Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

32/376

Hanapin ang Katuwiran, Enero 31

Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin. Mateo 5:6. KDB 37.1

Kung ikaw ay nakararamdam ng pangangailangan sa iyong kaluluwa, kung ikaw ay nagugutom at uhaw sa katuwiran, ito ay katunayan na inilagay ni Cristo sa iyong puso, na Siya ay hanapin upang gawin para sa iyo, sa pamamagitan ng kaloob na Banal na Espiritu, yaong mga bagay na imposibleng gawin para sa iyong sarili. Hindi natin kailangang sikaping alisin ang uhaw sa pamamagitan ng mababaw na batis; sapagkat ang dakilang bukal ay nasa itaas natin, kung saan ang saganang tubig Niya ay malaya tayong makaiinom, kung tayo ay aangat ng higit na mataas sa daan ng pananampalataya. KDB 37.2

Ang salita ng Diyos ang siyang bukal ng buhay. Habang ikaw ay naghahanap sa mga buhay na bukal na iyon, ikaw ay, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, mailalagay sa pakikipag-ugnayan kay Cristo. Ang kilalang mga katotohanan ay ipakikita ang kanilang sarili sa iyong isipan sa mga panibagong aspekto; ang mga talata ng Kasulatan ay sasambulat sa iyo na may bagong kahulugan, gaya ng kislap ng liwanag; makikita mo ang relasyon ng iba pang katotohanan sa gawain ng pagtubos, at iyong malalaman na si Cristo ang nangunguna sa iyo; isang banal na Guro ay nasa iyong tabi.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 19,20. KDB 37.3

Ang pagkadama ng pagiging hindi karapat-dapat ay magdadala sa puso sa pagkagutom at pagka-uhaw sa katuwiran, at ang pagnanasang ito ay hindi mabibigo. Yaong mga nagbigay ng lugar para kay Jesus sa kanilang puso ay makikilala ang Kanyang pag-ibig. Lahat ng mga nagnanais na taglayin ang karakter ng Diyos ay masisiyahan. Hindi kailanman iiwan ng Banal na Espiritu na walang tulong ang kaluluwang tumitingin kay Jesus. Dinadala Niya ang mga bagay ni Cristo at ipinakikita ang mga ito sa kanila. Kung ang paningin ay nanatiling nakatingin kay Cristo, ang gawain ng Espiritu ay hindi titigil hanggang ang kaluluwa ay maging ayon sa Kanyang larawan.— The Desire of Ages, p. 302. KDB 37.4