Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

58/59

Ang Apocalipsis

Sa kapanahunan ng mga apostol ang mga mananampalataya ay puno ng sigasig at sigla. Walang pagod ang kanilang paggawa para sa Panginoon anupa’t sa maikling panahon lamang, sa kabila ng mahigpit na pagtutol, ang ebanghelyo ng kaharian ay lumaganap sa nalalalang sanlibutang may naninirahan. Ang sigasig ng mga alagad na ito ay itinala ng panulat ng inspirasyon sa ikasisigla ng lahat ng mananampalataya sa bawat panahon. Tungkol sa iglesia sa Efeso, na ginamit ng Panginoong Jesus bilang sagisag ng buong iglesia Kristiana sa panahon ng mga apostol, ito ang tala ng tapat at tunay na Saksi: AGA 437.1

“Nalalaman Ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal, at pagtitiis, at hindi mo matiis ang masasamang tao: at sinubok mo ang mga nagpapanggap na apostol, at sila’y hindi gayon, at nasumpungan mo silang pawang bulaan: at may pagtitiis ka at nagbata ka dahil sa Aking pangalan, at hindi ka napagod.” Apocalipsis 2:2, 3. AGA 437.2

Sa pasimula, ang karanasan ng iglesia sa Efeso ay tulad sa sigasig at kasimplihan ng bata. Sinikap ng mga mananampalatayang masunod ang bawat salita ng Dios, at ang kanilang mga buhay ay naghayag ng maningas at tapat na pag-ibig kay Kristo. Nagalak silang gumanap ng kalooban ng Dios sapagkat ang Tagapagligtas ay nasa kanilang mga puso. Puspos ng pag-ibig sa Manunubos, ang pinakamataas nilang adhikain ay makahikayat ng kaluluwa para sa Kanya. Hindi nila inisip na sarilinin ang mahalagang biyaya ni Kristo. Nadama nila ang kahalagahan ng pagkatawag sa kanila; at sa pasanin ng pabalitang ito, “Sa lupa ay kapayapaan, at mabuting nasa sa lahat ng tao,” nagningas ang kanilang mga puso sa hangaring dalhin ang pabalita sa pinakadulo ng lupa. At nakilala sila ng mga tao bilang mga nakasama ni Jesus. Mga lalaking dati’y makasalanan, nagsisi, pinatawad, nilinis, at pinabanal, nadala sa paldldsama sa Dios sa pamamagitan ng Kanyang Anak. AGA 437.3

Ang mga kaanib ng iglesia ay naglakip sa damdamin at paggawa. Ang pag-ibig kay Kristo ang naging ginintuang tanikala na nagtali sa kanila. Nagpatuloy sila sa lalong malalim na pagkakilala sa Panginoon, at ang kanilang mga buhay ay naghayag ng kagalakan at kapayapaan ni Kristo. Dinalaw nila ang mga ulila at babaeng balo sa kanilang kapighatian, at pinanatiling walang dungis ang kanilang sarili sa sanlibutan, sa pagkadama kung hindi ito gagawin, sila ay magiging taliwas sa kanilang pagpapanggap at ito ay parang pagkakaila sa Manunubos. AGA 437.4

Sa bawat siyudad ay nagpatuloy ang gawain. Mga kaluluwa ay nahikayat, at ang mga ito naman ay humikayat ng iba pa. Hindi sila matahimik hangga’t ang liwanag na nagningning sa kanilang mga kaluluwa ay hindi nila maitanglaw sa iba. Lubhang karamihan na hindi nananampalataya ang nakaalam ng mga dahilan ng pag-asa ng Kristiano. Mainit, personal na panawagan ay nabigay sa mga nagkakasala, sa mga itinakwil, at sa kanilang gayong nagpapanggap ng katotohanan, ay higit na mahal ang kalayawan kaysa Dios. AGA 438.1

