Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

54/59

Ang Minamahal na si Juan

Si Juan ay ibinukod sa ibang mga alagad bilang “ang alagad na minamahal ni Jesus.” Juan 21:20. Sa tingin ay higit ang antas ng kanyang pakikipagkaibigan kay Kristo, at tumanggap siya ng ma-raming tanda ng pagtitiwala at pag-ibig ng Tagapagligtas. Isa siya sa tatlong pinahintulutang makasaksi sa kaluwalhatian ni Kristo sa bundok ng pagbabagong-anyo at sa Kanyang pagdurusa sa Getsemane, at sa kanyang pangangalaga iniwan ng Panginoon ang Kanyang ina sa mga huling oras ng pagdurusa Niya sa krus. AGA 409.1

Ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa alagad na ito ay sinuklian naman ng pinakamaalab na pagtatalaga. Si Juan ay nanghawakan kay Kristo tulad ng baging sa kanyang puno. Alang-alang sa Panginoon ay buong tapang na humarap siya sa bulwagan ng katarungan at nanatiling higit na matagal sa paanan ng krus; at sa balitang ang Kristo ay muling nabuhay, nagmadali siyang nagtungo sa libingan, na ang sigasig ay higit kay Pedro. AGA 409.2

Ang hindi makasariling pagtatalaga at pag-ibig na nagtitiwala na nahayag sa likas at kabuhayan ni Juan ay naglalahad ng mga liksyong walang kasing halaga sa iglesia Kristiana. Hindi katutubo kay Juan ang kagandahan ng likas. Sa katutubo ay marami siyang malalang kapintasan. Hindi lamang siya mapagmataas, mapagtiwala sa sarili, at ambisyoso sa karangalan, biglain, at madaling mapikon. Kasama ng kapatid niya ay tinatawag silang mga “anak ng kulog.” Masamang magalit, mapaghiganti, mapagpuna, ay mga dating ugali ng minamahal na alagad. Ngunit sa ilalim ng lahat ng ito ay nakita ng banal na Guro ang maalab, taimtim, mapagmahal na puso. Sinansala ng Panginoon ang kanyang pagka makasarili, binigo ang kanyang mga ambisyon, at sinubok ang kanyang pananampalataya. Datapuwat inihayag din Niya sa kanya ang mga ninanasa ng kaluluwa—ang kagandahan ng kabanalan, ang nagpapabagong kapangyarihan ng pag-ibig. AGA 409.3

Ang mga kahinaan ni Juan ay nalantad sa ilang pagkakataon sa pakikitungo sa Panginoon. Minsan ay nag-utos ang Panginoon sa mga naninirahan sa Samaria na maghanda ng maiinom at makakain para sa Kanya at sa Kanyang mga alagad. Ngunit nang palapit na ang Panginoon sa bayan, parang nais Niyang magpatuloy na sa Jerusalem. Ito ay gumising ng inggit ng mga Samaritano, at sa halip na anyayahan Siyang manatili sa kanila, ipinagkait ng mga ito ang kagandahang-loob na kanilang ibinibigay kahit na sa karaniwang manlalakbay. Hindi ipinipilit ni Jesus ang Kanyang presensya sa sinuman, at nawala sa mga taga Samaritano ang pagpapalang matatanggap sana kung inanyayahan Siyang maging panauhin nila. AGA 409.4

Alam ng mga alagad na adhikain ni Kristo na ang mga taga Samaria ay pagpalain ng Kanyang presenya; at ang kalamigan, inggit, at kawalang galang na ipinakita sa kanilang Panginoon ay nagbigay sa mga alagad ng pagtataka at galit. Napukaw lalo na si Santiago at Juan. Hindi nila mapalalagpas ang ganitong pakikitungo sa Kanyang pinagpipitaganang labis, na walang parusa. Sa kanilang sigasig ay sinabi nila, “Panginoon, nais Mo bang magpababa ng apoy mula sa langit upang tupukin sila tulad ng ginawa ni Elias?” na tinukoy ang pagkawasak ng mga kapitan at hukbo ng Samaria na isinugo upang dakpin ang propeta Elias. Nagulat sila na si Jesus ay masaktan sa ganitong mga salita nila, at higit pang nagtaka sila nang sansalain sila ni Jesus: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong sinasabi. Sapagkat ang Anak ng tao ay hindi naparito upang magwasak ng buhay, kundi upang magligtas nito.” Lucas 9:54-56. AGA 410.1

