Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA
Kabanata 45—Ang Pagkaguho ng Jerico
Ang kabanatang ito ay batay sa Josue 5:13-15; 6; 7.
Ang mga Hebreo ay nakapasok na sa Canaan, subalit hindi pa nila ito nasasakop; at sa paningin ng tao ang pakikipaglaban upang masakop ang lupain ay magiging matagal at mahirap. Iyon ay pinaninirahan ng isang makapangyarihang lahi, na handang lumaban sa pagsakop sa kanilang kinaroroonan. Ang iba't-ibang mga tribo ay nagkakalakip dahil sa iisang kinatatakutang panganib. Ang kanilang mga kabayo at ang kanilang mga bakal na mga karo na panglaban, ang kanilang kaalaman tungkol sa bansa, at ang kanilang pagsasanay sa pakikipagdigma, ay nagbibigay sa kanila ng malaking kahigitan. Bukod dito, ang bansa ay nababantayan ng matitibay na mga moog— “mga bayang malaki at nakukutaan hanggang sa himpapawid.” Deuteronomio 9:1. Sa paniniyak lamang ng lakas na hindi sa kanilang sarili, maaaring umasa ang mga Israelita upang magtagumpay sa kinakaharap na pakikipaglaban. MPMP 574.1
Isa sa pinakamatibay na moog ng lupain—ang malaki at mayamang bayan ng Jerico—ay nasa harap lamang nila, hindi gaanong kalayuan mula sa kanilang kampo sa Gilgal. Nasa hangganan ng isang matabang kapatagan na puno ng mayayaman at iba't-ibang bunga ng tropico, na ang mga palasyo at mga templo ay siyang tirahan ng pagkamaluho at bisyo, ang mayabang na bayang ito, sa likod ng malalaking mga panglaban, ay nag-aalok ng paglaban sa Dios ng Israel. Ang Jerico ay isa sa mga pangunahing luklukan ng pagsamba sa diyus-diyusan, na nakatalaga kay Astarot, ang diyosa ng buwan. Dito nakasentro ang lahat ng pinakamarumi at pinaka nakakababa sa relihiyon ng mga Canaanita. Ang bayan ng Israel, na sa kanilang mga pag-iisip ay sariwa pa ang kakilakilabot na bunga ng kanilang pagkakasala sa Beth-peor, ay maaari lamang tumingin sa bayang ito ng mga hindi kumikilala sa Dios na may pagkainis at labis na pagkasuklam. MPMP 574.2
Ang pagwasak sa Jerico ay nakita ni Josue na unang hakbang sa pagsakop sa Canaan. Subalit una sa lahat ay humiling siya ng katiyakan ng pagpatnubay ng Dios, at iyon ay ipinagkaloob sa kanya. Sa kanyang paglayo mula sa kampamento upang magmuni-muni at upang manalangin na ang Dios ng Israel ay manguna sa Kanyang bayan, nakakita siya ng isang nagagayakang mandirigma, marangal ang tindig at may pagkapinuno, “na may tabak sa kanyang kamay na bunot.” Sa hamon ni Josue na, “Ikaw ba'y sa amin, o sa aming mga kaaway?” ang sagot ay ibinigay, “Ako'y naparito bilang Prinsipe ng hukbo ng Panginoon.” Ang tulad sa utos na ibinigay kay Moises sa Horeb, “Hubarin mo ang iyong pangyapak sa iyong paa; sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal,” ay nagpahayag ng tunay na likas ng mahiwagang taga ibang bayan. Iyon ay si Kristo, ang Isang Nabunyi, na tumindig sa harap ng pinuno ng Israel. Sa takot, si Josue ay nagpatirapa at sumamba, at narinig ang paniniyak, “Aking ibinigay sa iyong kamay ang Jerico, at ang hari niyaon, at ang mga makapangyarihang lalaking matapang,” at tumangap siya ng mga tagubilin tungkol sa pagkupkop sa bayan. MPMP 574.3
