Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

57/59

Patmos

Mahigit sa limampung taon ang lumipas matapos itatag ang iglesia Kristiana. Sa panahong ito ang ebanghelyo ay palagiang nilalabanan. Ang mga kaaway nito ay hindi nanghimagod sa pagsisikap, at sa wakas nga ay nagtagumpay na makuha ang tulong ng emperador ng Roma laban sa mga Kristiano. AGA 430.1

Sa kalunos-lunos na pag-uusig na sumunod, si apostol Juan ay malaki ang nagawa upang patibayin at palakasin ang pananampalataya ng mga mananampalataya. Tinaglay niya ang patotoong hindi malabanan ng mga kaaway at nakatulong sa mga kapatid na haraping may tapang at katapatan ang mga pagsubok. Kapag ang pananampalataya ng mga Kristiano ay parang nanghihina sa harap ng mahigpit na pag-uusig, ang tapat na lingkod ni Jesus ay uuliting may kapangyarihan ang kasaysayan ng Tagapagligtas na ipinako at muling nabuhay. Matatag na tumayo siya sa pananampalataya, at nagtaglay ng ganitong patotoo: “Yaong buhat sa pasimula, yaong aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa Salita ng buhay;...yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo.” 1 Juan 1:1-3. AGA 430.2

Si Juan ay nabuhay hanggang sa katandaan. Namasdan niya ang pagkawasak ng Jerusalem at ng marangyang templo. Siya ang pinakahuli sa mga alagad na naging malapit sa Tagapagligtas, at ang kanyang pabalita ay naging dakilang impluwensya sa paglalahad ng katotohanang si Jesus ang Mesias, ang Manunubos ng sanlibutan. Walang sinumang nag-alinlangan sa kanyang kataimtiman, at sa kanyang mga pagtuturo ay marami ang nakuha mula sa kawalang paniniwala. AGA 430.3

Ang mga pinuno ng Judio ay napuno ng mapait na pagkamuhi kay Juan dahilan sa kanyang di matinag na katapatan sa gawain ni Kristo. Sinabi nilang walang kabuluhan ang lahat ng kanilang pagsisikap laban sa mga Kristiano habang ang mga patotoo ni Juan ay patuloy na naririnig. Upang makalimutan ang mga milagro at turo ni Kristo, kailangang mapatahimik ang tinig na ito ng matapang na pagsaksi. AGA 430.4

Si Juan ay pinatawag sa Roma upang litisin sa kanyang pananam-palataya. Sa harapan ng mga may kapangyarihan binigyang maling patotoo ang mga aral ng apostol. Mga bulaang saksi ay nagparatang na siya ay nagtuturo ng mga heresiyang aakay sa paghihimagsik. Sa mga maling paratang na ito ay umasa ang kanyang mga kaaway na ito ay maipapatay. AGA 431.1

Si Juan ay nagtanggol sa sarili sa tinig na malinaw at mataginting, anupa’t ang sigasig at kataimtiman ng kanyang paglalahad ay nagkaroon ng makapangyarihang impluwensya. Ang mga nakarinig ay namangha sa kanyang karunungan at galing sa pagsasalita. Ngunit habang ang patotoo niya ay nakakukumbinse sa iba, ito naman ay nagpalala ng muhi ng kanyang mga kalaban. Ang emperador Domiciano ay napuno ng galit. Hindi niya malabanan ang pangangatuwiran ng tapat na tagapagtanggol na ito ni Kristo, o mapantayan man ang kapangyarihan ng katotohanang kanyang naririnig; gayunman ay nagpasiya itong patahimikin ang kanyang tinig. AGA 431.2

