Bukal Ng Buhay
Kabanata 44—Ang Tunay na Tanda
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 15:29-39; 16:1-12; Marcos 7:31-37; 8:1-21.
“Siya'y muling umalis sa mga hangganan ng Tiro, at napasa Sidon hanggang sa Dagat ng Galilea, na Kaniyang tinahak ang mga hangganan ng Decapolis.” Marcos 7:31. BB 574.1
Sa dakong ito ng Decapolis pinagaling ang mga inaalihan ng demonyong mula sa Gergesa. Dito pinilit ng mga tao na paalisin si Jesus, dahil sa kanilang pagkabahala sa sa pagkalipol na nangyari sa mga baboy. Nguni't sila'y nagsipakinig sa mga tagapagbalitang iniwan Niya, at ito'y gumising ng pagnanasa na makipagkita sa Kaniya. Nang Siya nga'y bumalik sa pook na iyon, ay isang lipumpon ng mga tao ang nagkatipon sa palibot Niya, at isang lalaking bingi at utal ang inilapit sa Kaniya. Ito ay pinagaling ni Jesus, hindi ayon sa Kaniyang kaugalian, na sa pamamagitan lamang ng salita. Inihiwalay niya ito sa karamihan, ipinasok Niya ang Kaniyang mga daliri sa tainga nito, at ang dila nito ay hinipo; pagtingala Niya sa langit, ay napabuntunghininga Siya nang sumagi sa Kaniyang isip ang mga taingang nakapinid sa katotohanan, at ang mga dilang ayaw kumilala sa Manunubos. Sa katagang, “Mabuksan ka,” ay muling nakapagsalita ang tao, at, hindi nito pinansin ang utos sa kaniya na huwag iyong sasabihin kaninuman, kundi ibinalita nito ang kasaysayan ng pagkakapagpagaling sa kaniya. BB 574.2
Umahon si Jesus sa isang bundok, at doo'y sinundan Siya ng karamihan, na dala ang kanilang mga maysakit at mga pilay, at inilagay sa Kaniyang paanan. Pinagaling Niya silang lahat; at ang mga taong hindi nakakakilala sa tunay na Diyos, ay nagsiluwalhati sa Diyos ng Israel. Sa loob ng tatlong araw ay patuloy silang nagsidagsa sa palibot ng Tagapagligtas, na natutulog kung gabi sa silong ng bukas na langit, at kung araw naman ay sabik na nakikipagsiksikan upang makarinig ng mga salita ni Kristo, at upang makakita ng Kaniyang mga gawa. Pakaraan ng tatlong araw naubos na ang kanilang pagkain. Ayaw silang paalisin ni Jesus nang nagugutom, kaya tinawag Niya ang Kaniyang mga alagad upang bigyan sila ng pagkain. Ipinakita na naman ng mga alagad ang kanilang kawalan ng pananampalataya. Sa Bethsaida ay nakita nila kung paanong sa pamamagitan ng pagpapala ni Kristo, ang kaunti nilang pagkain ay nagkasiya sa karamihan; nguni't ngayon ay hindi nila inilabas ang lahat, sukat na sila'y nagtitiwala sa kapangyarihan Niya na maparami ito para sa nagugutom na karamihn. Bukod dito, ang mga pinakain Niya sa Bethsaida ay mga Hudyo; ang mga ito ay mga Hentil at mga hindi nakakakilala sa tunay na Diyos. Ang maling-paniniwala ng mga Hudyo ay malakas pa ring nakaiiral sa puso ng mga alagad, at kaya ng sila'y nagsisagot kay Jesus, “Paanong mabubusog ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa isang ilang na dako?” Datapwa't palibhasa'y masunurin sila sa Kaniyang salita kaya dinala nila sa Kaniya ang nasa kanila—pitong tinapay at dalawang isda. Ang karamihan ay nagsikain at nangabusog, at may lumabis pang pitong bakol na puno. Pinangabusog at sila'y pinauwi ni Jesus na masasaya ang puso at nagpapasalamat. BB 575.1
Pagkatapos ay lumulan Siya sa isang daong na kasama ang Kaniyang mga alagad, at tumawid ng dagat patungong Magdala, sa dakong timog ng kapatagan ng Genesaret. Sa hangganan ng Tiro at Sidon ay guminhawa ang diwa Niya dahil sa malinis na pagtitiwala ng babaing Sirofenesia. Ang mga taong taga-Deeapolis na walang pagkakilala sa tunay na Diyos ay tinanggap Siya nang buong kagalakan. Ngayon nang lumunsad Siyang muli sa Galilea, na doon buong kagila-gilalas na nahayag ang Kaniyang kapangyarihan, na doon Niya ginawa ang marami sa Kaniyang mga gawa ng kahabagan, at ibinigay ang Kaniyang mga aral, ay sinalubong Siya ng mapanghamak na kawalan-ng-paniniwala. BB 575.2
