Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

55/59

Isang Tapat na Saksi

Matapos na si Kristo ay pumanhik sa langit, si Juan ay tumayong isang matapat, at masigasig na manggagawa para sa Panginoon. Kasama ng ibang mga alagad ay tumanggap siya ng pagbubuhos ng Espiritu sa Araw ng Pentecostes, at may bagong sigasig at kapang-yarihang nagpatuloy siya sa pagbahagi sa mga tao ng salita ng buhay, na sila ay inaakay sa Hindi Nakikita. Siya ay makapangyarihang mangangaral, maningas at malalim ang malasakit. Sa magandang mga salita at tinig na maindayog ay nagsaysay siya ng mga gawa ni Kristo, sa paraang humikayat sa mga nakikinig. Ang mga simpleng pangungusap niya, ang marangal na kapangyarihan ng mga katotohanang sinalita niya, at ang ningas na naging likas ng kanyang pagtuturo, ay nagbukas ng kanyang pagsasalita sa lahat ng uri ng tao. AGA 414.1

Ang buhay ng apostol ay naging kaayon ng kanyang mga aral. Ang pag-ibig para kay Kristo na nag-alab sa kanyang puso ang umakay sa kanya sa paggawang taimtim at walang pagod para sa kanyang kapwa tao, lalo na sa mga kapatid sa iglesia. AGA 414.2

Nag-atas si Kristo sa mga unang alagad na magmahalan tulad ng pag-ibig Niya sa kanila. Sa ganito ay tataglayin nila ang patotoo sa sanlibutan na ang Kristo, ang pag-asa ng kaluwalhatian, ay nabuo sa loob nila. “Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo, na kayo ay magmahalan sa isa’t isa; na kung paanong inibig Ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.” Juan 13:34. Sa panahong sinalita ni Jesus ito, hindi ito maunawaan ng mga alagad; datapuwat matapos na masaksihan nila ang mga paghihirap ni Kristo, matapos ang Kanyang pagkapako at pagkabuhay na muli, at pagpanhik sa langit, at matapos na maipagkaloob sa kanila sa Pentecostes ang Banal na Espiritu, nagkaroon sila ng lalong malinaw na pagkaunawa sa pagibig ng Dios, at sa likas ng pag-ibig na dapat nilang iukol sa isa’t isa. At sa ganito ay masasabi ni Juan sa mga kapwa alagad niya: AGA 414.3

“Dito’y nakikilala natin ang pag-ibig, sapagkat Kanyang ibinigay ang Kanyang buhay para sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay para sa mga kapatid.” AGA 414.4

Matapos na makababa ang Banal na Espiritu, nang ang mga alagad ay humayo upang ihayag ang Tagapagligtas na nabubuhay, ang tanging adhikain nila ay ang pagliligtas ng kaluluwa. Nagalak sila sa tamis ng pakikisama ng mga banal. Sila ay mapagtanggi sa sarili, matulungin, at handang magsakripisyo para sa katotohanan. Sa kanilang pakikisalamuha sa isa’t isa sa bawat araw, naghayag sila ng pag-ibig ni Kristo na iniaral sa kanila. Sa mga salita at gawang hindi makasarili ay nagsikap silang paningasin ang pag-ibig na ito sa puso ng iba. AGA 415.1

Ang ganitong pag-ibig ay minahal ng mga mananampalataya. Sila ay hahayong laang sumunod sa bagong utos. Gayon kahigpit ang tali ng pakikiisa kay Kristo na nakaganap sila ng lahat ng mga kahilingan ng Dios. Ang kanilang mga buhay ay pagpapalaganap ng kapangyarihan ng isang Tagapagligtas na nag-aaring ganap sa Kanyang katuwiran. AGA 415.2

Ngunit dahan-dahang pumasok ang pagbabago. Ang mga mananampalataya ay nagsimulang maghanap ng kapintasan ng kapwa. Naglumagi sila sa mga kamalian ng iba, nagbigay puwang para sa matalas na pintas, nawala ang kanilang paningin sa Tagapagligtas at sa Kanyang pag-ibig. Naging higit na mahigpit sila sa mga panlabas na seremonya, higit na masinop sa teoriya kaysa sa pagsasakabuhayan ng pananampalataya. Sa kanilang sigasig na hatulan ang iba, hindi nila nakita ang sariling kamalian. Nawala sa kanila ang pag-ibig sa kapatid na itinuro ni Kristo, at masama sa lahat, hindi nila nadama ang kawalang ito. Hindi nila nadamang ang galak at kaligayahan ay lumilipas sa kanilang buhay, at sapagkat, sinasarhan nila ang kanilang mga puso sa pag-ibig ng Dios, di magtatagal ay lalakad sila sa kadiliman. AGA 415.3

