Ang mga GAWA ng mga APOSTOL
Judio at Gentil
Pagdating sa Antioquia ng Siria, na mula doon ay isinugo sila sa kanilang misyon, kinuha nina Pablo at Bernabe ang pagkakataong agad matipon ang mga mananampalataya at sariwain “ang lahat ng ginawa ng Dios para sa kanila, at kung paanong binuksan Niya ang pintuan ng pananampalataya para sa mga Gentil.” Gawa 14:27. Ang iglesia sa Antioquia ay malaki at lumalago pa. Isang sentro ng paggawang misyonero, ito ay isa sa pinakamahalaga sa mga grupo ng mga mananampalatayang Kristiano. Ang mga kaanib nito ay binubuo ng maraming uri ng tao sa mga Judio at Gentil. AGA 143.1
Habang ang mga apostol ay nakipagkaisa sa mga ministro at layko sa Antioquia sa maningas na pagsisikap na makahikayat ng maraming tao kay Kristo, ilang mananampalatayang Judio mula sa Judea “sa sekta ng mga Pariseo,” ay nagtagumpay na magpasok ng katanungang nagdulot ng malawakang kontrobersiya sa iglesia, at naghatid ng pagkabagot sa mga Gentil na nanampalataya. May malaking katiyakan na ang mga gurong ito ng Judaismo ay nagwikang upang maligtas, kailangang tuliin muna at ingatan ang buong kautusang seremonyal. AGA 143.2
Sinagupa ni Pablo at Bernabe ang maling aral na ito ng madalian at nilabanan ang pagtuturo nito sa mga Gentil. Sa kabilang dako, marami sa mga mananampalatayang Judio sa Antioquia ay sumangayon sa turong ito na bago pa lang dala ng mga kapatid mula sa Judea. AGA 143.3
Ang mga nahikayat na Judio sa pangkalahatan ay hindi mabilis sa pagkilos sa mga paglalaan ng Dios sa pagbubukas ng daan. Mula sa bunga ng mga paggawa ng mga apostol sa mga Gentil malinaw na nakitang ang mga hikayat na ito ay hihigit ang bilang kaysa mga hikayat na Judio. Nangamba ang mga Judiong kung hindi gagawing limitasyon sa mga Gentil ang mga pagbabawal at seremonya ng kanilang kautusan bilang subukan ng pagiging kaanib ng iglesia, ang pambansang pagkakaiba ng mga Judio, na hanggang noon ay nagbigay kaibahan sa kanila sa lahat ng mga tao, ito sa wakas ay mawawala sa mga tatanggap ng pabalita ng ebanghelyo. AGA 143.4
Ipinagmamalaki ng mga Judio ang kanilang mga serbisyong itinakda ng langit, at marami sa mga nahikayat sa pananampalataya ni Kristo ay nadadama pa ring sapagkat ang Dios ang naghanay nang malinaw sa paraan ng pagsambang Hebreo, hindi maaaring Kanyang babaguhin ang alin mang sangkap nito. Ipinilit nilang ang mga batas at seremonyang Judio ay dapat maisama sa mga ritwal ng Kristianong relihiyon. Mabagal nilang maunawaan na ang lahat ng mga handog sakripisyo na mga anino ng kamatayan ng Anak ng Dios ay nalapatan na ng katawan nito, at ang mga ritwal at seremonya ng mga batas ni Moises ay wala nang bisa pa. AGA 144.1
Bago siya nahikayat, ang palagay ni Pablo sa sarili ay walang kapintasan “tungkol sa mga bagay ng katuwiran na nasa kautusan.” Filipos 3:6. Ngunit mula nang mabago ang kanyang puso, nagkaroon siya ng malinaw na pananaw ng misyon ng Tagapagligtas bilang Manunubos ng buong lahi, maging Gentil o Judio man, at natutuhan niya ang pagkakaiba ng buhay na pananampalataya at patay na pormalismo. Sa liwanag ng ebanghelyo ang sinaunang mga ritwal at seremonyang ibinigay sa Israel ay nagkaroon ng bago at lalong malalim na kahalagahan. Ang mga bagay na inaninuhan nito ay naganap na, at silang nabubuhay sa panahon ng ebanghelyo ay napalaya sa pagsunod dito. Gayunman, ang Sampung Utos ng Dios na hindi nababago gayunman, ay tinupad pa rin ni Pablo sa diwa at letra nito. AGA 144.2