Bilang pagsunod sa utos ng Dios, isinaayos ni Josue ang mga hukbo ng Israel. Walang gagawing pagsalakay. Sila lamang ay iikot sa bayan, dala ang kaban ng Dios, at hinihipan ang mga pakakak. Una ay ang mga mandirigma, isang lupon ng mga piniling mga lalaki, hindi ngayon manlulupig sa pamamagitan ng sarili nilang kahusayan at lakas, kundi sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag- uutos sa kanila na galing sa Dios. Pitong mga saserdote ang kasunod. Sunod ay ang kaban ng Dios, na napapalibutan ng sinag ng kaluwalhatian ng Dios, dala ng mga saserdote na nararamtan ng nagpapahayag ng kanilang banal na tungkulin. Kasunod ang hukbo ng Israel, ang bawat lipi sa ilalim ng kanyang sagisag. Iyon ang pagkakasunud-sunod ng prosisyon na lumibot sa bayan. Walang tunog ng narinig kundi ang yabag ng malaking hukbo at ang solemneng pagtunog ng mga pakakak, na umaalingawngaw sa mga burol, at malakas na naririnig sa mga lansangan ng Jerico. Nang matapos ang pag-ikot, ang hukbo ay matahimik na bumalik sa kanilang mga tolda, at ang kaban ay ibinalik sa lagayan noon sa tabernakulo. MPMP 575.1
May pagtataka at pagkabahala na ang mga tagapagbantay ng lungsod ay nagmasid sa bawat kilos, at nagulat doon sa mga may kapangyarihan. Hindi nila alam ang ibig sabihin ng lahat ng pagpapakitang iyon; subalit nang makita nilang ang malaking hukbo ay lumilibot araw-araw, kasama ang kaban at ang mga naglilingkod na mga saserdote, ang kahiwagahan ng tanawin ay naghatid ng takot sa puso ng mga saserdote at mga tao. Muli nilang sinuri ang kanilang matibay na moog, at nadama na matagumpay nilang malalabanan ang pinakamakapangyarihang pagsalakay. Marami ang lumibak sa kaisipan na mayroong masamang mangyayari sa kanila sa pamamagitan ng ganong paulit-ulit na pagpapakita. Ang iba ay namangha samantalang kanilang minamasdan ang prosisyon na araw- araw ay lumilibot sa lungsod. Naalala nila na minsan nangyari na ang Dagat na Pula ay nahawi sa harap ng bayang ito, at kapapangyari pa lamang na nagkaroon ng daan para sa kanila sa ilog ng Jordan. Hindi nila alam kung ano pang kahangahangang bagay ang gagawin ng Dios para sa kanila. MPMP 575.2
Sa loob ng anim na araw ang Israel ay lumibot sa lungsod. Dumating ang ikapitong araw, at sa simula ng pagsikat ng araw, ay isinaayos ni Josue ang mga hukbo ng Panginoon. Ngayon sila ay inatasang lumibot ng pitong beses sa Jerico, at sa malakas na pagtunog ng mga pakakak ay sisigaw ng may malakas na tinig sapagkat ang bayan ay ibinigay sa kanila ng Dios. MPMP 576.1
Ang malaking hukbo ay matahimik na lumibot sa nakatalagang mga pader. Ang lahat ay matahimik liban lamang sa yabag ng mga paa, at ang paminsan-minsang pagtunog ng pakakak, na bumabasag sa katahimikan ng madaling araw. Ang malalaking mga pader na buong mga bato ay tila nanlilibak sa pagsalakay ng tao. Ang mga nagmamasid sa mga pader ay nagmasid na may tumitinding mga takot, at, nang matapos ang unang pag-ikot, ay sumunod ang pangalawa, pangatlo, pang-apat, panglima, pang-anim. Ano kaya ang layunin ng mga pagkilos na ito? Anong makapangyarihang pangyayari ang napipinto? Kaunti na lamang ang kanilang ipaghihintay. Nang matapos ang ika-pitong pag-ikot, ang mahabang prosisyon ay hu- minto. Ang mga pakakak, na nagkaroon ng pagitan ng katahimikan, ngayon ay biglang tumunog ng malakas na nagpayanig sa lupa. Ang mga pader na puro bato, kasama ang matatayog na mga tore at mga kagamitang pangdigmaan ay nayanig at gumuho mula sa kanilang kinasasaligan, at wasak na bumagsak sa lupa. Ang mga naninirahan sa Jerico ay natigilan sa takot, at ang hukbo ng Israel ay nagmartsa papasok at sinakop ang bayan. MPMP 576.2