Ngunit hindi nagtagal ang sigasig na ito ay nanlamig, at ang pagibig nila sa Dios ay unti-unring nanghina. Ang kalamigan ay pagapang na pumasok sa iglesia. May nakalimot sa kahanga-hangang paraan ng kanilang pagtanggap ng katotohanan. Isa-isa ang mga matatandang tagapagtaguyod ng bandila ay nangabuwal. Ang ilan sa mga nakababatang manggagawa, na dapat sanang katuwang na nagpasan ng dalahin, at naihanda sana sa matalinong pangangasiwa, ay nabagot sa mga katotohanang palaging inuulit. Sa pagnanais na magkaroon ng mga bago at nakagugulantang na bagay, nagpasok ng mga bagong sangkap ng doktrina, na nakahahalina sa maraming isipan, datapuwat hindi kaayon sa saligang simulain ng ebanghelyo. Sa pagtitiwala sa sarili at espirituwal na pagkabulag, hindi nila nakita ang mga pandarayang magbibigay alinlangan sa marami, at aakay sa kaguluhan at kawalang paniniwala. AGA 438.2

Habang ang mga maling doktrina ay iginigiit, pagkakabahagi ay bumangon, at marami ang naakay na alisin ang paningin kay Jesus bilang May-akda at Tagapagpasakdal ng pananampalataya. Ang paguusap sa mga walang kabuluhang punto ng doktrina at pagbubulaybulay sa mga nakahahalinang kathang isip ng tao, ang kumuha ng panahong dapat sana’y nagugol sa paghahayag ng ebanghelyo. Ang karamihang dapat sana’y nahikayat ng tapat na paglalahad ng katotohanan ay napabayaang hindi nabibigyang babala. Ang kabanalan ay mabilis na nawawala, at tila si Satanas ay nananaig sa mga nagpapanggap na mga alagad ni Kristo. AGA 438.3

Sa kritikal na puntong ito ng kasaysayan ng iglesia si Juan ay hinatulang matapon. Kailanman ay hindi kinailangan ang kanyang tinig kaysa panahong ito. Halos lahat ng mga kasama niya sa ministri ay nagdanas ng pagiging martir. Ang mga nalabing mananampalataya ay nagdadanas ng mahigpit na pag-uusig. Sa tingin ay parang hindi na magtatagal pa at ang mga kaaway ng iglesia ni Kristo ay magtatagumpay. AGA 439.1

Ngunit ang kamay ng Dios ay hindi nakikitang kumikilos sa kadiliman. Sa paglalaan ng Dios, si Juan ay nalagay sa dakong doon ay maibibigay sa kanya ni Kristo ang pagpapahayag ng Kanyang sarili at ng mga banal na katotohanan na pananglaw sa mga iglesia. AGA 439.2

Sa pagpapatapon kay Juan, umasa ang mga kaaway ng katotohanan na mapatatahimik na magpakailanman ang tinig ng tapat na saksi ng Dios; ngunit sa Patmos ang alagad ay tumanggap ng isang pabalita, ang impluwensya nito ay magpapatuloy upang palakasin ang iglesia hanggang sa katapusan ng panahon. Bagama’t hindi napalaya sa kanilang maling gawa, ang mga nagkaroon ng bahagi sa pagpapatapon kay Juan ay naging mga instrumento sa kamay ng Dios upang magsagawa ng adhikain ng Langit; at ang pagsisikap na patayin ang ilaw ang naglagay sa katotohanan sa lalong mabisang paggawa. AGA 439.3

Sa araw ng Sabbath nagpakita ang Panginoon ng kaluwalhatian sa itinapong apostol. Ang Sabbath ay banal na ipinangilin ni Juan sa Patmos tulad nang siya ay nangangaral sa mga tao sa mga bayan at siyudad ng Judea. Inangkin niya sa sarili ang mga mahahalagang pangako kaugnay ng araw na ito. “Ako’y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon,” sinulat ni Juan, “at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang trumpeta, na nagsasabi, Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli.... At ako ay lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako’y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto; at sa gitna ng kandelerong ginto ay may isang katulad ng sa Anak ng tao.” Apocalipsis 1:10-13. AGA 439.4

