Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

4/59

Ang Dakilang Komisyon

Matapos mamatay si Kristo ang mga alagad ay nanlulupaypay. Ang kanilang Panginoon ay tinanggihan, hinatulan, at ipinako. May paglibak na sinabi ng mga pinuno at saserdote, “Nagligtas Siya sa mga iba; sa Kanyang sarili ay hindi makapagligtas. Kung Siya ang Hari ng Israel, bumaba Siya ngayon sa krus, at tayo’y magsisisampalataya sa Kanya.” Mateo 27:42. Ang araw ng pag-asa ng mga alagad ay lumubog, at ang gabi ay dumating sa kanilang mga puso. Madalas na inulit nila ang mga pangungusap, “Nagtiwala tayo na Siya ang tutubos sa Israel.” Lucas 24:21. Nalulumbay at may sugat sa puso, naalaala nila ang Kanyang mga salita, “Kung magagawa ninyo ito sa punong luntian, ano ang magagawa sa tuyo?” Lucas 23:31. AGA 21.1

Hang beses na sinikap ni Jesus na buksan sa Kanyang mga alagad ang hinaharap, ngunit hindi nila pinansin ang Kanyang mga salita. Dahil dito ang Kanyang kamatayan ay naging sorpresa sa kanila; at pagkatapos, na repasuhin nila ang lumipas at malantad sa kanila ang kawalang pananampalataya, sila ay napuno ng lungkot. Nang si Kristo ay ipako sa krus, hindi sila nanampalatayang Siya ay muling babangon. Malinaw na sinabi Niya ang tungkol sa pagbangon sa ikadong araw, ngunit sila ay nalito at di maunawaan ang ibig Niyang sabihin. Ang kawalan ng pagkaunawang ito ay nag-iwan sa kanila sa panahon ng Kanyang kamatayan, sa lubos na kawalang pag-asa. Sila ay nabigo. Ang kanilang pananampalataya ay hindi tumagos sa anino na inihagis ni Satanas sa kanilang harapan. Lahat ay parang malabo at mahiwaga sa kanila. Kung naniwala lamang sila sa mga salita ng Tagapagligtas, malaking kalungkutan ang kanila sanang naiwasan! AGA 21.2

Sakbibi ng lumbay at kapanglawan, ang mga alagad ay nagtipon sa mataas na silid, ikinandado ang pintuan, sa pangamba na ang nangyari sa kanilang mahal na Guro ay mangyari din sa kanila. Dito sa silid na ito na ang nabuhay na muling Tagapagligtas, pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na muli, ay napakita sa kanila. AGA 21.3

Sa loob ng apatnapung araw ay namalagi sa lupa si Kristo, inihahanda ang mga alagad sa gawaing nasa harapan nila at ipinaliliwanag ang mga bagay na hindi nila naunawaan. Inihayag Niya ang mga propesiyatungkol sa Kanyang pagparito, ang pagtanggi sa Kanya ng mga Judio, at ang Kanyang kamatayan, ipinakitang ang bawat paliwanag ng propesiya ay natupad. Sinabi Niyang ang katuparan ng mga propesiyang ito ay kasiguruhan para sa kanila ng kapangyarihang kailangan nila sa kanilang mga paggawa sa hinaharap. “Nang magkagayo’y binuksan Niya ang kanilang mga pag-iisip,” mababasa natin, “upang mapag-unawa nila ang mga Kasulatan, at sinabi Niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na lanakailangang maghirap ang Kristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw: at ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay ipangaral sa Kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.” At idinagdag pa Niya, “Kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito.” Lucas 24:45-48. AGA 22.1

