PAGLAPIT KAY KRISTO

17/147

Ang buong langit ay umiibig sa atin

Ang puso ng Diyos ay nananabik sa Kanyang mga anak dito sa lupa taglay ang isang pag-ibig na malakas kay sa kamatayan. Sa pagbibigay ng Kanyang Anak, ay iginawad na Niya sa atin ang buong langit sa isang kaloob. Ang kabuhayan, kamatayan, at pamamagitan ng Tagapagligtas, ang pangangasiwa ng mga anghel, ang pamamanhik ng Espiritu ng Diyos, ang Ama na gumagawa ng higit sa lahat at sa pamamagitan ng lahat, ang walang likat na pagbabanty ng sangkalangitang mga anghel—ang lahat ng ito ay magkakasama sa ikatutubos ng tao. PK 26.2

Oh! dili-dilihin nga natin ang kagila-gilalas na pagpapakasakit na ginawa dahil sa atin! Pahalagahan nga natin ang paggawa at ang lakas na iniuubos ng Langit upang mabawi ang nawawala, at maiuwi sa bahay ng Ama. Wala ng ibang lalong malakas na hangarin, at wala ng ibang lalong makapangyarihang kasangkapan na magagamit; ang napakalaking mga kagantihan sa paggawa ng mabuti, ang kaluguran sa kalangitan, ang pakikisama ng mga anghel, ang pakikipag-usap at pagibig ng Diyos at ng Kanyang Anak, ang pagkabunyi at paglaki ng lahat nating kapangyarihan sa buong panahong walang katapusan—hindi baga mga pampasigla ang mga iyan upang sa ati’y mag-udyok na ibigay ang maibiging paglilingkod ng ating mga puso sa Lumalang at Tumubos sa atin? PK 27.1