Sa pagkakita ni Juan, na ang pag-ibig sa kapatid ay nanghihina sa iglesia, pinasigla niya ang mananampalataya sa palagiang pangangailangan ng pag-ibig na ito. Ang mga liham niya sa iglesia ay puno ng ganitong mga isipan. “Mga minamahal, mangag-ibigan tayo sa isa’t isa,” kanyang sinulat, “sapagkat ang pag-ibig ay sa Dios; at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios. Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagkat ang Dios ay pag-ibig. Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo ay umiibig sa Dios kundi Siya ang umibig sa atin, at sinugo ang Kanyang Anak na pampalubag-loob sa ating mga kasalanan. Mga minamahal, kung tayo’y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangag-ibigan din naman tayo.” AGA 415.4

Tungkol sa tanging isipan ng paghahayag ng mananampalataya ng pag-ibig na ito, wika ng apostol: “Isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, bagay na tunay sa Kanya at sa inyo: sapagkat ang kadiliman ay lumilipas, at ang tunay na ilaw ay lumiliwanag na. Ang nagsasabing siya’y nasa liwanag, at napopoot sa kanyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. Ang umiibig sa kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kanya’y walang anumang kadahilanang ikatitisod. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagkat ang kanyang mga mata ay binulag ng kadiliman.” “Ito ang pabalitang narinig ninyo mula sa pasimula, na tayo ay dapat magibigan sa isa’t isa.” “Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan. Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinumang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan. Dito’y nakikilala natin ang pag-ibig, sapagkat Kanyang ibinigay ang Kanyang buhay dahil sa atin: at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid.” AGA 416.1

Hindi ang oposisyon ng sanlibutan ang pinakamalaking panganib ng iglesia ni Kristo. Kundi ang kasamaang minamahal ng mananampalataya sa puso ang gumagawa ng pinakamalaking kasamaan at tunay na pumipigil sa pagsulong ng gawain ng Dios. Wala nang tiyak pang paraan upang mapahina ang espirituwalidad kaysa ang manahanan sa inggit, hinala, pintas, at masamang haka. Sa kabilang dako, ang pinakamalakas na pagsaksi na tunay ngang isinugo ng Dios ang Kanyang Anak dito sa mundo, ay ang pagkakaroon ng pagkakaisa at pagkakatugma sa mga iba’t ibang taong bumubuo ng iglesia Niya. Ang patotoong ito ay karapatan ng bawat alagad ni Kristo na taglayin. Ngunit upang magawa ito, dapat munang ilagak nila ang mga sarili sa ilalim ng pangunguna ni Kristo. Ang kanilang mga likas ay dapat na makaayon sa Kanyang likas, at ang kanilang mga kalooban sa Kanyang kalooban. AGA 416.2

“Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo,” sinabi ni Kristo, “Na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; tulad ng pag-ibig Ko sa inyo, na kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa.” Juan 13:34. Anong kahanga-hangang pangungusap; ngunit, gaano ngang hindi naisasagawa! Sa iglesia ng Dios ngayon, ang pag-ibig sa kapatid ay malungkot na wala. Marami sa mga nagpapanggap na nagmamahal sa Tagapagligtas ay hindi naman nagmamahal sa kapatid. Mga hindi nananampalataya ay nagmamasid upang makita kung ang pananampalataya ng nagpapanggap na Kristiano ay may kapangyarihang magpabago ng kanilang buhay; at mabilis silang makapansin. ng mga kasiraan ng likas, mga hindi katugmang pagkilos. Huwag nawang tulutan ng Kristiano na maituro ng kaaway sa kanila ang, Narito ang isang bayang naka.tayo sa ilalim ng bandila ni Kristo, ngunit namumuhi sa isa’t isa. Ang mga Kristiano ay mga kaanib ng iisang pamilya, lahat ay mga anak ng Ama sa langit, may taglay na isang pag-asa sa imortalidad. Malapitan at mapagmahal ang marapat na maging tali at ugnayan nila. AGA 416.3