Sa iglesia ng Antioquia ang pagpapahalaga tungkol sa pagtutuli ay nagkaroon ng maraming pagtatalo at alitan. Sa wakas, ang mga kaanib ng iglesia, sa pangambang magkaroon ng pagkakabahagi ay nagpasyang isugo si Pablo at Bernabe, kasama ng ilang may kapanagutang kaanib ng iglesia, sa Jerusalem upang ilahad ang bagay na ito sa mga apostol at matatanda. Doon ay makakatagpo nila ang mga delegado mula sa iba’t ibang iglesia at silang magtutungo sa Jerusalem upang dumalo sa mga kapistahang darating. Samantala ang lahat ng usapan ay pinatigil muna hanggang ang kapasyahan ay maibigay sa pangkalahatang konsilyo. Ang desisyon ay tatanggapin ng lahat ng mga iglesia sa buong bansa kung magkagayon. AGA 144.3
Patungo sa Jerusalem dinalaw ng mga apostol ang mga mananampalataya sa mga siyudad na kanilang nadaanan, at pinalakas sila sa pagsasalaysay ng mga karanasan nila sa gawain ng Dios at ng pagkahikayat ng mga Gentil. AGA 145.1
Sa Jerusalem ang mga delegado mula sa Antioquia ay nakatagpo ang mga kapatid mula sa iba’t-ibang iglesia, na nagkatipon sa pangkalahatang pulong, at sa kanila ay isinaysay ang tagumpay na natamo sa kanilang ministri sa mga Gentil. Pagkatapos ay inihanay nila sa kanila ang kaguluhang naging bunga ng pagdalaw sa Antioquia ng ilang nahikayat na Judio, na nagsabing upang maligtas, ang mga nahikayat ay dapat tuliin at sumunod sa kautusan ni Moises. AGA 145.2
Ang katanungang ito ay mainit na pinag-usapan sa pagkakatipong ito. Kaugnay ng pag-uusap na ito sa katanungan tungkol sa pagtutuli ay may ilang bagay pang nangangailangan ng masinop na pag-aaral. Isa rito ay ang dapat na isipan tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyusan. Marami sa mga nahikayat na Gentil ay naninirahan sa gitna ng mga taong walang kaalaman at mapamahiin na madalas na naghahandog at nagsasakripisyo sa mga diyus-diyusan. Ang mga saserdote ng pagsambang paganong ito ay kasangkot sa malawakang negosyo ng mga handog na dinadala sa kanila, at nangangamba ang mga Judio na ang mga nahikayat na Gentil ay maghahatid ng kahihiyan sa Kristianismo sa pagbili ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyusan, at sa ganitong paraan, ay mabigyang patibay ang mga gawaing ito ng idolatriya. AGA 145.3
Muli, ang mga Gentil ay sanay na sa pagkain ng mga laman ng hayop na sinakal, samantalang ang mga Judio ay may utos ng Dios na kapag ang hayop ay pinatay bilang pagkain, dapat na maging maingat na ang dugo nito ay mapadaloy mula sa katawan; kung hindi ang pagkaing iyon ay ituturing na marumi. Ibinigay ng Dios ang tagubiling ito sa mga Judio sa adhikaing maingatan ang kanilang kalusugan. Itinuturing ng mga Judio na kasalanan ang pagkain ng dugo. Pinanghahawakan nilang nasa dugo ang buhay, at ang pagpapadanak ng dugo ay bunga ng kasalanan. AGA 145.4
