PAGLAPIT KAY KRISTO
Sampalatayanan ang pangako
Naipahayag na ninyo ang inyong mga kasalanan, at naalis na ninyo sa inyong puso. Naipasiya na ninyong ibigay ang inyong sarili sa Diyos. Ngayo’y lumapit kayo sa Kanya, at ipamanhik ninyong hugasan Niya ang lahat ninyong kasalanan, at bigyan kayo ng isang bagong puso. Sampalatayanan ninyong ito’y ginagawa Niya sapagkat Kanyang ipinangako. Ito ang aral na itinuro ni Jesus noong Siya’y narito sa ibabaw ng lupa; na ang kaloob na ipinangangakong ibibigay sa atin ng Diyos ay dapat nating sampalatayanang tinatanggap natin, at magiging atin. Pinagaling ni Jesus ang karamdaman ng mga tao, noong manampalataya sila sa Kanyang kapangyarihan; tinulungan Niya sila sa bagay na kanilang nakikita, na sa gayo’y pinasigla silang magtiwala sa Kanya tungkol sa mga bagay na di nila nakikita—inakay silang manampalataya sa Kanyang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan. Ito’y malinaw Niyang ipinahayag nang Kanyang pagalingin ang lalaking lumpo: “Upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao’y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga Niya sa lumpo,) Magtindig ka buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.” Mateo 9:6. Ganyan din naman ang sinabi ni Juan ebanghelista, nang saysayin niya ang mga kababalaghang ginawa ni Kristo: “Ang mga ito’y nangasusulat, upang kayo’y mangagsisampalataya na si Jesus ay ang Kristo, ang Anak ng Diyos; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa Kanyang pangalan.” Juan 20:31. PK 69.1
Mula sa malinaw na salaysay ng Biblia na kung paano nagpagaling si Jesus ng mga maysakit, ay matututuhan natin ang paraan ng pagsampalataya sa Kanya sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Balingan natin ang buhay ng lumpo sa Bethesda. Ang kaawaawang tao ay walang magawa; tatlumpu’t walong taon na hindi niya ginamit ang kanyang kamay at paa. Gayon ma’y sinabi sa kanya ni Jesus: “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at ikaw ay lumakad.” Maaaring sinabi sana ng lumpo: “Panginoon, kung Iyo akong pagagalingin, susundin ko ang Iyong salita. Nguni’t hindi kundi sinampalatayanan niya ang salita ni Kristo, sinampalatayanan niyang siya’y pinagaling, at nagsikap siya agad; ipinasiya niyang lumakad, at siya’y nakalakad. Sinunod niya ang salita ni Kristo, at binigyan siya ng Diyos ng lakas. Siya’y gumaling. PK 70.1