Si Juan ay isinalang sa isang kawa ng kumukulong langis; datapuwat ang Panginoon ang nagligtas ng buhay ng Kanyang tapat na lingkod, katulad ng pag-iingat sa tatlong Hebreo sa nagniningas na hurno. Habang ang mga salita ay narinig, Sa ganito ay mamamatay ang lahat ng naniniwala sa mandarayang iyon, si Jesu-Cristo ng Nasaret, sinabi ni Juan, Ang aking Panginoon ay matiising tinanggap ang lahat ng kahihiyan at pahirap ni Satanas at mga anghel niya. Ibinigay Niya ang buhay upang iligtas ang sanlibutan. Ako ay nagagalak na magdusa sa Kanyang pangalan. Ako ay taong mahina, at makasalanan. Si Kristo ay banal, walang kapintasan. Hindi Siya nagkasala, o may nasumpungan mang daya sa Kanyang bibig. AGA 431.3

Ang mga salitang ito ay nagkaroon ng impluwensya, at si Juan ay hinango sa kawa ng mga tao na ring naglagay sa kanya doon. AGA 431.4

Muli ang kamay ng pag-uusig ay naging mabigat sa apostol. Sa utos ng emperador si Juan ay itinapon sa pulo ng Patmos, nahatulan dahilan sa “salita ng Dios, at sa patotoo kay Jesu-Cristo.” Apocalipsis 1:9. Inisip ng kanyang mga kaaway na dito ay hindi na mararanasan pa ang kanyang impluwensya, at sa wakas ay mamamatay siya sa hirap at dusa. AGA 431.5

Ang Patmos, isang tuyo at batuhang pulo sa Dagat Aegean, ang siyang tapunan ng pamahalaan ng Roma ng mga kriminal; ngunit sa lingkod ng Panginoon ang malungkot na dakong ito ay naging pintuan ng kalangitan. Dito, hiwalay sa kaabalahan ng buhay, at sa masigasig na paggawa ng maraming taon, kasama niya ang Dios at si Kristo at mga anghel, at mula sa jcanila ay tumanggap siya ng tagubilin para sa iglesia sa buong panahon. Ang mga pangyayaring magaganap sa mga huling yugto ng kasaysayan ng lupa ay inilahad sa kanya; at doon ay isinulat niya ang mga pangitaing tinanggap mula sa Dios. Nang ang kanyang tinig ay hindi na makasaksi pa para sa kanyang minahal at pinaglingkuran, ang mga pabalitang tinanggap niya sa ulilang dalampasigang ito ay naging ilawang nagniningas, na naghahayag ng tiyak na adhikain ng Panginoon ukol sa bawat bansa sa lupa. AGA 431.6

Sa gitna ng mga bangin at batuhan ng Patmos, si Juan ay nakipagkomunyon sa Manlalalang. Nirepaso niya ang nakaraang buhay, at ang mga pagpapalang kanyang tinanggap ay pumuno ng kapayapaan sa kanyang puso. Nabuhay siyang isang Kristiano, at sa pananampalataya ay masasabi niya, “Nalalaman natin na tayo ay lumipat na mula sa kamatayan tungo sa buhay.” 1 Juan 3:14. Ngunit ang emperador na nagtapon sa kanya ay hindi gayon. Ang maaari niyang tingnan sa nakaraan ay mga bukiran ng kamatayan at pagpaslang, mga tahanang wasak, mga babaeng balo at ulilang nagtatangisan, ang bunga ng ambisyosong hangarin na maghari. AGA 432.1

Sa dakong ito na malayo sa lipunan, napag-aralan ni Juan na higit ang mga pagpapahayag ng kapangyarihan ng langit na natala sa aklat ng kalikasan at mga pahina ng inspirasyon. Sa kanya ay kaluguran ang magbulay-bulay sa mga gawa ng paglalang at magpuri sa banal na Arktekto. Sa mga nakaraang taon ang kanyang paningin ay natuon sa mga magubat na kabundukan, mga luntiang lambak, at mabungang kapatagan; at sa mga kagandahan ng kalikasan ay naging kaluguran niyang tuntunin ang karunungan at galing ng Manlalalang. Ngayon ay napalilibutan siya ng mga tanawing para sa iba ay mapanglaw at walang buhay; ngunit kay Juan ay natatangi. Bagama’t ang palibot ay tuyo at walang laman, ang bughaw na langit ay kasingganda at maliwanag tulad ng sa minamahal niyang Jerusalem. Sa mga matutulis na batuhan, sa mga misteryo ng kalaliman, sa mga kaluwalhatian ng kalawakan, nabasa niya ang mahahalagang liksyon. Lahat ay nagtataglay ng pabalita ng kapangyarihan at kaluwalhatian ng Dios. AGA 432.2