Sa mga panahong ito na kasama ni Kristo ang Kanyang mga alagad, sila ay nagkaroon ng bagong karanasan. Sa pagpapaliwanag sa kanila ng Panginoon tungkol sa Kasulatan sa liwanag ng lahat na naganap na, ang kanilang pananampalataya sa Kanya ay lubos na tumatag. At dumating sila sa puntong kanilang masasabi, “Nakikilala ko yaong aking sinasampalatayanan.” 2 Timoteo 1:12. Nadama nila ang likas at lawak ng kanilang gawain, na nakitang sila ay maghahayag sa sanlibutan ng katotohanang ipinagkatiwala sa kanila. Ang mga pangyayari sa buhay ni Kristo, ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ang mga propesiyang nagtuturo sa mga pangyayaring ito, ang mga misteryo ng panukala ng kaligtasan, ang kapangyarihan ni Jesus sa paglilinis ng kasalanan—sa lahat ng mga ito ay naging saksi sila, at ang mga ito ay ipahahayag nila sa sanlibutan. Ihahayag nila ang ebanghelyo ng kapayapaan at kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi at sa kapangyarihan ng Tagapagligtas. AGA 22.2

Bago pumanhik sa langit, itinalaga ni Kristo ang Kanyang mga alagad sa kanilang gawain. Sinabi Niya sa kanila na sila ang magsasagawa ng pamanang kapayapaan ng walang hanggang buhay sa sanlibutan. Kayo ay naging saksi ng Aking buhay ng sakripisyo para sa sanlibutan, Kanyang sinabi sa kanila, Nakita ninyo ang Aking mga paggawa para sa Israel. At bagaman ang Aking bayan ay ayaw lumapit sa Akin upang mabuhay, bagaman ang mga saserdote at pinuno ay nagawa sa Akin ang mga bagay na ito, bagaman Ako ay tinanggihan, gayunman ay may pagkakataon pa sila upang tanggapin ang Anak ng Dios. Nakita naman ninyo kung paanong ang lahat na lumapit sa Akin na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan, ay inalaya Kong tinanggap. Siya na lalapit sa Alan sa anumang paraan ay di Ko itatakwil. Sa inyo, mga alagad Ko, ay itinatagubilin ang pabalitang ito ng kahabagan. Ito ay ipagkakaloob sa mga Judio at Gentil—sa Israel, una sa lahat, sa lahat ng mga bansa, wika, at bayan. Lahat ng mananampalataya ay titipunin sa isang iglesia. AGA 22.3

Ang pangangaral ng ebanghelyo ang dakilang gawaing misyonero ng kaharian ni Kristo. Ang mga alagad ay gagawang maningas para sa mga tao, sa pagkakaloob sa lahat ng paanyaya ng kahabagan. Hindi sila maghihintay na ang mga tao ang lalapit sa kanila; sila ang lalapit sa mga taong taglay ang kanilang pabalita. AGA 23.1

Ang mga alagad ay magpapatuloy sa paggawa sa pangalan ni Kristo. Ang kanilang bawat salita at kilos ay tatawag ng pansin sa Kanyang pangalan, na siyang nagtataglay ng buhay na kapangyarihang dito ay maliligtas ang mga makasalanan. Ang kanilang pananampalataya ay masesentro sa Kanyang bukal ng habag at kapangyarihan. Sa Kanyang pangalan ay maglalahad sila ng mga kahilingan sa Ama, at sila ay tatanggap ng katugunan. Sila ay magbabautismo sa pangalan ng Ama, ng Anak at ng Banal na Espiritu. Ang pangalan ni Kristo ang kanilang magiging panghudvat na salita, ang tanda ng pagkakaiba, ang tali ng pagkakaisa, ang otoridad ng kanilang mga pagkilos, at panggagalingan ng kanilang tagumpay. Walang anumang bagay na kilalalanin sa Kanyang kaharian na di nagtataglay ng Kanyang pangalan at pagsangayon. AGA 23.2

Nang sabihin ni Kristo sa mga alagad, Humayo kayo sa Aking pangalan upang tipunin sa iglesia ang lahat na sasampalataya, malinaw na iniharap Niya sa kanila ang pangangailangan ng pagpapanadli ng kasimplihan. Habang walang garbo at palabas, higit ang kanilang magiging impluwensya sa kabutihan. Ang mga alagad ay magsasalita sa katulad na payak na paraang ginamit ni Kristo. Ididiin nila sa mga makikinig ang mga liksyong itinuro Niya sa kanila. AGA 23.3

