PAGLAPIT KAY KRISTO
Naparito siya upang tayo’y matubos
Upang tayo’y matubos ay nabuhay, nagbata at namatay si Kristo. Siya’y naging isang “Tao sa kapanglawan,” upang makabahagi tayo ng walang-hanggang katuwaan. Pinahintulutan ng Diyos na ang Kanyang sinisintang Anak, puspos ng biyaya at katotohanan, buhat sa isang sanlibutang hindi mailarawan ang kaluwalhatian, ay pumarito sa isang sanlibutang dinungisan ng kasalanan, at pinadilim ng kamatayan at ng sumpa. Pinahintulutan Niyang iwan ang sinapupunan ng Kanyang pag-ibig, ang pagsamba ng mga anghel, upang magbata ng kahihiyan, tuya, paghamak, poot, at kamatayan. “Ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa Kanya; at sa pamamagitn ng Kanyang mga latay ay nagsigaling tayo.” Isaias 53:5. Masdan ninyo Siya sa ilang, sa Getsemane, sa krus! Pinasan ng walang dungis na Anak ng Diyos ang bigat ng kasalanan. Siyang nakasama ng Ama ay nakaramdam sa Kanyang kaluluwa ng kakila-kilabot na pagkakahiwalay ng Diyos at ng tao, dahil sa gawa ng kasalanan. Ito ang naging dahil kung kaya namutawi sa Kanyang mga labi ang kalungkut-lungkol na panambitan: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” Mateo 27:46. Ang bigat ng kasalanan, ang pagkadama sa nakapangingilabot na kalakihan nito, at ang paghihiwalay na ginawa sa tao at sa Diyos—ito ang nagwindang sa puso ng Anak ng Diyos. PK 15.2