Hindi natamo ng mga Israelita ang tagumpay sa pamamagitan ng sarili nilang lakas; ang paglupig ay tanging dahil sa Panginoon; at bilang unang mga bunga ng lupain, ang bayan, at lahat ng nangaroon, ay itinalaga bilang hain ng Dios. Kinakailangang maisaisip ng Israel na sa pagsakop sa Canaan sila ay hindi kinakailangang lumaban para sa kanilang mga sarili, kundi bilang mga kasangkapan upang magsakatuparan ng kalooban ng Dios; hindi upang magtamo ng mga kayamanan o pagpaparangal sa sarili, kundi ang kaluwalhatian ni Jehova na kanilang Hari. Bago naganap ang pagbihag ang utos ay ibinigay, “Ang bayan ay matatalaga sa Panginoon, yaon at ang lahat na tumatahan doon.” “Magsipag-ingat sa itinalagang bagay; baka pagka naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo sa itinalagang bagay; sa gayo'y inyong ipasumpa ang kampamento ng Israel, at inyong bagabagin.” MPMP 576.3
Ang lahat ng naninirahan sa bayan, kasama ng lahat ng may buhay na naroon, “ang lalaki at gayon din ang babae, ang binata at gayon din ang matanda, at ang baka, at ang tupa, at ang asno,” ay pinatay. Ang sumampalataya lamang na si Rahab, kasama ng kanyang sambahayan, ang iniligtas, bilang katuparan ng pangako ng mga tiktik. Ang bayan ay sinunog; ang mga palasyo at mga templo, ang magagandang mga tirahan at lahat ng mga naroon, mamahaling mga kurtina at mga damit, ay sinunog. Yaong hindi masusunog ng apoy, “pilak, at ginto, at mga sisidlang bakal,” ay itinalaga sa mga paglilingkod sa tabernakulo. Ang dakong kinaroonan ng bayan ay sinumpa; ang Jerico ay hindi na kailan man itatayo pang muli bilang isang kuta; hinatulan ang sinomang magtatangkang magtayo sa mga pader na binuwal ng Panginoon. Ang solemneng utos ay ipinahayag sa harap ng buong Israel, “Sumpain ang lalaki sa harap ng Panginoon, na magbabangon at magtatayo nitong bayan ng Jerico; kanyang inilagay ang katagang baon niyaon sa kamatayan ng kanyang panganay, at kanyang itatayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa kamatayan ng kanyang bunso.” MPMP 579.1
Ang lubos na pagpuksa sa mga taga Jerico ay isa lamang katuparan ng utos na ibinigay kay Moises tungkol sa mga naninirahan sa Canaan: “Iyong sasaktan sila; at lubos mo ngang lilipulin sila.” Deuteronomio 7:2. “Sa mga bayan ng mga taong ito,...huwag kang magtitira ng may buhay sa anomang bagay na humihinga.” Deuteronomio 20:16. Para sa marami ang mga utos na ito ay tila labag sa espiritu ng pag-ibig at kaawaang ipinag-uutos sa ibang bahagi ng Biblia, subalit ang totoo ang mga iyon ay hatol ng walang hanggang karunungan at kabutihan. Itatatag na ng Dios ang Israel sa Canaan, upang magbangon sa kanila ng isang bayan at pamahalaan na magiging isang pagpapahayag ng Kanyang kaharian sa lupa. Hindi lamang sila magiging pawang tagapagmana ng tunay na relihiyon, kundi upang magpalaganap ng mga prinsipyo noon sa buong mundo. Inihulog ng mga Canaanita ang kanilang mga sarili sa pinakamarumi at pinaka napakabababang hindi pagkilala sa Dios, at kinakailangang ang lupain ay malinis sa lahat ng tiyak na makahahadlang sa mabiyayang mga layunin ng Dios. MPMP 579.2
Ang mga naninirahan sa Canaan ay binigyan ng sapat na panahon upang makapagsisi. Apat na pung taon ang nakalipas, ang pagbubukas ng Dagat na Pula at ang mga kahatulan sa Ehipto ay nagpatotoo sa pagkamakapangyarihan sa lahat ng Dios ng Israel. At ngayon ang paglupig sa mga hari ng Madian, Galaad at Basan, ay lalo pang nagpahayag na si Jehova ay higit sa lahat ng mga Dios. Ang kabanalan ng Kanyang likas at pagkasuklam sa karumihan ay ipinahayag sa mga kahatulang pinarating sa Israel dahil sa kanilang pakikilahok sa kinasusuklamang mga pagsamba kay Baal-peor. Ang lahat ng pangyayaring ito ay batid ng mga naninirahan sa Jerico, at marami ang mayroong paniniwala tulad ng kay Rahab, bagaman sila ay tumangging sundan iyon, na si Jehova, ang Dios ng Israel, ay siyang “Dios sa itaas sa langit, sa ibaba sa lupa.” Tulad sa mga tao bago ang baha, ang mga Canaanita ay nabubuhay lamang upang lapastanganin ang Langit at rumihan ang lupa. At kapwa ang pag-ibig at katarungan ay humihiling sa mabilis na pagpaparusa sa mga rebeldeng ito na laban sa Dios, at kalaban ng tao. MPMP 580.1
