Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

19/59

Pangangaral sa mga Pagano

Mula sa Antioquia ng Pisidia, si Pablo at Bernabe ay nagtungo sa Iconio. Sa dakong ito, tulad din sa Antioquia, nagsimula sila ng mga paggawa sa sinagoga ng kanilang mga kababayan. Naranasan nila ang dakilang tagumpay; “isang malaking karamihan ng mga Judio at Griyego ay nanampalataya.” Datapuwat sa Iconio, tulad din sa ibang mga lugar na ginawan ng mga apostol, “ang mga Judiong hindi nananampalataya ay nagpainit sa mga Gentil, at pinasama ang kanilang mga pag-iisip laban sa mga kapatid.” AGA 135.1

Gayunman, ang mga apostol, ay hindi naibaling sa kanilang misyon, sapagkat marami ang tumatanggap ng ebanghelyo ni Kristo. Sa harap ng pagsalungat, inggit, at maling akala nagpatuloy sila sa kanilang gawain, “nagsasalitang may tapang sa Panginoon;” at ang Dios ay “nagbigay patotoo sa salita ng Kanyang biyaya, at nagkaloob ng mga tanda at kababalaghang gagampanan ng kanilang mga kamay.” Ang mga katibayang ito ng pagsang-ayon ng langit ay nagkaroon ng makapangyarihang impluwensya sa isipan ng mga bukas sa pagkahikayat, at ang mga nahikayat sa ebanghelyo ay dumami. AGA 135.2

Ang lumalagong popularidad ng pabalitang taglay ng mga apostol ay nagbigay sa mga Judio na di nananampalataya ng inggit at muhi, at nagpasya silang pigilan agad ang paggawa ni Pablo at Bernabe. Sa pamamagitan ng huwad at pinalaking mga ulat naakay nila ang mga pinuno na matakot na ang buong siyudad ay mabunsod sa insureksyon. Inihayag nilang malaking bilang ang sumasama sa mga apostol at nagmungkahing ito ay ukol sa lihim at mapanganib na panukala. AGA 135.3

Bunga ng mga paratang na ito, ang mga apostol ay palaging inihaharap sa mga may kapangyarihan; ngunit ang kanilang depensa ay napakaliwanag at makatuwiran, at ang paglalahad nila ng kanilang mga aral ay panatag at malawakan, anupa’t isang malakas na impluwensya ang nabuo para sa kanila. Bagama’t ang mga mahistrado ay may maling akala laban sa kanila dahilan sa maling ulat na kanilang nadinig, hindi nila sila mahatulan. Hindi nila matanggap na ang mga aral ni Pablo at Bernabe ay aakay sa mga tao sa kabutihan, sa pagiging mabuting mamamayan, at ang mga moral at kaayusan sa siyudad ay bubuti pa kung ang mga katotohanang itinuturo ng mga apostol ay tatanggapin. AGA 135.4

Dahil sa pagsalungat na naharap sa mga alagad, ang pabalita ng katotohanan ay nagkaroon ng malaking publisidad; at nakita ng mga Judio na ang kanilang pagsisikap upang hadlangan ang mga bagong guro ay nagbunga lamang ng pagdami ng bilang ng kaanib ng bagong pananampalataya. “Ang karamihan sa siyudad ay nahati: ang isang bahagi ay sa mga Judio, at isang bahagi ay sa Inga apostol.” AGA 136.1

Nagalit nang gayon ang mga pinuno ng Judio sa takbo ng pangyayari, na nagpasya silang daanin na ito sa dahas. Pinainit nila ang mga damdamin ng mga taong maingay at walang nalalaman, at nagtagumpay silang lumikha ng kaguluhan, na wika nila ay bunga ng pagtuturo ng mga apostol. Sa maling paratang na ito umasa silang makukuha ang tulong ng mga mahistrado upang maisakatuparan ang kanilang adhikain. Naipasya nilang ang mga apostol ay di dapat bigyang pagkakataon upang ipagtanggol ang sarili at ang magugulong taong ito ang dapat makialam upang batuhin si Pablo at Bernabe, upang matapos ang kanilang paggawa. AGA 136.2

Ang mga kaibigan ng apostol, bagama’t hindi nananampalataya, ay nagbabala sa kanila ng malisyosong pakana ng mga Judio at nagpayo sa kanilang huwag gaanong maglantad ng kanilang mga sarili sa galit ng karamihan kung hindi naman kailangan, kundi tumakas para sa kanilang mga buhay. Si Pablo at Bernabe kung gayon ay umalis na palihim mula sa Iconio, na iniwang pansamantala ang mga mananampalataya upang sila muna ang magpatuloy ng gawain. Ngunit ang pag-alis nilang ito ay hindi pinakahuli; nagpasya silang muling babalik kapag ang kaguluhan ay nabawasan na, at tapusin ang gawaing nasimulan. AGA 136.3

