Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

43/76

Kabanata 41—Ang Pagtalikod sa Jordan

Ang kabanatang ito ay batay sa Mga Bilang 25.

Taglay ang masayang mga puso at binagong pananampalataya sa Dios, ang nagtagumpay na mga hukbo ng Israel ay bumalik mula sa Basan. Kanila nang natamo ang pag-aari sa isang mahalagang teri- toryo, at sila'y nakatitiyak sa madaliang pagsakop sa Canaan. Ang ilog na lamang ng Jordan ang nasa pagitan nila at ng lupang ipi- nangako. Sa kabila lamang ng ilog ay ang mayamang kapatagan, na puno ng mga halaman, nadidilig ng mga sapa mula sa napakaraming mga bukal, at nalililiman ng mayayamang mga palma. Sa kanlurang bahagi ng kapatagan ay nakatayo ang mga tore at mga palasyo ng Jerico, lubhang nakapaloob sa mga palma doon kung kaya't iyon ay tinawag na “bayan ng mga punong palma.” MPMP 534.1

Ang nasa silangang bahagi ng Jordan, sa pagitan ng ilog at ng mataas na talampas na kanilang dinaanan, ay isa ring kapatagan, may ilang milya ang luwang, at may ilang distansya rin ang haba sa tabi ng ilog. Ang lambak na ito na nakakanlungan ay mayroong klima ng tropiko; dito ay maraming shittim., o puno ng acasia, kaya't ang kapatagan ay tinawag na “Libis ng Shittim.” Dito nagkapamento ang mga Israelita, at sa kakahuyan ng mga punong acasia sa tabi ng ilog ay nakasumpong sila ng isang mahusay na pahingahan. MPMP 534.2

Subalit sa kalagitanaan ng kaakit-akit na kapaligirang ito sila ay haharap sa isang kasamaan na higit pang nakamamatay kaysa sa makapangyarihang mga hukbo ng sandatahang mga lalaki o sa mababa- ngis na mga hayop sa kagubatan. Ang bansang iyon, na mayaman sa likas na mga kahigitan, ay narumihan ng mga naninirahan. Doon sa mga pangmadlang pagsamba kay Baal, na pangunahing diyos, ang pinakanakapagpapasama at makasalanang mga tanawin ay walang patid na isinasagawa. Sa bawat panig ay may mga kilalang mga dako para sa pagsamba sa diyus-diyusan at sa kalaswaan, ang mismong mga pangalan ay nagmumungkahi ng karumihan at ng pagkasira ng mga tao. MPMP 534.3

Ang kapaligirang ito ay nagkaroon ng nakaruruming impluwensya sa mga Israelita. Naging pangkaraniwan sa kanilang mga isip ang maruruming mga kaisipan na walang patid na iminumungkahi; ang kanilang buhay na walang masyadong ginagawa ay nagkaroon ng mga bunga ng nakapagpapababa; at halos hindi nila namamalayan, sila ay lumalayo na sa Dios, at napapalagay na sa isang kalagayan na kung saan sila ay madaling nahuhulog sa biktima ng tukso. MPMP 534.4

Sa panahon ng kanilang pagkakampamento sa tabi ng Jordan, si Moises ay naghahanda para sa pagsakop sa Canaan. Sa gawaing ito ay lubhang naging abala ang dakilang pinuno; subalit para sa bayan ang panahong ito ng pag-aalinlangan at pagmamasid ay lubhang nakasusubok, at bago nakalipas ang maraming mga linggo, ang kanilang kasaysayan ay sinira ng pinakakilabot na mga paglayo mula sa mabuti at sa pagtatapat. MPMP 535.1

Sa simula ay walang gaanong ugnayan ang mga Israelita at ang mga kalapit bayan na hindi sumasamba sa Dios, subalit makalipas ang ilang mga panahon ang mga babaeng Medianita ay nagsimulang pumasok sa kampamento. Hindi ikinabahala ang kanilang pagpapakita, at matahimik na isinakatuparan ang kanilang mga panukala kung kaya't hindi natawag ang pansin ni Moises tungkol sa bagay na iyon. Layunin ng mga babaing ito, sa kanilang pakikisalamuha sa mga Hebreo na sila ay akiting lumabag sa mga utos ng Dios, upang ipapansin sa kanila ang mga seremonya at mga gawain ng hindi kumikilala sa Dios, at sila ay akayin sa pagsamba sa mga diyus- diyusan. Ang mga layuning ito ay mahusay na ikinubli sa ngalan ng pakikipagkaibigan, kung kaya't sila ay hindi pinaghinalaan maging ng mga tagapangasiwa ng bayan. MPMP 535.2

