Ang mga GAWA ng mga APOSTOL
Pentecostes
Sa pagbalik ng mga alagad sa Jerusalem mula sa Olibet, nakatingin ang mga tao sa kanila, na inaasahang sila ay nalulungkot, nagugulumihanan, at bigo; datapuwat ang nabanaag nila ay kagalakan at tagumpay. Hindi na ngayon namamanglaw ang mga alagad sa kanilang nabigong pag-asa. Nakita nila ang Tagapagligtas na muling nabuhay, at ang mga salita ng pangako habang namamaalam sa kanila ay patuloy na umaalingawngaw sa kanilang pakinig. AGA 28.1
Bilang pagsunod sa tagubilin ni Kristo, sila ay namalagi sa Jerusalem upang hintayin ang pangako ng Ama,—ang pagbubuhos ng Espiritu. Hindi sila naghintay na walang ginagawa. Ayon sa tala, sila ay “laging nasa templo, nagpupuri at nagpapala sa Dios.” Lucas 24:53. Nagkatipon din sila upang iharap ang mga kahilingan sa Ama sa pangalan ni Jesus. Alam nilang mayroon silang Kinatawan sa langit, isang Tagapagtanggol sa trono ng Dios. Sa banal na paggalang ay tumungo sila sa panalangin, na inuulit ang kasiguruhang, “Anuman ang inyong hingin sa Ama sa Aking pangalan, ay ipagkakaloob Niya sa inyo. Hindi pa kayo nakakahingi sa Aking pangalan: humingi kayo at kayo’y tatanggap, upang ang inyong kagalakan ay malubos.” Juan 16:23, 24. Pataas at pataas pa ay inangat nila ang mga kamay ng pananampalataya, taglay ang makapangyarihang argumento, “Si Kristo ang namatay, oo, at nabuhay mag-uli, at nasa kanang kamay ng Dios, at namamagitan para sa atin.” Roma 8:34. AGA 28.2
Habang ang mga alagad ay naghihintay sa katuparan ng pangako, sila naman ay nagpakababa ng puso sa tunay na pagsisisi at nagkumpisal ng kanilang kawalang pananampalataya. At habang inaalaala nila ang mga salita ni Kristo bago Siya mamatay, higit nilang naunawaan ang mga buong kahulugan nito. Mga katotohanang nakalimutan ay muling naalaala, at inulit sa isa’t isa. Sinisi nila ang kanilang mga sarili sa hindi pagkaunawa sa Tagapagligtas. Tulad ng isang prosisyon, ang bawat tanawin ng Kanyang kahanga-hangang buhay ay nakita nila. At habang nagbubulay-bulay sila sa Kanyang dalisay, banal na buhay nadama nilang walang paggawang magiging napakahirap, walang sakripisyong napakadakila, kung sila lamang ay handang sumaksi sa kanilang pagsaksi sa kanilang buhay sa kagandahan ng likas ni Kristo. Kung muli sanang maisasakabuhayan ang nakalipas na tadong taon, gaano nga kaiba ang magiging karanasan nila! Kung muli sanang makikita nila ang Panginoon, gaano nga kataimtim na ipahahayag nila ang pagmamahal sa Kanya, at gaano kataimtim na sila ay mamamanglaw dahilan sa kawalang pananampalatayang naihayag sa salita at gawa! Ngunit sila ay pinasigla ng isipang sila naman ay pinatawad. At nagpasya silang, hanggang sa makakaya, ay babawi sila sa kanilang kakulangan ng pananampalataya sa pamamagitan ng matapang na pagpapakilala sa Kanya sa sanlibutan. AGA 28.3
Ang mga alagad ay nanalanging maningas upang maging angkop sa pagharap sa mga tao, at sa kanilang araw-araw na pakikitungo ay makapagsalitang makaaakay sa mga makasalanan kay Kristo. Isinantabi ang lahat ng inggitan at pagkakabaha-bahagi, ang hangaring mangulo, sila ay naging malapit kay Kristo sa pagsasamahan. Naging malapit sila sa Dios, at sa paggawa nila nito, ay nadama nila ang karapatang maging malapit na kasama ni Kristo. Kalungkutan ang pumuno sa kanilang puso sa pag-alala nila kung ilang beses ay pinalungkot nila Siya dahil sa kabagalan nilang umunawa, ang kanilang pagkakamaling unawain ang mga aral para sa kanilang kabutihan na Kanyang sinisikap na ituro sa kanila. AGA 29.1