Ang banal na pag-ibig ay nagiging mairugin sa puso kapag nanawagan ito sa atin na maghayag ng katulad na pagmamahal ni Kristo. Ang taong mayroong hindi makasariling pag-ibig sa kapwa ang tunay na may pag-ibig sa Dios. Ang tunay na Kristiano ay hindi papayag na ang taong nasa panganib ay hindi mabigyang babala at mahalin. Hindi siya lalayong may pagmamalaki sa nagkakamali, at iiwan silang palubog sa kalungkutan at kabiguan o tuluyang mahulog sa patibong ni Satanas. AGA 417.1

Silang hindi nakaranas ng mapagmahal at umaakit na pag-ibig ni Kristo ay hindi maaaring makaakay ng iba sa bukal ng buhay. Ang pag-ibig ni Kristo sa puso ay kapangyarihang nagpapakilos, umaakay sa pagpapahayag ng likas ni Kristo sa kabuhayan, sa diwang mapagmahal, mahabaging espiritu, sa pag-aangat ng buhay ng kanilang nakakasalamuha. Ang mga Kristiano na magtatagumpay sa ganitong gawain ay dapat na makakilala kay Kristo; at upang magawa ito, ay dapat na makaranas ng Kanyang pag-ibig. Sa paningin ng langit, ang kanilang pagkaangkop bilang manggagawa ay nasusukat ng kanilang kakayahang umibig tulad ng pag-ibig ni Kristo at gumawang tulad ng Kanyang paggawa. AGA 417.2

“Huwag tayong umibig sa salita,” sinulat ng apostol, “kundi sa gawa at sa katotohanan.” Ang kaganapan ng likas Kristiano ay natatamo kapag ang bugso ng isip at damdaming makatulong sa iba ay palagiang nagmumula sa loob. Ang kapaligiran ng pag-ibig na ito para sa kaluluwa ay nagiging panlasa ng buhay sa buhay at pagkakataon para sa Dios na magpala sa kanyang paggawa. AGA 417.3

Ang sukdulang pag-ibig sa Dios at hindi makasariling pag-ibig sa isa’t isa—ang pinakamabuting kaloob na maibibigay ng Ama sa langit. Ang pag-ibig na ito ay hindi bugso ng damdamin, kundi isang banal na simulain, isang permanenteng kapangyarihan. Ang pusong hindi natatalaga ay hindi maaaring magsimula o gumawa nito. Sa puso lamang na si Kristo ang naghahari masusumpungan ito. “Iniibig natin Siya, sapagkat una Siyang umibig sa atin.” Sa pusong nabago ng banal na biyaya, ang pag-ibig ang simulaing naghahari sa pagkilos. Binabago nito ang likas, sinusupil ang bugso ng damdamin, pinipigil ang mga pita, at pinararangal ang mga pagmamahal. Ang pag-ibig na itong nananatili sa kaluluwa, ay nagpapatamis ng buhay at nagsasabog ng dumadalisay na impluwensya sa palibot. AGA 417.4

Sinikap ni Juan na akayin ang mga mananampalataya sa pagkaunawa ng mataas na karapatang matatamo sa pagsasakabuhayan ng diwa ng pag-ibig. Ang kapangyarihang ito na tumutubos, pumupuspos sa puso, ang siyang pipigil ng bawat motibo at magtataas sa tao sa ibabaw ng mga nagpapasamang impluwensya ng sanlibutan. At habang ang ganitong pag-ibig ay namamayani sa buhay, ang kanilang pagtitiwala sa Dios at sa Kanyang pakikitungo sa kanila ay magiging ganap. Sila ay lalapit sa Kanya na may buong pagtitiwala, sa pagkaalam na sila’y tatanggap mula sa Kanya ng lahat na kanilang kailangan sa pangkasalukuyan at pangwalang hanggang kabutihan. “Dito’y naging sakdal ang pag-ibig sa atin,” kanyang sinulat, “upang tayo’y magkaroon ng pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom: sapagkat kung ano Siya, ay gayon din naman tayo sa sanlibutan. Walang takot sa pag-ibig: kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot.” “At ito ang nasa ating pagkakatiwala sa Kanya, na, kung tayo’y humingi ng anumang bagay na ayon sa Kanyang kalooban, ay dinidinig Niya tayo: at kung ating nalalaman na tayo’y dinidinig Niya,...nalalaman natin na nasa atin ang mga kahilingang sa Kanya’y ating hingin.” AGA 418.1