Ayon sa mungkahi ni Balaam, isang malaking kapistahan bilang parangal sa kanilang mga diyos ang itinakda ng hari ng Moab, at ito ay lihim na isinaayos upang si Balaam ay makagawa ng paraan upang ang mga Israelita ay makadalo. Siya ay kinikilala nilang propeta ng Dios, kung kaya't hindi siya gaanong nahirapan sa pagsasakatuparan ng kanyang layunin. Maraming tao ang sumama sa kanya upang panoorin ang mga kapistahan. Sila ay nagtungo sa ipinagbabawal na dako, at nasilo sa patibong ni Satanas. Nalinlang ng tugtugin at ng pagsasayaw, at naakit ng kagandahan ng mga hindi kumikilala sa Dios, kanilang tinalikuran ang kanilang pagtatapat kay Jehova. Sa kanilang paglahok sa mga kasiyahan at kainan, ang pag-inom ng alak ay sumira sa kanilang mga pangdama, at sinira ang kanilang mga pananggalang upang makapagkontrol sa sarili. Nagkaroon ng ganap na kapangyarihan ang pagnanasa; at sapagkat ang kanilang konsyen- sia ay nasira na ng kahalayan, sila ay napilitang yumukod sa mga diyus-diyusan. Sila ay naghandog ng hain sa mga dambana ng hindi kumikilala sa Dios, at nakilahok sa pinakamahalay na mga seremonya. MPMP 535.3

Hindi nagtagal ang lason ay kumalat, tulad sa isang nakamamatay na impeksyon, sa buong kampamento ng Israel. Yaong dapat sana'y nanalo sa kanilang mga kalaban sa pakikipagdigma, ay nadaig ng katusuhan ng mga babaeng hindi kumikilala sa Dios. Ang bayan ay tila nahibang. Ang mga namumuno at ang mga pangunahing lalaki ay kabilang sa mga naunang sumalangsang, at lubhang napakaraming mga tao ang nagkasala kung kaya't ang pagtalikod ay naging pang- buong bayan. “Ang Israel ay nakilakip sa diyus-diyusang Baal-peor.” Nang matawag ang pansin ni Moises upang makita ang kasamaan, ang panukala ng mga kaaway ay naging matagumpay na ng gano'n na lamang kung kaya't ang mga Israelita ay hindi lamang nakikilahok sa malaswang pagsamba sa Bundok ng Peor, ang mga gawain ng mga hindi kumikilala sa Dios ay isinasagawa na sa kampamento ng Israel. Ang matandang pinuno ay napuno ng galit, at ang galit ng Dios ay nag-alab. MPMP 536.1

Ang kanilang pagsalaysay ay gumawa para sa Israel ng hindi ma- gagawa ng lahat ng pang-eengkanto ni Balaam—inihiwalay nila sila mula sa Dios. Sa pamamagitan ng mabilis na dumarating na hatol ay nagising ang bayan sa kasamaan ng kanilang kasalanan. Isang kaki- lakilabot na salot ang kumalat sa kampamento, na kung saan sampu- sampung mga libo ang mabilis na nabiktima. Ipinag-utos ng Dios na ang mga namuno sa pagtalikod ay patayin ng mga hukom. Ang utos na ito ay mabilis na isinakatuparan. Ang mga nangagkasala ay pina- tay, ang kanilang mga bangkay ay ibinitin upang makita ng buong Israel, upang ang kapisanan, sa pagkakita na gano'n kalupit ang ginawa sa mga pinuno, ay nagkaroon ng malalim na pagkadama sa pagka- suklam ng Dios sa kanilang kasalanan at sa kakilabutan ng Kanyang galit laban sa kanila. MPMP 536.2