Ang mga Gentil naman, sa kabilang dako, ay tinitipon ang dugo mula sa hayop na inihandog, at ginagamit ito sa paghahanda ng pagkain. Hindi mapaniwalaan ng mga Judio na dapat silang magbago mula sa turong tanging galing na rin sa Dios. Kung kaya’t, ayon sa kalagayan ng mga bagay na ito, kung ang Judio at Gentil ay kakaing magkasama sa dulang, ang una ay manghihilakbot sa gagawin ng ikalawa. AGA 145.5
Ang mga Gentil, lalo na ang mga Griyego, ay lubhang maluwag. ang pamumuhay, at may panganib na ang ilang hindi hikayat sa puso, ay magpapanggap’ ng pananampalataya gayong hindi naman nagbabago ng mga masamang gawa. Hindi matagalan ng mga Kristianong Judio ang imoralidad na sa mga pagano ay hindi kasalanan. Kaya’t itinuturing ng mga Judio na ang pagtutuli ay naangkop at ang pagganap ng mga batas seremonyal ay dapat na ipairal sa mga nahikayat na Gentil bilang subukan ng kanilang katapatan at debosyon. Sa kanilang paniniwala, ito ay hahadlang sa pagpasok sa iglesia nilang magpapanggap ng pananampalataya gayong walang tunay na pagkahikayat ng puso, at maaaring magdala ng kahihiyan sa iglesia dahilan sa imoralidad at pagmamalabis. AGA 146.1
Ang iba’t ibang puntong kaugnay ng pagsasaayos ng pangunahing katanungan ay parang nagbigay ng kahirapan sa konsilyo. Ngunit ang Banal na Espiritu, sa katunayan, ay nagbigay na ng desisyon sa isyung ito, at dito nakasalig ang kasaganaan, pati na ng pagpapatuloy ng iglesia Kristiana. AGA 146.2
“At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng ebanghelyo, at sila’y magsisampalataya.” Nagpaliwanag siya na ang Banal na Espiritu ang nagpasya ng bagay na pinagtatalunan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng magkatulad na kapangyarihan sa di tuling mga Gentil at mga tuling Judio. Isinaysay niya ang kanyang pangitain, kung paano ipinakita ng Dios sa kanya ang isang kumot na puno ng lahat ng uri ng hayop na may apat na paa at inatasan siyang kumain. Nang siya ay tumanggi, at nagsabing kailanman ay hindi siya kumain ng pangkaraniwan o marumi, ang naging tugon ay, “Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong tawaging karaniwan.” Gawa 10:15. AGA 146.3
Isinaysay din ni Pedro ang simpleng kahulugan ng mga salitang ito, na ibinigay sa kanya agad kaugnay ng utos sa kanyang tumungo sa senturyon at turuan ito tungkol sa pananampalataya kay Kristo. Ang pabalitang ito ay naghahayag na ang Dios ay hindi nagtatangi ng tao, kundi tumatanggap at kumikilala sa lahat ng natatakot sa Kanya. Sinabi ni Pedro ang kanyang pagkamangha nang habang siya ay nagsasalita sa mga taong nagkatipon sa bahay ni Cornelio, namasdan niya ang Banal na Espiritu na lumulukob sa kanyang mga tagapakinig, mga Gentil at Judio man. Ang magkatulad na liwanag at kaluwalhatian ay nahayag sa mga mukha ng mga Judio na tuli ay sumang-ayon din sa mga Gentil na hindi tuli. Ito ay babala ng Dios kay Pedro na di niya dapat ipalagay na ang isa ay mas mababa sa isa; sapagkat ang dugo ni Kristo ay makapaglilinis sa lahat ng karumihan. AGA 146.4