Madaling iginuho ng mga hukbo ng langit ang mga pader ng Jerico, ang palalong lungsod na iyon, na apat na pung taon bago iyon, ay kinatakutan ng mga tiktik! Sinabi ng Makapangyarihan sa Israel, “Aking ibinigay sa iyong kamay ang Jerico,” Laban sa salitang iyon ay walang kapangyarihan ang lakas ng tao. MPMP 580.2
“Sa pananampalataya'y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico.” Hebreo 11:30. Ang Prinsipe ng hukbo ng Panginoon ay nakipag- ugnayan kay Josue; hindi Niya ipinahayag ang Kanyang sarili sa buong kapisanan, at nasa kanila na lamang kung sila ay maniniwala o mag-aalinlangan sa mga salita ni Josue, kung susunod sa mga ipinag- uutos niya sa ngalan ng Panginoon, o kung tatanggihan ang kanyang kapangyarihan. Hindi nila nakikita ang hukbo ng mga anghel na tumutulong sa kanila sa ilalim ng pamumuno ng Anak ng Dios. Maaari sanang nagreklamo sila: “Anong ibig sabihin ng mga pagkilos na ito, anong kahibangan itong paglibot sa mga pader ng bayan araw-araw, at paghihip sa mga sungay ng lalaking tupa. Wala itong epekto sa nagtataasang mga moog na iyon.” Subalit ang panukalang iyon ng pagsasagawa ng gano'ng seremonya sa mahabang panahon bago ang huling pagpapabagsak ng mga pader, ay nagbigay ng pagkakataon upang lumago ang pananampalataya ng mga Israelita. Kinakailangang matanim sa kanilang mga isip na ang kanilang kalakasan ay wala sa karunungan ng tao, ni sa kanyang lakas, kundi sa Dios lamang ng kanilang kaligtasan. Kaya't sila ay kinakailangang masanay sa gano'ng lubos na pagtitiwala sa Dios na kanilang Pinuno. MPMP 580.3
Ang Dios ay gagawa ng dakilang mga bagay para doon sa mga nagtitiwala sa Kanya. Ang dahilan kung bakit ang Kanyang nag- aangking bayan ay walang higit na lakas ay sapagkat gano'n na lamang ang kanilang sariling karunungan, at hindi binibigyan ang Panginoon ng pagkakataon na ihayag ang Kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila. Siya ay handang tumulong sa bawat pangangailangan sa Kanyang mga anak na nananalig, kung kanilang ilalagak ang buo nilang pagtitiwala sa Kanya, at tapat na susunod sa Kanya. MPMP 581.1
Di pa natatagalan matapos ang pagkaguho ng Jerico, ipinasya ni Josue na lumusob sa Ai, isang maliit na bayan malapit sa mga bangin ilang milya ang layo tungo sa kanluran ng lambak ng Jordan. Ang mga tiktik na sinugo sa dakong iyon ay nagulat na ang naninirahan doon ay kaunti lamang, at kaunting puwersa lamang ang kailangan upang iyon ay maibagsak. MPMP 581.2
Ang malaking pagtatagumpay na isinagawa ng Dios para sa kanila ay naging sanhi upang ang mga Israelita ay magtiwala sa sarili. Sapagkat Kanyang ipinangako sa kanila ang lupain ng Canaan, sila'y nakadama ng kaligtasan, at kinaligtaang mabatid na tanging ang tulong ng Dios lamang ang makapagbibigay sa kanila ng tagumpay. Maging si Josue ay gumawa ng kanyang panukala para sa pagsakop sa Ai, na hindi humingi ng payo mula sa Dios. MPMP 581.3