Ang mga araw na ito ng paghahanda ay mga araw ng malalim na pagsasaliksik ng puso. Nadama ng mga alagad ang pangangailangang espirituwal, at nanangis sa Panginoon sa banal na pagpapahid na mag-aangkop sa kanila sa gawain ng pagliligtas ng tao. Hindi sila humiling ng pagpapala para sa kanila lamang. Naipasabalikat sa kanila ang pasanin tungkol sa kaligtasan ng mga tao. Nadama nilang ang ebanghelyo ay dapat dalhin sa sanlibutan, at inangkin nila ang kapangyarihang pangako ni Kristo. AGA 29.2
Sa panahon ng mga patriarka ang impluwensya ng Banal na Espiritu ay madalas na naipahayag sa tiyak na paraan, ngunit kailanman ay hindi sa lubusang paraan. Ngayon, bilang pagsunod sa salita ng Tagapagligtas, ang mga alagad ay dumalangin ukol sa kaloob na ito, at sa langit ay idinagdag ni Jesus ang Kanyang pamamagitan. Inangkin Niya ang kaloob ng Espiritu, upang ito naman ay maibuhos sa Kanyang bayan. AGA 29.3
“Nang dumating ang araw ng Pentecostes, sila ay nagkakatipon sa isang dako. At biglang may nadinig na ugong mula sa langit tulad ng malakas na hangin, at pinuno ang bahay na kanilang kinauupuan.” AGA 30.1
Ang Espiritu ay lumapag sa mga naghihintay, at nananalanging mga alagad sa kaganapang umabot sa bawat puso. Ang Walang Katapusan ay naghayag ng Sarili sa kapangyarihan sa Kanyang iglesia. Sa pagdaan ng mga panahon ay parang ang kapangyarihang ito ay pigil, at ngayon ay nagagalak ang Langit na ibuhos sa iglesia ang kayamanan ng biyaya ng Espiritu. At sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, mga pangungusap ng pagsisisi at pagkukumpisal ay sumanib sa mga awit ng papuri sa mga kasalanang napatawad. Mga salita ng pagpapasalamat at propesiya ay nadinig. Buong Langit ay yumukod upang masdan at papurihan ang karunungan ng di mapapantayan, di mauunawaang pag-ibig. Sa pagkamangha, nasambit ng mga alagad, “Narito ang pag-ibig.” Tinanggap nila ang kaloob na handog. At ano ang sumunod? Ang sandata ng Espiritu, bagong hasa sa kapangyarihan at mga kidlat ng langit, ay nanalasa sa kawalang pananampalataya. Libu-libo ang nahikayat sa isang araw. AGA 30.2
“Nararapat sa inyo na Ako’y yumaon,” sinabi ni Kristo sa Kanyang mga alagad; “sapagkat kung hindi Ako yayaon, ang Mang-aaliw ay hindi paririto sa inyo; ngunit kung Ako’y yumaon, Siya’y susuguin Ko sa inyo.” “Gayunma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anumang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.” Juan 16:7, 13. AGA 30.3
Ang pagpanhik ni Kristo sa langit ay hudyat na ang mga alagad Niya ay tatanggap ng pangakong pagpapala. Ito ay hinintay nila bago sila magsimula ng gawain. Nang si Kristo ay pumasok sa kalangitan, Siya ay umupo sa gitna ng parangal ng mga anghel. Nang matapos ang seremonyang ito, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa mga alagad sa masaganang daloy, at tunay na si Kristo ay naluwalhati, tulad ng kaluwalhatiang taglay Niya kasama ng Ama sa walang hanggan. Ang pagbubuhos ng Pentecostes ay pahayag ng Langit na ang inagurasyon ng Manunubos ay naganap na. Ayon sa Kanyang pangako isinugo Niya ang Banal na Espiritu mula sa langit sa Kanyang mga tagasunod, upang maging palatandaan na Siya, bilang saserdote at hari, ay tumanggap ng buong otoridad sa langit at lupa, at Siyang Pinahiran sa Kanyang bayan. AGA 30.4