Isang pulutong ng mga isinugong Pariseo ang nakisama sa mga kinatawan ng mayayaman at mga mapagmarangyang Saduceo, na siyang partido ng mga saserdote, at siyang mga di-naniniwala at mga aristokrata ng bansa. Ang dalawang sekta o pangkating ito ay mahigpit na nagkakagalit. Ang mga Saduceo ay nanunuyo sa mga nasa kayangyarihan upang makapanatili sila sa kanilang katungkulan at sa pagkamaykapangyarihan. Sa kabilang dako naman, pinayabang at pinapag-apoy ng mga Pariseo ang pagkapoot ng mga mamamayan sa mga Romano, at minithing dumating na sana ang panahong makalalaya na sila sa pamatok ng mga gumapi sa kanila. Nguni't ngayo'y kapwa nagkaisa ang mga Pariseo at mga Saduceo labay kay Kristo. Hinahanap ng masama ang kapwa masama; at saanman ito umiiral, ito'y laging nakikiisa at nakikisama sa kapwa masama upang lipulin ang mabuti. BB 576.1
Ngayo'y lumapit kay Kristo ang mga Pariseo at mga Saduceo, na humihingi ng isang tanda buhat sa langit. Noong mga kaarawan ni Josue nang ang Israel ay makipagbaka sa mga Cananeo sa Bethhoron, an garaw ay tumigit sa utos ng pangulo hanggang sa matamo ang tagumpay; at maraming ganyang kababalaghan ang ipinakitang nakatala sa kanilang kasaysayan. Ang gayong tanda ang hiningi nila kay Jesus. Datapwa't hindi ang mga tandang ito ang kailangan ng mga Hudyo. Ang isang tandang panlabas lamang ay di-makatutulong sa kanila. Ang kailangan nila ay hindi liwanag na pangkaisipan, kundi pagbabagong ukol sa espiritu. BB 576.2
“Oh kayong mga mapagpaimbabaw,” wika ni Jesus, “kayo'y marurunong magsikilala ng anyo ng langit,”—sa pamamagitan ng pag-aaral ng anyo ng langit ay nahuhulaan nila ang lagay ng panahon,—“nguni't hindi ba ninyo nakikilala ang mga tanda ng panahon?” Ang sariling mga salita ni Kristo, na binigkas na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na sumumbat sa kanilang kasalanan, ay siyang mga tandang ibinigay ng Diyos para sa kanilang ikaliligtas. At ang mga tandang tuwirang nagbubuhat sa langit ay ibinigay din naman upang patunayan ang misyon ni Kristo. Ang awit ng mga anghel sa mga pastor ng tupa, ang tala o bituing pumatnubay sa mga taong pantas, ang kalapati at ang tinig na buhat sa langit noong Siya'y binyagan, ay pawang mga sumaksi ukol sa Kaniya. BB 577.1
“At nagbuntunghininga Siya nang malalim sa Kaniyang espiritu, at nagsabi, Bakit humahanap ng tanda ang lahing ito?” “Hindi niya bibigyan ng anumang tanda, kundi ang tanda ni propeta Jonas.” Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng balyena, gayundin naman tatagal si Kristo “sa puso ng lupa.” At kung paanong ang pangangaral ni Jonas ay naging isang tanda sa mga taga-Nineve, gayundin naman ang pangangaral ni Kristo ay naging isang tanda sa Kaniyang panahon o salinglahi. Subali't kaylaking pagkakaiba sa ginawang pagtanggap sa salita! Ang mga mamamayan ng malaking siyudad ng mga di-nakakakilala sa tunay na Diyos ay nagsipanginig nang kanilang marinig ang babalang buhat sa Diyos. Ang mga hari at mga mahal na tao ay nangagpakababa; ang marangal at mababa ay sama-samang dumaing sa Diyos ng langit, at inilawit naman Niya ang Kaniyang awa sa kanila. “Magsisitayo sa paghuhukom sa mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito,” winika ni Kristo, “at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa panga- ngaral ni Jonas; at, narito, dito'y may isang lalong dakila kaysa kay Jonas.” Mateo 12:40, 41. BB 577.2