Hindi bahagi ng misyon ni Kristo na pilitin ang tao upang Siya’y tanggapin. Si Satanas, at mga taong pinakikilos niya, ang pumipilit sa konsyensya. Sa pakunwaring sigasig sa katuwiran, mga lalaking kasama ng masasamang anghel kung minsan ay nagdadala ng pagdurusa sa kapwa tao upang maakit sila sa kanilang mga isipang pangrelihiyon; ngunit si Kristo ay laging nagpapalata ng habag, laging naghahangad na maakit sila ng Kanyang pag-ibig. Hindi siya tumatanggap ng karibal sa kaluluwa, o ng bahagi na paglilingkod; kundi ang nais Niya ay ang kusang-loob na paglilingkod, ang bukas sa kaloobang pagpapasakop ng puso sa pagpapakilos ng pag-ibig. AGA 410.2

Sa isa pang pagkakataon ay iniharap ni Santiago at Juan sa pamamagitan ng kanilang ina ang kahilingan na sila ay magkaroon ng mataas na tungkulin ng karangalan sa kaharian ni Kristo. Sa kabila ng paulit-ulit na aral ni Kristo tungkol sa likas ng Kanyang kaharian, ang mga kabataang alagad na ito ay nagmahal pa rin sa pag-asang ang Mesias ay uupo sa Kanyang trono at kapangyarihan ayon sa ninanais ng mga tao. At ang ina naman, na katulad ng mga anak ay gayundin ang hangarin, ay humiling, “Ipag-utos Mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa Iyong kanan, at ang isa sa Iyong kaliwa, sa Iyong kaharian.” AGA 410.3

Ngunit sumagot ang Tagapagligtas, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang Aking iinuman?” Kanilang naalaala ang Kanyang mahiwagang mga salita tungkol sa pagsubok at paghihirap, datapuwat sumagot na may pagtitiwala, “Mangyayari.” Ibibilang nilang mataas na karangalan na patunayan ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng lahat ng mangyayari sa kanilang Panginoon. AGA 411.1

“Katotohanang iinuman ninyo ang Aking saro,” inihayag ni Kristo—sa harapan Niya ay krus sa halip na trono, dalawang lalaki ang Kanyang kasama sa Kanyang kanan at sa Kanyang kaliwa. Si Santiago at Juan ay makikibahagi sa kanilang Panginoon sa paghihirap—ang isa, nakaukol mamatay sa pamamagitan ng tabak; ang isa pa, ang pinakamatagal na sumunod sa kanyang Panginoon sa paggawa at kahihiyan at pag-uusig. “Datapuwat ang maupo sa Aking kanan, at sa Aking kaliwa, ay hindi sa Akin ang pagbibigay; datapuwat yaon ay para sa kanila namga pinaghandaan ng Aking Ama.” Mateo 20:21-23. AGA 411.2

Naunawaan ni Jesus ang motibo ng kahilingan, at sa ganito ay sinansala ang pagmamataas at ambisyon ng dalawang alagad: “Ang mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapanginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila. Sa inyo’y hindi magkakagayon kundi ang sinumang mag-ibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo; at sinumang mag-ibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo: gayundin naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang Kanyang buhay na pangtubos sa marami.” Mateo 20:25-28. AGA 411.3

Sa kaharian ng Dios, ang katungkulan ay hindi makukuha sa paboritismo. Hindi ito nakakamit, o tinatanggap sa walang kahulugang pagbibigay. Ito ay bunga ng likas. Ang korona at trono ay mga tanda ng kalagayang naabot na—mga tanda ng pagsupil sa sarili sa biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo. AGA 411.4

Matagal matapos ito, nang si Juan ay maging kaayon na ng isipan ni Kristo sa pakikibahagi sa Kanyang mga paghihirap, ipinahayag sa kanya ng Panginoon ang mga kondisyon ng kalapitan ng Kanyang kaharian. “Ang magtagumpay ay Aking pagkakaloobang umupong kasama Ko sa Aking luklukan, gaya Ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng Aking Ama sa Kanyang luklukan.” Apocalipsis 3:21. Ang tatayong pinakamalapit kay Kristo ay siyang nakaranas ng pinakamalalim na pag-ibig na mapagsakripisyo,—pag-ibig na “hindi nagmamapuri sa sarili, hindi mayabang,...hindi hinahanap ang sarili, hindi nayayamot, hindi nag-iisip ng masama” (1 Corinto 13:4, 5),— pag-ibig na nagpakilos sa alagad, tulad ng sa Panginoon, na nagkaloob ng lahat upang mabuhay at maglingkod hanggang kamatayan, sa ikaliligtas ng sangkatauhan. AGA 412.1

