PAGLAPIT KAY KRISTO
Kabanata 3—Pagsisisi
Paanong magiging matuwid ang tao sa Diyos? Paanong magagawang matuwid ang makasalanan? Sa pamamagitan lamang ni Kristo maaring makaayon tayo ng Diyos, at ng kabanalan; nguni’t papaano tayo lalapit kay Kristo? Marami ang nangagtatanong ng gaya rin nang isinigaw ng maraming tao noong kaarawan ng Pentekostes, nang sila’y masumbatan sa kanilang mga kasalanan: “Anong gagawin namin;” Gawa 2:37. Ang unang salita sa isinagot ni Pedro ay: “Mangagsisi kayo.” Gawa 2:38. Sa ibang pagkakataon, hindi pa naluluwatan pagkaraan nito, ay ganito ang kanyang sinabi: “Mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan.” Gawa 3:19. PK 29.1
Saklaw din ng pagsisisi ang pagkalungkot dahil sa kasalanan, at pagtalikod dito. Hindi natin tatalikdan ang pagkakasala, malibang nakikita natin ang pagkamakasalanan nito; hanggang hindi natin iyan tinatalikdang buong puso, ay hindi tayo magkakaroon ng tunay na pagbabago sa ating kabuhayan. PK 29.2
Marami ang hindi nakauunawa ng tunay na likas ng pagsisisi. Marami ang nangalulungkot na sila’y nagkasala, at gumagawa rin sila ng pagbabago sa labas, sapagka’t nangangamba silang ipaghihirap nila ang paggawa ng kamalian. Datapuwa’t ito’y hindi pagsisisi, ayon sa pakilala ng Biblia. Ikinahahapis nila ang paghihirap at hindi ang pagkakasala. Ganyan ang paghihirap ni Esau, nang makita niyang nawala na sa kanya ang karapatan ng pagkapanganay, na hindi na niya makukuha pa magpakailan man. Sa pagkatakot ni Balaam sa anghel na may bunot na tabak na humahadlang sa kanyang paglakad ay kinilala niya ang kanyang pagkakasala, baka mapahamak ang kanyang buhay; datapuwa’t walang wagas na pagsisisi dahil sa pagkakasala, walang pagbabago ng adhika, at walang pagkasuklam sa kasamaan. Nang maipagkanulo na ni Judas Escariote ang kanyang Panginoon, ay sumigaw siya ng ganito: “Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan.” Mateo 27:4. PK 29.3