Bawa't kababalaghang ginawa ni Kristo ay isang tanda ng Kaniyang pagka-Diyos. Ginawa Niya ang gawain mismong siyang hinulaang gagawin ng Mesiyas; nguni't sa ganang mga Pariseo ang mga gawang ito ng kahabagan ay tiyakang kamuhi-muhi. Walang kabuluhan sa mga pinunong Hudyo ang mga kahirapang tinitiis ng mga tao. Sa maraming pangyayari ang kanilang kasakiman at panlulupig ay naging sanhi ng kadalamhatiang nilunasan ni Kristo. Kaya nga ang mga kababalaghang ginawa Niya ay pawang naging sumbat sa kanila. BB 579.1
Yaong bagay na umakay sa mga Hudyo na tanggihan ang gawain ng Tagapagligtas ay siyang pinakamataas na katibayan ng Kaniyang likas na pagka-Diyos. Ang pinakadakilang kahulugan ng Kaniyang mga kababalaghan ay napagkikilala sa katotohanan na ang mga ito ay maging pagpapala sa mga tao. Ang pinakamataas na katunayang Siya'y nagbuhat sa Diyos ay ang pagkakahayag sa Kaniyang buhay ng likas ng Diyos. Ginawa Niya ang mga gawain ng Diyos at sinalita Niya ang mga salita ng Diyos. Ang gayong kabuhayan ay siyang pinakadakila sa lahat ng mga kababalaghan. BB 579.2
Kapag sa kapanahunan natin ay inihaharap ang pabalita ng katotohanan, marami ang tulad ng mga Hudyo noong una, na sumisigaw, Magpakita kayo sa amin ng tanda. Gumawa kayo sa amin ng kababalaghan. Si Kristo ay hindi gumawa ng kababalaghan nang humingi ang mga Pariseo. Hindi Siya gumawa ng kababalaghan sa ilang bilang tugon sa mga pamamarali ni Satanas. Hindi Siya nagbibigay sa atin ng kapangyarihan upang itanyag ang ating mga sarili o kaya'y upang bigyang-kasiyahan ang mga dinaniniwala at mayayabang. Datapwa't ang ebanghelyo ay talagang may tandang ito'y buhat sa Diyos. Hindi ba isang kababalaghan na tayo'y nakawawala sa pang-aalipin ni Satanas? Ang pakikipagalit laban kay Satanas ay hindi li- kas sa puso ng tao; ito ay itinatanim ng biyaya ng Diyos. Pagka ang isang taong laging supil ng isang matigas at masamang kalooban ay lumalaya, at buong-pusong napasasakop sa panghihikayat ng mga kinakasangkapan ng Diyos, ay isang kababalaghan ang nangyayari; gayundin ang nangyayari sa isang taong dati'y daig-daigan ng matitinding tukso nguni't ngayo'y nakakaunawa ng katotohanang moral. Sa tuwing ang isang tao ay nahihikayat, at natututong umibig sa Diyos at gumanap ng Kaniyang mga utos, ay natutupad ang pangako ng Diyos na, “Bibigyan Ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan Ko ang loob ninyo ng bagong diwa.” Ezekiel 36:26. Ang pagbabagong nagaganap sa puso ng mga tao, at ang pagbabago ng kanilang mga likas, ay isang kababalaghang naghahayag na may isang laging-buhay na Tagapagligtas, na gumagawa upang magligtas ng mga kaluluwa. Ang isang tapat at malinis na kabuhayan kay Kristo ay isang malaking kababalaghan. Sa pangangaral ng salita ng Diyos, ang tandang dapat mahayag ngayon at palagi ay ang pakikisama ng Espiritu Santo, upang ang salita ay gawing isang gumagawang kapangyarihan sa mga nagsisipakinig. Ito ang patotoo ng Diyos sa harap ng sanlibutan sa banal na misyon ng Kaniyang Anak. BB 579.3
Ang mga nagsihingi ng tanda kay Jesus ay nagpatigas nang gayon na lamang ng kanilang mga puso sa di-paniniwala na anupa't hindi nila nakita sa Kaniyang likas ang wangis ng Diyos. Hindi nila ibig makita na ang Kaniyang misyon ay siyang katuparan ng mga Kasulatan. Sa talinhaga tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro, ay sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “Kung di nila pinakinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.” Lukas 16: 31. Walang tandang maibibigay sa langit o sa lupa na pakikinabangan nila. BB 580.1