Ang mga Israelita ay nagsimulang magtanyag ng sarili nilang lakas, at tumingin na may paghamak sa kanilang mga kalaban. Isang madaling pagtatagumpay ang inaasahan, at inisip na sapat na ang tatlong libo upang sakupin ang dakong iyon. Ang mga ito ay nagmadaling sumalakay na walang katiyakan na ang Dios ay sasakanila. Sila ay nakalapit na halos sa mga pituang daan ng bayan, nang salubungin ng pinakamalakas na paglaban. Nagulat sa bilang at mahusay na paghahanda ng kanilang mga kalaban, sila ay nagsitakbo sa kalituhan tungo sa matarik na mga landas paibaba. Ang mga Canaanita ay nag-init sa paghabol; “hinabol nila sila mula sa harap ng pintuang bayan,...at sinaktan sila sa babaan.” Bagaman ang pag- katalo ay nakakasira ng loob ng buong kapisanan. “Ang mga puso ng mga tao ay nanglumo, at naging parang tubig.” Ito ang kaunaunahang pagkakataon na kanilang nakasagupa ang mga Canaanita sa labanan, at kung pinatakbo ng mga nagtatanggol sa maliit na bayang ito, ano ang magiging resulta ng higit pang malaking mga pakikipaglaban sa harap nila? Tiningnan ni Josue ang kanilang pagkatalo bilang pag- papahayag ng hindi pagkalugod ng Dios, at sa matinding pagkabahala at pangamba “hinapak ni Josue ang kanyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon hanggang sa kinahapunan, siya at ang mga matanda ng Israel; at sila'y nagsipagbuhos ng alabok sa kanilang ulo.” MPMP 581.4
“Ay, Oh Panginoong Dios,” sigaw niya, “bakit mo pinatawid ang bayang ito sa Jordan, upang Ibigay kami sa kamay ng mga Amorrheo, na ipalipol kami?...Oh Panginoon, anong aking sasabihin pagkatapos na ang mga anak ng Israel ay makatalikod sa harap ng kanilang mga kaaway! Sapagkat mababalitaan ng mga Cananeo at ng lahat na nananahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at ihihiwalay ang aming pangalan sa lupa: at ano ang Iyong gagawin sa Iyong dakilang pangalan?” MPMP 582.1
Ang sagot mula kay Jehova ay, “Bumangon ka; bakit ka nagpatirapa ng ganito? Ang Israel ay nagkasala...kanilang sinalangsang din ang Aking tipan na Aking iniutos sa kanila.” Panahon iyon para sa mabilis at may kapasyahang pagkilos, at hindi sa kawalan ng pag-asa at panaghoy. Mayroong lihim na kasalanan sa kampamento, at iyon ay kinakailangang matuklasan at maihiwalay, bago mapasa kanyang bayan ang presensya at pagpapala ng Panginoon. “Ako'y hindi na sasainyo pa, maliban sa inyong sirain ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.” MPMP 582.2
Ang utos ng Dios ay sinalangsang ng isa sa mga itinalaga upang magsakatuparan ng kanyang mga hatol. At ang bansa ay nananagot dahil sa kasalanan ng nagkasala: “Sila'y kumuha rin sa itinalagang bagay, at nagnakaw rin, at nagbulaan din.” Si Josue ay binigyan ng tagubilin para sa paghuli at pagpaparusa sa kriminal. Ang pag- sasapalaran ay gagamitin upang malaman ang nagkasala. Ang nagkasala ay hindi kaagad inihayag, ang bagay na iyon ay iniwang lihim sa ilang panahon, upang madama ng mga tao ang kanilang responsibilidad sa kasalanang nasa kanilang kalagitnaan, at maakay sa pagsasaliksik ng mga puso, at pagpapakumbaba sa harap ng Dios. MPMP 582.3
Maaga pa nang kinaumagahan, tinipon ni Josue ang bayan ayon sa kanilang mga lipi at ang solemne at makabagbag pusong seremonya ay sinimulan. Hakbang-hakbang ang imbestigasyon ay nagpatuloy. Palapit ng palapit ang nakakapangambang pagsubok. Una ay ang lipi, sunod ang sambahayan, at sunod ay kinuha ang lalaki, at si Achan na anak ni Carmi, sa lipi ni Juda ay inihayag ng daliri ng Dios na siyang naghatid ng suliranin sa Israel. MPMP 583.1