Sa buong palibot niya ay nakita ng apostol ang mga saksi ng Baha na naranasan ng lupa nang ang tao ay lumabag sa kautusan ng Dios. Ang mga malalaking batong lumabas mula sa lupa at sa kalaliman ay malinaw na naghatid sa kanyang isipan ng mga katakutan ng pagbubuhos ng galit ng Dios. Sa tinig ng maraming tubig ay nadinig ng apostol ang tinig ng Manlalalang. Ang dagat, na nagiging daluyong sa hihip ng malakas na hangin, ay kumatawan sa kanya ng galit ng isang Dios na nasaktan. Ang makapangyarihang alon, na pinamamahalaan ng isang hindi nakikitang makapangyarihang kamay, ay nangusap sa Kapangyarihang walang sukat. At sa kabalintunaan nito, nadama niya ang kahinaan at kahibangan ng tao, na gayong mga uod lamang sa alabok, ay nagmamapuri sa kanyang inaakalang karunungan at kalakasan, at ang puso ay lumalaban sa Hari ng sansinukob, na parang ang Dios ay katulad lamang nila. Sa pamamagitan ng mga bato ay naalaala niya si Kristo, ang Bato ng kanyang kalakasan, na sa Kanyang kanlungan ay makasusumpong tayo ng kapanatagan. Mula sa apostol na itinapon sa Patmos ay narinig ang pinakamarubdob na panambitan ng kaluluwa sa Dios, ang pinakamaningas na panalangin. AGA 432.3

Ang kasaysayan ni Juan ay nagbibigay sa atin ng malinaw na larawan ng paraan kung paano gamitin ng Dios ang mga matatandang manggagawa. Nang si Juan ay itapon sa pulo ng Patmos, marami ang nag-akalang lagpas na siya sa edad ng paglilingkod, isang tambong matanda at bali na, na handa nang matumba anumang oras. Ngunit nakita ng Panginoon sa kanya ang dagdag pang kagamitan. Bagama’t malayo sa mga dating dako ng paglilingkod, hindi siya tumigil sa pagsaksi sa katotohanan. Kahit na sa Patmos ay nagkaroon siya ng mga kaibigan at hikayat. Taglay niya ang pabalita ng kagalakan, sa paghahayag ng isang Tagapagligtas na muling nabuhay at namamagitan para sa Kanyang bayan sa kaitaasan hanggang sa muling pumarito upang kunin na ang Kanyang bayan. At nang tumanda na si Juan sa paglilingkod sa kanyang Panginoon saka siya tumanggap ng mas maraming pabalita mula sa langit kaysa kanyang tinanggap sa mga nakaraang taon ng kanyang buhay. AGA 433.1

Ang pinakamairuging pakikitungo ay dapat iukol sa kanilang ang interes sa buhay ay nakatali sa gawain ng Dios. Ang mga matatandang manggagawang ito ay tumayong matatag sa gitna ng bagyo at pagsubok. Maaaring mayroon silang mga karamdaman, ngunit taglay pa rin nila ang mga talentong nag-aangkop sa kanila upang tumayo sa bahagi ng gawain ng Dios. Bagama’t pagod na, hindi na kaya ang mabibigat na pasaning kaya ng mga kabataan, ang mga payo nila ay may pinakamataas na halaga. AGA 433.2

