Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

2/59

MGANILALAMAN

Ang Layunin ng Dios Para sa Kanyang Iglesia

Ang iglesia ay itinalagang ahensya ng Dios para sa kaligtasan ng tao. Ito ay itinatag ukol sa paglilingkod, at ang misyon nito ay dalhin ang ebanghelyo sa sanlibutan. Sa pasimula pa ay naging panukala ng Dios na sa pamamagitan ng Kanyang iglesia ay ihayag sa sanlibutan ang Kanyang kaganapan at Kanyang lubos na paglalaan. Ang mga kaanib ng iglesia, silang Kanyang tinawagan mula sa kadiliman tungo sa Kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan, ay magpapakita ng Kanyang kaluwalhatian. Ang iglesia ay pinaglalagakan ng kayamanan ng biyaya ni Kristo, at sa pamamagitan din ng iglesia ay mahahayag ito, kahit na sa mga “kapamahalaan at kapangyarihan sa matataas na dako,” ang huli at lubos na pahayag ng pag-ibig ng Dios. Efeso 3:10. AGA 9.1

Marami at kahanga-hanga ang mga pangakong nakatala sa Kasulatan tungkol sa iglesia. “Ang Aking bahay ay tatawaging bahay ng panalangin para sa lahat ng tao.” Isaias 56:7. “At Aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nangasa palibot ng Aking burol; at Aking palalagpakin ang ulan sa kapanahunan; magkakaroon ng ulan ng pagpapala.” “At Aking pagkakalooban sila ng mga pananim na ikababantog, at sila’y hindi na mangalilipol pa ng kagutom sa lupain, o magtataglay pa man ng kahihiyan sa mga bansa. At kanilang malalaman na Akong Panginoon nilang Dios ay sumasa kanila, at sila na sambahayan ni Israel ay Aking bayan, sabi ng Panginoong Dios. At kayong mga tupa Ko, na mga tupa sa Aking pastulan ay mga tao, at Ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.” Ezekiel 34:26, 2931. AGA 9.2

“Kayo’y Aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at Aking lingkod na Aking pinili: upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa Akin, at inyong matalastas na Ako nga: walang Dios na inanyuan ng una sa Akin, o magkakaroon man pagkatapos Ko. Ako, samakatuwid baga’y Ako, ang Panginoon; at liban sa Akin ay walang Tagapagligtas. Ako’y nagpahayag, at Ako’y nagligtas, at Ako’y nagpakilala, at walang ibang diyos sa gitna ninyo: kaya’t kayo ang Aking mga saksi.” “Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at mag-iingat sa iyo, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, na pinakaliwanag sa mga bansa; upang magdilat ng mga bulag na mata, upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at nilang nanga-uupo sa kadiliman mula sa bilangguan.” Isaias 43:10-12; 42:6,7. AGA 9.3

“Sa kalugod-lugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita: at Aking iningatan ka, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, upang ibangon ang lupain, upang ipamana sa kanila ang mga sirang mana; na nagsasabi sa kanilang nangabibilanggo, Kayo’y magsilabas; sa kanilang nangasa kadiliman, Pakita kayo. Sila’y magsisikain sa mga daan, at ang lahat na luwal na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan. Sila’y hindi mangagugutom; o manga-uuhaw man; at hindi man sila mangapapaso ng init, o ng araw man: sapagkat Siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, samakatuwid baga’y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan Niya sila. At Aking gagawing daan ang lahat ng Aking mga bundok, at ang Aking mga lansangan ay patataasin.... AGA 10.1

“Ikaw ay umawit, Oh langit; at magalak, Oh lupa; at kayo’y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagkat inaliw ng Panginoon ang Kanyang bayan, at mahahabag sa Kanyang nagdadalamhati. Ngunit sinabi ng Sion, Pinabayaan ako ng Panginoon, at nilimot ako ng Panginoon. Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin, na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kanyang bahay-bata? oo, ito’y makalilimot, ngunit hindi kita kalilimutan. Narito, Aking inanyuan ka sa mga palad ng Aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap Ko.” Isaias 49:8-16. AGA 10.2

Ang iglesia ay tanggulan ng Dios, ang Kanyang siyudad ng kanlungan, na Kanyang iniingatan sa sanlibutang nanghimagsik. Anumang kataksilan sa iglesia ay pagkakanulo sa Kanya na tumubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng dugo ng Kanyang bugtong na Anak. Mula sa pasimula, ang iglesia ay binuo ng mga tapat na tao dito sa lupa. Sa bawat panahon ang Panginoon ay mayroong mga tapat na Kanyang mga bantay, na nagtaglay ng tapat na patotoo sa saling lahi na kanilang kinabuhayan. Ang mga bantay na ito ay nagbigay ng mga babala; at nang sila ay tawagang ibaba na ang mga kasuotang pandigma, iba naman ang nagsabalikat ng gawain. Dinala ng Dios ang mga ito sa ugnayan ng tipan sa Kanya, na pinagsasanib ang iglesia sa lupa sa iglesia sa langit. Isinugo Niya ang Kanyang mga anghel upang maglingkod sa Kanyang iglesia, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi nagtagumpay laban sa Kanyang bayan. AGA 10.3