Si Jesus ay “nagbuntunghininga ng malalim sa Kaniyang espiritu,” at, pagkatalikod sa pulutong ng mga mangungutya, ay muling lumulan sa daong na kasama ang Kaniyang mga alagad. Tahimik nguni't malungkot na tinawid nilang muli ang dagat. Gayunman, hindi na sila nagbalik pa sa dakong kanilang pinanggalingan, kundi tuwiran nilang tinungo ang Bethsaida, malapit sa pook na doon pinakain ang limang libo. Nang sapitin nila ang kabilang ibayo, ay nagwika si Jesus, “Kayo'y mangagingat at magsipangilag sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.” Nakaugalian na ng mga Hudyo buhat pa noong mga araw ni Moises na alisin sa kanilang mga bahay ang lebadura sa panahon ng Paskuwa, at sa ganitong paraan sila'y tinuruang iyon ay ituring na parang isang uri ng kasalanan. Gayunma'y hindi pa rin naunawaan si Jesus ng Kaniyang mga alagad. Dahil sa biglaan nilang pag-alis sa Magdala ay nalimutan nilang magdala ng tinapay, at iisa lamang tinapay ang taglay nila. Ang pangyayaring ito ang inakala nilang siyang tinutukoy ni Kristo, na binababalaan silang huwag bibili ng tinapay ng isang Pariseo o ng isang Saduceo. Ang kakulangan nila ng pananampalataya at ng pang-unawang espirituwal ay siyang madalas maghantong sa kanila sa gayunding di-pagkaunawa ng Kaniyang mga salita. Ngayo'y sinuwatan sila ni Je sus sa pag-aakala nilang ang tinutukoy Niya, Siya na nagpakain ng mga libu-libo sa pamamagitan ng ilang isda at ilang tinapay, ay ang pagkaing bumubusog sa tiyan. May panganib na ang mapanlinlang na pangangatwiran ng mga Pariseo at mga Saduceo ay makapagpasok ng di-paniniwala sa Kaniyang mga alagad, at sa ganito'y ituring nilang walang-halaga ang mga gawa ni Kristo. BB 580.2
Ipinalalagay ng mga alagad na ang Panginoon nila'y dapat sanang nagpaunlak sa kahilingang Siya'y magpakita ng isang tanda sa mga langit. Naniniwala silang kayang-kaya Niya itong gawin, at ang isang gayong tanda ay magpapatahimik na sa Kaniyang mga kaaway. Hindi nila nahiwatigan ang pagpapaimbabaw o pagkukunwari ng mga palatutol na ito. BB 581.1
Pagkaraan ng ilang buwan, “samantalang nangagkakatipon ang libu-libong tao, na anupa't nagkakayapakan sila-sila,” ay inulit ni Jesus ang turong ito. “Nagpasimula Siyang magsalita muna sa Kaniyang mga alagad, Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na ito'y pagpapaimbabaw nga.” Lukas 12:1. BB 582.1
Ang lebadurang inihahalo sa harina ay nagpapaalsa nang di-nakikita, at ang buong limpak ay nagiging katulad na ng lebadura. Ganyan din ang nangyayari kapag ang pagpapaimbabaw ay pinahihintulutang mabuhay at makairal sa puso, tinitigmak nito ang likas at ang kabuhayan. Ang isang matinding halimbawa ng pagpapaimbabaw ng mga Pariseo ay isinuwat na ni Kristo nang tuligsain Niya sila sa pagsasagawa ng tinatawag na “Corban,” na sa pamamagitan nito ang hindi nila pagtupad ng tungkulin sa mga magulang ay natatakpan ng pagkukunwaring pagiging mapagbigay sa kapakanan ng templo. Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagtuturo ng madadayang mga simulain. Ipinaglilihim nila ang tunay na nilalayon ng kanilang mga aral, at pinagbubuti sa bawa't pagkakataon na maitanim ang mga ito nang buong katalinuhan sa pag-iisip ng mga nagsisipakinig. Ang mga di-tunay na simulaing ito, pagka tinanggap na, ay gumagawang gaya ng lebadura sa masang harina, na tinitigmak at binabago ang likas. Ang mapandayang aral na ito ang siyang dahilan kung bakit nahirapan ang mga tao na tanggapin ang mga salita ni Kristo. BB 582.2
