ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 38—Liwanag sa Kadiliman
Ang madidilim na taon ng pagkawasak at kamatayan na siyang naging wakas ng kaharian ng Juda ay nagdala sana kahit na sa pinakamatatag ang puso ng kapanglawan kung hindi sa mga propesiya ng mga mensahero ng Dios. Sa pamamagitan ni Jeremias sa Jerusalem, kay Daniel sa korte ng Babilonia, kay Ezekiel sa mga pampang ng Caldeo, ang Panginoon sa kahabagan ay maliwanag na ibinigay ang Kanyang walang hanggang adhikain at kasiguruhan ng pagiging laang tuparin sa Kanyang piniling bayan ang mga pangakong natala sa mga sulat ni Moises. Ang ipinangakong tutuparin sa mga magtatapat sa Kanya ay tunay na isasagawa. “Ang salita ng Dios...nabubuhay at namamalagi magpakailanman.” 1 Pedro 1:23. PH 380.1
Sa panahon ng paglalakbay sa ilang ang Panginoon ay nagbigay ng saganang probisyon sa Kanyang mga anak upang maalaala ang mga salita ng Kanyang kautusan. Matapos makapasok sa Canaan ang mga banal na utos ay uulitin sa mga tahanan sa bawat araw; ang mga ito ay malinaw na isusulat sa mga haligi ng pintuan ng bahay, at ilalatag sa mga alaalang sulatan. Ilalapat ito sa musika at aawitin ng mga kabataan at katandaan. Ituturo ito ng mga saserdote sa mga pagtitipong publiko, at ang mga pinuno ng bayan ay gagawin itong pagbubulay-bulay sa bawat araw. “Iyong pagbubulayan araw at gabi,” iniutos ng Panginoon kay Josue tungkol sa aklat ng kautusan, “upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagkat kung magkagayo’y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo’y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.” Josue 1:8. PH 380.2
Ang mga sulat ni Moises ay itinuro ni Josue sa buong Israel. “Walang salita sa lahat na iniutos ni Moises, na hindi binasa ni Josue sa harap ng buong kapulungan ng Israel, at mga babae, at mga bata, at ng mga taga ibang lupa na nakikipamayan sa kanila.” Josue 8:35. Ito ay katugma ng utos ni Jehova ukol sa pagsasanay sa publiko ng mga salita niyon tuwing ikapitong taon, sa Pista ng Tabernakulo. “Pisanin mo ang bayan, ang mga lalaki, at mga babae, at mga bata, at ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuangdaan,” ang sinabi sa mga pinunong espirituwal, “upang kanilang marinig, at upang kanilang pag-aralan, at matakot sa Panginoon mong Dios, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito: at upang ang kanilang mga anak, na hindi nakakilala, ay makarinig, at mag-aral na matakot sa Panginoon ninyong Dios, habang kayo’y nabubuhay sa lupain na inyong pinaroroonan na inyong itinatawid ng Jordan upang ariin.” Deuteronomio 31:12, 13. PH 380.3
Kung ang payong ito ay dininig sa paglakad ng mga daangtaon, kakaiba sana ang kasaysayan ng Israel! Tanging sa paggalang sa Banal na Salita ng Dios na ang bayan ay makakaasang maganap ang banal na adhikain ng Dios. Ang pitagan sa utos ang nagbigay sa Israel ng kalakasan sa paghahari ni David at sa mga unang taon ni Solomon; pananampalataya rin sa nasusulat na salita na ang repormasyon sa panahon ni Elias at Josias ay naisagawa. At dito rin sa Kasulatang ito, ang pinakadakilang pamana sa Israel, na si Jeremias ay nanawagan sa kanyang pagsisikap na magdala ng reporma. Saan mang dako siya naglingkod, ang kanyang samo sa bayan, “Inyong pakinggan ang mga salita ng tipang ito,” mga salitang magdadala sa kanila ng lubusang pagkaunawa ng panukala ng Dios upang maipaabot sa lahat ng mga bansa ang kaalaman tungkol sa nagliligtas na katotohanan. Jeremias 11:2. PH 381.1