Maaaring sila ay nagkamali, ngunit sa mga pagkakamaling ito ay natuto silang umiwas sa mga kamalian at panganib, at hindi baga sila maalam upang magbigay ng pantas na payo? Nakalagpas sila sa mga pagsubok, at bagama’t nabawasan na ang kanilang lakas, hindi pa rin sila inilalagay ng Panginoon sa isang tabi. Ipinagkakaloob sa kanila ang tanging biyaya at karunungan. AGA 434.1

Silang naglingkod sa Panginoon sa panahon ng kahirapan, na nagtiis sa pagsasalat at nanatiling tapat sa panahong iilan lamang ang tumatayo sa katotohanan, ay dapat parangalan at igalang. Nais ng Panginoon na ang mga nakababatang manggagawa ay tumanggap ng karunungan, lakas, at pagkahinog sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga tapat na lalaking ito. Madama nawa ng mga kabataan na sa gitna nila ay mayroong ganitong mga manggagawang pinarangalan at dapat parangalan sa kanilang mga konsilyo. AGA 434.2

Habang sila na gumugol ng kanilang mga buhay sa paglilingkod kay Kristo ay nalalapit na sa pagtatapos ng kanilang ministri sa lupa, ididiin sa kanila ng Banal na Espiritu ang mga naging karanasan nila sa gawain ng Dios. Ang tala ng Kanyang kahanga-hangang pakikitungo sa Kanyang bayan, ng Kanyang dakilang kabutihan sa pagliligtas sa kanila sa mga pagsubok, ay dapat na ulit-ulitin sa mga bago sa pananampalataya. Ninanais ng Dios na ang mga matanda at subok na manggagawa ay tumayo sa pagtupad pa ng kanilang gawaing magligtas ng mga lalaki at babaeng natatangay ng agos ng kasamaan, nais Niyang sila ay patuloy na magsuot ng baluti hanggang Siya na rin ang mag-atas sa kanilang ito ay ibaba na. AGA 434.3

Sa karanasan ng apostol Juan sa harap ng pag-uusig, may kahangahangang liksyon ng kalakasan at kaginhawahan para sa Kristiano. Hindi hinahadlangan ng Dios ang mga pakana ng masamang tao, kundi ang mga pakanang ito ay binabaligtad Niya ukol sa ikabubuti nilang sa panahon ng pagsubok at tunggalian ay nananatiling tapat at may pananampalataya. Madalas na ang manggagawa ng ebanghelyo ay nagpapatuloy sa paggawa sa gitna ng mga bagyo ng pag-uusig, mapait na pagsalungat, at walang katarungang kahihiyan. Sa mga panahong ito alalahanin niya na ang karanasang natatamo sa hurno ng kahirapan ay kasing-halaga ng lahat ng mga pagdurusa. Sa ganito ay inilalapit ng Dios ang Kanyang mga anak sa Kanya, upang sa kanila ay maipakita ang kanilang mga kahinaan at ang Kanyang kalakasan. Tinuturuan silang sumandig sa Kanya. Sa ganito ay inihahanda silang humarap sa mga kagipitan, kumuha ng mga posisyon ng pagtitiwala, at gampanan ang isang dakilang adhikaing dahil dito ay ipinagkaloob sa kanila ang kanilang mga kalakasan. AGA 434.4

Sa lahat ng panahon ang mga itinalagang saksi ng Dios ay nalantad sa mga kahihiyan at pag-uusig alang-alang sa katotohanan. Si Jose ay pinaratangan at inusig sapagkat nanatili siyang matatag at tapat. Si David, na hirang ng Dios, ay tinugis na parang hayop ng kanyang mga kaaway. Si Daniel ay inilagay sa yungib ng leon sapagkat tapat siya sa langit. Si Job ay nawalan ng mga kayamanan sa lupa, at nagkasugat ang buong katawan at nilayuan ng pamilya at kaibigan; gayunman ay nanatiling tapat. Si Jeremias ay di mapigil na magsalita ng pabalita ng Dios; anupa’t siya ay itinapon sa isang balon. Si Esteban ay binato sapagkat ipinangaral niya ang Kristo at Siyang ipinako. Si Pablo ay ibinilanggo, hinampas, binato, at sa wakas ay pinatay sapagkat siya ay tapat na mensahero ng Dios para sa mga Gentil. At si Juan ay itinapon sa pulo ng Patmos dahilan sa “salita ng Dios, at sa patotoo ni Jesu-Cristo.” AGA 435.1