Upang matiyak ang kanyang kasalanan ng walang pagdududa, upang hindi masabing siya ay hinatulan sa hindi makatarungang paraan, tahimik na tinanong ni Josue si Achan upang aminin ang katotohanan. Ipinagtapat ng kaawaawang lalaki ang buo niyang kasalanan: “Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa Panginoon, sa Dios ng Israel.... Nang aking makita sa samsam ang mainam na balabal na yaring Babilonia, at ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang dila ng ginto, na limampung siklo ang timbang, at akin ngang inimbot, at aking kinuha; at, narito, nangakakubli sa lupa sa gitna ng aking tolda.” Ang mga sugo ay kaagad pinapunta sa tolda, kung saan kanilang binungkal ang lupa sa dakong binanggit, at “narito, nakakubli sa kanyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyaon. At kanilang kinuha sa gitna ng tolda, at dinala kay Josue...at kanilang inilapag sa harap ng Panginoon.” MPMP 583.2
Ang hatol ay ipinataw at kaagad isinakatuparan. “Bakit mo kami binagabag? babagabagin ka sa araw na ito ng Panginoon.” Kung paanong ang bayan ay nanagot sa kasalanan ni Achan, at nagdusa dahil sa bunga noon, sila ngayon sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan, ay makikibahagi sa pagpaparusa noon. “Binato siya ng mga bato ng buong Israel.” MPMP 583.3
At sa ibabaw niya ay nagkaroon ng isang malaking patas ng mga bato, isang patotoo sa kasalanan at sa kaparusahan noon. “Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na ang libis ng Achor,” ibig sabihin ay “bagabag.” Sa aklat sa Mga Cronica ay nasulat ang kanyang alaala, “Achar, na mangbabagabag ng Israel.” 1 Cronica 2:7. MPMP 583.4
Ang kasalanan ni Achan ay isinagawa na isang pagsalangsang sa isang hayag at solemneng babala at pinakamakapangyarihang pag- papahayag ng kapangyarihan ng Dios. “Magsipag-ingat sa itinalagang bagay; baka pagka naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo sa itinalagang bagay,” ay ipinahayag sa buong Israel. Ang utos ay ibinigay matapos ang mahiwagang pagtawid sa Jordan, at ang pagkilala sa tipan ng Dios sa pamamagitan ng pagtutuli sa bayan—pagkatapos ng pangi- ngilin ng Paskua, at ang pagpapakita ng Angel ng tipan, ang Prinsipe ng Hukbo ng Panginoon. Iyon ay sinundan ng pagkabagsak ng Jerico, nagbibigay ng katibayan sa pagkawasak na tiyak na darating sa lahat ng sumasalangsang sa kautusan ng Dios. Ang katotohanan na ang kapangyarihan lamang ng Dios ang nagbigay ng pagtatagumpay sa Israel, na hindi nila nasakop ang Jerico sa pamamagitan ng sarili nilang lakas, ay nagdulot ng solemneng katindihan ng pagbabawal sa kanila sa pagkuha sa mga samsam. Ang Dios sa pamamagitan ng lakas ng sarili Niyang salita, ang nagpabagsak sa kutang iyon; at ang pagkapanalo ay Kanya, at sa Kanya lamang ang bayan at ang lahat ng naroroon kinakailangang maitalaga. MPMP 583.5
Mula sa milyun-milyong mga Israelita ay mayroon lamang isang lalaki, na sa solemneng oras na iyon ng pagtatagumpay at ng kahatulan, ay nangahas sumalangsang sa ipinag-utos ng Dios. Ang kanyang pag-iimbot ay nakilos ng pagkakita sa mamahaling balabal ng Shimnar; maging ng siya ay inihatid noon sa harap ng kamatayan iyon ay tinawag niyang “mainam na balabal na yaring Babilonia.” Ang isang kasalanan ay nag-akay tungo sa iba pa, at kumuha siya ng ginto at ng pilak na nakatalaga sa kabangyaman ng Panginoon, ninakawan niya ang Dios ng mga unang bunga ng lupain ng Canaan. MPMP 584.1
Ang nakamamatay na kasalanan na naghatid sa pagkapahamak ni Achan ay nagmula sa pag-iimbot, sa lahat ng kasalanan ay isa sa pinakapangkaraniwan at pinaka hindi gaanong napapansin. Samantalang ang ibang mga pagsalangsang ay iniimbestigahan at pinapa- rusahan, bihira lamang ang pagsalangsang sa ikasampung utos higit na tumatawag ng pagbabawal. Ang katindihan ng kasalanang ito, at ang kilabot na ibinubunga nito ang mga aral sa kasaysayan ni Achan. MPMP 584.2