Sa bawat panahon at bawat dako, ang mga mensahero ng Dios ay laging nakasasagupa ng mapait na oposisyon sa mga tumatangging tanggapin ang liwanag ng langit. Madalas, sa maling paratang at kasinungalingan, ang mga kaaway ng ebanghelyo ay parang nagtagumpay, na isinasara ang mga pintuan sa mga lingkod ng Dios upang di sila makapasok sa mga tao. Ngunit ang mga pintuang ito ay di laging masasara; at madalas, na ang mga lingkod ng Dios ay nakababalik matapos ang ilang panahon upang ipagpatuloy ang kanilang mga paggawa, na ang Panginoon naman ay gumagawang makapangyarihan para sa kanila, upang sila’y makapagtatag ng mga bantayog sa ikaluluwalhati ng Kanyang pangalan. AGA 136.4

Itinaboy ng pag-uusig mula sa Iconio, ang mga apostol ay nagtungo sa Listra at Derbe, sa Licaonia. Ang mga bayang ito ay pinaninirahan ng mga paganong mapamahiin, datapuwat sa kanila ay mayroong handa upang makinig at tumanggap ng pabalita ng ebanghelyo. Sa mga lugar na ito at mga palibot ng lupain, ang mga apostol ay nagpasyang gumawa, sa pag-asang dito ay maiiwasan nila ang maling akala at pag-uusig ng mga Judio. AGA 137.1

Walang sinagoga ng mga Judio sa Listra, bagama’t may ilang Judiong naninirahan doon. Marami sa nakatira sa Listra ay sumasamba sa templong itinalaga para kay Jupiter. Nang si Pablo at Bernabe ay napakita sa bayan, at ang mga taga Listra ay nagtipon sa palibot nila, kanilang ipinaliwanag ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo, at marami ang nag-isip na iugnay ang mga doktrinang ito sa kanilang mga paniniwalang pamahiin sa pagsamba nila kay Jupiter. AGA 137.2

Sinikap ng mga apostol na ibahagi sa kanila ang pagkakilala sa Dios na Manlalalang, at sa kanyang Anak, ang Tagapagligtas ng lahi ng tao. Una ay itinuon nila ang pansin sa mga kahanga-hangang gawa ng Dios—ang araw, buwan, at mga bituin, at magandang kaayusan ng mga panahon, ang mga makapangyarihang bundok na natatakpan ng niebe, ang matatayog na punong kahoy, at iba’t ibang bagay ng kalikasan, na naghahayag ng galing na labas sa pang-unawa ng tao. Sa pamamagitan ng mga gawang ito ng Makapangyarihan sa lahat, inakay ng mga apostol ang isipan ng mga walang pagkakilala sa Dios na ito sa pagbubulay-bulay sa dakilang Hari ng sansinukob. AGA 137.3

Matapos gawing malinaw ang mga katotohanang ito tungkol sa Manlalalang, itinuro ng mga apostol sa mga taga Listra ang tungkol sa Anak ng Dios, na bumabang mula sa langit sapagkat mahal Niya ang mga anak ng tao. Nagsalita sila tungkol sa Kanyang naging buhay at paglilingkod, ang pagtanggi sa Kanya ng mga taong ninais Niyang iligtas, ang Kanyang paglilitis at pagkapako, ang Kanyang pagkabuhay na muli, at ang Kanyang pagpanhik sa langit, upang doon ay maging tagapagtanggol ng tao. Kaya’t sa Espiritu at kapangyarihan ng Dios, sina Pablo at Bernabe ay nangaral ng ebanghelyo sa Listra. AGA 137.4

Minsan, habang si Pablo ay nagsasalaysay sa mga tao tungkol sa gawain ni Kristo bilang tagapagpagaling ng mga may sakit at nababagabag, nakita niyang kasama sa mga nakikinig ang isang lumpo, na ang mga mata ay nakatitig sa kanya, at nakinig at nanampalataya. Ang puso ni Pablo ay nahabag sa taong lumpong ito, na nakita niya bilang isang “may pananampalatayang mapagaling.” Sa harapan ng karamihang iyon na mananamba sa mga diyus-diyosan, inutusan ni Pablo ang taong lumpo na tumayong matuwid. Hanggang noon ang lumpong ito ay nakakaupo lamang, datapuwat ngayon ay agad-agad na sumunod sa utos ni Pablo at sa unang pagkakataon sa kanyang buhay ay tumayo sa kanyang mga paa. Ang lakas ay sumama sa pagsisikap na ito ng pananampalataya, at siya na lumpo ay “lumundag at lumakad.” AGA 138.1

