PAGLAPIT KAY KRISTO

52/147

Ang ating ikabubuti

Hindi hinihingi ng Diyos na ating iwaksi ang ano mang bagay na ikabubuti natin kung ating tangkilikin. Sa lahat ng Kanyang ginagawa ay inaalaala Niya ang ikabubuti ng Kanyang mga anak. Makilala nawa ng lahat ng hindi pa tumatanggap kay Kristo na mayroon Siyang iniaalay sa kanila na lalong mabuti kay sa sinisikap nilang matamo para sa kanilang mga sarili. Napakalaking kasiraan at kapahamakan ang ginagawa ng tao sa kanyang sariling kaluluwa, kung ang kanyang iniisip at ginagawa ay kalaban ng kalooban ng Diyos. Walang tunay na katuwaang matatagpuan sa landas na ipinagbabawal Niya na nakakaalam kung ano ang pinakamabuti at nagpapanukala ng ikabubuti ng Kanyang mga kinapal. Ang landas ng pagsalansang ay siyang landas ng kahirapan at pagkapahamak. PK 63.2

Kamalian ang akalaing nalulugod ang Diyos na makitang naghihirap ang Kanyang mga anak. Ang buong sankalangitan ay nagnanais na lumigaya ang tao. Hindi ipinipinid ng ating Amang nasa langit ang mga daan ng katuwaan sa alin mang nilalang Niya. Ang hinihingi sa atin ng Diyos ay talikdan natin yaong mga gawang pagmamalabis na magdudulot sa atin ng hirap at pagkabigo, at magpipinid ng pinto ng kaligayahan at ng kalangitan. Tinatanggap ng Manunubos ng sanlibutan ang mga tao anuman ang kanilang kalagayan, dala ang lahat nilang kakulangan, kapintasan, at kahinaan; at hindi lamang linilinis Niya sila sa kanilang kasalanan at nagbibigay ng katubusan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, kundi bibigyan din naman Niya ng kasiyahan ang nasasabik na puso niyaong mga laang magpasan ng Kanyang pamatok, at magdala ng Kanyang pasanin. Ang Kanyang layunin ay magbigay ng kapayapaan at kapahingahan sa lahat ng lumalapit sa Kanya at humihingi ng tinapay ng buhay. At hinihingi Niyang ganapin natin yaon lamang mga tungkuling aakay sa ating mga hakbang sa mataas na dako ng kaligayahan na hindi maabot kailan man ng masuwayin. Ang tunay at maligayang kabuhayan ng kaluluwa ay ang mabuo si Kristo sa kalooban, na siyang pag-asa ng kaluwalhatian. PK 63.3