Ang pag-iimbot ay isang kasamaan na unti-unting nabubuo. Inibig ni Achan ang pakinabang hanggang sa iyon ay naging kanyang ugali, binigkis siya ng mga tanikala na imposibleng maputol. Samantalang pinagyayaman ang kasalanang ito, dapat sana ay kinatakutan niya ang kaisipan ng paghahatid ng kapahamakan sa Israel; subalit ang kanyang mga pang-unawa ay pinatay na ng kasalanan, at nang ang tukso ay dumating, siya ay madaling nahulog na isang biktima. MPMP 584.3
Hindi ba't ang ganong mga kasalanan ay nagagawa pa rin, sa kabila ng mga babalang taimtim at malinaw? Tayo ay hayagang binabawalang mag-imbot gaya ng ginawa ni Achan upang angkinin ang mga samsam sa Jerico. Iyon ay ipinahayag ng Dios na isang pagsamba sa diyus-diyusan. Tayo ay binabalaan, “Hindi kayo maka- paglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.” Mateo 6:24. “Mangag- masid kayo, at kayo'y mangag-ingat sa lahat ng kasakiman.” Lucas 12:15. “Huwag man lamang masambit sa inyo.” Efeso 5:3. Nasa harap natin ang nakapanghihilakbot na kamatayan ni Achan, ni Judas, nina Ananias at Safira. Sa likod ng lahat ng mga ito nariyan ang kasaysayan ni Lucifer, ang “anak ng umaga,” na, nag-imbot sa higit na mataas na kalagayan, ay pangwalang hanggang nawalan ng liwanag at kagandahan ng langit. At gano'n pa man, sa kabila ng lahat ng mga babalang ito, ang pag-iimbot ay lumalaganap. MPMP 584.4
Sa lahat ng dako ang malansa nitong pinagdaanan ay nababakas. Ito'y lumilikha ng hindi pagkasiya at hindi pagkakasundo sa mga tahanan; lumilikha ito ng inggit at galit ng mahihirap laban sa mayayaman; ito ang nag-uudyok ng mahigpit na pang-aapi ng mga mayaman sa mga mahihirap. At ang kasamaang ito ay nasusumpungan hindi lamang sa sanlibutan, kundi gano'n din sa iglesia. Pangka- raniwang nakikita rin dito ang kasakiman, katakawan, pandaraya; paglimot sa kawang-gawa, at pagnanakaw sa Dios “sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.” Sa mga ka-anib ng iglesia na nasa “mabuti at regular na kalagayan,” mayroon, ay! maraming mga Achan. Maraming mga lalaking dumarating na makisig sa iglesia, at nauupo sa hapag ng Panginoon, samantalang kabilang ng kanyang mga ari- arian ay mga natatagong mga kinitang labag sa batas, mga bagay na isinumpa ng Dios. Dahil sa isang mabuting balabal na yari sa Babilonia, isinasakripisyo ng marami ang pagsang-ayon ng konsensya at ang kanilang pag-asa sa langit. Ipinagpapalit ng marami ang kanilang pagkamatapat, at ang kanilang mga kakayanan sa kapakinabangan, sa isang buslo ng mga pilak na salapi. Ang mga iyak ng naghihirap na mga pulubi ay hindi naririnig; ang liwanag ng ebanghelyo ay hindi nakapagpapatuloy sa kanyang landasin; ang paglilibak ng mga taga mundo ay pinasisiklab ng mga gawain na nagbibigay ng kasinu- ngalingan sa pinapanggap ng mga Kristiano; at gano'n pa man ang mapag-imbot na nag-aangking Kristiano ay patuloy na nag-iimbak ng mga kayamanan. “Nananakawan baga ng tao ang Dios? Gayon may nananakawan ninyo Ako” (Malakias 3:8), wika ng Panginoon. MPMP 585.1
Ang kasalanan ni Achan ay naghatid ng pinsala sa buong bayan. Dahil sa kasalanan ng isang tao, ang hindi pagkalugod ng Dios ay mapapasa Kanyang iglesia hanggang sa ang kasalanang iyon ay nasi- yasat at naalis. Ang impluwensya na higit na kinakailangang katakutan ng iglesia ay hindi ang mga hayagang pagsalungat, mga hindi suma- sampalataya, mga lapastangan, kundi ang mga hindi tapat na nag- aangking mga Kristiano. Ang mga ito ang nagpapapigil sa mga pagpapala ng Dios ng Israel, at naghahatid ng kahinaan sa Kanyang bayan. MPMP 586.1
