PAGLAPIT KAY KRISTO
Ang pagsisisi ni judas
Napilitan lamang ang kanyang kaluluwang salarin, na ipagtapat ang kanyang kasalanan, dahil sa pagkatalos niya ng nakatatakot na hatol at pagkakita niya sa nakahihilakbot na kaparusahan. Ang mga ibubunga niyaon ay siyang sa kanya’y pumuno ng pangingilabot, datapuwa’t sa kanyang kaluluwa ay wala niyaong malalim at makadurog-pusong paghihimutok, dahil sa naipagkanulo niya ang walang dungis na Anak ng Diyos, at naitakwil niya ang Banal ng Israel. Nang si Paraon ay naghihirap sa ilalim ng mga hatol ng Diyos ay kinilala niya ang kanyang kasalanan upang makaiwas siya sa iba pang kaparusahan, datapuwa’t muling hinamon niya ang Langit kapagkarakang mapatigil ang mga salot. Nangahapis silang lahat sa mga ibinunga ng kasalanan, datapuwa’t hindi ikinalungkot ang talagang pagkakasala. PK 30.1
Datapuwa’t pagka ang puso ay napahihinuhod sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, ay mabubuhay ang budhi, at mababanaagan ng makasalanan, ang lalim at kabanalan ng banal na kautusan ng Diyos, na siyang pinagtitibayan ng Kanyang pamahalaan sa langit at sa lupa. Ang “Ilaw na lumiliwanag sa bawa’t tao na pumaparito sa sanlibutan” (Juan 1:9), ay tumatanglaw sa mga lihim na silid ng kalooban, at ang mga nakukubling bagay ng kadiliman ay nahahayag. Nasusumbatan ang puso at pag-iisip. Nababatid ng makasalanan ang Katuwiran ni Heoba, at nangingilabot siyang humarap sa Sumasaliksik ng mga puso, na taglay niya ang kasalanan at karumihan. Nakikita niya ang pag-ibig ng Diyos, ang kagandahan ng kabanalan, at ang ligaya sa kalinisan; kinasasabikan niyang maging malinis at maisauli sa pakikiisa sa langit. PK 30.2