Ang ganito ring mga impluwensiya ay gumagawa ngayon sa pamamagitan ng mga nagsisikap na ipaliwanag ang kautusan ng Diyos sa isang paraang makakaayon iyon ng kanilang mga ginagawa. Ang uri ng mga taong ito ay hindi lantarang lumalaban sa kautusan, subali't nagpapahayag sila ng mga kuru-kurong nagpapahina sa mga simulain nito. Ang paliwanag nila tungkol sa kautusan ay sumisira sa lakas at bisa nito. BB 582.3
Ang pagpapaimbabaw ng mga Pariseo ay bunga ng pagtataas nila sa sarili. Ang ikaluluwalhati ng kanilang mga sarili ay siyang pakay ng kanilang mga kabuhayan. Ito ang umakay sa kanila upang pilipitin at ilihis ang mga Kasulatan, at bumulag sa kanila kung kaya hindi nila nakita ang layunin ng misyon ni Kristo. Ang masamang paglilihim na ito ay nanganib ding kimkim-kimkimin maging ng mga alagad ni Kristo. Ang mga nakikipanig sa mga alagad ni Jesus, nguni't hindi naman nag-iiwan ng lahat upang maging mga tunay Niyang alagad, ay nahibuan o naimpluwensiyahan nang malaki ng pangangatwiran ng mga Pariseo. Malimit ay nagtatalo ang loob nila kung sila'y sasampalataya o hindi, at hindi nila nakita ang mga kayamanan ng karunungang natatago kay Kristo. Maging ang mga alagad man, na sa tingin ay waring nag-iwan na ng lahat alang-alang kay Jesus, sa puso nila'y hindi pa rin sila tumitigil sa pagmimithi ng mga dakilang bagay para sa kanilang mga sarili. Ang diwang ito ang pinagbuhatan ng pagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang magiging pinakadakila. Ito ang lumagay sa pagitan nila at ni Kristo, na ginawa silang bahagya nang makiramay sa Kaniyang misyon ng pagpapakasakit sa sarili, at ginawa pa rin silang lubhang mabagal sa pag-unawa ng hiwaga ng katubusan. Kung paanong ang lebadura, pagka pinabayaang gumawa ng gawain nito, ay kinasasanhian ng pagkasira at pagkabulok, ay gayundin naman ang diwang makasarili, pagka inaruga sa kalooban, ay gumagawa ng ikarurungis at ikapapalungi ng kaluluwa. BB 583.1
Sa gitna ng mga sumusunod sa ating Panginoon ngayon, gaya rin nang una, kaylaganap nga ng tuso at mapandayang kasalanang ito! Kaydalas na ang paglilingkod natin kay Kristo, at ang pakikisama natin sa isa't isa, ay nadudungisan ng lihim na pagnanasang itaas ang sarili! Kaydaling mag-isip ng pagpuri sa sarili, at ang maglunggati na purihin din ng mga tao! Pag-ibig sa sarili, at ang paghahangad ng madali-daling paraan kaysa itinatakda ng Diyos ang nagiging dahilan kung kaya ang mga utos ng Diyos ay pinapalitan ng mga haka-haka ng mga tao. Sa sarili Niyang mga alagad ay binigkas ang nagbababalang pangungusap ni Kristo, “Kayo'y mangag-ingat at magsipangilag sa lebadura ng mga Pariseo.” BB 583.2
Ang relihiyon ni Kristo ay ang pagkamatapat. Ang pagsusumikap para sa ikararangal ng Diyos ay siyang adhikaing itinatanim ng Espiritu Santo sa puso ng tao; at ang mabisang paggawa lamang ng Espiritu ang makapagtatanim ng adhikaing ito. Kapangyarihan lamang ng Diyos ang makapapawi ng pagkamakasarili at ng pagpapaimbabaw. Ang ganitong pagbabago ay tanda ng Kaniyang paggawa. Kapag ang pananampalatayang tinatanggap natin ay pumapatay ng kasakiman at pagkukunwari, kapag ito'y umaakay sa atin na hanapin ang ikaluluwalhati ng Diyos at hindi ang sariling atin, malalaman nga natin na ito'y natutumpak. “Ama, luwalhatiin Mo ang Iyong pangalan” (Juan 12:28), iyan ang diwa ng buhay ni Kristo, at kung susundan natin Siya, ito rin ang magiging diwa ng ating buhay, Inuutusan Niya tayong “lumakad, na gaya ng inilakad Niya,” at “sa ganito'y nalalaman natin na Siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang Kaniyang mga utos.” 1 Juan 2:6, 3. BB 584.1