PAGLAPIT KAY KRISTO
Kabanata 6—Pananampalataya at pagtanggap
Pagkatapos na mabuhay ng Banal na Espiritu ang inyong budhi, ay nakakita na kayo ng kasamaan ng kasalanan, ng kapangyarihan nito, karumihan, at kaabaan; at iya’y inyong kinasusuklaman na. Nararanasan ninyong ang kasalanan ay siyang sa inyo’y naglayo sa Diyos, at kayo’y inaalipin ng kapangyarihan ng masama. Kung kailan ninyo pinagsisikapang makaiwas ay lalo naman ninyong nakikilala ang inyong kahinaan. Ang inyong mga layunin ay hindi malinis; ang inyong puso ay marumi. Nakikita ninyong ang inyong kabuhayan ay napuno ng kasakiman at kasalanan. Nasasabik kayo na patawarin, linisin at palayain. Pakikiayon sa Diyos, pakikitulad sa Kanya—ano ang inyong magagawa upang iya’y kamtin? PK 67.1
Kapayapaan ang inyong kinakailangan—kapatawaran ng Langit at kapayapaan at pag-ibig sa inyong kaluluwa. Iya’y hindi mabibili ng salapi, hindi makukuha ng pang-unawa, hindi maaabot ng karunungan; hindi ninyo maaasahang iya’y makukuha sa pamamagitan ng sarili ninyong pagsisikap. Datapuwa’t iniaabot sa inyo ng Diyos na tulad sa isang kaloob, na “walang salapi at walang bayad.” Isaias 55:1. Sa inyo ito kung inyo lamang aabutin at kukunin. Sinasabi ng Panginoon na, “baga man ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niyebe; baga man maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa.” Isaias 1:18. “Bibigyan Ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan Ko ang loob ninyo ng bagong diwa.” Ezekiel 36:26. PK 67.2