Ang lahat ay nakadama na ang parusa ay makatuwiran, at ang bayan ay nagmadaling nagtungo sa tabernakulo, luhaan at may malalim na pagpapakumbaba ay ipinagtapat ang kanilang kasalanan. Samantalang sila ay gano'ng umiiyak sa harap ng Dios, sa pinto ng tabernakulo, samantalang ang salot ay gumagawa pa ng gawain noon ng pagpatay, at isinasakatuparan pa ng mga hukom ang kakilakilabot na ipinag-utos sa kanila, si Zimri, na isa sa mga prinsipe ng Israel, ay walang takot na nagtungo sa kampamento, na kasama ang isang patotot na Midianita, na isang prinsesa “sa bayan ng isang sangba- hayan ng mga magulang sa Madian,” na kanyang isinama sa kanyang tolda. Wala pa kailan mang kasamaan ang naging ganoon kalantaran at higit na may katigasan ng ulo. Lango sa alak, ay “ipinahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma,” at lumuwalhati sa kanyang kahihiyan. Ang mga saserdote at ang mga pinuno ay nag- patirapa sa lungkot at pagkapahiya, na umiiyak “sa pagitan ng malaking pintuan at ng dambana,” at nakikiusap sa Panginoon na iligtas ang Kanyang bayan, at huwag ibigay ang Kanyang lahi sa kahihiyan, nang ang prinsipeng ito sa Israel ay magwagayway ng kanyang kasalanan sa paningin ng kapisanan, na tila nilalabanan ang paghihiganti ng Dios at pinagtatawanan ang mga hukom ng bayan. Si Phinees, ang anak ni Eleazar na punong saserdote, ay tumindig mula sa kapisanan, at pagkakuha ng isang sibat, “siya'y naparoon sa likod ng Making Israelita sa loob ng tolda,” at kapwa niya sinaksak ang dala- wa. Sa gano'ng paraan ang salot ay napigil, samantalang ang saserdote na nagsakatuparan ng hatol ng Dios ay pinarangalan sa harap ng buong Israel, at ang pagkasaserdote ay pinagtibay sa kanya at sa kanyang sambahayan magpakailanman. MPMP 536.3

“Pinawi ni Phinees...ang Aking galit sa mga anak ni Israel,” ang pahayag ng Dios; “kaya't sabihin mo, Narito, Ako'y nakikipagtipan sa kanya tungkol sa kapayapaan: at magiging kanya, at sa kanyang binhi pagkamatay niya, ang tipan ng pagkasaserdoteng walang hanggan; sapagkat siya'y nagsikap sa kanyang Dios, at tumubos sa mga anak ni Israel.” MPMP 537.1

Ang mga hatol na pinarating sa Israel dahil sa kanilang kasalanan sa Shittim, ay pumuksa sa mga nalabi sa malaking grupo, na, halos apat na pung taon ang nakalipas, ay pinatawan ng hatol na, “Sila'y mamamatay na walang pagsala sa ilang.” Sa pagbilang sa mga tao ayon sa ipinag-utos ng Dios, nang sila ay magkampamento sa mga kapatagan ng Jordan, ay nahayag na “sa kanila na ibinilang ni Moises at ni Aaron na saserdote, na bumilang ng mga anak ni Israel sa ilang ng Sinai,...walang natira kahit isang tao sa kanila, liban kay Caleb na anak ni Jephone, at kay Josue na anak ni Nun.” Mga Bilang 26:64, 65. MPMP 537.2

Hinatulan ng Dios ang Israel dahil sa pagsunod sa mga pang-aakit ng mga Medianita; subalit ang mga nang-akit ay hindi makatatakas sa galit ng hatol ng Dios. Ang mga Amalekita na lumusob sa Israel sa Rephidim, na pumatay doon sa mga mahina at pagod na nasa huli- hang hukbo, ay matagal bago pinarusahan; subalit ang mga Medianita na umakit sa kanila upang magkasala, ay kaagad ipinaramdam sa kanila ang hatol ng Dios, bilang higit na mapanganib na mga kaa- way. “Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Medianita,” (Mga Bilang 31:2), ang iniutos ng Dios kay Moises; “pagkatapos nito'y malalakip ka sa iyong bayan.” Ang utos na ito ay kaagad isinakatuparan. Isang libong mga lalaki ang pinili mula sa bawat lipi, at sinugo sa ilalim ng pamumuno ni Phinees. “At binaka nila ang Madian, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.... At pinatay nila ang mga hari sa Madian maliban sa iba pang namatay;...na kasama ng mga napatay na limang hari sa Madian: si Balaam man na anak ni Beor ay kanilang pinatay ng tabak” Talatang 7, 8. Ang mga babae rin na nabihag ng mga sumalakay na hukbo, ay pinatay sa pag-uutos ni Moises, bilang pinakamakasalanan at pinakamapanganib sa mga kalaban ng Israel. MPMP 537.3