Sa mga huling taon ng pagtalikod ng Juda ang mga payo ng propeta ay parang walang bisa; at habang ang mga hukbong Caldeo ay lumusob sa ikado at huling pagkakataon upang kubkubin ang Jerusalem, ang pag-asa ay nawala sa bawat puso. Ipinopropesiya ni Jeremias ang lubos na pagkawasak; at dahilan sa kanyang mapilit na payong sumuko na siya ay ibinilanggo. Datapuwat hindi pinabayaan ng Dios ang mga nalabi sa siyudad sa lubusang kawalang pag-asa. Sa kabila ng mahigpit na pagmamanman kay Jeremias ng mga nanlilibak sa kanyang mga pabalita, may mga bagong pagpapahayag ang Dios na dumating sa kanya tungkol sa hangad ng Langit na magpatawad at magligtas, na naging kaginhawahan ng iglesia mula pa noon hanggang sa ngayon. PH 381.2
Sa matibay na panghahawakan sa mga pangako ng Dios, si Jeremias sa pamamagitan ng talinhagang kasama siya ay inilarawan sa siyudad na ito ang kanyang matibay na pananalig sa katuparan sa wakas ng adhikain ng Dios sa Kanyang bayan. Sa harap ng mga saksi at pagbibigay pansin sa lahat ng porma ng batas, binili niya sa halagang labing-pitong siklo ng pilak ang isang pamanang lupa sa katabing bayan ng Anatoth. PH 381.3
Sa paningin ng tao ang pagbiling ito ng lupang nasa kamay na ng Babilonia ay isang kahangalan. Ang propeta na rin ang nagpropropesiya sa kawasakan ng Jerusalem, ang pagkaaba ng Juda, at ang lubusang pagkapahamak ng kaharian. Ipinopropesiya niya ang matagalang pagkabihag sa malayong Babilonia. Matanda na, hindi niya matitikman ang personal na pakinabang ng pagbiling ginawa niya. Gayunman, sa pag-aaral niya ng propesiya ay nabuo sa kanya ang isipang isasauli ng Panginoon ang Kanyang bayan mula sa pagkabihag tungo sa pag-aangking muli ng Lupang Pangako. Sa mata ng pananampalataya ay nakita ni Jeremias ang mga bihag na nagbabalik sa lupain ng kanilang mga magulang matapos ang mga taon ng kahirapan. Sa pagbili ng lupa sa Anatoth ay gagawin niya ang lahat ng magagawa upang magbigay sigla sa iba sa pag-asang ito na nagbigay din kasiyahan sa kanyang puso. PH 382.1
Matapos ang pirmahan ng bilihan at nakuha ang mga pirma ng mga saksi, tinagubilinan ni Jeremias ang eskribang si Baruch na kanyang kalihim: “Iyong kunin ang mga katibayang ito, ang katibayang ito ng pagkabili, ang natatatakan, at gayon din itong katibayang bukas; at iyong isilid sa sisidlang lupa, upang tumagal ng maraming araw. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel; Mga bahay at mga parang at mga ubasan ay mangabibili pa uli sa lupaing ito.” Jeremias 32:14, 15. PH 382.2
Gayon kasama ang tanawin ng hinaharap para sa Juda nang ang bilihang ito ay matapos anupa’t ang pananampalataya na rin ni Jeremias ay tunay na nasubok. Siya kaya, sa pagsisikap na pasiglahin ang Juda, ay gumawang pinangungunahan ang Dios? Sa pagsisikap na magtatag ng pagtitiwala sa mga pangako ng salita ng Dios, hindi naman kaya siya nagbigay ng maling pag-asa? Silang pumasok sa tipanan sa Dios ay matagal nang bumitiw sa kanilang salita. Ang mga pangako kaya sa piling bansang ito ay tunay na matutupad lahat? PH 382.3
Nabagabag ang diwa, at lumo sa kapanglawan sa pagdurusa ng mga ayaw magsisi, ang propeta ay namanhik sa Dios ukol sa dagdag na liwanag ukol sa panukala ng langit sa sangkatauhan. PH 382.4
“Ah Panginoong Dios! nanalangin siya, “narito, Iyong ginawa ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng Iyong malaking kapangyarihan at sa pamamagitan ng Iyong unat na kamay, at walang bagay na totoong napakahirap sa Iyo: na Ikaw ay nagpapakita ng kagandahang loob sa mga libu-libo, at iyong ginaganti ang kasamaan ng mga magulang sa sinapupunan ng kanilang mga anak pagkamatay nila: ang dakila, na makapangyarihang Dios, ang Panginoon ng mga hukbo, ay Kanyang pangalan, dakila sa payo, at makapangyarihan sa gawa: na ang Kanyang mga mata ay dilat sa lahat ng mga lakad ng mga anak ng tao: upang bigyan ang bawat isa ng ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa: na naglagay ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, sa Israel, at gayon din sa gitna ng ibang mga tao; at magtaglay Ka ng pangalan, gaya sa araw na ito; at Iyong inilabas ang Iyong bayang Israel sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng mga tanda, at ng mga kababalaghan, at ng malakas na kamay, at ng unat na kamay, at ng malaldng kaldlabutan; at ibinigay sa kanila ang lupaing ito na Iyong isinumpa sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila, lupain na binubukalan ng gatas at pulot; at sila’y pumasok, at kanilang inari; ngunit hindi dininig ang Iyong tinig, o lumakad man sa Iyong kautusan; sila’y hindi nagsigawa ng anuman sa lahat na Iyong inutos sa kanila na gawin: kaya’t Iyong pinapangyari ang buong kasamaang ito sa kanila.” Talatang 17-23. PH 382.5