Ang mga halimbawang ito ng tatag ng tao ay saksi sa katapatan ng mga pangako ng Dios—ng Kanyang nananatiling presensya at nagpapanatiling biyaya. Ang mga ito ay katibayan ng kapangyarihan ng pananampalatayang makatayo sa harap ng mga kapangyarihan ng lupa. Gawain ng pananampalataya na maging panatag sa Dios sa pinakamadilim na sandali, ang maranasang gaano mang kahigpit ang pagsubok at kalakas ang bagyo, ang Ama ang nasa rimon. Ang mata ng pananampalataya ang tanging nakakakita sa kabila ng panahon upang mabigyang halaga ang mga walang hanggang kayamanan. AGA 435.2

Hindi inihaharap ng Panginoon sa Kanyang mga alagad ang pagasa ng kaluwalhatian sa lupa o kayamanan, ang buhay na ligtas sa pagsubok. Sa halip ay nananawagan Siya sa landas ng pagtanggi sa sarili at kahihiyan. Siyang naparito sa lupa upang tubusin ang sanlibutan ay nilabanan ng mga puwersa ng kasamaan. Sa isang walang habag na pagsasanib, ang mga kampon ng masasamang anghel at tao ay humanay laban sa Prinsipe ng Ivapayapaan. Ang Kanyang bawat salita at kilos ay naghayag ng banal na habag, at ang Kanyang pagkahiwalay sa sanlibutan ay nagpainit ng pinakamapait na muhi. AGA 435.3

At gayundin sa lahat na mabubuhay na banal kay Jesu-Cristo. Paguusig at kahihiyan ang naghihintay sa lahat ng nagtataglay ng Espiritu ni Kristo. Ang uri ng pag-uusig ay nagbabago kasama ng panahon, ngunit ang simulain—ang espiritung pumapailalim—ay katulad pa rin ng pumatay sa hinirang ng Panginoon simula pa sa panahon ni Abel. AGA 436.1

Sa lahat ng panahon si Satanas ay nag-usig sa bayan ng Dios. Pinahirapan at pinatay, datapuwat sa kamatayan ay naging mananagumpay. Sila ay naging saksi sa kapangyarihan ng Isang mas makapangyarihan kay Satanas. Masasamag lalaki ay maaaring pahirapan at patayin ang katawan, ngunit hindi nila magagalaw ang buhay na nakatago kasama si Kristo sa Dios. Maaari nilang ikulong ang mga lalaki’t babae sa mga bilangguan, ngunit hindi nila maigagapos ang espiritu. AGA 436.2

Sa pamamagitan ng mga pagsubok at pag-uusig ang kaluwalhatian— ang likas—ng Dios ay nahayag sa Kanyang mga hinirang. Ang mga mananampalataya kay Kristo, na kinamuhian at inusig ng sanlibutan, ay naturuan at nadisiplina sa paaralan ni Kristo. Sa lupa ay lumalakad sila sa makitid na landas; sila ay dinadalisay sa mga hurno ng pagdurusa. Sumusunod sila kay Kristo sa mga mahihigpit na tunggalian; nagdadanas sila ng pagtanggi sa sarili at mapapait na kabiguan; datapuwat sa ganito ay nalalaman nila ang kasamaan at kaabahan ng kasalanan, at sa ganito ay kanilang kinamumuhian. Bilang kabahagi sa mga paghihirap ni Kristo, maaari silang tumingin sa kabila ng lagim, at magsabi, “Sapagkat napapatunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito’y hindi karapat-dapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayagsa atin.” Roma 8:18. AGA 436.3