Minsan sa nakaraan, si Pedro ay nakipagkatuwiranan na sa mga kapatid tungkol sa pagkahikayat ni Cornelio at mga kaibigan nito, at sa pakikisama niya sa kanila. Sa pagsasalaysay niya kung paanong sa pangyayaring iyon ang Banal na Espiritu ay lumapag sa mga Gentil, sinabi niya, “Sapagkat ibinigay ng Dios sa kanila ang kaloob na katulad sa atin, na nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo; sino ako na lalaban sa Dios?” Gawa 11:17. Ngayon, sa katulad na puwersa at ningas, ay sinabi niya: “Ang Dios, na nakakaalam ng mga puso, ay nagbigay sa kanila ng patotoo, sa pagkakaloob sa kanila ng Banal na Espiritu, katulad ng sa atin; at hindi naglagay ng pagkakaiba sa pagitan nila at sa atin, na dinalisay ang kanilang mga puso sa pananampalataya. Kung gayon bakit tinutukso ninyo ang Dios, sa paglalagay ng pamatok sa leeg ng mga apostol, na kahit na ang ating mga magulang at tayo ay hindi mabata?” Ang pamatok na ito ay hindi ang batas ng Sampung Utos, katulad ng sinasabi ng mga lumalaban sa pag-aangkin ng kautusan sa kanila; ang tinutukoy ni Pedro dito ay ang mga batas ng mga seremonya, na pinawalang bisa ng pagkapako ni Kristo. AGA 147.1
Ang pagsasalita ni Pedro ay naghatid sa nagkakatipon sa puntong maaari na silang makinig na may pagpapahinuhod sa sasabihin ni Pablo at Bernabe, na nagsalaysay ng kanilang karanasan sa paggawa sa mga Gentil. “Ang buong karamihan ay tumahimik, at nakinig kay Bernabe at Pablo, na naghahayag ng mga milagro at kahanga-hangang bagay na ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan nila.” AGA 147.2
Si Santiago man ay nagbigay patotoo sa kanyang desisyon, at naghayag na adhikain ng Dios na ipagkaloob sa mga Gentil ang mga katulad na karapatan at pagpapalang naipagkaloob na sa mga Judio. AGA 147.3
Nakita ng Banal na Espiritu na makabubuting hindi ipairal sa mga nahikayat na Gentil ang mga batas seremonyal, at ang isipan ng mga apostol tungkol dito ay kaayon ng isipan ng Espiritu ng Dios. Si Santiago ang nangulo sa konsilyo, at ang huling desisyon niya ay, “Ganito ang aking pasya, na huwag na nating bagabagin pa silang mga Gentil na nanumbalik sa Dios.” AGA 147.4
Ito ang nagtapos sa pag-uusap. Sa pagkakataong ito ay mayroon tayong panlaban sa doktrinang pinanghahawakan ng Iglesia Katolika Romana na si Pedro ang puno ng iglesia. Silang mga papa, na nagaanglang pumalit sa kanya, ay walang saligan sa mga sulat tungkol sa kanilang mga pagpapanggap. Walang anuman sa buhay ni Pedro ang nagbibigay patibay sa pag-aangkin na siya ay itinaas na higit sa kanyang mga kapatid bilang kahalili ng Kataastaasan. Kung sila na inihayag na mga kahalili ni Pedro ay sumunod sa Kanyang halimbawa, sana ay lagi silang nasisiyahang manatiii sa pagiging kapantay ng kanilang mga kapatid. AGA 148.1
Sa pagkakataong ito si Santiago ang napiling maghayag ng desisyon ng konsilyo. Kapasyahan niyang ang batas seremonyal, lalo na ang ordinansa ng pagtutuli, ay di dapat ipilit sa mga Gentil, o irekomenda man lamang sa kanila. Sinikap ni Santiago na idiin sa mga isipan ng kanyang mga kapatid ang katotohanan, na sa panunumbalik ng mga Gentil sa Dios, sila ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa kabuhayan, at dapat na maging maingat upang sila ay hindi mabagabag ng mga katanungang walang gaanong halaga, upang sila ay di manghina sa pagsunod kay Kristo. AGA 148.2
