Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Hindi na Niya Aalalahanin ang Ating Kasalanan, Marso 7
At hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, Kilalanin mo ang PANGINOON; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa, sabi ng PANGINOON. Jeremias 31:34. KDB 74.1
Samantalang si Jesus ay namamagitan para sa mga tumanggap ng Kanyang biyaya, si Satanas ay inaakusahan sila sa harapan ng Diyos bilang mga makasalanan. Ang dakilang mandaraya ay pinagsisikapan silang akayin sa pagdududa, at magkaroon ng dahilan para mawalan ng pagtitiwala sa Diyos, para ilayo sila sa Kanyang pag-ibig, at suwayin ang Kanyang kautusan. Ngayon ay kanyang itinuturo ang tala ng kanilang mga buhay . . . kung saan nalapastangan ang kanilang Manunubos, sa lahat ng mga kasalanang nagawa niyang sila'y tuksuhin, at dahil dito'y kanyang inaangkin na sila'y kanya. KDB 74.2
Hindi binibigyang-katwiran ni Cristo ang kanilang mga kasalanan, ngunit ipinakikita ang kanilang pagsisisi at pananampalataya, at inaangkin para sa kanila ang kapatawaran, Kanyang itinataas ang Kanyang sugatang kamay sa harapan ng Ama at ng mga banal na anghel, na nagsasabing, “Alam ko ang kanilang pangalan. Aking iniukit sila sa mga palad ng Aking kamay.” . . . KDB 74.3
Ang gawain ng mapanuring paghatol at pag-aalis ng mga kasalanan ay kailangang maisakatuparan bago ang ikalawang pagdating ng Panginoon. Dahil ang mga patay ay hahatulan ayon sa mga bagay na nasulat sa mga aklat, imposibleng ang kasalanan ng mga tao'y aalisin kapag natapos ang paghuhukom kung saan ang kanilang mga kaso ay iimbestigahan. Ngunit si apostol Pedro ay malinaw na nagsasabi na ang mga kasalanan ng mga mananampalataya ay maaalis kapag “ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang Kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.” Kapag ang mapanuring paghatol ay natapos, si Cristo ay darating, at ang Kanyang gantimpala ay dala Niya upang ibigay sa bawat tao ayon sa kanyang gawa. Sa karaniwang paglilingkod ang dakilang saserdote, matapos gawin ang pagtubos para sa Israel, ay lumalabas at pinagpapala ang kapulungan. Kaya't si Cristo, sa pagtatapos ng Kanyang gawain bilang tagapamagitan, ay magpapakita . . . para pagpalain ang Kanyang naghihintay na bayan ng buhay na walang hanggan.— The Great Controversy, pp. 484, 485. KDB 74.4