Bukal Ng Buhay

44/89

Kabanata 43—Iginiba ang mga Hadlang

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 15:21-28; Marcos 7:24-36.

Pagkatapos makipagharap sa mga Pariseo, nilisan ni Jesus ang Capernaum, at pagkatawid sa Galilea, ay umahon sa maburol na mga hangganan ng Fenecia. Pagtanaw Niya sa dakong nilulubugan ng araw, ay namalas Niyang nakalatag sa kapatagang nasa ibaba, ang matatandang lungsod ng Tiro at Sidon, pati ang mga templong pagano ng mga ito, at ang mga naggagandahang palasyo at mga pamilihan nito, at ang mga daungang puno ng mga nangangalakal na daong. Sa dako roon ay ang bughaw na kalawakan ng Mediteraneo, na tatawirin ng mga sugo ng ebanghelyo upang dalhin ang mabubuting balita sa mga sentro ng dakilang imperyo ng sanlibutan. Nguni't hindi pa panahon. Ang gawaing napapaharap sa Kaniya ngayon ay ihanda ang Kaniyang mga alagad para sa gawain nila. Ang hangad Niya sa pagparito sa lugar na ito ay mapag-isa o malayo sa karamihan na siyang hangad Niya sanang makamtan sa Bethsaida. Nguni't di ito lamang ang layunin Niya sa pagparito. BB 566.1

“Narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan Mo ako, Oh Panginoon, Ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonyo.” Mateo 15:22. Ang mga tao sa pook na ito ay buhat sa matandang lahi ng mga Cananea. Sila'y mga mananamba sa mga diyus-diyusan, at mga kinasusuklaman at kinapopootan ng mga Hudyo. Ang babaing lumapit ngayon kay Jesus ay buhat sa uri o lahing ito. Siya'y isang pagano, at kaya nga hindi niya tinatamasa ang mga biyayang tinatamasa araw-araw ng mga Hudyo. Maraming mga Hudyong namumuhay sa gitna ng mga taga-Fenecia, at ang balita ng mga ginagawa ni Kristo ay nakasapit na sa pook na ito. May mga taong nakinig sa Kaniyang mga salita at nakasaksi ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa. Nabalitaan ng babaing ito ang tungkol sa propeta na Siya, ayon sa balita, ay nakapagpapagaling ng lahat ng uri ng mga sakit. Nang mabalitaan niya ang tungkol sa kapangyarihan ni Jesus, ay nabuhay ang pag-asa sa puso niya. Palibhasa'y pinasigla ng pag-ibig na katutubo sa isang ina, ipinasiya niyang ipamanhik ang kalagayan ng kaniyang anak na babae. Matibay niyang pinanukalang ipaalam kay Jesus ang kaniyang kadalamhatian. Kailangang ang anak niya'y pagalingin Niya. Nakahingi na siya ng tulong sa mga diyos ng mga pagano, nguni't wala siyang tulong na kinamtan. At may mga sandaling natutukso siyang mag-isip, Ano kaya ang mga gawa para sa akin ng gurong Hudyong ito? Nguni't ngayo'y dumating ang balita, na napagagaling Niya ang lahat ng uri ng mga sakit, mahirap man o mayaman ang mga nagsisilapit sa Kaniya upang humingi ng tulong. Ipinasiya niyang huwag pawalaan ang nalalabi niyang pag-asa. BB 566.2

Talos ni Kristo ang kalagayan ng babaing ito. Alam Niyang pinagmimithian Siyang makita nito, at kaya nga lumagay Siya sa landas nito. Sa pamamagitan ng pagtulong sa kalungkutan nito, Siya'y makapagbibigay ng isang buhay na larawan ng aral na panukala Niyang ituro. Dahil dito kaya Niya ipinagsama ang mga alagad Niya sa pook na ito. Ibig Niyang makita nila ang kamangmangang laganap sa mga siyudad at mga nayong malapit sa lupain ng Israel. Ang mga taong binigyan ng bawa't pagkakataong makaunawa ng katotohanan ay walang nalalaman tungkol sa mga pangangailangan ng mga nasa paligid nila. Walang pagsisikap na ginagawa upang matulungan ang mga kaluluwang nasa kadiliman. Ang pader na itinayo ng kapalaluan ng mga Hudyo, ay inihiwalay pati ang mga alagad sa pakikiramay sa mga taong di-nakakikilala sa tunay na Diyos. Datapwa't ang mga hadlang na ito ay dapat igiba. BB 567.1