Gayunman, ang mga nahikayat na Gentil ay dapat magwaksi ng mga ugaling hindi katugma ng mga simulaing Kristiano. Ang mga apostol at matatanda ay nagkaisa upang ang mga Gentil ay maturuan sa pamamagitan ng liham na iwanan ang mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyusan, ang pakikiapid, mga bagay na namatay sa bigti, at ang dugo. Sila ay papayuhang sumunod sa mga kautusan at mabuhay na may kabanalan. Tiniyak din sa kanilang ang mga taong naghayag sa kanila na dapat silang pasailalim sa pagtutuli ay hindi pinahihintulutan ng mga apostol. AGA 148.3
Si Pablo at Bernabe ay inirekomenda sa kanila bilang mga lalaking nagtaya ng kanilang mga buhay para sa Panginoon. Si Judas at Silas ay isinugong kasama ng mga apostol na ito upang maghayag sa mga Gentil kung ano ang naging pasiya ng konsilyo: “Minabuti ng Banal na Espiritu, at namin din naman, na huwag ipataw sa inyo ang higit na pasan kaysa mga kailangang bagay na ito; na kayo ay lumayo sa mga pagkaing inihandog sa mga diyos, sa dugo, sa mga bagay na binigti, at sa pakikiapid: na kung inyong gagawin, ay sa ikabubuti ninyo.” Ang apat na lingkod ng Dios ay isinugo sa Antioquia taglay ang liham at pabalitang magwawakas sa pagtatalo; sapagkat ito ay tinig ng pinakamataas na otoridad sa lupa. AGA 148.4
Ang konsilyong nagpasya nito ay binuo ng mga apostol at mga guro na pangunahin sa pagtatayo ng mga iglesiang Judio at Gentil na naging Kristiano, pati ng mga piling delegado mula sa iba’t ibang dako. Mga matatanda buhat sa Jerusalem at mga deputado mula sa Antioquia ay naroroon, at ang mga iglesiang pinakamaimpluwensya ay may mga delegado rin. Ang konsilyo ay tumakbo ayon sa mga dikta ng pagpapasyang naliwanagan, at sa dignidad ng isang iglesiang itinatag sa kaloobang banal. Bilang bunga ng mga pag-uusap, nakita nilang lahat na ang Dios na rin ang tumugon sa kanilang katanungang naging isyu sa pagkakaloob sa mga Gentil ng Banal na Espiritu; at nadama nilang ang kanilang bahagi ay sundin ang patnubay ng Espiritu. AGA 149.1
Hindi kinailangang ito ay pagbotohan ng buong kapulungan. Ang mga “apostol at matatanda,” mga taong may impluwensya at mabuting pasiya, ang nagbalangkas at nagpalabas ng patakaran, at pangkalahatang tinanggap ng mga iglesia Kristiana. Gayunman, hindi lahat ay nasiyahan sa desisyong ito; may pulutong ng mga ambisyoso at mapagkatiwala sa sariling mga kapatid na tumuligsa dito. Ang mga taong ito ay nag-aangkin ng pansariling kapanagutan. Mahilig sila sa bulung-bulungan at paghanap ng kapintasan, nagpapasok ng mga bagong panukala, at nagsisikap na hilahing pababa ang mga taong itinalaga ng Dios upang magturo ng pabalita ng ebanghelyo. Sa pasimula pa ang iglesia ay mayroon nang ganitong mga hadlang na hinarap, at laging mayroon nito hanggang sa katapusan ng panahon. AGA 149.2
Ang Jerusalem ang punong lunsod ng mga Judio, at dito makikita ang pinakamatinding pagkamakasarili at panatisismo. Ang mga Kristianong Judio na naninirahan sa abot-tanaw ng templo ay likas lamang na ang isipan ay madadala sa pagtingin sa mga kaka-ibang karapatan ng mga Judio bilang isang bansa. Nang makita nilang ang iglesia Kristiana ay lumalayo sa mga seremonya at tradisyon ng Judaismo, at nag-akala na ang mga ugali ng mga Judio ay di matatagalang mawawala sa liwanag ng bagong pananampalataya, marami ang nagalit kay Pablo na sa malaking bahagi, ay naging dahilan ng pagbabagong ito. Hindi lahat ng mga apostol ay handang tanggapin ang kapasyahan ng konsilyo. Ang ilan ay masigasig sa mga batas seremonyal, at ang tingin nila kay Pablo ay kakaiba sapagkat sa kanilang isipan ang mga simulain nito tungkol sa mga kapanagutan sa batas ng Judio ay maluwag. AGA 149.3