Ang mga hukbo ni Nabucodonosor ay akma nang kukunin ang Sion sa puwersa. Libu-libo ay nasawi sa huling depensang ginawa sa siyudad. Libo pa rin ang namatay sa gutom at sakit. Ang kapalaran ng Jerusalem ay natatakan na. Ang kumukubkob na hukbo ay nasa mga pader na ng siyudad. “Narito, ang mga bunton,” patuloy na nanalangin ang propeta sa Dios; “nagsidating sila sa bayan upang sakupin; at ang bayan ay nabigay sa kamay ng mga taga Caldea, na nagsisilaban doon, dahil sa tabak, at sa kagutom, at sa salot: at kung ano ang Iyong sinalita ay nangyayari; at, narito, Iyong nakikita. At Iyong sinabi sa akin, Oh Panginoong Dios, Iyong bilhin ng salapi ang parang, at Ikaw ay tumawag ng mga saksi; yamang ang bayan ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.” Talatang 24, 25. PH 385.1
Ang dalangin ng propeta ay dininig na mabiyaya. “Nang magkagayo’y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias” sa panahon ng kalungkutan, noong ang pananampalataya ng lingkod ng katotohanan ay nasubok na nagsasabi: “Narito, Ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat na tao: may anumang bagay ba na totoong mahirap sa Akin?” Talatang 26, 27. Ang siyudad ay di magtatagal ay mahuhulog na sa mga Caldeo; ang pintuan at mga palasyo ay susunugin; datapuwat, sa kabila ng tiyak na pagkawasak na ito at ang mga nananahan sa Jerusalem ay dadalhing bihag, gayunman ang walang hanggang adhikain ng Dios sa Israel ay matutupad. Karagdagang tugon sa panalangin ng Kanyang lingkod, inihayag ng Panginoon tungkol sa kanilang nagdaranas ng parusa: PH 385.2
“Narito, Aking pipisanin sila mula sa lahat ng lupain, na Aking pinagtabuyan sa kanila sa Aking galit, at sa Aking kapusukan, at sa malaking poot; at dadalhin Ko sila uli sa dakong ito, at Akin silang patatahaning tiwasay: at sila’y magiging Aking bayan, at Ako’y magiging kanilang Dios: at bibigyan Ko sila ng isang puso, at ng isang daan, upang sila’y matakot sa Akin magpakailanman; sa ikabubuti nila, at ng kanilang mga anak pagkamatay nila: at Ako’y makikipagtipan ng walang hanggan sa kanila, na hindi Ako hihiwalay sa kanila, upang gawan Ko sila ng mabuti; at sisidlan Ko sa puso ng takot sa Akin, upang huwag silang magsihiwalay sa Akin. Oo, Ako’y magagalak sa kanila upang gawan Ko sila ng mabuti, at Aking tunay na itatatag sila sa lupaing ito ng Aking buong puso at ng Aking buong kaluluwa. PH 386.1
“Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon; Kung paanong Aking dinala ang lahat na malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon dadalhin Ko sa kanila ang lahat na mabuti na Aking ipinangako sa kanila. At mga parang ay mabibili sa lupaing ito, na inyong sinasabi, Sira, na walang tao o hayop man; nabigay sa kamay ng mga Caldeo. Bibilhin nga ng mga tao ng salapi ang mga parang, at mangaglalagda ng pangalan sa mga katibayan, at mga tatatakan, at magsisitawag ng mga saksi, sa lupain ng Benjamin, at sa mga dako na palibot ng Jerusalem, at sa mga bayan ng Juda, at sa mga bayan ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng mababang lupain, at sa mga bayan ng timugan: sapagkat Aking ibabalik sila mula sa kanilang pagkabihag, sabi ng Panginoon.” Talatang 37-44. PH 386.2
Bilang patibay ng mga kasiguruhan ng pagliligtas at pananauli, “ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa pangalawang pagkakataon, samantalang nakukulong pa siya sa looban ng bantayan, na nagsasabi, PH 386.3
