PAGLAPIT KAY KRISTO
Ang pag-asa ng makasalanan
Ani Jesus: “Ako, kung Ako’y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin Ko sa Akin din.” Juan 12:32. Sa makasalanan ay dapat ipakilala si Kristo, na siya ang Tagapagligtas na namatay dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan; at habang tinitingnan natin ang Kordero ng Diyos sa krus ng Kalbariyo, ay unti-unti namang nalaladlad sa ating mga pag-iisip ang hiwaga ng pagtubos, at inaakay tayo sa pagsisisi ng kabutihan ng Diyos. Sa pagkamatay ni Kristo dahil sa mga makasalanan, ay nagpakita Siya ng isang pag-ibig na hindi malirip; at sa pagtingin ng makasalanan sa pag-ibig na iyan, ay lumalambot ang kanyang puso, nakikilos ang kanyang pag-iisip, at nauudyukan ang kanyang kaluluwa na magsisi. PK 34.2
Tunay ngang maminsan-minsan ay ikinahihiya ng mga tao ang kanilang mga masasamang gawa, at dahil dito’y iniiwan na nila ang ilan sa masasama nilang kaugalian, bago nila maalamang sila’y napapalapit kay Kristo. Datapuwa’t kailan man at nagsisikap silang magbagong buhay sa udyok ng isang tapat na pagnanasang gumawa ng matuwid, ay kapangyarihan ni Kristo ang sa kanila’y umaakit. Isang impluensiyang hindi nila nahahalata ang gumagawa sa kalooban, at nabubuhay ang budhi, at bumubuti ang kabuhayang hayag. At sa pag-akit sa kanila ni Kristo upang tumingin sa Kanyang krus, at masdan Siyang inulos ng kanilang mga kasalanan, ay sumisilid sa kanilang budhi ang utos. Ang katampalasanan ng kanilang pamumuhay, ang kasalanang nag-ugal sa kaluluwa, ay nahahayag sa kanila. Nakikilala nila ang katuwiran ni Kristo, at napapasigaw sila, “Ano nga ba ang kasalanan, at ito’y nangailangan ng ganitong paghahain upang matubos ang nagkasala? Ang buong pag-ibig, ang buong paghihirap, at ang buong pagpapakadustang ito kaya ay kinakailangan upang huwag tayong mangapahamak, kundi mangakaroon ng buhay na walang-hanggan?” PK 34.3