalang ng kalikasan ay Siya ring may kontrol ng kanyang mga batas, at maaaring gawin itong instrumento ng pagpapala at pagkawasak. May pagmamataas sa puso, nagayuma ng huwad na pagsamba, hindi sila laang magpakumbaba sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Dios, at nagsimula silang maghanap ng mga ibang dahilang maaaring naging bunga ng kanilang pagdurusa. PH 105.4
Si Jezabel ay lubusang tumangging kilalanin na ang pagkatuyot na ito ay parusa ni Jehova. Hindi makilos sa kanyang hangaring labanan ang Dios ng kalangitan, siya, kasama ang halos buong Israel, ay nagsanib sa paratang na si Elias ang dahilan ng lahat ng kanilang kahirapan. Hindi ba nagpadala siya ng pabalita laban sa kanilang mga porma ng pagsamba? Kung siya ay maaalis sa landas nila, sabi niya, ang galit ng mga diyos ay mababawasan, at matitigil ang kanilang mga kaguluhan. PH 106.1
Sa amuki ng reyna, si Ahab ay nag-utos na sudsurin ang kaharian upang makita ang pinagtataguan ng propeta. Sa karatig na bansa, malayo at malapit, ay nagpadala ng mga mensahero upang hanapin ang taong labis niyang kinamumuhian, gayunman ay kinatatakutan; at sa sigasig na ito ay hiniling niya sa mga karatig na kaharian ang isang pagpapatunay na hindi nga nila alam ang kinaroroonan ng propeta. Datapuwat hindi nagtagumpay ang paghahanap. Ang propeta ay ligtas sa masamang pakana ng haring ang kasalanan ang siyang nagdala sa lupain ng hatol ng Dios na kanyang nilabag. PH 106.2
Nang mabigo sa pagsisikap laban kay Elias, ipinasiya ni Jezabel na paghigantihan at patayin ang lahat ng mga propeta ni Jehova sa Israel. Walang isa mang dapat makaligtas. Ang galit na galit na babae ay ipinagpatuloy ang kanyang panukala sa pagpatay ng maraming lingkod ng Dios. Ngunit, hindi lahat, ay namatay. Si Obadias, ang gobernador ng bahay ni Ahab, ngunit lingkod na tapat ng Dios, ay “kumuha ng isang daang propeta,” at isinugal ang sariling buhay niya, at “ikinubli na lima-limangpu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig.” 1 Hari 18:4. PH 107.1
Ang ikalawang taon ng kagutom ay lumipas, at ang walang habag na langit ay hindi nagpaulan. Pagkatuyot at kagutom ang nagpatuloy sa pagwawasak sa buong kaharian. Mga ama at inang walang lakas na pagaanin ang kahirapan ng mga anak, ay napilitang pagmasdan ang kanilang kamatayan. Gayunman ay tumanggi pa rin ang tumalikod na Israel na magpakababa sa harapan ng Dios at nagpatuloy sa paglaban sa taong sa pamamagitan ng Kanyang salita ay dumating ang hatol na itong kalunos-lunos. Hindi nila naunawaan sa gitna ng kanilang mga pagdurusa ang panawagan ng pagsisisi, ang pagkilos ng langit upang iligtas sila sa huling hakbang palayo sa pagpapatawad ng Langit. PH 107.2
Ang pagtalikod ng Israel ay higit na masama kaysa lahat ng nakalulunos na hirap ng kagutom. Sinisikap ng Dios na palayain sila mula sa kanilang pagkahumaling at akayin sila sa pagkaunawa ng kanilang pananagutan sa Isa na pinagkakautangan nila ng buhay at lahat ng mga bagay. Sinisikap Niyang tulungan silang makabalik mula sa nawalang pananampalataya, at kinailangang dalhin Niya sila sa dakilang kahirapan. PH 107.3
“Mayroon baga akong anumang kasayahan sa kamatayan ng masama? sabi ng Panginoong Dios: at hindi baga mabuti na siya’y humiwalay sa kanyang lakad, at mabuhay?” “Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsalangsang, na inyong isinalangsang; at kayo’y magbagong loob at magbagong diwa: sapagkat bakit kayo mamamatay, Oh angkan ni Israel? Sapagkat wala akong kasayahan sa kamatayan niya na namamatay, sabi ng Panginoong Dios: kaya’t magsipagbalik-loob kayo, at kayo’y mangabuhay.” “Manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mangamamatay, Oh sambahayan ni Israel?” Ezekiel 18:23, 31, 32; 33:11. PH 107.4
Nagsugo ang Dios ng mga mensahero sa Israel na may pagsamong manumbalik sila sa kanilang dating katapatan. Kung dininig lamang nila ang mga samong ito at nilisan si Baal para sa Dios na buhay, ang pabalita ng hatol na taglay ni Elias ay di sana naibigay. Ngunit ang mga babala na sana’y naging buhay na buhay ay naging pangkamatayan. Ang kataasan nila ay nasugatan, ang galit ay nagising laban sa mga mensahero, at ngayon ay gayon na lamang ang galit at muhi nila kay propeta Elias. Kung ito lamang ay mahuhulog sa kanilang mga kamay, magalak na ipagkakanulo nila ito kay Jezabel— na para bagang kung mapatatahimik ito ay mapipigilan nila ang katuparan ng kanyang mga salita! Sa harap ng mga kalamidad ay nagpatuloy silang matatag sa idolatriya. Sa ganito ay nagdagdag lamang sila ng salang dahil doon ay dumating ang kahatulan ng Langit sa lupain. PH 108.1
Para sa Israel na may kapansanan, may iisang lunas—ang pagtalikod sa mga kasalanang naghatid sa kanila sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat, at isang panunumbalik sa Panginoon ng buong puso. Sa kanila ay nabigay ang kasiguruhan, “Kung Aking sarhan ang langit na anupa’t huwag magkaroon ng ulan, o kung Aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung Ako’y magsugo ng salot sa gitna ng Aking bayan; Kung ang Aking bayan, na tinatawag sa pamamagitan ng Aking pangalan, ay magpakumbaba, at dumalangin, at hanapin ang Aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; Akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad Ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin Ko ang kanilang lupain.” 2 Cronica 7:13, 14. Nagpatuloy ang Dios na ipagkait sa kanila ang hamog at ulan upang makita ang mapalad na bunga ng tiyakang repormasyon kung ito nga ay magaganap. PH 108.2