“At may napakita sa kanilang mga dilang tulad ng apoy, at ito’y lumapag sa bawat isa sa kanila. At lahat sila’y napuspos ng Banal na Espiritu, at nagsimulang mangusap sa ibang wika, ayon sa kaloob ng Espiritu.” Ang Banal na Espiritu, sa anyo ng mga dilang apoy, ay lumapag sa mga nagkakatipon. Ito ay sagisag ng kaloob na noon ay ibinigay sa mga alagad, na dahil dito’y nagkaroon sila ng pagkabihasa sa mga wikang kailanman ay di nila natutunan. Ang anyo ng apoy ay pahayag ng maningas na sigasig na sa pamamagitan nito ang mga alagad ay gagawa, at sa kapangyarihang lalakip sa kanilang gawain. AGA 31.1
“May mga naninirahan sa Jerusalem na mga Judio, mga tapat at banal, na nagmula sa bawat bansa sa silong ng langit.” Sa panahon ng pangangalat, ang mga Judio ay naikalat sa bawat bahagi ng tinitirahang sanlibutan, at sa kanilang pagkadistiyero sila ay natuto ng iba’t ibang wika. Marami sa mga Judiong ito ay nasa Jerusalem, na dumalo sa banal na pagtitipon doon. Bawat kilalang wika ay kinatawanan ng mga nagkatipong ito. Ang pagkakaiba ng mga wika ay naging sagabal sana sa pagpapahayag ng ebanghelyo; ang Dios sa gayon ay nagpuno sa kahanga-hangang paraan ng kakulangan ng mga alagad. Ginawa para sa kanila ng Banal na Espiritu ang hindi nila magagampanan kahit na sa buong buhay nila. Ngayon ay maihahayag na nila ang ebanghelyo sa ibang dako, na magsasalitang may bisa sa mga wika ng kanilang paglilingkuran. Ang milagrong kaloob na ito ay katibayan sa sanlibutan na ang kanilang pagkasugo ay taglay ang pagsang-ayon ng Langit. Mula sa panahong ito ang mga pangungusap ng mga alagad ay naging dalisay, payak, at wasto, maging sa kanilang wika o sa iba man. AGA 31.2
“Nang ang bagay na ito ay maipamalita, ang karamihan ay nagkatipon, at nagulat, sapagkat bawat isa ay nadinig sa kanilang sariling wika ang pagsasalita ng mga alagad. At lahat sila ay namangha, at nagulat, at nagsabi sa isa’t isa, Hindi ba ang mga taong itong nagsasalita ay mga taga Galilea? at bakit nga nadidinig natin silang nagsasalita sa ating sariling wika, na doon tayo ay ipinanganak?” AGA 31.3
Ang mga saserdote at pinuno ay galit na galit sa ganitong kahangahangang pagpapahayag, ngunit hindi sila magkalakas loob na sundin ang masamang isipan, sa takot na malantad sa karahasan ng bayan. Ipinapatay nila ang Nasareno; ngunit ngayon ay narito naman ang Kanyang mga lingkod, mga walang pinag-aralang tao mula sa Galilea, na naghahayag sa mga kilalang wika, ng istorya ng Kanyang buhay at ministeryo. Ang mga saserdote, sa hangad na mabigyang paliwanag ang kababalaghang kapangyarihan ng mga alagad na ito ay likas lamang, ay nagpahayag na sila’y lasing dahilan sa maraming nainom na alak sa kapistahan. Ang ilan sa mga pinaka-mangmang sa bayan ay naniwala dito, ngunit ang higit na pantas ay alam na hindi ito totoo; at silang nakakaunawa ng mga ibang wika ay nagpatotoo sa wastong pagsasalita ng mga alagad sa mga banyagang wikang ito. AGA 31.4