“Ganito ang sabi ng Panginoon na Gumagawa niyaon, ng Panginoon na umaanyo niyaon upang itatag; Panginoon ay Siyang Kanyang pangalan; Tumawag ka sa Akin, at Ako’y sasagot sa iyo, at Ako’y magpapakita sa iyo ng mga dakilang bagay, at mahihirap na hindi mo nangalalaman. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, tungkol sa mga bahay ng bayang ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari sa juda, na nangabagsak upang gawing sanggalangang laban sa mga bunton, at laban sa tabak;... Narito, Ako’y magdadala ng kagalingan at kagamutan, at Aking gagamutin sila; at Ako'y maghahayag sa kanila ng di kavvasang kapayapaan at katotohanan. At Aking pababalikin ang nangabihag sa Juda at ang nangabihag sa Israel, at Aking itatayo sila, gaya nang una. At Aking lilinisin sila sa lahat mlang kasamaan, na kanilang pinagkasalahan laban sa Akin; at Aking ipatatawad ang lahat nilang kasamaan.... At ang bayang ito ay magiging pinakapangalan ng kagalakan sa Akin, pinakakapurihan at pinaka kaluwalhatian, sa harap ng lahat na bansa sa lupa, na makakannig ng lahat na mabuti na gagawin Ko sa kanila: at mangatatakot at magsisipanginig dahil sa lahat na kapayapaan na Aking pinagsikapan sa Kanya. PH 386.4
“Ganito ang sabi ng Panginoon; Maririnig pa uli sa dakong ito, na inyong sinasabi, sira na walang tao at walang hayop, sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem,...ang tinig ng kagalakan, at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki, at ang tinig nilang nangagsasabi, Kayo’y mangagpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo, sapagkat ang Panginoon ay mabuti, sapagkat ang kagandahang loob ay magpakailan pa man; at ng nangagdadala ng hain ng pagpapasalamat sa bahay ng Panginoon. Sapagkat Aking ibabalik ang nangabihag sa lupain gaya ng una, sabi ng Panginoon. PH 387.1
“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo; Magkaroon pa uli sa dakong ito, na sira, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng bayan nito, ng tahanan ng mga pastor na nagpapahiga ng kanilang kawan. Sa mga bayan ng mga bundok, at sa bayan ng mga mabababang lupa, at sa mga bayan ng katimugan, at sa lupain ng Benjamin, at sa mga dako na palibot ng Jerusalem, at sa mga bayan ng Juda, magdaraan uli ang mga kawan sa mga kamay ng bibilang sa kanila, sabi ng Panginoon. PH 387.2
“Nanto, ang mga araw ay dumating, sabi ng Panginoon, na Aking isasagawa ang mabuting salita na Aking sinalita tungkol sa sambahayan ni Israel, at tungkol sa sambahayan ni Juda.” Jeremias 33:1-14. PH 387.3
Sa ganito ay nabigyang ginhawa ang iglesia sa isa sa pinakamadilim na oras ng kanyang pakikipagtunggali sa mga puwersa ng kasamaan. Sa tingin ay nagtagumpay si Satanas sa pagwasak sa Israel; datapuwat ang Panginoon ay nangingibabaw sa mga pangyayari sa kasalukuyan, at sa mga susunod na mga taon, ang Kanyang bayan ay magkakaroon ng karapatang tubusin ang nakaraan. Ang pabalita sa iglesia ay, PH 387.4
“Huwag kang masindak, Oh Jacob na Aking lingkod,...huwag ka mang manlupaypay, Oh Israel: sapagkat narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong binhi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag; at ang Jacob ay babalik, at magiging tahimik at tiwasay, at walang tatakot sa kanya. Sapagkat Ako’y sumasaiyo, sabi ng Panginoon upang iligtas kita.” “Sapagkat pagiginhawahin kita, at pagagalingin kita sa iyong mga sugat.” Jeremias 30:10, 11, 17. PH 388.1