Tunay na pinagpala ang minamahal na alagad na ito. Nakita niya ang Panginoon sa paghihirap nito sa Getsemane, ang Kanyang mukha ay nabahiran ng patak ng dugo ng paghihirap, ang “kanyang mukha ay kakaiba sa kaninumang lalaki, at ang kanyang anyo ay kakaiba sa mga anak ng tao”. Isaias 52:14. Nakita niya Siya sa kamay ng mga kawal Romano, naka damit ng kulay ube at may putong na koronang tinik. Nakita niya Siyang nakapako sa krus ng kalbaryo, tinutuya at nililibak. At ngayon ay muli pang pinahintulutan si Juan na makita ang Panginoon. Ngunit anong pagkakaiba! Hindi na Siya ang lalaking bihasa sa kapanglawan, na hinahamak at tinutuya ng mga tao. Siya ay nadaramtan ng liwanag ng kalangitan. “Ang kanyang ulo at buhok ay mapuputing tulad ng puting lino at puting niebe; at ang kanyang mga mata...ay tulad sa nagniningas na apoy; at ang kanyang mga paa ay tulad sa binuling tanso, tulad ng pinainit sa hurno.” Apocalipsis 1:14, 15, 17. Ang Kanyang tinig ay tulad sa musika ng maraming tubig. Ang Kanyang mukha ay maningning tulad ng araw. Sa Kanyang kamay ay may pitong bituin, at mula sa Kanyang bibig ay lumalabas ang tabak na may dalawang talim, na sagisag ng kapangyarihan ng Kanyang salita. Ang Patmos ay naging maningning sa kaluwalhatian ng Panginoon na muling nabuhay. AGA 439.5

“At nang Siya’y aking makita,” sinulat ni Juan, “ay nagpatirapa akong waring patay sa kanyang paanan. At ipinatong niya ang kanyang kamay sa akin, na sinasabi, Huwag kang matakot.” Talatang 17. AGA 440.1

Si Juan ay napalakas na tumayo sa harapan ng maluwalhating Panginoon. At sa kanyang namamanghang paningin ay binuksan ang mga kaluwalhatian ng langit. Pinahintulutan siyang makita ang trono ng Dios at sa pagtingin sa kabila ng mga tunggalian sa lupang ito, upang makita niya ang mga tinubos na may suot na mapuputing damit. Nadinig niya ang musika ng mga anghel sa langit, at ang awit ng tagumpay ng mga nagtagumpay sa dugo ng Kordero at sa salita ng kanilang patotoo. Sa paghahayag na ito ay nakita niya ang iba’t ibang makapigil-hiningang tagpo ng karanasan ng bayan ng Dios, at ang kasaysayan ng iglesia hanggang sa pagtatapos ng panahon. Sa mga palatandaan at paglalarawan, inilahad kay Juan ang mga paksang mahalaga, na kanyang itatala, upang ang bayan ng Dios sa kanyang panahon at mga panahong darating ay magkaroon ng matalinong pagkaunawa sa mga panganib at tunggaliang kanilang kinakaharap. AGA 440.2

Ang pagpapahayag na ito ay ibinigay ukol sa patnubay at kaginhawahan ng iglesia sa buong panahon ng Kristianismo. Gayunman, ang mga guro ng relihiyon ay nagturo na ang aklat na ito ay selyado at ang mga lihim nito ay hindi maipaliwanag. Kung kaya’t maraming umiwas sa tala ng propesiya, at tumangging mag-ukol ng panahon upang pag-aralan ang mga misteryo nito. Ngunit hindi nais ng Dios na ang Kanyang bayan ay ganito ang maging pakikitungo sa aklat. Ito ay “pagpapahayag ni Jesu-Cristo, na kaloob ng Dios sa Kanya, upang ipakita sa Kanyang mga lingkod ang mga bagay na malapit nang maganap.” “Mapalad ang bumabasa,” pahayag ng Panginoon, “at silang nakikinig ng mga salita ng propesiyang ito, at nag-iingat ng mga bagay na nakasulat doon: sapagkat ang panaho’y malapit na.” Apocalipsis 1:1, 3. “Aking sinasaksihan sa bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito, Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito: at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, ay aalisin ng Dios ang kanyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangasulat sa aklat na ito. Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako’y madaling pumaparito.” Apocalipsis 22:18-20. AGA 440.3