“Nang makita ng mga tao ang naganap, sumigaw sila nang malakas, at sa wikang Licaonia ay nagsabi, Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng tao.” Ang mga salitang ito ay katugma ng kanilang mga tradisyon na ang mga diyos paminsan-minsan ay dumadalaw sa lupa. Si Bernabe ay tinawag nilang Jupiter, ang ama ng mga diyos, dahilan sa kanyang kagalang-galang at maginoong anyo, at ng hinahon at kagandahang-loob na nakikita sa kanyang mukha. Si Pablo sa paniniwala nila ay si Mercurio, “sapagkat siya ang punong tagapagsalita,” taimtim at masigasig, at mahusay bumigkas ng mga salita ng babala at payo. AGA 138.2

Ang mga taga Listra, sa kagustuhang magpakita ng pagpapasalamat, hinikayat ng mga taga Listra ang saserdote ni Jupiter na bigyang parangal ang mga apostol, at ito naman ay “nagdala ng mga baka at mga bulaklak sa pintuan, at maghahandog sana ng sakripisyo kasama ng bayan.” Si Pablo at Bernabe na ibig ng magpahinga, ay hindi alam ang nagaganap na mga paghahandang ito. Ngunit di nagtagal, ang kanilang pansin ay natawag ng tugtog ng musika at ng masiglang sigawan ng mga taong nagtungo sa bahay na kanilang tinutuluyan. AGA 138.3

Nang malaman ng mga apostol ang dahilan ng pagdalaw na ito at ang kasamang pagdiriwang, “hinapak nila ang kanilang mga damit, at tumakbong pasalubong sa mga tao,” sa adhikaing pigilan ang mga pangyayari. Sa tinig na malakas, tumataginting, na nangibabaw sa sigawan ng mga tao, hiningi ni Pablo ang kanilang palanig; at sa pagtahimik ng kaguluhang iyon, sinabi niya: “Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ding may damdaming tulad ninyo, at nangaral sa inyo upang mula sa mga bagay na walang kabuluhan ay magsibalik kayo sa Dios na buhay, na gumawa ng langit, at lupa, at ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon: na nang mga panahong nakaraan ay pinabayaan Niya ang lahat ng mga bansa ay magsilakad sa kanilang mga sariling daan. At gayon man ay di nagpabayang di nagbigay ng patotoo, tungkol sa Kanyang sarili, na gumawa nang mabuti at nagbigay sa inyo ng ulang galing sa langit at ng mga panahong sagana, na pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at ng katuwaan.” AGA 138.4

Sa kabila ng pagtanggi ng mga apostol na sila ay diyos, at sa kabila ng pagsisikap ni Pablo na ituro ang isipan ng mga tao sa tunay na Dios bilang tanging dapat sambahin, halos imposibleng ituwid ang mga paganong ito sa kanilang hangaring maghandog ng sakripisyo. Naging gayon katibay ang kanilang paniniwala na ang mga taong ito ay mga diyos, at gayon kalaki ang kanilang sigasig na ayaw nilang tanggapin ang kanilang pagkakamali. Ayon sa tala ay “hindi sila napigilan.” AGA 139.1

Nangatuwiran ang mga taga Listra na nakita ng kanilang mga mata ang milagrong ipinamalas ng mga apostol. Nakita nilang lumakad ang lumpong kailanman ay hindi nakagagawa nito, at nagalak sa sakdal na kalusugan at kalakasan. Tanging sa maraming pagpapaliwanag ni Pablo, at maingat na paglalahad ng kanilang misyon bilang mga kinatawan ng Dios ng langit at ng Kanyang Anak, ang dakilang Manggagamot, na ang bayan ay napasang-ayong isuko ang kanilang adhikain. AGA 139.2