Ang malawak at malayuang epekto ng mga desisyon ng konsilyo ay naghatid ng lakas-loob sa mga mananampalatayang Gentil, at ang gawain ng Dios ay sumagana. Ang iglesia sa Antioquia ay biniyayaan ng presensya ni Judas at Silas, ang mga tanging mensaherong nakasama ng mga apostol pagbalik nila mula sa Jerusalem. “Bilang mga propeta rin,” si Judas at Silas ay “nagpayo sa mga kapatid sa maraming bagay at pinatibay sila.” Ang mga maka-Dios na lalaking ito ay nanatili sa Antioquia sa isang panahon. “Si Pablo at Bernabe ay nagpatuloy din na nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon sa Antioquia, at kasama pa ng maraming iba.” AGA 150.1
Nang si Pedro ay dumalaw din sa Antioquia, nakuha niya ang pagtitiwala ng marami dahilan sa kanyang maingat na pakikitungo sa mga nahikayat na Gentil. Sa ilang panahon kumilos siya ayon sa liwanag na kaloob ng langit. Napagtagumpayan na niya ang kanyang likas na maling akala at siya’y naupong kasama ng mga nahikayat na Gentil. Datapuwat nang may dumating na ilang Judio mula sa Jerusalem na masigasig ukol sa mga batas seremonyal, si Pedro ay nagbago ng pakikitungo sa mga nahikayat na ito mula sa paganismo. At ang ibang mga Judio ay “nagkunwari ding kasama niya, anupa’t pati si Bernabe ay nabuyo sa kanilang pagkukunwari.” Galacia 2:13, 14. Ang ganitong kahinaan sa bahagi ng mga lider na minamahal at iginagalang, ay nag-iwan ng masakit na impresyon sa isipan ng mga mananampalatayang Gentil. Ang iglesia ay may bantang mahati. Ngunit nakita ni Pablo ang masamang impluwensya ng maling ginawa ni Pedro, at hayagang sinansala ito sa ginawang pagtatakip ng tunay niyang mga damdamin. Sa harapan ng iglesia, si Pablo ay nagtanong kay Pedro, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na gaya ng Gentil, at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?” Galacia 2:13, 14. AGA 150.2
Nakita ni Pedro ang pagkakamaling kanyang kinahulugan, at pagdaka ay kumilos upang kumpunihin ang kasamaang nagawa sa maaabot ng kanyang kapangyarihan. Ang Dios na nakakaalam ng wakas sa pasimula, ay nagpahintulot na si Pedro ay maghayag ng kahinaan ng likas upang ang apostol na sinubok ay makakitang wala siyang anuman sa sarili na maipagmamalaki. Kahit na ang mga pinakamabuti sa mga tao, kung sa kanilang sarili lamang, ay magkakamali sa paghatol. Nakita rin ng Dios na sa mga panahong darating ang ilan ay madadaya upang angkinin para kay Pedro at sa mga nagpapanggap na kahalili niya ang mga karapatang tanging sa Dios lamang. Ang talang ito ng kahinaan ng apostol ay mananatiling katibayan ng kanyang pagiging mapagkamali at ng katunayang siya ay hindi mataas sa ibang mga apostol. AGA 150.3