Bilang tugon sa paratang ng mga saserdote ipinakita ni Pedro na ang bagay na ito ay tiyak na katuparan ng propesiya ni Joel, na nagsabing ang gayong kapangyarihan ay lalakip sa mga lalaking angkop sa isang tanging gawain. “Kayong mga lalaki ng Judea, at kayong lahat na nananahan sa Jerusalem,” kanyang sinabi, “alamin ninyo ito, at dinggin ninyo ang aking mga salita: sapagkat hindi sila lasing, gaya ng pag-akala ninyo, sapagkat ngayon ay ikadong oras pa lamang ng araw. Datapuwat ito ang sinalita sa pamamagitan ni propeta Joel: At mangyayari sa mga huling araw, wika ng Dios, Aldng ibubuhos ang Aking Espiritu sa lahat ng laman: at ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpropropesiya, at ang inyong matatanda ay makakakita ng pangitain, at sa Aking mga lingkod na lalaki at babae ay ibubuhos Ko sa panahong iyon ang Aking Espiritu; at sila ay magpropropesiya. ” AGA 32.1
May linaw at kapangyarihang nagpatotoo si Pedro sa kamatayan at pagkabuhay na muli ni Kristo: “Kayong mga lalaki ng Jerusalem, dinggin ninyo ang mga salitang ito: si Jesus ng Nasaret, ang lalaking taglay ang pagsang-ayon ng Dios sa gitna ninyo sa pamamagitan ng mga milagro at tanda, na ginawa ng Dios sa pamamagitan Niya sa gitna ninyo, tulad din ng inyong nalalaman: Siya...na inyong hinuli, at sa kamay ng mga salarin ay ipinako at pinaslang: Siya na muling ibinangon ng Dios, na kalagan ang mga tali ng kamatayan: sapagkat hindi maaaring Siya ay matalian nito.” AGA 32.2
Hindi binanggit ni Pedro ang mga aral ni Kristo upang patunayan ang Kanyang paniniwala, sapagkat alam niya ang malaking galit at maling akala ng mga nakikinig sa kanya anupa’t ang mga salita niya ay mawawalang bisa lamang. Sa halip, ay nagsalita siya sa kanila tungkol kay David, na itinuturing ng mga Judio bilang isa sa mga patriarka ng bansa. “Si David ay nagsalita tungkol sa Kanya,” kanyang pinahayag, “Nakita Kong palagi ang Panginoon sa harapan Ko, sapagkat Siya ay nasa Aking kanang kamay, upang Ako ay di makilos: sa gayon ay nagalak ang Aking puso, at ang Aking dila ay nagdiwang; bukod dito ang Aking laman ay magpapahinga sa pag-asa: sapagkat di Mo iiwan ang Aking kaluluwa sa impiyerno, ni di Mo babayaang ang Iyong Banal ay makakita ng kabulukan.... AGA 32.3
“Mga kapatid, bayaan ninyong mangusap akong malaya tungkol sa inyong patriarkang si David, na patay na at nakalibing, at ang libingan niya ay nasa atin hanggang sa panahong ito.” “Siya...ay nangusap tungkol sa pagkabuhay mag-uli ni Kristo, na ang Kanyang kaluluwa ay di naiwan sa impiyerno, ni ang Kanyang laman ay nakatikim ng pagkabulok. Ang Jesus na ito ay ibinangon ng Dios, at tayong lahat ay mga saksi nito.” AGA 33.1
Ang tanawin ay puspos ng interes. Masdan ang mga taong buhat sa iba’t ibang dako upang pakinggan ang mga alagad na sasaksi sa katotohanang na kay Jesus. Sila ay naggigitgitang papasok sa templo. Mga saserdote at pinuno ay naroroon, ang simangot ng paghamak ay nasa kanilang mga mukha, mga puso nila ay puspos ng pagkamuhi laban kay Kristo, ang kanilang mga kamay ay may bahid pa ng dugo sa kanilang pagpako sa Manunubos ng sanlibutan. Inakala nilang ang mga alagad ay masisindak ng pagkatakot sa ilalim ng kamay ng pangaapi at pagpatay, ngunit nasumpungang sila ay ligtas sa takot at puspos ng Espirini, na naghahayag na may kapangyarihan sa pagkaDios ni Jesus ng Nasaret. Nadidinig nila silang naghahayag na may tapang na Siyang kalalagay pa lamang sa kahihiyan, pinagtawanan, pinaslang ng marahas na mga kamay, at napako, ang Prinsipe ng buhay, ngayon ay itinaas sa kanang kamay ng Dios. AGA 33.2