Hindi sinabi ni Kristo sa Kanyang mga alagad na ang kanilang gawain ay magiging magaan. Ipinakita Niya sa kanila ang malaganap na alyansa ng kasainaang hahanay laban sa kanila. Kailangang labanan nila ang “mga pamahalaan, kapangyarihan, mga pamunuan ng mga kadiliman ng sanlibutang ito, laban sa kadilimang espirituwal sa matataas na dako.” Efeso 6:12. Datapuwat hindi sila lalabang nagiisa. May kasiguruhang sila ay sasamahan Niya; at kung sila ay haharap sa pananampalataya, sila ay kikilos sa ilalim ng kalasag ng Makapangyarihan sa lahat. Sila ay inatasang magpakatapang at magpakalakas; sapagkat ang Isang higit na makapangyarihan sa mga anghel ang kasama nila—ang Heneral ng mga hukbo ng langit. Siya ay lubusang naglaan para sa pagsasagawa ng gawain at Siya rin ang may pananagutan upang ito ay magtagumpay. Habang sila ay sumusunod sa Kanyang salita, at gagawang kaugnay Niya, hindi sila mabibigo. Humayo kayo sa lahat ng bansa, wika Niya. Humayo kayo sa mga pinakadulong bahagi ng mundo, at makatitiyak kayong ang Aking presensya ay sasainyo doon. Gumawa sa pananampalataya at pagtitiwala; sapagkat hindi Ko kayo iiwan kailanman. Palagi ay sasainyo Ako, tutulong sa pagganap ninyo ng tungkulin, pumapatnubay, nagpapaginhawa, nagpapabanal, nagpapanatili sa inyo, nagkakaloob sa inyo ng tagumpay sa pagsasalitang aalat ng nakikinig tungo sa langit. AGA 23.4

Ang sakripisyo ni Kristo para sa tao ay ganap at lubos. Ang kondisyon ng pagtubos ay nasapatan. Ang gawaing itinungo Niya sa lupa ay nagampanan na. Nabawi Niya ang kaharian mula kay Satanas at naging tagapagmana ng lahat ng bagay. Siya ay patungo na sa trono ng Dios, upang parangalan ng mga hukbo ng kalangitan. Nadaramtan ng di masusukat na kapangyarihan, sinabi Niya sa mga alagad ang kanilang gawain, “Humayo kayo kung magkagayon, at turuan ang lahat ng mga bansa, na bautismuhan sila sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu: na ituro sa kanilang ganapin ang lahat ng itinuro Ko sa inyo: at narito, Ako’y sasainyong palagi, kahit na sa hanggang katapusan.” Mateo 28:19, 20. AGA 24.1

Bago lisanin ang Kanyang mga alagad, malinaw na inilahad ni Kristo ang likas ng Kanyang kaharian. Ipinaalaala sa kanila ang mga bagay na naituro na sa kanila tungkol dito. Inihayag Niyang hindi Niya panukala na magtatag ng kaharian dito sa lupa. Hindi Siya hinirang upang maghari sa kaharian sa lupa sa trono ni David. Nang tanungin Siya ng mga alagad, “Panginoon, muli mo bang itatayo sa panahong ito ang kaharian ng Israel?” Siya’y tumugon, “Hindi para sa inyo ang malaman ang mga panahon, na itinatag ng kapangyarihan ng Ama.” Gawa 1:6, 7. Hindi kailangang maldta nila ang hinaharap liban sa mga paghahayag na ipinagkaloob Niya sa kanila. Ang gawain nila ay ipahayag ang pabalita ng ebanghelyo. AGA 24.2