“At kung ang sinuman ay magkasala, may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, ang matuwid: at Siya ang pampalubag-loob sa ating mga kasalanan: at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng buong sanlibutan din naman.” “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, tapat at banal Siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” Ang mga kondisyon ng pagtatamong habag mula sa Dios ay simple at makatuwiran. Hindi hinihiling sa atin ng Panginoon ang paggawa ng mabigat na bagay upang mapatawad. Hindi na kailangan pang maglakbay na matagal at nakapapagod patungo sa isang groto, o magpenitensya upang ang ating kaluluwa ay maitagubilin sa Dios ng kalangitan o mapagaan ang kasalanan. Siyang “nagkukumpisal at nagtatakwil” ng kasalanan ay “magtatamong awa.” Kawikaan 28:13. AGA 418.2

Sa mga hukuman sa kalangitan, si Kristo ay naglilingkod para sa Kanyang iglesia—nagsusumamo para sa kanila na tinubos ng Kanyang dugo. Mga daantaon, mga panahon ay hindi makapagpapabawas ng bisa ng Kanyang sakripisyo ng pagtubos. Kahit na ang buhay o kamatayan, ang lalim o taas, ay di makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios na nakay Kristo Jesus; hindi sapagkat mahigpit ang kapit natin sa Kanya, kundi sapagkat Siya ang mahigpit na nakahawak sa atin. Kung ang kaligtasan ay nakasalig sa ating sariling pagsisikap, hindi tayo maliligtas; ngunit ito ay nakasalig sa Isang nasa likod ng lahat ng mga pangako. Ang ating hawak sa Kanya sa tingin ay maaaring mahina, datapuwat ang pag-ibig Niya ay tulad sa nakatatandang kapatid; hangga’t tayo ay nakakapit sa Kanya, walang sinumang makaaagaw sa atin sa Kanyang kamay. AGA 419.1

Sa paglakad ng mga taon at sa pagdami ng mga mananampalataya, si Juan ay gumawang higit na tapat at masigasig para sa kanyang mga kapatid. Ang mga panahong iyon ay puno ng mga panganib sa iglesia. Ang mga pandaraya ni Satanas ay kabi-kabila. Sa kasinungalingan at daya ay sinikap niyang magbangon ng oposisyon laban sa mga doktrina ni Kristo; at bilang bunga ay nalagay sa panganib ang iglesia dahilan sa mga heresiya at pag-aalit. May nag-angking sapagkat nasa kanila ang pag-ibig ni Kristo ay napalaya na sila sa pagsunod sa kautusan ng Dios. Sa kabilang dako, mayroon namang nagturong kailangang sundin pa rin ang mga kaugalian at seremonya ng mga Judio; na ang pagsunod sa kautusan, kahit na walang pananampalataya sa dugo ni Kristo ay sapat na sa kaligtasan. Mayroong nagsabing si Kristo ay mabuting tao, ngunit tinatanggihan ang Kanyang pagka-Dios. Mayroong nagpapanggap na tapat sa gawain ng Dios, ngunit mga mandaraya, at sa kabuhayan ay ikinakaila si Kristo at ang Kanyang ebanghelyo. Sa pamumuhay na makasalanan, nagpapasok sila sa iglesia ng mga heresiya. Sa ganito ay marami ang naaakay sa pagwawalang bahala at pandaraya. AGA 419.2

Si Juan ay nabagabag sa nakalalasong kamalian na gumagapang sa iglesia. Nakita niya ang mga panganib na dito’y magiging lantad ang iglesia, at hinarap niya ang kagipitang ito sa mabilis at pasiyahang pagkilos. Ang mga sulat ni Juan ay nagtataglay ng hininga ng pagibig. Parang siya ay sumulat sa pamamagitan ng plumang itinubog sa pag-ibig. Ngunit nang makatagpo niyang personal ang mga taong lumalabag sa kautusan ng Dios, gayong nagpapanggap na sila’y hindi nagkakasala, hindi siya nag-atubiling bigyan sila ng babala sa nakatatakot na dayang ito. AGA 419.3