Gano'n ang naging wakas ng mga nagpanukala ng masama laban sa bayan ng Dios. Wika ng mang-aawit: “Ang mga bansa ay nangahulog sa balon na kanilang ginawa: sa silo na kanilang ikinubli ay kanilang sariling paa ang nahuli.” Mga Awit 9:15. “Sapagkat hindi itatakwil ng Panginoon ang Kanyang bayan, ni pababayaan man niya ang Kanyang mana. Sapagkat kahatulan ay babalik sa katuwiran.” Kapag ang mga tao ay “nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid,” dadalhin ng Panginoon “sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan.” Mga Awit 94:14, 15,21,23. MPMP 538.1

Nang si Balaam ay tawagan upang sumpain ang mga Hebreo, hindi niya magawa sa pamamagitan ng kanyang mga pang-eengkanto, ang maghatid ng kasamaan sa kanila; sapagkat ang Panginoon ay “walang nakitang kasamaan sa Jacob, ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel.” Mga Bilang 23:21, 23. Subalit nang sa pamamagitan ng pa sangayon sa tukso ay kanilang nilabag ang kautusan ng Dios, ang kanilang pananggalang ay humiwalay sa kanila. Kapag ang bayan ng Dios ay tapat sa kanyang mga utos, “walang enkanto laban sa Jacob, ni panghuhula laban sa Israel.” Kaya't ang lahat ng kapangyarihan at katusuhan ni Satanas ay ginagamit upang sila ay maakit tungo sa pagkakasala. Kung yaong mga nag-aangking tagapag-ingat ng kautusan ng Dios, ay maging tagapagsalangsang sa mga ipinag-uutos noon, kanilang inihihiwalay ang kanilang sarili mula sa Dios, at hindi sila makatitindig sa harap ng kanilang mga kaaway. MPMP 538.2

Ang mga Israelita, na hindi maaring madaig sa pamamagitan ng mga sandata o sa pamamagitan ng pang-eengkanto ng Madian, ay nahulog na biktima ng kanyang mga patutot. Gano'n ang kapangyarihan ng babae, sa ilalim ng paglilingkod kay Satanas, sa pagsilo at pagpatay ng mga kaluluwa. “Kanyang inihiga ang maraming may sugat: Oo, lahat niyang pinatay ay isang makapangyarihang hukbo.” Kawikaan 7:26. Sa gano'ng paraan ang mga anak ni Set ay naakit mula sa kanilang katapatan, at ang banal na binhi ay nadungisan. Gano'n ding paraan tinukso si Jose. Gano'n din ipinahamak ni Samson ang kanyang lakas, ang pananggalang ng Israel, sa mga kamay ng mga Filisteo. Dito si David ay nabuwal. At si Salomon, ang pinakamatalino sa mga hari, na tatlong beses na tinawag na sinisinta ng kanyang Dios, ay naging alipin ng silakbo ng damdamin, at isinakripisyo ang kanyang katapatan sa gano'n ding nakagagayumang kapangyarihan. MPMP 539.1

“Ang mga bagay na ito nga'y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon. Kaya't ang may akalang siya'y nakatayo, mag-ingat na baka: mabuwal.” 1 Corinto 10:11, 12. Alam na alam ni Satanas kung paano niya pakikitunguhan ang puso ng tao. Alam niya—sapagkat matindi niyang pinag-aralan na may pagkademonyo sa loob ng libu-libong mga taon—ang mga bahagi na pinakamadaling makikilos sa bawat tao; at sa maraming sunud-sunod na mga henerasyon ay pinabagsak ang pinakamalakas na mga lalaki, mga prinsipe sa Israel, sa pamamagitan ng gano'n ding mga pang-akit na naging matagumpay sa Baal-peor. Habang daan sa buong panahon ay nagkalat ang marami na nangabuwal sa mga bato ng pagbibigay laya sa pita ng laman. Sa ating paglapit sa pagtatapos ng panahon, samantalang ang bayan ng Dios ay naghihintay sa mga hangganan ng makalangit na Canaan, si Satanas, tulad ng una ay dadagdagan ang kanyang pagsisikap upang mahadlangan ang kanilang pagpasok sa mabuting lupain. Inilalagay niya ang kanyang mga pangsilo sa bawat kaluluwa. Hindi lamang ang mga walang alam at hindi nakapag- aral ang kinakailangang mabantayan; kanya ring ihahanda ang kanyang mga pang-akit para doon sa mga nasa matataas na tungkulin, sa pinakabanal na gawain; kung kanya silang maaakit na dungisan ang kanilang kaluluwa, ay magagawa niyang sa pamamagitan nila ay ipahamak ang marami. At ginagamit rin niya ang mga paraan na ginamit niya tatlong libong taon na ang nakalipas. Sa pamamagitan ng makamundong pakikipagkaibigan, ng mga pang-akit ng kagan- dahan, ng pagsunod sa katuwaan, pagsasaya, kainan, o ng pag-inom ng alak, nang-aakit siyang labagin ang ikapitong utos. MPMP 539.2

