PAGLAPIT KAY KRISTO
Paano ang pagsuko?
Marami ang nagtatanong: “Paano ko isusuko sa Diyos ang aking sarili?” Ibig ninyong ibigay sa Kanya ang inyong sarili, datapuwa’t mahina ang inyong kalooban, naaalipin kayo ng pag-aalinlangan, at pigil-pigil ng pinagkamihasnan ng inyong likong kabuhayan. Ang inyong mga pangako at kapasiyahan ay tulad sa mga lubid na buhangin. Hindi ninyo mapigil ang inyong mga pag-iisip, ang mga udyok ng inyong kalooban at ang inyong mga pagnanasa. Pagka naalaala ninyo ang nasira ninyong mga pangako at napabayaang mga panata ay humihina ang inyong pagtitiwala sa inyong sariling katapatan, at ipinalalagay ninyo na kayo’y hindi matatanggap ng Diyos; datapuwa’t huwag kayong mawalan ng pag-asa. Ang kinakailangan ninyong maalaman ay ang tunay na lakas ng loob. Iyan ang kapangyarihang naghahari sa katutubo ng tao, ang kapangyarihan ng pagpapasiya o ng pamimili. Lahat ay nasasalig sa matuwid na pagkilos ng kalooban. Ang kapangyarihan ng pamimili ay ibinigay ng Diyos sa mga tao; ito ay kanila upang gamitin. Hindi ninyo mababago ang inyong puso, at sa ganang inyo lamang ay hindi ninyo maibibigay sa Diyos ang pag-ibig ng pusong iyan, datapuwa’t mapipili ninyo ang maglingkod sa Kanya. Maibibigay ninyo sa Kanya ang inyong kalooban, at kung magkagayo’y gagawa Siya sa inyo upang kayo’y magkusang gumawa ng ayon sa Kanyang mabuting kalooban. Sa ganya’y ang buo ninyong pagkatao ay sasa ilalim ng kapamahalaan ng Espiritu ni Kristo; Siya ang magiging hantungan ng inyong pagibig, at ang inyong mga pag-iisip ay magiging kasangayon Niya. PK 64.1