Ilan sa mga nakinig sa mga apostol ay nagkaroon ng aktibong bahagi sa pagparatang at kamatayan ni Kristo. Ang mga tinig nila ay nakasama ng kaguluhang nagbunga ng Kanyang pagkapako sa krus. Nang si Jesus at Barabas ay nakatayo sa harapan nila sa bulwagang hukuman, at nagtanong si Pilato, “Sino ang nais ninyong pakawalan ko sa inyo?” sila ay sumigaw, “Hindi ang lalaking ito, kundi si Barabas!” Mateo 27:17; Juan 18:40. Nang ibigay ni Pilato si Kristo sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo Siya, at ipako sa krus: sapagkat wala akong masumpungang kasalanan sa Kanya;” “Wala akong kasalanan sa dugo ng matuwid na taong ito,” sila ay sumigaw, “Ang dugo Niva ay mapasaamin, at sa aming mga anak.” Juan 19:6; Mateo 27:24,25. AGA 33.3
Ngayon ay nadidinig nila mula sa mga alagad na ang ipinako sa krus ay ang Anak ng Dios. Mga saserdote at pinuno ay nanginig sa takot. Kombiksyon at kalumbayan ay sumapuso ng bayan. “Sila ay nasugatan sa puso, at sinabi kay Pedro at sa mga alagad, Mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Kabilang sa mga nakinig sa mga alagad ay mga debotong Judio, na taimtim sa kanilang mga paniniwala. Ang kapangyarihang taglay ng mga nagsasalita ay nakakumbinse sa kanila na tunay ngang si Jesus ang Mesias. AGA 34.1
“At sinabi ni Pedro sa kanila, Magsisi kayo, at mabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo sa ikapagpapatawad ng kasalanan, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang pangako ay ukol sa inyo, at sa inyong mga anak, at sila na nasa malalayong dako, lahat ng tatawagan ng Panginoong Dios.” AGA 34.2
Idiniin ni Pedro sa mga tao na tinanggihan nila ang Kristo sapagkat sila ay nadaya ng mga saserdote at mga pinuno; at kung patuloy pa silang tatanggap ng payo sa mga taong ito, at maghihintay pa silang kilalanin si Kristo bago nila ito gawin, kailanman ay di nila Siya matatanggap. Ang mga makapangyarihang lalaking ito, gayong nagpapanggap ng kabanalan, ay may ambisyon sa makalupang kayamanan at luwalhati. Hindi sila handang lumapit kay Kristo ukol sa liwanag. AGA 34.3
Sa impluwensya ng liwanag ng langit, ang mga kasulatang ipinaliwanag ni Kristo sa mga alagad ay naging makinang na sakdal na katotohanan sa kanila. Ang tabing na humadlang upang di nila maunawaan ang mga bagay na lumipas na, ngayon ay naalis, at sakdal sa liwanag na, naunawaan nila ang adhikain ng misyon ni Kristo at ang likas ng Kanyang kaharian. May kapangyarihang makakapangusap sila tungkol sa Tagapagligtas; at habang inilalahad nila sa mga nakikinig ang panukala ng pagliligtas, marami ang nahikayat at nakumbinse. Ang mga tradisyon at mga pamahiing itinuro ng mga saserdote ay napalis sa isipan, at ang mga turo ng Tagapagligtas ay tinanggap. AGA 34.4
“At magalak na tinanggap nila ang kanyang salita at sila ay nabautismuhan: at sa araw ding yaon ay may nadagdag sa kanilang bilang na tatlong libong kaluluwa.” AGA 34.5
Inakala ng mga pinunong Judio na ang gawain ni Kristo ay magwawakas sa Kanyang kamatayan; datapuwat sa halip nito, namalas nila ang kamangha-manghang tanawin ng araw ng Pentecostes. Nadinig nila ang mga alagad, taglay ang kapangyarihan at sigla na kailanman ay di nakita, na ipinangangaral si Kristo, ang kanilang mga salita ay pinatibayan pa ng mga himala at tanda. Sa Jerusalem, na tanggulan ng Juda, libo ang hayagang naglantad ng kanilang pananampalataya kay Jesus ng Nasaret bilang Mesias. AGA 34.6