Sa Apocalipsis ay nakalahad ang mga malalalim na bagay ng Dios. Ang pangalan na lamang na ibinigay sa mga kinasihang pahina, “ang Apocalipsis,” ay taliwas sa pangungusap na ito ay aklat na sarado at selyado. Ang apocalipsis ay isang pagpapahayag. Ang Panginoon na rin ang naghayag sa Kanyang lingkod ng mga misteryong nilalaman ng aklat na ito, at panukala Niyang ito ay maging bukas na aralin para sa lahat. Ang mga katotohanan nito ay patungkol sa mga nabubuhay sa huling panahon ng lupa, gayundin sa mga nabuhay sa panahon ni Juan. Ilan sa mga tanawin sa propesiyang ito ay sa nakaraan, ang ilan naman ay nagaganap ngayon; ang ilan ay naglalahad ng pagtatapos ng dakilang tunggalian ng kapangyarihan ng kadiliman at ng Prinsipe ng kalangitan, at ang ilan ay naghahayag ng mga tagumpay at kagalakan ng mga tinubos sa lupang binago. AGA 441.1

Walang sinumang dapat mag-isip, na sapagkat hindi nila maipaliwanag ang kahulugan ng bawat tanda sa Apocalipsis, na walang kabuluhang saliksikin pa ang aklat upang malaman ang mga katotohanang nilalaman nito. Siyang naghayag kay Juan ng mga misteryo ay magkakaloob din sa matiyagang magsasaliksik ng katotohanan ng patikim ng mga bagay ng kalangitan. Sila na ang mga puso ay handa upang tumanggap ng katotohanan ay makauunawa ng turo, at pagkakalooban ng karapatan sa pangakong kaloob sa mga “nakikinig sa mga salita ng propesiyang ito, at nag-iingat ng mga bagay na nasusulat doon.” AGA 441.2

Sa Apocalipsis ay nagtagpo ang lahat ng mga aklat sa Biblia. Narito ang kaganapan ng aklat ng Daniel. Ang isa ay propesiya; ang ikalawa ay pagpapahayag. Ang aklat na tinatakan ay hindi ang Apocalipsis, kundi ang bahagi ng propesiya ng Daniel na patungkol sa mga huling araw. Nag-utos ang anghel, “Ngunit ikaw, O Daniel, isara mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan.” Daniel 12:4. AGA 441.3

Si Kristo ang nag-utos sa apostol na magsulat ng mga bagay na ilalahad sa kanya. “Ang iyong nakita, ay isulat mo sa isang aklat,” Kanyang iniutos, “at iyong ipadala sa pitong iglesia sa Asya: sa Efeso, at sa Smirna, at sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia at sa Laodicea.” “At ang Nabubuhay; at ako’y namatay, at narito, ako’y nabubuhay magpakailanman.... Isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at mga bagay na mangyayari sa darating; ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong kandelerong ginto. Ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesia: at ang pitong kandelero ay ang pitong iglesia.” Apocalipsis 1:11, 18-20. AGA 442.1

Ang mga pangalan ng pitong iglesia ay simbulo ng iglesia sa iba’t ibang yugto ng kapanahunang Kristiano. Ang bilang na pito ay tumutukoy sa kahustuhan o kaganapan, at tanda ng katunayang ang mga pabalita ay aabot sa katapusan ng panahon, samantalang ang mga simbulo ay naghahayag ng kalagayan ng iglesia sa iba’t ibang panahon ng kasaysayan ng sanlibutan. AGA 442.2

Si Kristo ay sinasabing lumalakad sa gitna ng ginintuang kandelero. Sa ganito ay binibigyang paglalarawan ang Kanyang kaugnayan sa iglesia. Palagian Siyang kaugnay ng Kanyang bayan. Alam Niya ang kanilang tunay na kalagayan. Nakikita Niya ang kanilang ayos, kanilang kabanalan, kanilang pagtatalaga. Bagama’t Siya ay punong saserdote at tagapamagitan sa mga santuwaryo sa itaas, gayunman ay lumalakad Siyang paroo’t parito sa gitna ng Kanyang mga iglesia sa lupa. Taglay ang hindi napapagod na pagbabantay at pagmamalasaldt, nagmamasid Siya upang makita kung ang tanglaw ng sinumang bantay Niya ay dumidilim o namamatay na. Kung ang kandelero ay maiiwan sa tao, ang aandap-andap na liwanag nito ay tuluyang mamamatay; datapuwat Siya ang tunay na bantay ng bahay ng Panginoon, ang tunay na katiwala ng mga korte ng templo. Ang patuloy Niyang aruga at nananatiling biyaya ang bukal ng buhay at liwanag. AGA 442.3