Ang mga paggawa ni Pablo at Bernabe sa Listra ay biglang napigil ng masamang nasa ng “ilang mga Judio mula sa Antioquia at Iconio,” na, matapos maalaman ang tagumpay ng mga apostol sa paggawa sa Licaonia, ay nagpasyang sundan ang mga ito at usigin. Pagdating ng mga ito sa Listra, ang mga Judiong ito ay nagtagumpay sa pagmungkahi sa bayan ng katulad na muhing taglay nila. Sa mga salitang sinungaling at paninira, ng nag-akalang si Pablo at Bernabe ay mga diyos, ay nahila sa isipang sa katunayan ang mga apostol na ito ay mas masama pa sa mga mamamatay-tao at marapat lamang na mamatay. AGA 139.3

Ang kabiguan ng mga taga Listra na magkaroon ng karapatang maghandog ng sakripisyo sa mga apostol, ang naghanda sa kanila upang ngayon ay balikan sina Pablo at Bernabe sa isang sigasig na halos katulad ng pagnanais nilang itaas ang mga ito bilang diyos. Pinainit ng mga Judio, nagpanukala silang daluhungin ang mga apostol sa pamamagitan ng lakas. Binantaan ng mga Judio ang bayan na huwag nang bigyan pa ng pagkakataon si Pablo upang magsalita, sa pagsasabing kung bibigyan siya ng pagkakataon, ay magagayuma niya ang bayan. AGA 139.4

Di nagtagal ang mga panukalang pagpatay ay isinagawa ng mga kaaway ng ebanghelyo. Hinuli si Pablo ng mga taga Listra na napailalim sa impluwensya ng kasamaan at galit na makasatanas at walang awang siya ay binato. Akala ng apostol ay iyon na ang kanyang wakas. Ang pagkamartir ni Esteban, at ang malupit na bahaging ginampanan niya dito, ay malinaw na nagbalik sa kanyang alaala. Puno ng pasa at nanghihina sa kirot, siya ay nalugmok sa lupa, at ang galit na karamihan ay “inilabas siya sa siyudad, sa pag-aakalang siya ay patay na.” AGA 140.1

Sa oras na ito ng kadiliman at pagsubok, ang pulutong ng mana-nampalataya sa Listra na nahikayat sa pananampalataya ni Jesus sa ministri ni Pablo at Bernabe, ay nanatiling tunay at tapat. Ang walang katuwirang pagsalungat at malupit na pag-uusig ng mga kaaway ay nagsilbi lamang upang patatagin ang pananampalataya ng mga natatalagang mga kapatid na ito, at ngayon, sa harap ng panganib at paglibak, naghayag sila ng katapatan sa pamamagitan ng malungkot na pagtayo sa palibot niyang sa akala nila ay patay na. AGA 140.2

Ano ang kanilang gulat nang, sa gitna ng kanilang pananangis ay biglang nag-angat ng kanyang ulo ang apostol, at tumayong may pagpupuri sa Dios sa kanyang mga labi. Sa mga mananampalataya ang hindi inaasahang pananauli ng lakas ng lingkod ng Dios ay ipinalagay na isang milagro ng kapangyarihan ng langit, at nagtatak pa ng tanda ng Langit sa kanilang bagong paniniwala. Nagdiwang silang may di matingkalang kagalakan at nagpuri sa Dios sa pananampalatayang pinatatag pa. AGA 140.3

Kabilang sa mga nahikayat sa Listra, at naging saksi sa mga pagdurusa ni Pablo, ay isang taong di nagtagal ay magiging isang pangunahing manggagawa ni Kristo, at magiging kabahagi ng apostol sa mga pagsubok at kagalakan ng pagbubukas ng gawain sa mahihirap na mga bukiran. Ang kabataang ito ay si Timoteo. Nang si Pablo ay kaladkaring palabas sa siyudad, ang kabataang apostol ay isa sa ilan na tumayong nakipaglaban sa tabi ng kanyang parang wala ng buhay na katawan at nakakita sa kanya na bumangon, sugatan at naliligo sa dugo, ngunit may pagpupuri sa mga labi sapagkat pinahintulutan siyang magdusa para kay Kristo. AGA 140.4

Kinabukasan ng pagbato kay Pablo, ang mga apostol ay tumulak patungong Derbe, na doo’y pinagpala ang kanilang paggawa, at maraming tao ang naakay sa pagtanggap kay Kristo bilang Tagapagligtas. Datapuwat “nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa siyudad, at nakapagturo sa marami,” si Pablo at Bernabe man ay di masiyahan hangga’t hindi nila napapatibay sa pananampalataya ang mga nahikayat, at tulad din sa ibang dako na kinailangang iwan nila agad. Kung kaya’t, sa kabila ng panganib, “nagbalik sila sa Listra at sa Iconio, at Antioquia, na pinatibay ang pananampalataya ng mga alagad, at sa pagpapayo sa kanilang manatili sa pananampalataya.” Maraming tumanggap sa mabuting balita ng ebanghelyo, at nalantad sa paglibak at oposisyon. Ang mga ito ay sinikap ng mga apostol na patatagin sa pananampalataya, upang ang gawaing nasimulan ay manatiii. AGA 141.1

