PAGLAPIT KAY KRISTO

25/147

Huwag tumutol

Maaaring tumutol ang makasalanan sa pag-ibig na ito, maaari siyang tumutol na lumapit kay Kristo; datapuwa’t pag hindi siya nagmatigas ay walang salang makakabig siya kay Jesus; ang pagkakilala niya sa panukala ng pagliligtas ay siyang sa kanya’y aakay sa paanan ng krus upang magsisi sa kanyang mga kasalanan, na nagdulot ng mga kahirapang binata ng minamahal na anak ng Diyos. PK 35.1

Ang banal na kaisipang gumagawa sa mga bagay ng katalagahan ay siya ring nagsasalita sa mga puso ng mga tao, at lumilikha ng napakalaking paghahangad na matamo ang hindi pa nila kinakamtan. Ang mga bagay ng sanlibutan ay hindi makapapawi ng kanilang pananabik. Pinamamanhikan sila ng Espiritu ng Diyos, na hanapin yaong mga bagay na tanging makapagbibigay ng kapayapaan at kapahingahan—ang biyaya ni Kristo, na ligaya ng kabanalan. Sa pamamagitan ng mga impluensiyang nakikita at hindi nakikita, ay walang likat na gumagawa ang ating Tagapagligtas upang ilayo ang pag-iisip ng mga tao sa mga hindi nakasisiyang kaligayahan ng pagkakasala, at ilipat sa mga pagpapalang hindi kumukupas kailan man, na nagiging kanila sa pangalan Niya. Sa lahat ng mga kaluluwang ito na walang kabuluhang naghahanap ng maiinom sa mga sirang sisidlan ng sanlibutang ito, ay ganito ang pabalitang ipinadala ng Diyos: “Ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” Apokalipsis 22:17. PK 35.2