Ang nakikitang presensya ni Kristo ay aalisin na sa mga alagad, ngunit isang bagong pagkakaloob ng kapangyarihan ang sasakanila. Ang Banal na Espiritu ay ibibigay sa kanila sa kapuspusan, na magtatatak sa kanila sa kanilang paggawa. Wika ng Tagapagligtas, “Isusugo ko sa inyo ang pangako ng aking ama: manatili kayo sa siyudad ng Jerusalem, hanggang sa kayo’y pagkalooban ng kapangyarihan mula sa itaas.” Lucas 24:49. “Sapagkat si Juan ay nagbautismo ng tubig; datapuwat kayo ay mababautismuhan ng Banal na Espiritu ilang araw na lamang mula ngayon.” “Tatanggap kayo ng kapangyarihan, matapos na ang Banal na Espiritu ay mapasainyo: at kayo’y magiging saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea, at sa Samaria, at hanggang sa pinakadulong bahagi ng lupa.” Gawa 1:5, 8. AGA 25.1

Alam ng Tagapagligtas na walang anumang argumento, gaano man kaliwanag, ang magpapalambot ng pusong matigas o sisira ng balot ng kamunduhan at kasakiman. Alam Niya na ang mga alagad ay dapat tumanggap ng kaloob na ito ng langit; na ang ebanghelyo ay magiging mabisa lamang kung ito ay ihahayag ng mga pusong pinainit at labing pinatamis ng buhay na karanasan sa Kanya na Siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Ang gawaing itinalaga sa mga alagad ay nangangailangan ng dakilang bisa; sapagkat ang agos ng kasamaan ay malalim at malakas laban sa kanila. Isang gising, determinadong lider ang nangunguna sa mga puwersa ng kadiliman, at ang mga alagad ni Kristo ay makikidigma para sa matuwid sa pamamagitan lamang ng tulong ng Dios, na sasakanila sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. AGA 25.2

Sinabi ni Kristo sa Kanyang mga alagad na magsisimula sila ng kanilang gawain sa Jerusalem. Ang siyudad ay naging tagpo ng Kanyang kamangha-manghang sakripisyo para sa lahi ng tao. Doon, nadaramtan ng katauhan, Siya ay lumakad at nagsalita sa mga tao, at kakaunti ang nakaunawa kung gaano kalapit ang langit sa lupa. Doon Siya ay nahatulan at ipinako. Sa Jerusalem ay marami ang palihim na nanampalataya kay Jesus ng Nasaret na Siyang Mesias, at marami din ang nadaya ng mga saserdote at mga pinuno. Sa kanila ay dapat iaral ang ebanghelyo. Sila ay dapat tawagan sa pagsisisi. Ang kahangahangang katotohanan na tanging kay Kristo lamang na ang paglilinis nga kasalanan ay matatamo, ay dapat na maging maliwanag. At habang ang buong Jerusalem ay nakilos ng mga nakagigimbal na pangyayari sa lumipas na linggo, ang pangangaral ng mga alagad ay makagagawa ng pinakamalalim na impresyon. AGA 25.3

Sa panahon ng Kanyang ministeryo, laging idiniin ni Kristo sa mga alagad na sila ay magiging kaisa Niya sa gawaing pagbawi sa mundo mula sa pagkaalipin ng kasalanan. Nang Kanyang isugo ang Labindalawa at sinundan ng Pitumpo, upang ihayag ang kaharian ng Dios, itinuturo Niya sa kanila ang kanilang tungkulin na ibahagi sa iba ang mga bagay na Kanyang ipinaalam sa kanila. Sa buong gawain Niya, tinuman silang gumawang mag-isa, na magpalawak sa pagdaragdag ng bilang, hanggang sa ang pinakadulong bahagi ng lupa ay maabot. Ang huling liksyong Kanyang ibinigay sa mga alagad ay ito: sa kanila ay ipinagkatiwala ang mabuting balita ng kaligtasan para sa sanlibutan. AGA 26.1