Si Kristo ay inilalarawang hawak ang pitong bituin sa Kanyang kanang kamay. Kasiguruhan ito sa atin na walang iglesiang tapat sa kanyang pagkakatiwala ang dapat mangamba, sapagkat walang bituing nasa sanggalang ng Makapangyarihan sa lahat ang maaagaw sa kamay ni Kristo. AGA 442.4

“Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa Kanyang kamay.” Apocalipsis 2:1. Ang mga salitang ito ay ukol sa mga guro sa iglesia—silang pinagkatiwalaan ng Dios ng mabibigat na kapanagutan. Ang matamis na impluwensyang dapat managana sa iglesia ay nakatali sa mga ministro ng Dios, na siyang maghahayag ng pag-ibig ni Kristo. Ang mga bituin sa langit ay nasa ilalim ng kontrol ng Dios. Siya ang nagbabahagi dito ng liwanag. Pumapatnubay at nag-aatas ng kanilang paggalaw. Kung hindi ganito, ang mga bituin ay malalaglag. Gayundin sa Kanyang mga ministro. Sila ay mga kasangkapan lamang sa Kanyang kamay, at lahat ng kabutihang kanilang magagampanan ay sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Sa pamamagitan nila ang Kanyang liwanag ay sisilang. Ang Tagapagligtas ang kanilang kagalingan. Kung sila ay titingin sa Kanya, tulad ng pagtingin ni Kristo sa Ama, sila ay magkakaroon ng kakayahan sa paggawa. Habang ang Dios ang kanilang inaasahan, pagkakalooban sila ng Kanyang liwanag upang maisinag sa sanlibutan. AGA 443.1

Maaga pa sa kasaysayan ng iglesia ang hiwaga ng kasamaan sa propesiya ni apostol Pablo ay nagsimula na ng kanyang masamang gawain; at habang itinuturo ng mga bulaang guro ang mga heresiyang binigyang babala ni Pedro sa mga mananampalataya, marami ang nabitag ng mga huwad na doktrinang ito. Ang ilan ay nanghina sa harap ng pagsubok at natuksong bitawan ang kanilang pananampalataya. Nang si Juan ay bigyan ng pagpapahayag na ito, marami na ang umalis sa kanilang unang pag-ibig sa katotohanan ng ebanghelyo. Ngunit ang Dios sa Kanyang habag ay di naman iniwan ang iglesia sa kalagayan ng pagtalikod. Sa pabalita ng walang katapusang pagmamahal, inihayag Niya ang Kanyang pag-ibig at hangaring sila ay makatiyak sa walang hanggan. “Alalahanin ninyo,” Kanyang pakiusap, “kung saan kayo nahulog, at magsisi, at gawin ninyo ang mga unang gawa.” Talatang 5. AGA 443.2

Ang iglesia ay may kapintasan at nangangailangan ng mabigat na sumbat at parusa; at si Juan ay kinasihang magbigay ng mga pabalita ng babala at sumbat at pagsamo sa kanilang, sa pagkawala ng mga saligang simulain ng ebanghelyo, ay nanganganib sa pag-asa ng kaligtasan. Ngunit lagi na lamang na ang mga salita ng kagalitan ay may pagmamahal at may pangako ng kapayapaan para sa bawat magsisising mananampalataya. “Narito, ako ay nakatayo sa pintuan, at tumutuktok,” pahayag ng Panginoon; “kung ang sinuman ay makarinig ng aking tinig, at magbukas ng pinto, ako’y papasok at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko.” Apocalipsis 3:20. AGA 443.3

At para sa kanilang sa gitna ng paldkipagbaka ay mananatili ang pananampalataya sa Dios, ibinigay sa propeta ang mga salita ng papuri at pangako: “Nalalaman ko ang iyong mga gawa: narito, ibinigay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas na di mailalapat ng sinuman: na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan.” “Sapagkat tinupad mo ang salita ng Aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, upang subukin ang mga nananahan sa lupa.” Ang mga mananampalataya ay pinayuhan: “Magpuyat ka, at pagtibayin ang mga bagay na natitira, na malapit nang mamatay.” “Ako’y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinuman ang iyong putong.” Talatang 8, 10, 2,11. AGA 444.1

