Bukal Ng Buhay
Bukal Ng Buhay
Paunang Salita
Sa mga puso ng lahat ng sangkatauhan, maging anuman ang lahi o katayuan sa buhay, ay may mga di-maipahayag na mga paglulunggati para sa mga bagay na ngayo'y di nila tinataglay. Ang paglulunggating ito ay natanim sa kabuuan ng mga tao sa pamamagitan ng mahabaging Diyos, upang ang tao ay di lamang masiyahan sa kasalukuyan niyang kalagayan o naabot, maging ito'y masama, o mabuti, o higit pang mabuti. Nais ng Diyos na ang tao'y hanapin ang mabuti at masumpungan ito para sa walang-hanggang pagpapala ng kaniyang kaluluwa. BB 3.1
Si Satanas, sa pamamagitan ng tusong pamamaraan at kasanayan, ay inilisya ang mga paglulunggating ito ng puso ng tao. Pinapaniwala niya ang tao na ang paglulunggating ito ay masisiyahan sa pamamagitan ng kaaliwan, ng kayamanan, ng kaluwagan, ng katanyagan at ng kapangyarihan; subalit yaong mga nadaya niya (na marami sa bilang) ay masusumpungang ang lahat ng mga bagay na ito ay nauuwi lamang sa pandama, na iniiwan ang kaluluwa na hungkag at di-nasisiyahan tulad ng una. BB 3.2
Panukala ng Diyos na ang paglulunggating ito ng puso ng tao ay maakay roon sa Isa, na Siya lamang makapagbibigay-kasiyahan dito. Ang pagnanasa ay sa Kaniya, upang maakay sa Kaniya, ang kapuspusan at katuparan ng paglulunggating yaon. Ang kapuspusang yaon ay masusumpungan kay Jesus na Siyang Kristo, ang Anak ng Walang-hanggang Diyos. “Sapagka't kaluguran ng Ama na sa Kaniya'y manahan ang buong kapuspusan;” “sapagka't sa Kaniya nananahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos.” At totoo rin naman na “sa Kaniya kayo'y nangapuspos” ayon sa bawa't lunggating banal na naitanim at matamang nasubaybayan. BB 3.3
Tinatawag Siya ni Hagai “Ang Lunggati ng lahat ng mga bansa,” at maaari rin natin Siyang tawaging ang “Lunggati sa lahat ng kapanahunan,” na gaya rin sa Siya na “Hari ng mga kapanahunan.” BB 4.1
Layunin ng aklat na ito na itampok si Jesu-Kristo bilang Isa na makapagbibigay-kasiyahan sa bawa't pananabik. Maraming “Buhay ni Kristo” na mga aklat ang mahuhusay na nasulat, maraming mga pagkukunan ng mga kabatiran, pinagbuting mga sanaysay tungkol sa pagkakasunud-sunod na mga pangyayari at magkaka panahong kasaysayan, mga kaugalian, at mga pangyayari, na maraming itinuturo at tumatanaw sa maraming panig ng buhay ni Jesus ng Nazareth. Datapwa't tunay na masasabing, “ang kalahati ay di pa naibabalita.” BB 4.2
Hindi nga, kung gayon, layunin ng gawaing ito na itampok ang isang pagkakatugma ng mga Pabalita, o di kaya'y ibigay ang wastong pagkakasunud-sunod ng mahahalagang mga pangyayari at kahanga-hangang mga aral sa buhay ni Kristo; ang layunin nito ay upang ihayag ang pag-ibig ng Diyos tulad ng pagkahayag sa Kaniyang anak, ang banal na karilagan ng buhay ni Kristo, na ang lahat ay makababahagi, at hindi upang bigyang kasiyahan ang mga lunggatiin ng mga mauusisa, ni ang mga pagtatanong ng mga mamumula. Kundi sa pamamagitan ng mapang-akit na kabutihan ng kaniyang likas, nailapit ni Jesus ang mga alagad sa Kaniyang