Hindi agad tinugon ni Kristo ang kahilingan ng babae. Pinakiharapan Niya ang kinatawang ito ng isang lahing hinahamak na gaya ng gagawin ding pakikiharap ng mga Hudyo. Sa paggawa Niya nito ay panukala Niyang ikintal sa Kaniyang mga alagad ang malamig at walang-pusong paraan ng pakikiharap na gagawin ng mga Hudyo sa isang nasa gayong kalagayan, gaya ng ipinakita Niyang pagtanggap sa babae, at ng mahabaging paraan ng pagtanggap na nais Niyang siya nilang gawin sa nasa gayong kapighatian, gaya ng sumunod na pagtugon Niya at pagkakaloob ng hinihiling nito. BB 568.1

Subali't bagaman hindi sumagot si Jesus, hindi naman nawalan ng pag-asa ang babae. Sa pagtuloy na paglakad ni Jesus, na para bagang hindi Niya ito naririnig, ito'y sumunod sa Kaniya, na patuloy sa pakikiusap. Sa pagkayamot ng mga alagad sa walang-tigil na kadadaing nito, hiniling nila kay Jesus na ito'y paalisin na. Nakita nilang hindi ito pinansin ng kanilang Panginoon, kaya nga inakala nilang ikinalulugod Niya at sinasang-ayunan ang di-mabuting pagtingin ng mga Hudyo sa mga Cananeo. Nguni't ang pinamamanhikan ng babae ay isang mahabaging Tagapagligtas, at bilang tugon sa kahilingan ng mga alagad, ay sinabi ni Jesus, “Hindi Ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.” Bagama't ang sagot na ito ay parang pagsang-ayon sa di-mabuting pagtingin ng mga Hudyo, isa naman itong sumbat sa mga alagad na sa dakong huli'y naunawaan nilang isang pagpapagunita sa kanila ng bagay na madalas Niyang sabihin sa kanilana Siya'y naparito sa sanlibutan upang iligtas ang lahat ng tatanggap sa Kaniya. BB 568.2

Nagpilit ang babae sa kaniyang masidhing pamanhik, na nanikluhod sa paanan ni Kristo, at umiiyak na nagwika, “Panginoon, tulungan Mo ako.” Si Jesus na nanatili pa ring parang tumatanggi sa kaniyang mga pakiusap, at waring umaayon sa di-mabuting damdamin ng mga Hudyo, ay sumagot, “Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak, at itapon sa mga aso.” Katumbas ito ng pagsasabing hindi matwid ipamahagi sa ibang mga tao at sa mga tagaibang-bayan ang mga pagpapalang ibinibigay sa itinatanging bayan ng Diyos. Ang sagot na ito ay dapat na sanang ganap na pumatay sa pag-asa ng sinumang masigasig na nakikiusap. Datapwa't nakasilip ang babae ng isang pagkakataon. Sa ilalim ng wari'y pagtanggi ni Jesus, ay nahiwatigan ng babae ang pagkaawang hindi Niya maikubli. “Totoo nga, Panginoon,” sagot niya, “nguni't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.” Habang ang mga anak ng sambahayan ay kumakain sa dulang ng mag-anak, ang mga aso man naman ay hindi pinababayaang di-pinakakain. May karapatan sila sa mga mumong nahuhulog mula sa dulang. Kaya sapagka't maraming pagpapala ang ibinibigay sa Israel, wala ba naman kayang isa mang pagpapala para sa kaniya? Ang tingin sa kaniya ay isang aso, at wala kaya siyang karapatan ng isang aso sa mga mumong nahuhulog mula sa masaganang pagpapala ni Jesus? BB 569.1

Kaaalis pa lamang ni Jesus sa Kaniyang bukiran ng paggawa dahil sa pinagtatangkaan ng mga eskriba at mga Pariseo ang Kaniyang buhay. Sila'y nagbubulung-bulongan at nagrereklamo. Nagpakita sila ng kawalang-pananampalataya at ng pagkagalit, at tinanggihan nila ang kaligtasang iniaalok sa kanila nang buong laya. Sa dakong ito ay nakatagpo ni Kristo ang isang buhat sa isang lahing sawimpalad at hinahamak, na hindi nabiyayaan ng liwanag ng salita ng Diyos; gayon pa man ang babae'y kagyat na napasakop sa banal na impluwensiya sa kakayahan Niyang maibigay ang hinihiling nito. Nanghihingi ito ng mga mumong nahuhulog mula sa dulang ng Panginoon. Kung bibigyan ito ng karapatan ng isang aso, handa itong patawag ng isang aso. Ang babae'y hindi nagtataglay ng anumang masamang damdamin laban sa hindi nito kalahi o sa hindi nito karelihiyon, ni wala ring pagmamataas na makakaimpluwensiya sa anumang hakbang na nais nitong gawin, at kaya nga karaka-raka nitong kinilala si Jesus bilang Manunubos, at may kakayahang gumawa ng lahat nitong hinihiling sa Kaniya. BB 569.2