Sa mga daang taon ng pag-uusig, tunggalian, at kadiliman, tinulungan ng Dios ang Kanyang iglesia. Walang ulap na tumakip sa kanya na hindi Niya pinaghandaan; walang isa mang kalabang puwersang bumangon sa Kanyang gawain, na hindi Niya unang nakita. Lahat ay naganap ayon sa Kanyang hinulaan. Hindi Niya pinabayaan ang Kanyang iglesia, kundi ibinalangkas sa propesiya ang lahat na magaganap, at ang mga sinabi ng Kanyang Espiritu sa mga propeta ay pawang naganap. Lahat ng adhikain Niya ay matutupad. Ang Kanyang kautusan ay nakaugnay sa Kanyang trono, at walang anumang kapangyarihang masama ang maaaring sumira. Ang katotohanan ay kinasihan at ipinagsasanggalang ng Dios at ito ay magtatagumpay sa lahat ng oposisyon. AGA 11.1

Sa panahon ng kadilimang espirituwal ang iglesia ay naging siyudad na natayo sa ibabaw ng bundok. Sa bawat panahon, sa pagpapalit ng mga saling lahi, ang mga dalisay na doktrina ng langit ay nabubuksan sa loob ng kanyang mga hangganan. Mahina man at may kapintasan sa tingin, ang iglesia ay obheto ng tanging malasakit ng Dios. Ito ang teatro ng Kanyang biyaya, na dito ay nalulugod Siyang ihayag ang Kanyang kapangyarihang nagpapabago sa mga puso. AGA 11.2

“Saan natin itutulad ang kaharian ng Dios?” tanong ni Kristo, “o saan natin ito ihahambing?” Marcos 4:30. Hindi Niya magamit ang mga kaharian dito sa lupa upang maging hambingan. Sa lipunan ay wala rin Siyang makitang marapat na tularan. Ang mga kaharian sa lupa ay naghahari sa pamamagitan ng kapangyarihang pisikal; datapuwat sa kaharian ni Kristo ang bawat armas na masama, bawat instrumento ng pamimilit, ay pinalayas. Ang kahariang ito ay magtataas at inagpaparangal sa sangkatauhan. Ang iglesia ng Dios ay korte ng banal na pamumuhay, puspos ng iba’t ibang kaloob at pinagkalooban ng Banal na Espiritu. Ang mga kaanib nito ay makasusumpong ng kanilang kaligayahan sa kaligayahan ng mga taong kanilang pinagpapala at tinutulungan. AGA 11.3

Kahanga-hanga ang gawaing nais ng Panginoon na gampanan sa pamamagitan ng Kanyang iglesia, upang ang Kanyang pangalan ay maluwalhati. Ang larawan ng gawaing ito ay ibinigay sa pangitain ni Ezekiel sa ilog na nagpapagaling: “Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba, at huhugos sa dagat: sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas, at ang tubig ay mapagagaling. At mangyayari, na bawat likhang may buhay, na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay:...at sa pampang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong yaon, tutubo ang sari-saring punong kahoy na pinaka pagkain, na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyaon: magbubunga ng bago buwan-buwan, sapagkat ang tubig niyaon ay lumalabas sa santuwaryo; at ang bunga niyaon ay magiging pagkain, at ang dahon niyaon ay pampagaling.” Ezekiel 47:8-12. AGA 11.4

Sa pasimula pa ay ipinanukala na ng Dios na sa pamamagitan ng Kanyang bayan ay darating ang pagpapala sa lupa. Sa sinaunang Egipto ay ginawa ng Dios si Jose na bukal ng buhay. Sa katapatan ni Jose ang buhay ng buong bayan ay naingatan. Sa pamamagitan ni Daniel ay iniligtas ng Dios ang buhay ng lahat ng mga pantas na lalaki ng Babilonia. At ang mga pagliligtas na ito ay mahalagang liksyon; naglalarawan ang mga ito ng mga espirituwal na pagpapalang inihahandog sa sanlibutan sa palakiugnay sa Dios na sinamba ni Jose at Daniel. Sa bawat pusong doon ay naninirahan si Kristo, bawat isang maghahayag ng Kanyang pag-ibig dito sa lupa, ay isang manggagawang kasama ng Dios sa pagkakaloob ng pagpapala sa tao. Sa pagtanggap niya ng biyaya mula sa Tagapagligtas upang maibahagi sa iba, sa kanyang buong pagkatao ay dadaloy ang agos ng kabuhayang espirituwal. AGA 12.1