sarili, at sa pamamagitan ng Kaniyang sarilinang pakikisama, sa pamamagitan ng Kaniyang mahabaging paghipo't pagdama sa lahat nilang mga kahinaan at mga pangangailangan at sa pamamagitan ng Kaniyang malimit na pakikihalubilo, nabago ang kanilang mga pag-uugali, mula sa pagiging makalupa tungo sa pagiging makalangit, mula sa pagiging masakim tungo sa pagiging mapagpaubaya, mula sa kaliitan ng puso sa kamangmangan at masamang akala, tungo sa kalakhan ng puso sa kaalaan at masidhing pag-ibig para sa mga kaluluwa ng lahat ng mga bansa at mga lahi, gayon din naman layunin ng aklat na ito na ihayag ang pinagpalang Manunubos upang tulungan ang mambabasa na lumapit sa Kaniya ng mukhaan, ng puso sa puso, at masumpungang sumasa Kaniya, na tulad sa mga alagad noong una, si Jesus na Makapangyarihan, Siya na Nagligtas “hanggang sa Kaitaasan,” at mabago sa banal Niyang wangis lahat ng nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya. Subalit, napakahirap ihayag ang Kaniyang buhay! Katulad ito ng pagtatangkang isalin sa kambas ang buhay na bahaghari; sa pagbibigay-buhay sa pagsulat ng pinakamatamis na tugtugin. BB 4.3
Sa mga pahinang sumusunod, ang may-akda, na isang babaing may malaki at malalim at mahabang karanasan sa mga bagay ng Diyos, ay naitampok ang panibagong mga karilagan mula sa buhay ni Jesus. Nakapagdala siya ng bagong mga hiyas mula sa napakahalagang sisidlan. Binubuksan niya sa harap ng bumabasa ang mga di-pinangarap na kayamanan mula sa lalagyan ng di-maubos na yaman. Bago at maluluningning na liwanag ang kumikislap mula sa mga kilalang sipi, na ang kaibuturan ay nanasain ng bumabasa, bago niya matarok. Sa pagsasalaysay ng maikli, inihahayag si Jesu-Kristo bilang Kapuspusan ng pagka-Diyos, ang walang-hanggang mahabaging Tagapagligtas ng mga makasalanan. Ang Araw ng Katuwiran, ang maawain at Dakilang Saserdote, ang Tagapagpagaling ng lahat ng mga karamdaman ng tao at mga sakit, ang magiliwin at mapagmahal na Kaibigan, ang sa tuwina ay madamaying Kasama, ang Prinsipe sa bahay ni David, ang Kalasag ng Kaniyang bayan, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Haring dumarating, ang Walang Hanggang Ama, ang hangganan at bunga ng mga lunggatiin at pag-asa ng lahat ng mga kapanahunan. BB 5.1
Sa ilalim ng pagpapala ng Diyos ang aklat na ito ay ibinibigay sa sanlibutan lakip ang dalangin na ang Panginoon sa pamamagitan ng Kaniyang Espiritu ay gagawin ang mga salita ng aklat na ito na mga salita ng buhay sa maraming kaluluwa na ang mga lunggatiin at paghahangad ay hindi pa mabibigyang kasiyahan; upang “makilala nila Siya, at ang kapangyarihan ng Kaniyang pagkabuhay na mag-uii at ang pakikiramay sa Kaniyang mga paghihirap,” at katapus-tapusan, sa pamamagitan ng pagpapalang walang-hanggan, at sa kanan Niyang kamay, ay makabahagi ng “puspos na kagalakan at kaligayahan magpakailanman,” “na mahihinog na bunga niyaong nakasumpong ng lahat-lahat sa Kaniya,” ang Pinakapuno sa sampung libo, at “ang Isa na kaibig-ibig sa lahat.” BB 5.2
Mga Tagapaglimbag