Ang talang ito ng paglayo sa mga matuwid na simulain ay nakatayo bilang matigas na babala sa mga taong nasa tungkulin ng pagtitiwala sa gawain ng Dios, na sila ay di dapat mahulog mula sa pagtatapat, kundi dapat na matibay na manghawakan sa prinsipyo. Habang mas mabigat ang kapanagutang nababaw sa tao, at habang lumalald ang pagkakataong magdikta at magkontrol, lalong malaki ang pinsalang kanyang magagawa kung hindi siya maingat na susunod sa paraan ng Panginoon at gagawang katugma ng mga desisyong nabuo ng pangkalahatang kapisanan ng mga mananampalataya sa nagkakaisang konsilyo. AGA 151.1
Pagkatapos ng lahat ng mga pagkakamali ni Pedro; matapos ang kanyang pagkahulog at pananauli, ang mahabang panahon ng kanyang paglilingkod, ang kanyang malapit na ugnayan kay Kristo, ang kanyang kaalaman sa tuwirang pag-aangkop ng Tagapagligtas sa mga matuwid na simulain; matapos ang lahat ng turong tinanggap niya, lahat ng kaloob at kaalaman at impluwensyang natamo sa pangangaral at pagtuturo ng salita—hindi ba kakatuwa na siya ay magkubli at iwasan ang mga simulain ng ebanghelyo dahilan sa takot sa tao, o kaya ay upang magtamong karangalan? Hindi ba kakatuwa na siya ay manghina sa kanyang pananayuan sa matuwid? Nawa ay ipagkaloob ng Dios sa bawat tao ang pagkadama ng kanyang kawalang lakas, ang kawalang kakayahang patakbuhin ang sariling sasakyan na tuwid at ligtas tungo sa pampang. AGA 151.2
Sa kanyang pangangaral, si Pablo ay madalas na kinailangang tumayong nag-iisa. Tanging dnuruan siya ng Dios upang huwag magbigay ng luwag kung ang kasangkot ay simulain. Kung minsan ang pasanin ay mabigat, ngunit si Pablo ay naging matatag sa pagtayo sa matuwid. Nadama niyang ang iglesia ay di dapat madala kailanman sa kontrol ng kapangyarihan ng tao. Ang mga tradisyon at salawikain ng mga tao ay di dapat pumalit sa hayag na katotohanan. Ang Itinalaga ni Pablo ang sarili at lahat ng kanyang kapangyarihan sa paglilingkod sa Dios. Tinanggap niya ang mga katotohanan ng ebanghelyo mula sa langit, at sa buong paglilingkod niya ay pinanatili niya ang buhay na ugnayan sa mga ahensya ng langit. Tinuruan siya ng Dios tungkol sa pagtatali sa mga Kristianong Gentil ng hindi kinakailangang pasan; anupa’t nang ang mga mananampalatayang Judiong nang-aakit sa iglesia sa Antioquia tungkol sa pagtutuli, alam ni Pablo ang isipan ng Espiritu ng Dios tungkol sa mga turo nito at siya ay tumayong matatag laban dito na siyang naghatid sa mga iglesia ng kalayaan mula sa mga ritos at seremonya ng mga Judio. AGA 151.3
Sa kabila ng katotohanang si Pablo ay personal na tinuruan ng Dios, wala siyang isipan tungkol sa isahang kapanagutan. Habang nakatingin sa tuwirang patnubay ng Dios, lagi siyang handang kilalanin ang kapangyarihang napataw sa kalipunan ng mga mananampalataya na sama-samang sumasamba. Nadama niya ang pangangailangan ng pagpapayo; at kapag bumabangon ang mahahalagang bagay, nagagalak siyang ilahad ang mga ito sa harapan ng iglesia, at makipagkaisa sa mga kapatid sa paghahanap ng karunungan ng Dios upang makagawa ng matuwid na mga pagpapasya. Kahit na “ang mga diwa ng mga propeta,” wika niya, “ay napasasailalim ng mga propeta. Sapagkat ang Dios ay hindi may-akda ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan, tulad ng sa mga iglesia ng mga banal.” 1 Corinto 14:32, 33. Kasama ni Pedro, nagturo siyang lahat ng nagkakaisa sa iglesia ay dapat na “pasailalim sa isa’t isa.” 1 Pedro 5:5. AGA 152.1