Inakit ni Satanas ang Israel sa kahalayan bago niya inakay sila sa pagsamba sa diyus-diyusan. Yaong mga maglalapastangan sa wangis ng diyus at dudungisan ang Kanyang templo sa sarili nilang pagkatao ay hindi mag-aatubiling malapastangan ang Dios sa pagbibigay-lugod sa ninanasa ng kanilang mga pusong ubod ng sama. Ang pagbibigay laya sa pita ng laman ay nakapagpapahina ng pag-iisip at nakapag- pababa ng kaluluwa. Ang mga kapangyarihang may kinalaman sa moralidad at sa pag-iisip ay napapapurol at pinahihina ng pagbibigay lugod sa pita ng laman; at imposible para sa isang alipin ng kahalayan ang mabatid ang banal na pananagutan sa kautusan ng Dios, upang maunawaan ang pagtubos, o ang magkaroon ng tamang pagpa- pahalaga sa kaluluwa. Ang kabutihan, kadalisayan, at katotohanan, paggalang sa Dios, at pag-ibig sa mga banal na bagay—lahat ng mga banal ng pagsinta at marangal na pagnanasa na nag-uugnay ng mga tao sa makalangit na daigdig—ay nilalamon sa apoy ng pagnanasa. Ang kaluluwa ay nagiging isang maitim at malungkot na kasiraan, na tirahan ng masasamang espiritu, at “kulungan ng bawat karumal- dumal at kasuklam-suklam na mga ibon.” Ang mga kinapal na nilalang sa wangis ng Dios ay nakaladkad pababa na kapantay ng mga hayop. MPMP 540.1

Sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga sumasamba sa mga diyus-diyusan at pagsama sa kanilang mga kapistahan ang mga Hebreo ay naakay sa pagsalangsang sa kautusan ng Dios, at naghatid ng Kanyang mga hatol sa bayan. Kaya't gano'n din naman ngayon sa pamamagitan ng pag-akay sa mga tagasunod ni Kristo upang makisalamuha sa mga hindi kumikilala sa Dios at makiisa sa kanilang mga kasiyahan, si Satanas ay nagiging pinakamatagumpay sa pag-akit sa kanila tungo sa kasalanan. “Kaya nga, magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo, sabi ng Panginoon, at huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi.” 2 Corinto 6:17. Ipinag-uutos ng Dios ngayon sa Kanyang bayan bilang isang malaking kaibahan sa sanli- butan, sa kaugalian, mga gawain, mga prinsipyo, ang ipinag-utos Niya sa Israel noong una. Kung tapat nilang susundin ang mga itinuturo ng Kanyang salita, ang pagkakaibang ito ay mananatili; hindi maaring hindi. Ang mga babala na ibinigay sa mga Hebreo laban sa pakikisalamuha sa mga hindi kumikilala sa Dios ay hindi higit na tapatan o malinaw kaysa sa pagbabawal sa mga Kristiyano sa pagsang-ayon sa espiritu at kaugalian ng mga hindi maka-Dios. Si Kristo ay nagsasalita sa atin, “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanlibutan, ay wala sa kanya ang pag-ibig ng Ama.” 1 Juan 2:15. “Ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipag-away sa Dios. Sinoman ngang mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Dios.” Santiago 4:4. Ang mga tagasunod ni Kristo ay kinakailangang humiwalay sa mga makasalanan, na pinipili lamang na makisama sa kanila kung may pagkakataong sila ay magawan ng mabuti. Hindi maaaring lumabis ang ating kapasyahang umiwas sa pakikisama doon sa ang impluwensya ay nakapagpapalayo sa atin sa Dios. Samantalang ating idinadalangin, “Huwag Mo kaming ihatid sa tukso,” kinakailangang tayo ay umiwas sa tukso, hanggang sa pinakamalayong pag-iwas na maaari. MPMP 540.2