Sa pamamagitan ng isang “kapatid, at kasama sa kapighatian” (Apocalipsis 1:9), na ipinahayag ni Kristo sa iglesia ang mga bagay na kanilang titiisin para sa Kanyang pangalan. Pagtingin sa mga daantaon ng mga pamahiin at kadiliman, nakita ng matandang apostol ang pagkamartir ng marami dahilan sa kanilang pag-ibig sa katotohanan. Ngunit nakita rin niya na Siyang nag-ingat sa mga naunang saksi Niya ay hindi magpapabaya sa mga tapat na saksi sa mga daantaon ng pag-uusig na magaganap bago magwakas ang panahon. “Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit nang tiisin; “narito, malapit nang ilagay ng diablo ang ilan sa inyo sa mga bilangguan, upang kayo’y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatian:...magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.” Apocalipsis 2:10. AGA 444.2

At para sa lahat ng mga tapat na nakikipagpunyagi sa kasamaan, nadinig ni Juan ang mga pangako: “Ang magtagumpay ay siya kong pakakanin ng punong kahoy ng buhay, na nasa gitna ng Paraiso ng Dios.” “Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anumang paraan ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng Aking Ama, at sa harapan ng Kanyang mga anghel.” “Ang magtagumpay ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang luklukan.” Apocalipsis 2:7; 3:5, 21. AGA 444.3

Nakita ni Juan ang kahabagan, ang pagmamahal at ang pag-ibig ng Dios na nakalakip sa Kanyang kabanalan, katarungan, at kapangyarihan. Nakita niya kung paanong ang mga makasalanan ay nakasumpong ng isang Ama sa Kanya na kanilang kinatakutan dahilan sa kanilang mga kasalanan. At sa pagtingin sa ibayo pa ng dakilang tunggalian, nakita niya sa Sion “yaong nagtagumpay...na nangakatayo sa tabi ng dagat na bubog, na may mga alpha ng Dios,” at inaawit ang “awit ni Aloises” at ng Kordero. Apocalipsis 15:2,3. AGA 445.1

Ang Tagapagligtas ay ipinakilala kay Juan sa ilalim ng sagisag ng “ang Leon ng angkan ni Juda” at “isang Kordero na wari ay pinatay.” Apocalipsis 5:5,6. Ang mga sagisag na ito ay kumakatawan sa pagsasanib ng kapangyarihang higit sa lahat at pag-ibig na mapagsakripisyo. Ang Leon ng Juda, kakila-kilabot sa mga tatanggi sa Kanyang biyaya, ay magiging Kordero ng Dios sa mga masunurin at tapat. Ang haliging apoy na nangungusap ng kakilabutan at galit sa tagalabag sa utos ng Dios ay sagisag ng liwanag at habag at pagliligtas sa kanilang tutupad sa Kanyang mga utos. Ang bisig na malakas pumuksa sa mga mapanghimagsik ay malakas ding magligtas sa mga tapat. Ang bawat isang tapat ay maliligtas. “At susuguin ang kanyang mga anghel na may matinding trumpeta, at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanlibutan, mula sa dulo ng langit hanggang sa kabila.” Mateo 24:31. AGA 445.2

Kung ihahambing sa mga milyon sa sanlibutan, ang bayan ng Dios, tulad ng dati, ay isang maliit na kawan; ngunit kung sila ay tatayo sa katotohanang nahayag sa Kanyang salita, ang Dios ang kanilang magiging kanlungan. Sila ay tatayo sa ilalim ng malawak na sanggalang ng Makapangyarihan sa lahat. Ang Dios ay laging nakararami. Kapag ang tunog ng huling trumpeta ay marinig na sa mga bilangguang libingan, at ang mga banal ay babangon nang may pagtatagumpay, na nagsasabi, “Nasaan, O kamatayan ang iyong tibo? Nasaan, O libingan ang iyong pagtatagumpay?” (1 Corinto 15:55)— at nakatayong kasama ng Dios, ni Kristo, ng mga anghel, at ng mga tapat at tunay sa mga kapanahunan, ang mga anak ng Dios ang magiging nakararami. AGA 445.3