Sa pagsulat sa isang katulong sa gawain ng ebanghelyo, isang babaeng may mabuting ulat at malawak na impluwensya, sinabi niya: “Sapagkat maraming mandaraya na nangagsilitaw sa sanlibutan, samakatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparitong nasa laman. Ito ang mandaraya at ang antikristo. Mangag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan. Ang sinumang nagpapatuloy, at hindi nananahan sa aral ni Kristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios. Ang nananahan sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak Kung sa inyo’y dumating ang sinuman, at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tatanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo s’iyang batiin: sapagkat ang bumabati sa kanya ay karamay sa kanyang masasamang gawa.” AGA 420.1

Tayo ay binigyang kapangyarihan na itakwil tulad ng ginawa ng minamahal na apostol, ang mga nagpapanggap na kay Kristo ngunit lumalabag naman sa kautusan ng Dios. Sa mga huling araw ay magkakaroon din ng katulad na kasamaang nakita sa naunang iglesia at naging banta sa kanyang kasaganaan; at ang mga aral ni apostol Juan tungkol sa bagay na ito ay dapat bigyang pansing masinop. “Dapat na magkaroon kayo ng pag-ibig,” ang sigaw sa bawat dako, lalo na mula sa nagpapanggap ng pagpapakabanal. Ngunit ang tunay na pag-ibig ay napakadalisay upang magtakip sa kasalanang hindi ilanukumpisal. Bagama’t dapat nating ibigin ang taong dahil sa kanya ay namatay si Kristo, hindi naman tayo dapat makipagkompromiso sa kasamaan. Hindi tayo dapat makisanib sa mga mapanghimagsik, at tatawagin itong pag-ibig. Inaasahan ng Dios na ang Kanyang bayan sa panahong ito ay tatayong matatag sa matuwid tulad ni Juan laban sa mga kamaliang nagwawasak. AGA 420.2

Itinuturo ng apostol na tayo ay dapat maging magalang bilang mga Kristiano, at magsagawa rin ng matuwid sa pagharap sa kasalanan at makasalanan; at ito ay hindi labag sa tunay na pag-ibig. “Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang sa kautusan: at ang kasalanan ay pagsalangsang sa kautusan. At nalalaman ninyo na Siya’y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa Kanya’y walang kasalanan. Ang sinumang nananahan sa Kanya ay hindi nagkakasala: sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kanya, ni hindi man nakakilala sa Kanya.” AGA 420.3

Bilang isang saksi para kay Kristo, si Juan ay hindi pumasok sa kaguluhan o nakababagot na pagtatalo. Inihayag niya .ang kanyang nalalaman, ang kanyang nakita at narinig. Malapit ang naging kaugnayan niya kay Kristo, nakapakinig sa Kanyang mga aral, namasdan ang Kanyang mga kababalaghan. Iilan lamang ang makakakita ng kagandahan ng likas ni Kristo tulad ng naging karanasan ni Juan. Sa kanya ang kadiliman ay lumipas na; sa kanya ay sumisikat ang tunay na liwanag. Ang patotoo niya turigkol sa buhay at kamatayan ng Tagapagligtas ay maliwanag at makapangyarihan. Mula sa puso na pinasagana ng pag-ibig sa Tagapagligtas ay nagsalita siya; at walang kapangyarihang makapipigil sa kanyang mga salita. AGA 421.1

“Yaong buhat sa pasimula,” kanyang pinahayag, “yamang aming narinig, yaong nakita ng aming mga mata, yaong aming namasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa Salita ng buhay;...yaong aming nakita at narinig ay siya rin naman naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at kayo ay may pakikisama sa Ama, at sa Kanyang anak na si Jesu-Cristo.” AGA 421.2

Sa ganito ang bawat tunay na mananampalataya, sa kanyang sariling karanasan, ay “makapaglalagay ng tatak na ang Dios ay totoo.” Juan 3:33. Maaari siyang sumaksi sa mga bagay na kanyang nakita at narinig at nadama sa kapangyarihan ni Kristo. AGA 421.3