Pinili ng Dios ang Israel upang maghayag ng Kanyang likas sa tao. Nais Niyang sila ay maging bukal ng kaligtasan sa sanlibutan. Sa kanila ay ipinagkatiwala ang mga hiwaga ng langit, ang paghahayag ng kalooban ng Dios. Sa mga unang araw ng Israel ang mga bansa sa lupa ay nawalan ng pagkakilala sa Dios sa kanilang masasamang gawa. Minsan ay nakaldlala sila sa Kanya; ngunit “hindi nila niluwalhati tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.” Roma 1:21. Gayunman sa kahabagan ng Dios sila ay hindi inubos. Binigyan pa sila ng isang pagkakataon na makilala Siyang muli sa pamamagitan ng Kanyang bayang hirang. Sa pamamagitan ng mga turo ng mga sakripisyo, si Kristo ay itataas sa lahat ng mga bansa, at lahat ng titingin sa Kanya ay maliligtas. Si Kristo ang pundasyon ng bansang Israel. Ang buong sistema ng mga tipo at seremonya ay isang inipong propesiya ng ebanghelyo, isang pagkalahad na dito’y nakatali ang mga pangako ng pagtubos. AGA 12.2

Ngunit di naldta ng bayang Israel ang matataas na karapatan ng pagiging mga kinatawan ng Dios. Nakalimutan nila ang Dios at nagkulang na gampanan ang kanilang banal na misyon. Ang mga pagpapalang tinanggap nila ay di naging pagpapala sa sanlibutan. Lahat ng kanilang pakinabang ay ginamit sa pagluwalhati sa sarili. Ibinukod nila ang kanilang sarili sa sanlibutan upang makatakas sa tukso. Ang mga pagbabawal ng Dios sa kanila upang hindi makisalamuha sa mga sumasamba sa mga diyus-diyusan ay ginawa nilang pader na pagitan sa kanila at ibang mga bansa. Ninakawan nila ang Dios ng paglilingkod na inaasahan Niya sa kanila, at ninakawan din nila ang kanilang kapwa tao ng patnubay sa relihiyon at ng banal na halimbawa. AGA 13.1

Ang mga saserdote at pinuno ay nakabaon na sa hukay ng mga seremonya. Nasiyahan sila sa legal na relihiyon, at naging imposible para sa kanila ang magbahagi sa iba ng mga buhay na katotohanan ng langit. Inisip nila ang sariling katuwiran ay sapat na, at hindi nagnais na isang bagong sangkap ay madagdag sa kanilang relihiyon. Ang mabuting nasa ng Dios sa tao ay hindi nila tinanggap bilang bagay na hiwalay sa kanila, kundi kadugtong sa kanilang kabutihan dahilan sa kanilang mabubuting gawa. Ang pananampalatayang gumagawa sa pag-ibig at nagdadalisay ng kaluluwa’y hindi makakita ng kaugnayan sa relihiyon ng mga Pariseo, na binubuo ng mga seremonya at utos ng tao. AGA 13.2

Tungkol sa Israel ay inihayag ng Dios: “Gayunma’y tinamnan kita ng mahal na puno ng ubas, na pawang mabuting binhi: bakit ka nga naging bansot na ibang puno ng ubas sa Akin?” Jeremias 2:21. “Ang Israel ay isang mayabong na baging, na nagbunga.” Oseas 10:1 “At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo Ko sa inyo, Ako at ang Aking ubasan. Ano pa ang magagawa Ko sa Aking ubasan na hindi Ko nagawa? ano’t nang Aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat?” AGA 13.3

“At ngayo’y Aking sasaysayin sa inyo ang gagawin Ko sa Aking ubasan: Aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; Aking ibabagsak ang bakod niyaon, at mayayapakan: at Aking pababayaang sira: hindi kakapunin, o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: Akin ding iuutos sa mga alapaap na huwag nilang ulanan. Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang Kanyang maligayang pananim: at Siya’y naghihintay ng kahatulan, ngunit narito, kapighatian; ng katuwiran, ngunit narito, daing.” Isaias 5:3-7. “Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang may sakit, o inyo mang tinalian ang may bali, o inyo mang ibinalik ang iniligaw, o inyo mang hinanap ang nawala; kundi inyong pinagpunuang may karahasan at may kahigpitan.” Ezekiel 34:4. AGA 13.4

Itinuring ng mga lider na Judio ang mga sariling napakapantas na upang mangailangan pa ng turo, napakamatuwid upang mangailangan ng kaligtasan, lubhang pinarangalan upang mangailangan pa ng karangalang buhat kay Kristo. Ang Tagapagligtas ay tumalikod sa kanila upang ipagkadwala sa iba ang mga karapatang kanilang inabuso at gawaing kanilang di pinansin. Ang kaluwalhatian ng Dios ay dapat ihayag, ang Kanyang salita ay dapat matatag. Ang kaharian ni Kristo ay dapat maitayo sa sanlibutan. Ang pagliligtas ng Dios ay dapat ipakilala sa mga siyudad ng mga ilang; at ang mga alagad ay dapat matawagan upang gampanan ang gawaing hindi nagampanan ng mga lider na Judio. AGA 14.1