Nasiyahan ang Tagapagligtas. Nasubok Niya ang pananampalataya ng babae sa Kaniya. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga pakikitungo rito, ay ipinakilala Niyang ang itinuturing na itinapon ng Israel ay hindi na tagaibanglupa, kundi isang anak sa sambahayan ng Diyos. Bilang isang anak ay karapatan nito na makibahagi sa mga kaloob ng Ama. Ipinagkaloob ngayon ni Kristo ang hinihiling nito, at tinapos ang mga aral sa mga alagad. Binalingan Niya ang babae at tinitigan nang may pagkahabag at pagmamahal, at sinabi, “Oh babae, kaylaki ng iyong pananampalataya: mangyari sa iyo ang ayon sa ibig mo.” Nang oras ding yaon ay gumaling ang anak na babae nito. Hindi na iyon binagabag pa ng demonyo. Umalis ang babae, na kinikilala ang Tagapagligtas niya, at naliligayahan sa pagkakatugon sa kaniyang panalangin. BB 570.1

Ito lamang ang kababalaghang ginawa ni Jesus sa paglalakbay na ito. Kaya Siya nagtungo sa mga hangganan ng Tiro at Sidon ay upang gawin lamang ang kababalaghang ito. Nais Niyang lunasan ang kadalamhatian ng babae, at kaalinsabay nito'y mag-iwan pa rin ng isang halimbawa ng Kaniyang gawain ng kahabagan sa isa na kabilang sa mga taong hinahamak upang pamarisan ng Kaniyang mga alagad pagka Siya'y hindi na nila kasama. Nais Niyang alisin nila ang kanilang pagkamakasarili at sila'y magkaroon ng pagmamalasakit na gumawa sa mga iba na hindi nila kalahi. BB 570.2

Hangad ni Jesus na ihayag ang malalalim na hiwaga ng katotohanan na napatago sa loob ng mga panahon, na ang mga Hentil ay magiging mga kasamang tagapagmana ng mga Hudyo, at “mga may bahagi sa pangako na kay Kristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo.” Efeso 3:6. Ang katotohanang ito ay hindi kaagad natutuhan ng mga alagad, at paulit-ulit silang tinuruan ng banal na Guro ng aral na ito. Nang gantimpalaan Niya ang pananampalataya ng senturyon sa Capernaum, at ipangaral ang ebanghelyo sa mga tao ng Sicar, ay maliwanag na Niyang ipinakilala na hindi Siya nakikiisa sa kahigpitan ng mga Hudyo. Nguni't ang mga Samaritano naman ay may kaunting pagkakilala sa Diyos; at ang senturyon ay nagpakita ng kagandahang-loob sa Israel. Ngayon ay inilapit ni Jesus ang mga alagad sa isang babaing pagano, na itinuturing nilang walang dahilan upang umasam ng paglingap sa Kaniya. Ninais Niyang bigyan sila ng halimbawa ng kung paano dapat pakitunguhan ang isang ganitong tao. Inakala ng mga alagad na totoong labis-labis naman ang pagkakaloob Niya ng Kaniyang biyaya. Nais Niyang ipakilala na ang Kaniyang pag-ibig ay hindi nahahangganan ng lahi o bansa. BB 571.1

Nang sabihin Niyang, “Hindi Ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel, ” ay katotohanan ang Kaniyang sinabi, at ang ginawa Niya sa babaing Cananea ay pagtupad lamang sa itinagubilin sa Kaniya. Ang babaing ito ay isa sa mga tupang nawawala na dapat hanapin at iligtas ng Israel. Ang gawaing ginagawa ni Kristo, ay siyang gawaing itinakda sa kanila, na kanila namang pinabayaan. BB 571.2