Kapag ang iglesia ay nasa kahirapan, kapag mayroong kalamigan at pagbaba ng espirituwalidad, kung kaya't ang mga kaaway ng Dios ay nagkakaroon ng pagtatagumpay, mangyaring ang mga kaanib noon ay magtanong kung walang Achan sa kampamento. May pagpapa- kumbaba at pagsisiyasat ng puso, sikapin ng bawat kaanib na ma- tuklasan ang mga natatagong mga kasalanan na hindi nagpapatuloy sa presensya ng Dios. MPMP 586.2
Inamin ni Achan ang kanyang kasalanan, subalit iyon ay noong huli na ang lahat upang ang pag-amin ay makabuti pa para sa kanya. Nakita niyang ang mga hukbo ng Israel ay bumalik mula sa Ai na natalo at nasiraan ng loob; gano'n pa man hindi siya humarap at ipinagtapat ang kanyang kasalanan. Nakita niya si Josue at ang mga matanda sa Israel na nagpatirapa sa labis na kalungkutan na hindi mabigkas ng salita. Kung sa pagkakataong iyon sana siya ay nag- pahayag ng kanyang kasalanan, nakapagbigay sana siya ng katibayan sa tunay na pagsisisi; subalit nanatili pa rin siyang tahimik. Napa- kinggan niya ang pahayag na isang malaking kasalanan ang nagawa, at narinig pa ang likas noon na malinaw na inihayag. Subalit ang kanyang mga labi ay nasarahan. At dumating ang solemneng imbes- tigasyon. Ang kanyang kaluluwa ay nanginig sa takot nang ang kanyang lipi ay napili, matapos iyon ay ang kanyang pamilya at ang kanyang sambahayan! Subalit hindi pa rin siya nagpahayag ng kanyang kasalanan, hanggang sa ang daliri ng Dios ay itinuro sa kanya. At, nang ang kanyang kasalanan ay hindi na maikukubli, tinanggap niya ang katotohanan. MPMP 586.3
Mayroong malaking pagkakaiba ang pagtanggap sa katotohanan matapos na ang mga iyon ay mapatunayan, at sa pagpapahayag ng kasalanan na ang ating mga sarili lamang at ang Dios ang nakakaalam. Si Achan ay hindi rin sana nagpahayag ng kasalanan kung hindi lang sa dahilang umasa siya na baka maaaring mapawi ang bunga ng kanyang kasalanan. Subalit ang kanyang pagpapahayag ng kasalanan ay nagsilbi lamang na katibayan na ang parusa sa kanya ay maka- tarungan. Hindi nagkaroon ng tunay na pagsisisi sa kasalanan, walang pagkalungkot, walang pagbabago ng layunin, walang pagkasuklam sa kasamaan. MPMP 586.4
Gano'n din naman ang pagpapahayag ng kasalanan ng mga may sala kapag sila ay humarap sa hukuman ng Dios, matapos na ang bawat usapin ay napagpasyahan ukol sa buhay o sa kamatayan. Ang kaparusahang darating sa kanya ang kukuha mula sa bawat isa ng pag-amin sa kanila sa kanyang kasalanan. Iyon ay pipigain mula sa kaluluwa sa pamamagitan ng takot na pagkadama sa kaparusahan at isang takot na pagtingin sa paghukom. Subalit ang gano'ng pagpapahayag ng kasalanan ay hindi makapagliligtas sa makasalanan. MPMP 587.1
Hanggang sa hindi nila inihahayag ang kanilang kasalanan sa kanilang kapwa, marami, ang tulad ni Achan, ang nakadaramang ligtas, at niloloko ang kanilang sarili na ang Dios ay hindi magiging mahigpit sa pagkilala sa kasalanan. At kapag huli na ang lahat sila ay masusumpungan ng kanilang mga kasalanan kapag sila ay hindi na malilinis ng hain o handog magpakailan pa man. Kapag ang mga talaan ng langit ay mabuksan, hindi ipapahayag ng hukom sa tao sa pamamagitan ng mga salita, ang kanyang mga kasalanan, sa halip ay susulyap ng isang tumatagos, at nakahihikayat na tingin, at bawat gawa, bawat pakikiugnay sa buhay, ay malinaw na ipakikita sa alaala ng nagkasala. Ang taong iyon ay hindi na tulad sa panahon ni Josue na hahanapin pa mula sa lipi, subalit ang sarili niyang mga labi ang magpapahayag ng kanyang kahihiyan. Ang mga kasalanang natago mula sa kaalaman ng tao o sa panahong iyon ay maipapahayag sa buong mundo. MPMP 587.2