Ang mga tunay na alagad ni Kristo ay sumusunod sa Kanya sa mga mahigpit na tunggalian, tinatanggihan ang sarili at nagtitiis ng mapapait na kabiguan; ngunit ito ay nagtuturo sa kanila ng kaabahan ng kasalanan, at sila ay naaakay na kamuhian ito. Bilang kabahagi ng pagdurusa ni Kristo, sila ay nakatalagang makabahagi sa Kanyang kaluwalhatian. Sa banal-na pangitain ay nakita ng apostol ang huling tagumpay ng bayang nalabi ng Dios. Isinulat niya: AGA 445.4

“At nakita ko ang gaya ng isang dagat na bubog na may halong apoy: at yaong nangagtagumpay...na nangakatayo sa tabi ng dagat na bubog, na may mga alpa ng Dios. At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Kordero, na sinasabi, Mga dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, O Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga banal.” Apocalipsis 15:2, 3. AGA 446.1

“At tumingin ako, at narito, ang Kordero ay nakatayo sa Bundok ng Sion, at ang kasama niya’y isang daan at apatnapu’t apat na libong may pangalan niya, at ang pangalan ng Ama, na nasusulat sa kanikanyang noo.” Apocalipsis 14:1. Sa sanlibutang ito ang kanilang mga pag-iisip ay natuon sa Dios; at naglingkod sila sa Kanyang may katalinuhan at ng buong puso; at ngayon ay maaaring ilagay Niya “sa kanilang noo” ang Kanyang pangalan. “At sila’y maghahari magpakailan-kailanman.” Apocalipsis 22:5. Hindi sila papasok at lalabas na parang nagmamakaawa para sa kanilang lugar. Sila ang bilang na sa kanila ay sinabi ni Kristo, “Parito, kayong mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.” Sasalubungin Niya sila bilang mga anak Niya, nagsasabing, “Magsipasok kayo sa kagalakan ng inyong Panginoon.” Mateo 25:34, 21. AGA 446.2

“Ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Kordero.” Apocalipsis 14:4. Ang pangitain ng propeta ay naglalarawan ng mga nakatayo sa Bundok ng Sion, nadaramtan sa banal na paglilingkod, sa mapuputing lino, na siyang katuwiran ng mga banal. Ngunit lahat ng susunod sa Kordero sa langit ay dapat munang sumunod sa Kanya dito sa lupa, hindi masama ang loob o kapritso lamang, kundi sa pagtitiwala, mapagmahal, at laang pagsunod, tulad ng mga tupang sumusunod sa pastor. AGA 446.3

“At ang tinig na aking narinig ay gaya ng mga manunugtog ng alpa na tumutugtog sa kanilang mga alpa: at sila’y nag-aawitan na wari’y isang bagong awit sa harapan ng luklukan:...at sinuman ay di maaaring matuto ng awit kundi ang isang daan at apatnapu’t apat na libo lamang, sa makatuwid baga ay silang mga binili mula sa lupa.... Sa kani-kanyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis.” Apocalipsis 14:2-5. AGA 446.4

“At nakita ko ang Bayang Banal, ang Bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaeng kasintahan na nagagayakang talaga sa kanyang asawa.” “Ang kanyang ilaw ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng salamin; na may isang malaki at mataas na kuta; na may labindalawang pintuan, at sa mga pintuan ay labindalawang anghel; at may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang labindalawang angkan ng mga anak ng Israel.” “At ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas: at bawat pinto ay isang perlas: at ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog. At hindi ako nakakita ng templo doon, sapagkat ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ay siyang templo doon.” Apocalipsis 21:2, 11, 12,21, 22. AGA 447.1

“At hindi na magkakaroon pa man ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Kordero ay naroroon; at siya’y paglilingkuran ng kanyang mga alipin. At makikita nila ang kanyang mukha; at ang kanyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila’y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag ng araw; sapagkat liliwanagan sila ng Panginoong Dios.” Apocalipsis 22:3-5. AGA 447.2

“At ipinakita sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Kordero. Sa gitna ng lansangang iyon, at sa dako ng ilog at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba’t ibang bunga sa bawat buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pampagaling sa mga bansa.” “Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.” Talatang 1, 2, 14. AGA 447.3

“At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, AGA 447.4

“Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, At siya’y mananahan sa kanila,
At sila’y magiging bayan niya,
At ang Dios din ay sasa kanila,
At magiging Dios nila.”
AGA 448.1

Apocalipsis 21:3. AGA 448.2