Sa masayang araw ng pagsasauli ang mga nahating tribo ay muling maglalakip bilang isang bayan. Ang Panginoon ay kikilalaning pangulo ng “lahat na angkan ni Israel.” “Sila’y magiging Aking bayan,” pahayag Niya. “Kayo’y magsiawit ng kasayahan dahil sa Jacob, at magsihiyaw kayo dahil sa puno ng mga bansa: mangagtanyag kayo, magsipuri kayo, at mangasabi, Oh Panginoon, iligtas Mo ang Iyong bayan, ang nalabi sa Israel. Nanto, Aking dadalhin sila mula sa lupaing hilagaan, at pipisanin Ko sila mula sa mga kahuli-hulihang bahagi ng lupa, at kasama nila ang bulag at ang pilay;...sila’y magsisiparitong may iyakan, at may mga pamanhik na Aking papatnubayan sila: Akin silang palalakarin sa tabi ng mga ilog ng tubig, sa matuwid na daan na hindi nila karitisuran: sapagkat Ako’y pinaka-Ama sa Israel, at ang Ephraim ang Aking panganay.” Jeremias 31:7-9. PH 388.2
Aba sa paningin ng mga bansa ang bayang ito, na nakilalang pinaburan ng Langit sa ibabaw ng lahat ng bansa sa lupa ay matututuhan sa pagkabihag ang liksyon ng pagsunod na kailangan sa kaligayahang panghinaharap. Hanggang di nila natututuhan ang liksyong ito, hindi magagawa ng Dios sa kanila ang lahat ng ninanais Niya para sa kanila. “Kundi sasawaym kita ng kahatulan, at walang pagsalang hindi kita iiwan na walang parusa.” Kanyang ipinahayag ang paliwanag ng Kanyang panukala upang linisin sila para sa kanilang kabutihang espirituwal. Jeremias 30:11. Gayunman, sila na iniibig ng Dios ay di kailanman isasantabi; sa paningin ng lahat ng mga bansa sa lupa ihahayag Niya ang panukala ng pagbibigay tagumpay mula sa hayag ng kabiguan, ng pagliligtas sa halip ng pagwasak. Sa propeta ay nabigay ang pabalita: PH 388.3
“Ang nagpangalat sa Israel, Siyang magpipisan sa kanya, at magiingat sa kanya, gaya ng ginagawa ng pastor sa kanyang kawan. Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob, at tinubos Niya siya sa kamay ng lalong malakas kaysa kanya. At sila’y magsisiparito at magsisiawit sa kaitaasan ng Sion, at magsisiagos na magkakasama sa kabutihan ng Panginoon, sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa guya ng kawan at ng bakahan: at ang kanilang kaluluwa ay magiging parang dinilig na halamanan; at hindi na sila mangamamanglaw pa sa anuman.... Aking gagawing kagalakan ang kanilang pagluluksa, at Aking aaliwin sila, at Aking pagagalakin sila sa kanilang kapanglawan. At Aking sisiyahin ang loob ng mga saserdote sa kaginhawahan, at ang Aking bayan ay masisiyahan sa Aking kabutihan, sabi ng Panginoon.” PH 389.1
“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel; Kanilang gagamitin uli ang pananalitang ito sa lupain ng juda at sa mga bayan niyaon, pagka Aking dadalhin uli mula sa kanilang pagkabihag; Pagpalain ka ng Panginoon, Oh tahanan ng kaganapan, Oh bundok ng kabanalan. At ang Juda at ang lahat na bayan niya ay tatahan doon na magkakasama, ang mga mangbubukid, at ang mga lumilibot na may mga kawan. Sapagkat Aking bibigyang kasiyahan ang pagod na tao, at lahat na mapanglaw na tao ay Aking pinasasaya. Dito’y nagising Ako, at Ako’y lumingap; at ang Aking pagkakatulog ay masarap.” PH 389.2
“Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na Ako’y makikipagtipan ng panibago sa sambahayan ni Israel, at sa sambahayan ni Juda: hindi ayon sa tipan na ipinakipagtipan Ko sa kanilang mga magulang sa araw na Aking kinuha sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Egipto; na ang Aking tipan ay kanilang sinira, bagaman Ako’y asawa nila, sabi ng Panginoon: kundi ito ang tipan na Aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel; Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang Aking kautusan sa kanilang kalooban, at Aking isusulat sa kanilang puso; at Ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging Aking bayan. At hindi na magtuturo bawat isa sa kanila sa kanyang kapwa, at bawat tao sa kanyang kapatid, na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon: sapagkat makokilala nilang lahat Ako, mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagkat Aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi Ko na aalalahanin.” Jeremias 31:10-14, 23-25,31-34. PH 389.3