Ang ginawang ito ni Jesus ay siyang nagmulat sa isip ng mga alagad nang lalong lubos sa gawaing kinakaharap nila sa gitna ng mga Hentil. Nakita nila sa labas ng Judea ang isang malawak na gawaing mapaglilingkuran nila. Nakita nila ang mga taong nagbabata ng mga kadalamhatiang hindi dinaranas ng mga mariwasa. Kabilang sa mga taong itinuro sa kanila na hamakin nila ay ang mga kaluluwang humihingi ng tulong sa dakilang Manggagamot, na mga nauuhaw sa liwanag ng katotohanan, na buong kasaganaang ipinagkaloob sa mga Hudyo. BB 571.3

Sa dakong huli, nang patuloy pa rin ang mga Hudyo sa mapilit na paglayo sa mga alagad, dahil sa si Jesus ay itinatanyag nilang siyang Tagapagligtas ng sanlibutan, at nang tuluyan nang gumuho ang pader na naghihiwalay sa mga Hudyo at sa mga Hentil sa pamamagitan ng pagkamatay ni Kristo, ang aral na ito, at ang iba pang katulad din nito na nagtuturo na ang gawain ng ebanghelyo ay lalaganap na di-mahahadlagan ng kaugalian o ng lahi man, ay nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa mga kinatawan o mga sugo ni Kristo, sa kanilang mga paggawa at paglilingkod. BB 572.1

Ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa Fenecia at ang kababalaghang ginawa Niya roon ay may lalo pang malawak na layunin. Ang gawaing dito'y ginawa ay hindi lamang sa kapakinabangan ng babaing nasa kadalamhatian, ni sa kapakinabangan man ng Kaniyang mga alagad at ng mga nagsitanggap ng kanilang paglilingkod; kundi “upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Kristo, ang Anak ng Diyos; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa Kaniyang pangalan.” Juan 20:31. Ang mga bagay ring iyon na nakahadlang sa mga tao sa paglapit kay Kristo may labingsiyam na dantaon na ngayon ang nakaraan ay gumagawa pa rin ngayon. Ang espiritu o diwang nagtayo ng pader na naghihiwalay sa Hudyo at sa Hentil ay umiiral pa rin. Ang pagmamataas at di-mabuting damdamin ay nakapagtayo ng matitibay na pader ng naghihiwalay sa iba't ibang uri ng mga tao. Si Kristo at ang Kaniyang misyon ay binigyan ng masamang pangalan, at di-mabilang na karamihan ang nakadarama na sila'y sadyang hindi na dapat maglingkod pa sa ebanghelyo. Gayunma'y huwag ninyong tulutang madama nila na sila'y mga nahiwalay na kay Kristo. Walang pader na maitatayo ng sinumang tao o ni Satanas man na di mapaglalagusanan ng pananampalataya. BB 572.2

Sa pananampalataya ay nagdumapa ang babaing tagaFenecia laban sa mga hadlang na nakatindig sa pagitan ng Hudyo at ng Hentil. Nagtiwala siya sa pag-ibig ng Tagapagligtas at hindi siya nanlupaypay, kahit na anumang mga pangyayari ang maaaring nakaakay sana sa kaniya na mag-alinlangan. Ganyan ang nais ni Kristong maging pagtitiwala natin sa Kaniya. Ang mga pagpapala ng kaligtasan ay ukol sa bawa't kaluluwa. Maling pagpili lamang ng tao ang makahahadlang sa kaniya upang hindi niya matanggap ang pangako ni Kristo sa pamamagitan ng ebanghelyo. BB 573.1

Ang pagtatangi-tangi ng tao ay kinapopootan ng Diyos. Hindi Niya pinapansin ang lahat ng may ganitong uri. Sa Kaniyang paningin ay may magkakapantay na halaga ang lahat ng mga tao. “Ginawa Niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, at itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan, at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling maapuhap nila Siya, at Siya'y masumpungan, bagaman hindi Siya malayo sa bawa't isa sa atin.” Lahat ay inaanyayahang lumapit sa Kaniya at mabuhay, maging anuman ang gulang, o katungkulan, o kapamayanan, o relihiyong kinaaaniban. “Sinumang sumasampalataya sa Kaniya ay hindi mapapahiya. Sapagka't walang pagkakaiba.” “Walang Hudyo o Griego man, walang alipin o malaya man.” “Ang mayaman at ang dukha ay nagkasalubong kapwa: ang Panginoon ay Maylalang sa kanilang lahat.” “Ang Panginoon din ay siyang Panginoon ng lahat at mayaman Siya sa lahat ng sa Kaniya'y nagsisitawag. Sapagka't ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.” Mga Gawa 17:26,27; Galacia 3:28; Kawikaan 22:2; Roma 10:11-13. BB 573.2