Ang mga alagad ay nagulat at nagalak sa dakilang pag-aaning ito ng kaluluwa. Hindi nila inisip na ang kahanga-hangang pagtitipong ito ng kaluluwa ay bunga ang kanilang sariling sikap; nadama nilang sila ay pumapasok sa gawaing hindi sariling kanila. Mula sa pagkahulog ni Adan, si Kristo ay nagbibinhi na ng Kanyang salita sa mga piling lingkod, upang ito ay maipunla sa puso ng mga tao. Sa Kanyang buhay dito sa lupa, ay nagpunla Siya ng binhi ng katotohanan, at diniligan ito ng Kanyang sariling dugo. Ang mga paghikayat na naganap sa araw ng Pentecostes ay bunga ng pagtatanim, ang pagaani ng gawain ni Kristo, na naghahayag ng kapangyarihan ng Kanyang pagtuturo. AGA 35.1
Ang mga pagpapaliwanag ng mga alagad sa ganang sarili, bagama’t maliwanag at kapani-paniwala, ay hindi nakakaalis ng maling akala na tumayong matatag kahit na sa harap ng malinaw na ebidensya. Ngunit idiniin ng Banal na Espiritu sa kanilang mga puso ang mga argumentong ito. Ang mga salita ng mga alagad ay natulad sa matulis na palaso ng Makapangyarihan sa lahat, na humihikayat sa tao na kilalanin ang kamalian sa pagtanggi at pagpako sa Panginoon ng kaluwalhatian. AGA 35.2
Sa ilalim ng pagsasanay ni Kristo, nadama ng mga alagad ang pangangailangan sa Espiritu. Sa pagtuturo ng Espiritu, ay tinanggap nila ang lubos na kuwalipikasyon, at humayo sa kanilang gawain. Ngayon ay di na sila ignorante at walang kultura. Hindi sila pulutong ng mga independyenteng tao o nagkakasalungatang mga sangkap. Wala sa makalupa ang kanilang mga pag-asa. Sila ay “nagkakaisang diwa,” “ng isang puso at kaluluwa.” Gawa 2:46; 4:32. Pinuspos ni Kristo ang kanilang mga pag-iisip; ang pagsulong ng Kanyang kaharian ang naging mithiin nila. Sa isip at likas ay naging katulad sila ng kanilang Panginoon, at “nakilala sila ng mga tao na sila ay nakasama ni Jesus.” Gawa 4:13. AGA 35.3
Ipinagkaloob sa kanila ng Pentecostes ang liwanag na ito ng langit. Ang mga katotohanang di nila maunawaan nang kasama pa nila si Kristo ngayon ay inilahad sa kanila. May pananampalataya at kasiguruhang di pa nila naranasan kailanman, tinanggap nila ang mga aral ng Banal na Salita. Hindi na ito pananampalataya lamang na si Kristo ang Anak ng Dios. Alam nila na bagaman naramtan ng pagkatao, tunay ngang Siya ang Mesias, at ibinalita nila ang karanasang ito sa sanlibutan na may tiwalang taglay ang paniniwalng kasama nila ang Dios. AGA 35.4
Nakapagsalita sila na may katiyakan sa pangalan ni Jesus; sapagkat hindi ba Siya ang kanilang Kaibigan at Nakatatandang Kapatid? Nadala sa malapit na komunyon kay Kristo, sila ay umupong kasama Niya sa matataas na dako. Sa mga salitang nag-alab ay sumaksi sila para sa Kanya! Ang kanilang mga puso ay puspos ng kasaganaang ganap, malalim, malayo ang naaabot, anupa’t ito ang naging puwersa para sa kanilang humayo sa mga dulo ng lupa, na nagpapatotoo sa kapangyarihan ni Kristo. Napuspos sila ng maalab na pagnanasang ipagpatuloy ang gawaing sinimulan Niya. Nadama nila ang kanilang dakilang pagkakautang sa langit, at ang kapanagutan ng kanilang gawain. Pinalakas ng Banal na Espiritu, humayo silang may sigasig upang palaganapin ang mga tagumpay ng krus. Binuhay sila at pinagsalita ng Espiritu. Ang kapayapaan ni Kristo ay nagningning sa kanilang mga mukha. Nagtalaga sila ng buhay sa paglilingkod sa Kanya, at ang kanilang mga anyo ay naging katibayan ng pagpapasakop na kanilang isinagawa. AGA 36.1