Sa ibang pagkakataon sa kanilang pangangaral, si Santiago at Juan ay nakatagpo ng isang, bagama’t hindi kilalang tagasunod ni Kristo, ay nagpapalayas ng mga demonyo sa Kanyang pangalan. Pinagbawalan ito ng mga alagad sa paggawa sa isipang tama ang kanilang ginawa. Ngunit nang sabihin nila ito kay Kristo, ay pinagsabihan sila, “Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan Ko, na pagdaka’y makapagsasalita ng masama laban sa Akin.” Marcos 9:39. Walang sinumang nagpapakitang sila ay mapagkaibigan kay Kristo ang dapat na pagbawalan. Ang mga alagad ay di dapat maghayag ng makitid, at makasariling diwa, kundi ng espiritung may malawak na malasakit tulad ng nakita nila sa kanilang Panginoon. Naisip ni Santiago at Juan na sa pagpapatigil sa taong ito ay ang kapakanan ng kanilang Panginoon ang kanilang pinagpapahalagahan; ngunit nasumpungan nilang sila ay naiinggit lamang. Kinilala nila ang kanilang pagkakamali at tinanggap ang sansala. AGA 412.2

Ang mga liksyon ni Kristo, sa kaamuan at kababaan at pag-ibig ay mahalaga sa paglago sa biyaya at pagiging angkop sa Kanyang gawain, at ito ay nagkaroon ng pinakamataas na halaga kay Juan. Minahal niya ang bawat liksyon at palagiang sinikap na ang buhay ay maitugma sa banal na huwaran. Pasimulang nabanaag ni Juan ang kaluwalhatian ni Kristo—hindi ang makasanlibutang karangyaan at kapangyarihang inisip niyang matamo, kundi ang sa “kaluwalhatiang tulad sa Bugtong ng Ama, puno ng biyaya at katotohanan.” Juan 1:14. AGA 412.3

Hindi ang lalim at ningas ng pag-ibig ni Juan sa Panginoon ang naging dahilan ng pag-ibig naman ni Kristo sa kanya, kundi ang bunga ng pag-ibig na iyon. Nais ni Juan na maging katulad ni Jesus; at sa ilalim ng nagpapabagong impluwensya ng pag-ibig ni Kristo, siya ay naging maamo at mababa. Ang sarili ay natago kay Jesus. Higit sa kanyang mga kasama, si Juan ay nagpasakop sa kapangyarihan ng maluwalhating kabuhayang iyon. Wika niya, “At ang buhay ay nahayag, at aming nakita.” “Sapagkat sa Kanyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya.” 1 Juan 1:2; Juan 1:16. Nakilala ni Juan ang Tagapagligtas sa pamamagitan ngsubukang kaalaman. Ang mga liksyon ng Panginoon ay naukit sa kanyang kaluluwa. Nang siya ay magpatotoo tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas, ang kanyang payak na pangungusap ay naging paghahayag ng pag-ibig na namayani sa kanyang buong pagkatao. AGA 412.4

Ang malalim na pag-ibig ni Juan kay Kristo ay umakay sa kanya na laging maging malapit sa Kanyang piling. Mahal ng Tagapagligtas ang labindalawa, ngunit si Juan higit sa lahat ang may diwang madaling tumanggap at makakilala. Siya ay mas bata sa iba, at tulad sa isang maliit na bata ay bukas ang kanyang puso kay Jesus. Sa ganito ay naging mas malapit siya sa malasakit ni Kristo, at sa pamamagitan niya ang pinakamalalalim na espirituwal na aral ng Tagapagligtas ay naisalin para sa bayan. AGA 413.1

Mahal ni Jesus silang kumakatawan sa Ama, at si Juan ay nakapangusap tungkol sa pag-ibig ng Ama higit sa sinumang alagad. Inihayag niya sa kanyang kapwa ang nadadama ng kanyang sariling kaluluwa, na inihayag din sa kanyang likas ang mga katangian ng Dios. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nahayag sa kanyang mukha. Ang kagandahan ng kabanalang nagpabago sa kanya ay nagningning tulad ng kay Kristo. Sa pagpaparangal at pag-ibig ay minasdan niya ang Tagapagligtas hanggang ang maging kawangis ni Kristo at makasama Niya ang naging tanging hangarin niya, at sa kanyang likas ay nabanaag ang likas ng kanyang Panginoon. AGA 413.2

“Masdan ninyo,” kanyang sinabi, “kung gaanong pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Dios.... Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung Siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya; sapagkat Siya’y ating makikita gaya ng Kanyang sarili.” 1 Juan 3:1,2. AGA 413.3