Panahon noon na ang mga Israelita ay nasa isang kalagayan ng panlabas na kaginhawahan at katiwasayan nang sila ay maakay tungo sa kasalanan. Kinaligtaan nilang panatilihing ang Dios ang palaging nasa kanilang harapan, kinaligtaan nila ang pananalangin, at minahal nila ang espiritu ng pagtitiwala sa sarili. Ang kaginhawahan at ang pagbibigay lugod sa sarili ang nag-alis ng pananggalang ng kaluluwa, at ang mahalay na mga kaisipan ay nagkaroon ng pagkakataong makapasok. Ang mga taksil na nasa loob ng mga bakod ang nagpabagsak sa mga patibayan ng prinsipyo at nagkanulo sa Israel upang mapasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Sa ganoon ring paraan sinisikap ni Satanas na ipahamak ang kaluluwa. Isang mahabang paraan ng paghahanda, na hindi alam ng sanlibutan, ang nagaganap sa puso bago gumawa ng pagkakasala ang isang Kristiyano. Ang isip ay hindi biglang bumababa mula sa kadalisayan at kabanalan tungo sa kasalaulaan, kabulukan, at krimen. Gumugugol din ng panahon ang pagsira doon sa mga nilikha sa wangis ng Dios upang maging malupit o parang demonyo. Sa pamamagitan ng pagmamasid, tayo ay nababago. Sa pamamagitan ng pagbibigay daan sa maruruming mga kaisipan, ay sinasanay ng tao ang kanyang isip upang ang kasalanan na dati ay kanyang kinamumuhian ay maging kaakit-akit sa kanya. MPMP 541.1

Ginagamit ni Satanas ang bawat paraan upang ang krimen at ang nakasisirang mga bisyo ay maging pangkaraniwan. Hindi tayo makalalakad sa mga lansangan ng mga lungsod na hindi makakakita ng malinaw na pagtatanyag ng krimen sa isang nobela, o sa ilang sinehan. Ang isip ay nagkakaroon ng kasanayan sa kasalanan. Ang sumpang nilakaran ng napakahamak at marumi ay inihaharap sa mga tao sa pangaraw-araw na mga pahayagan, at ang lahat na maaaring makakilos sa pita ng laman ay inihaharap sa kanila sa mga kasaysayang nakasisindak. Naririnig nila at nakababasa ang maraming mahalay na mga krimen, ano pa't ang dating musmos na konsyensya, na sana'y masisindak sa gano'ng mga pangyayari ay nagiging matigas at kanilang pinag-uukulan ng pansin ang mga bagay na ito na may sugapang pananabik. MPMP 542.1

Marami sa mga aliwan na kilala sa sanlibutan ngayon, maging noong mga nag-aangking mga Kristiano, ay humahantong sa kinahahantungan noong sa mga hindi kumikilala sa Dios. Kakaunti lamang sa mga iyon ang hindi ibinibilang ni Satanas sa pagpapahamak sa mga kaluluwa. Sa pamamagitan ng drama ay kumilos siya sa maraming mga panahon upang kilusin ang pita ng laman at luwalhatiin ang bisyo. Ang opera, na may magagandang ipinakikita at nakaaaliw na mga tugtugin, ang pagbabalatkayo, ang sayaw, ang baraha, ay ginagamit ni Satanas upang sirain ang prinsipyo, at buksan ang pinto sa pagbibigay laya sa pita ng laman. Sa bawat pagtitipon para sa kaligayahan kung saan ang kapalaluan ay itinatanyag o ang panglasa ay binibigyang laya, kung saan ang isa ay naaakay upang lumimot sa Dios at mawalan ng paningin sa mga walang hanggang mga bagay, doon ay ipinupulupot niya ang kanyang panggapos sa kaluluwa. MPMP 542.2

“Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap,” ang payo ng pantas na lalaki; “sapagkat dinadaluyan ng buhay.” Kawikaan 4:23. “Kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya.” Kawikaan 23:7. Ang puso ay kinakailangang mabago ng biyaya ng Dios, kung hindi ay mawawalan ng saysay ang pagsisikap na magkaroon ng dalisay na buhay. Siya na nagsisikap magtatag ng isang marangal, at mabuting pagkatao hiwalay sa biyaya ni Kristo, ay nagtatayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Sa matinding mga bagyo ng tukso, iyon ay tiyak na maibabagsak. Ang dalangin ni David ay kinakailangang maging dalangin ng bawat kaluluwa: “Likhaan mo ako ang isang malinis na puso, Oh Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.” Mga Awit 51:10. At dahil kabahagi na ng makalangit na kaloob, tayo ay kinakailangang magpatuloy tungo sa kasakdalan, sapagkat tayo ay “iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas.” 1 Pedro 1:5. MPMP 542.3

Gano'n pa man tayo ay mayroong gawain upang labanan ang tukso. Yaong mga hindi nagnanais mahulog sa mga tukso ni Satanas ay kinakailangang magbantay ng mabuti sa mga pangdama ng kaluluwa; kinakailangang umiwas sila sa pagbabasa, pagtingin, o pakikinig sa mga bagay na magmumungkahi ng maruming kaisipan. Ang isip ay hindi kinakailangang pabayaan sa kung anong isipan na lamang ang imungkahi ng kaaway ng kaluluwa. “Kaya't inyong bigkisin ang mga baywang ng inyong pag-iisip,” wika ni Apostol Pedro, “na huwag kayong mangag-asal na ayon sa inyong dating masasamang pita nang kayo'y nasa kawalang kaalaman; ngunit yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay.” 1 Pedro 1:13-15. Wika ni Pablo, “Ano mang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.” Filipos 4:8. Ito ay mangangailangan ng taimtim na pagdalangin at pagiging mapagpuyat. Tayo ay kinakailangang matulungan ng nananahang paglilingkod ng Banal na Espiritu, na siyang aakit sa isip paitaan, at sasanayin iyong manahan sa mga dalisay at banal na mga bagay. At tayo ay kinakailangang magkaroon ng masusing pag-aaral sa Salita ng Dios. “Sa paano lilinisin ng isang binata ang kanyang daan? Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita.” “Ang salita Mo” wika ng mang-aawit, “ay aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo.” Mga Awit 119:9, 11. MPMP 543.1

Ang kasalanan ng Israel sa Beth-peor ay naghatid ng mga hatol ng Dios sa bayan, at bagaman ang gano'n ding mga kasalanan ay maaaring hindi kaagad maparusahan, ang mga iyon ay tiyak na magkakaroon ng kaparasahan, ang mga iyon ay tiyak na magkakaroon ng kapa- rusahan. “Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios.” 1 Corinto 3:17. Ang kalikasan ay nakapagkapit ng kakilak- ilabot na mga parusa sa mga krimen na ito, mga parusa na kaagad- agad o pagkalipas ng panahon, ay ilalapat sa bawat nagkasala. Ang mga kasalanang ito ang higit sa iba ay naging sanhi ng pagbaba ng ating lahi, at ng tindi ng salat at kahirapan na isinumpa sa sanlibutan. Ang tao ay maaaring magtagumpay sa paglilihim ng kanilang kasalanan mula sa kanilang kapwa, subalit tiyak na kanila ring aani- hin ang bunga noon, sa kahirapan, karamdaman, panghihina ng kai- sipan, o kamatayan. At sa kabila ng buhay na ito ay naroon ang paglilitis sa Hukuman, at ang gantimpala ng walang hanggang kaparusahan. “Ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios,” sa halip ay kasama ni Satanas at ng masasamang mga anghel ay magkakaroon ng bahagi sa “dagat- dagatang apoy” na siyang “ikalawang kamatayan.” Galacia 5:21; Apocalipsis 20:14. MPMP 543.2

“Ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kanyang bibig ay madulas kay sa langis: ngunit ang kanyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.” Kawikaan 5:3, 4. “Ilayo mo ang iyong lakad sa kanya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kanyang bahay: baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid; at ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw.” Talata 8-11. “Ang kanyang bahay ay kumikiling sa kamatayan.” “Walang naparoroon sa kanya na bumabalik uli.” Kawikaan 2:18, 19. “Ang mga panauhin niya ay nangasa mga kalaliman ng Sheol.” Kawikaan 9:18. MPMP 544.1