PAGLAPIT KAY KRISTO

92/147

Gumawa sa dakong kinaroroonan

Hindi na kinakailangang magsitungo pa tayo sa lupain ng mga pagano, o lisanin ang sariling tahanan kung sa sarili’y mayroon pa tayong mga tungkuling nararapat gampanan para kay Kristo. Ang tungkuling iyan ay magagawa natin kahi’t sa ating tahanan, sa iglesiya, sa mga kakaumpok natin, at sa mga nakikipagkalakalan sa atin. PK 112.2

Lalong malaking bahagi ng kabuhayan ng ating Tagapagligtas dito sa ibabaw ng lupa ang ginugol Niya sa matiyagang pag-aanluwagi sa Nasaret. Mga anghel na naglilingkod ang umakbay sa Panginoon ng buhay, sa Kanyang paglalakad na kasabay-sabay ng mga magbu- bukid at mga manggagawa na hindi Siya nakikilala at di pinararangalan. Maging Siya’y gumagawa sa Kanyang mababang hanap-buhay o Siya man ay nagpapagaling ng mga maysakit o lumalakad sa ibabaw ng maunos na dagat ng Galilea, ay matapat Niyang ginanap ang layuning kanyang ipinarito. Kaya nga, sa mga abang tungkulin at lagay ng pamumuhay, ay maaaring tayo’y lumakad at gumawang kasama ni Jesus. PK 112.3

Sinasabi ng apostol: “Bawa’t isa’y manatili sa Diyos sa kalagayang itinawag sa kanya.” 1 Corinto 7:24. Ang mangangalakal ay maaaring makapangalakal sa isang kaparaanang makaluluwalhati sa Kanyang Panginoon, dahil sa kanyang pagtatapat. Kung siya’y tunay na alagad ni Kristo, ay dadalhin niya ang kanyang pananampalataya sa lahat niyang ginagawa, at ihahayag niya sa mga tao ang espiritu ni Kristo. Ang mekaniko ay maaaring maging isang masipag at tapat na kinatawan Niya na gumawa ng mababang mga gawain sa gitna ng mga gulod ng Galilea. Bawa’t isang nagtataglay ng pangalan ni Kristo ay dapat gumawa ng gayon na lamang, na anupa’t sa pagkakita ng mga iba sa kanyang mabubuting gawa, ay luluwalhatiin nila yaong Lumalang at Tumubos sa kanila. PK 113.1