Bilang mahalagang sangkap sa paglagong espirituwal ng mga bagong hikayat, ang mga apostol ay maingat na nagbigay sa kanila ng mga bagay ng kaayusan ng ebanghelyo. Mga iglesia ay itinatag sa lahat ng dako sa Licaonia at Pisidia na mayroong mga mananampalataya. Mga namumuno ay hinirang sa bawat iglesia, at ang wastong kaayusan at pamamaraan ay itinatag sa pagpapatakbo ng lahat ng bagay kaugnay sa kapakanang espirituwal ng mga mananampalataya. AGA 141.2

Ito ay katugma ng panukala ng ebanghelyo sa pagkakaisa sa iisang katawan ng lahat ng mananampalataya kay Kristo, at ang panukalang ito ay maingat na sinunod ni Pablo sa buong panahon ng kanyang gawain. Silang nasa ibang dako na naakay din ng kanyang paggawa upang tanggapin si Kristo bilang Tagapagligtas, ay itinatag din bilang iglesia sa angkop na panahon. Kahit na ang mga mananampalataya ay iilan lamang sa bilang, ito ay isinagawa. Sa ganito ang mga Kristiano ay naturuang magtulungan sa isa’t isa, na inaalaala ang pangakong, “Kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, Ako ay nasa gitna nila.” Mateo 18:20. AGA 141.3

Hindi kinalimutan ni Pablo ang mga iglesiang ito na natatag. Ang pangangalaga sa mga iglesiang ito ay laging nasa isipan niya bilang lumalaking pasanin. Gaano man kaliit ang pulutong, ito ay tampulan pa rin ng kanyang palagiang malasakit. Mairog na binantayan niya ang maliliit na iglesia, sa pagkadamang sila ay nangangailangan ng tanging kalinga upang ang mga kaanib nito ay lubusang matatag sa katotohanan, at maturuang gumawang masikap at di makasarili para sa mga taong nasa paligid nila. AGA 141.4

Sa lahat ng kanilang paggawa sa pangangaral, si Pablo at Bernabe ay nagsikap na sundin ang halimbawa ni Kristo sa laging laang pagsasakripisyo at tapat, taimtim na paggawa para sa mga kaluluwa. Laging gising, masigasig, walang pagod, hindi nila sinunod ang hilig o personal na ginhawa, kundi sa panalangin at walang tigil na paggawa ay naghasik sila ng binhi ng katotohanan. At kasabay ng paghahasik ng binhi, ang mga apostol ay maingat sa pagkakaloob sa mga bagong nahikayat ng mga praktikal na turo na mayroong di masukat na halaga. Ang ganitong diwa ng Sigasig at maka-Dios na takot na nalagak sa mga isipan ng mga bagong hikayat ay nagbigay ng matagalang impresyon ukol sa kahalagahan ng pabalita ng ebanghelyo. AGA 142.1

Kapag may nahikayat na mga lalaking may kakayahan at may magandang hinaharap, tulad ng sa karanasan ni Timoteo, sinikap ni Pablo at Bernabeng ipakita sa kanila ang pangangailangan ng paggawa sa ubasan. At kapag ang mga alagad ay umalis patungong ibang lugar, ang pananampalataya ng mga lalaking ito ay hindi nagkulang, kundi nadagdagan pa. Sila ay matapat na naturuan sa daan ng Panginoon, di makasarili, kung paano gumawang masikap, mapagpatuloy, para sa ikaliligtas ng kanilang kapwa tao. Ang ganitong maingat na pagsasanay ng bagong hikayat ay naging mahalagang sangkap sa katangi-tanging tagumpay nina Pablo at Bernabe sa kanilang pangangaral sa mga lupain ng di nakakakilala sa Dios. AGA 142.2

Ang unang paglalakbay misyonero ay malapit nang magwakas. Matapos ipagtagubilin sa Panginoon ang mga bagong tatag na iglesia, ang mga apostol ay nagtungo sa Pamfilia, “at matapos ipangaral ang salita sa Perga, lumusong sila sa Atalia, at matapos ay naglayag patungong Antioquia.” AGA 142.3