Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

1/59

Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

PAUNANG SALITA

Ang ikalimang aklat ng Bagong Tipan ay nakilala sa naunang panahon bilang Ang Mga Gawa ng mga Apostol; ngunit ang pamagat na ito ay hindi matatagpuan sa aklat mismo. Isa sa pinakamatandang sulat, ang Codex Sinaiticus, ay nagbibigay ng pamagat na simpleng Mga Gawa, at hindi nabanggit ang mga apostol. Ito ay may dahilan. Ang mga Gawa ay hindi lamang upang maging maikling kasaysayan ng mga paglilingkod na ginampanan ng labindalawang alagad, at lalong higit pa sa mga pangunahing pangyayaring nakita sa buhay at gawain ng kanyang apat na pangunahing tauhan, sina Pedro, Santiago, Juan, at Pablo. AGA v.1

Ang aklat ng Mga Gawa ay sinulat ng “minamahal na manggagamot,” si Lucas, isang Gentil na nahikayat, para sa buong iglesia, maging Judio man o Gentil. Bagaman ang nakapaloob na panahon dito ay mahigit sa tatlumpung taon, ito naman ay puno ng mga liksyong ukol sa iglesia sa bawat panahon. Sa aklat ng Mga Gawa ay malinaw na inihahayag ng Dios na ang Kristiano ngayon ay makararanas ng presensya ng parehong Espiritu na dumating na may kapangyarihan sa Pentecostes at nagbigay alab sa pabalita ng ebanghelyo. Ang mga gawa ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Pedro at Pablo, Juan at Santiago, at iba pa, ay maaaring maulit sa makabagong alagad ngayon. AGA v.2

Ang biglang pagsasara ng aklat ng Mga Gawa ay hindi isang aksidente; ito ay sadyang nagmumungkahi na ang makapigil-hiningang tala ay di pa tapos, at ang mga gawa ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu ay madudugtungan sa buong panahong Kristiano—bawat kasunod na saling lahi ay nagdadagdag ng isang kabanatang puspos ng kagandahan at kapangyarihan sa sinundan nito. Ang mga gawang natala sa katangi-tanging aklat na ito ay mga gawa ng Espiritu, sapagkat sa panahon ng mga apostol ang Banal na Espiritu ang naging tagapayo at tumulong sa mga lider na Kristiano. Sa panahon ng Pentecostes ang mga nananalanging alagad ay napuspos ng Espiritu at ipinangaral ang ebanghelyo na taglay ang kapangyarihan. Ang napiling pitong diakono ay “puspos ng Banal na Espiritu at karunungan.” Gawa 6:3. Ang Banal na Espiritu ang nangasiwa sa ordinasyon ni Saulo (9:17); sa pagtanggap sa mga Gentil sa pagsasamahan sa iglesia (10:44-47); sa pagbubukod kay Bernabe at Saulo para sa gawaing misyonero (13:2-4); sa Konsilyo ng Jerusalem (15:28); at sa mga paglalakbay misyonero ni Pablo (16:6, 7). Sa ibang pagkakataon nang ang iglesia ay nagdusang mainam sa kamay ng mga Romano at mga taga-usig na Judio, ang Espiritu ang nagpanatili sa mga mananampalataya at nag-ingat sa kanila mula sa kamalian. AGA v.3

Ang Mga Gawa ng Mga Apostol ay isa sa mga huling aklat na isinulat ni Ellen G. White. Nalimbag ito ilang taon bago siya mamatay. Isa ito sa mga aklat na nagbibigay liwanag na nagmula sa kanyang panulat. Makikita ng karaniwang mambabasa na ito’y isang tanglaw sa pagsaksing Kristiano. Ang pabalita ng aklat ay napapanahon, at ang katuturan nito ay makikita sa pagsisikap ng may-akda na ipakitang ang ika-dalawampung siglo ay makasasaksi ng pagkakaloob ng kapangyarihang espirituwal na higit pa sa Pentecostes. Ang gawain ng ebanghelyo ay hindi pagsasara sa mas maliit na paghahayag ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu kaysa sa kapangyarihang nakita sa pasimula nito. AGA vi.1

Na ang mambabasa ay makasangkot sa muling pagkabuhay ngmga maluwalhating tanawin ng naunang iglesia at kasabay nito ay maingatan sa matalinong panghuhuwad ng kaaway ng kaluluwa ay siyang dalangin at taimtim na naisin ng—MGA TAGAPAGLIMBAG. AGA vi.2