Nang panahon na upang si Kristo ay pumanhik sa Ama, dinala ni Jesus ang mga alagad hanggang sa Betania. Dito sila ay nagpahinga at ang mga alagad ay nasa paligid Niya. Habang ang mga kamay ay nakalahad sa pagpapala sa kanila, tulad ng pagbibigay kasiguruhan ng Kanyang nagsasanggalang na malasakit, dahan-dahang Siya ay pumaitaas. “At nangyari na habang sila ay pinagpala niya, na siya ay nahiwalay sa kanila at dinala sa langit.” Lucas 24:51. AGA 26.2

Habang ang mga alagad ay nakatingin sa itaas sa huling pagtanaw sa kanilang Panginoong pumapaitaas, Siya ay tinanggap sa kagalakan ng mga anghel sa langit. Habang sinasamahan Siya ng mga anghel sa mga korte sa itaas, sila ay umaawit sa tagumpay, “Magsiawit kayo sa Dios, kayong mga kaharian sa lupa; O magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, Siya na nakasakay sa langit ng mga langit.... Iukol ang kalakasan sa Dios: ang Kanyang kagalingan ay sa buong Israel, at ang Kanyang kalakasan ay nasa kalangitan.” Awit 68:32-34. AGA 26.3

Matamang nakatingin pa rin sa langit ang mga alagad nang, “dalawang lalaki ang tumayong kasama nila na may suot na puting damit; ang nagwika rin, Kayong mga lalaki ng Galilea, bakit kayo nakatanaw sa langit? ang Jesus ding ito na kinuha mula sa inyo sa kalangitan, ay babalik sa inyo sa katulad na paraang Siya ay nagtungo sa langit.” Gawa 1:10, 11. AGA 26.4

Ang pangako ng muling pagparito ni Kristo ay laging sasariwain sa isipan ng Kanyang mga alagad. Ang Jesus ding ito na kanilang nakitang pumapanhik sa langit, ay muling babalik, upang kunin ang mga sa lupang ito ay naglingkod sa Kanya. Ang gayon ding tinig na nagsabi sa kanilang, “Ako’y sasainyo, kahit na hanggang sa katapusan,” ang siya ring tatanggap sa kanila sa Kanyang presensya sa kaharian sa langit. AGA 26.5

Kung paanong sa serbisyo sa santuwaryo ay hinuhubad ng punong saserdote ang kanyang damit upang maglingkod na suot ang damit ng karaniwang saserdote, sa ganito rin ay hinubad ni Kristo ang Kanyang damit hari at nagsuot ng pagkatao at inihandog ang sarili bilang sakripisyo. Siya ang saserdote, at Siya rin ang biktima. Kung paanong ang punong saserdote, matapos ang paglilingkod sa kabanalbanalang dako, ay haharap sa naghihintay na kapulungan sa kanyang kasuotang punong saserdote gayundin si Kristo ay paririto sa ikalawa, suot ang damit na pinakamaputi sa maputi, “na walang sinumang makapagpapaputi nito sa lupa.” Marcos 9:3. Siya ay paririto sa Kanyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Kanyang Ama, at ng laksang mga anghel na kasama Niya. AGA 27.1

Sa ganito ay matutupad ang pangako ni Kristo sa Kanyang mga alagad, “Ako’y muling paririto, upang tanggapin kayo sa Aking sarili.” Juan 14:3. Silang nagmahal sa Kanya at naghintay sa Kanya ay magpuputong sa Kanya ng korona ng kaluwalhatian, karangalan at kawalang kamatayan. Ang mga matuwid na banal ay babangon mula sa mga libingan, at silang buhay ay aagawing kasama nila sa alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin. Madidinig nila ang tinig ni Jesus, higit na matamis kaysa alin mang musikang nadinig ng tainga ng tao, na nagsasabi sa kanila, Ang inyong pakildpagbaka ay natapos na. “Parito kayo, mga pinagpala ng Aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan.” Mateo 25:34. AGA 27.2

Ang mga alagad ay galak na galak sa pag-asa ng pagbabalik ng kanilang Panginoon. AGA 27.3