PAGLAPIT KAY KRISTO

91/147

Upang lumago sa biyaya

Ang paraan lamang upang lumago sa biyaya ay ang gawin ng walang bahid kasakiman yaong ipinagagawa sa atin ni Kristo—gumawa ng ayon sa ating kakayahan sa pagtulong at pagpapala roon sa mga nangangailangan ng ating maitutulong. Ang lakas ay tinatamo sa pamamagitan ng pagbabatak; ang paggawa ang siya ngang kondisyon ng buhay. Yaong mga nagsisikap na mapamalagi ang buhay-kristiyano sa pamamagitan ng palagi na lamang na pagtanggap ng mga pagpapalang dala ng biyaya, at walang anumang ginawa para kay Kristo, ay ibig mabuhay na lamang upang kumain na di gumagawa. At sa mga bagay na ukol sa espiritu, kung paano sa mga bagay ng kalikasan, ang di paggawa ay palaging nagbubunga ng panghihina at pagkakasakit. Ang isang taong ayaw magbatak ng kanyang mga kamay at mga paa ay hindi magluluwat at hindi na niya magagamit pa ang mga ito. Ganyan din naman, ang Kristiyanong hindi gumagamit ng mga kapangyarihang sa kanya’y ibinigay ng Diyos, hindi lamang di siya aabot kay Kristo, kundi naaalis pa ang lakas na nasa kanya. PK 111.1

Ang iglesiya ni Kristo ay siyang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas sa mga tao. Ang gawain niya ay ang maglaganap ng ebanghelyo sa sanlibutan. At sa lahat ng Kristiyano ay nabababaw ang tungkulin. Bawa’t isa, ayon sa naaabot ng kanyang talento at panahon, ay kailangang umalinsunod sa bilin ng Tagapagligtas. Ang pag-ibig ni Kristo, na nahahayag sa atin, ay siyang dahil ng pagkakautang natin sa lahat ng hindi nakakakilala sa Kanya. Binigyan tayo ng ilaw ng Diyos, hindi para sa atin lamang, kundi upang itanglaw din naman sa kanila. PK 111.2

Kung ginaganap lamang ng mga sumusunod kay Kristo ang kanilang tungkulin, sana’y libu-libo ang nangangaral ngayon ng ebanghelyo sa pinangangaralan ng iisa lamang sa lupain ng mga pagano. At ang lahat ng hindi makasama sa paggawa ay tutulong din sa pamamagitan ng salapi, pakikiramay, at panalangin. Dahil dito’y lalong aalab ang kasipagan ng mga bayang Kristiyano upang umakit ng mga kaluluwa para sa Diyos. PK 112.1