Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Panghawakang Matibay ang Salita, Enero 29
Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.Tito 1:9. KDB 35.1
Madalas na ipinakikita ng Panginoon sa Kanyang awa at tulong na walang anuman na hihigit sa inihayag na katotohanan, ang Salita ng Diyos, ang makapagsasauli sa tao at makapaglalayo sa kanya sa pagsalangsang. Ang Salitang iyon na naghahayag ng pagkakasala, ay may kapangyarihan sa puso ng tao na maitama ang tao at mapanatili na gayon. Sinabi ng Panginoon na ang Kanyang Salita ay dapat pag-aralan at sundin; at isagawa ito sa praktikal na buhay; ang Salitang iyon ay hindi mababaluktot gaya ng karakter ng Diyos— na Siya ring kahapon, ngayon, at magpakailan man.— Testimonies to Ministers and Gospel Workers, pp. 80, 81. KDB 35.2
Ngunit gaano man ang isa ay lumago sa espirituwal na buhay, siya ay hindi makararating sa kalagayan kung saan hindi na niya kailangang masikap na pag- aralan ang mga Kasulatan; sapagkat doon ay matatagpuan ang mga katunayan ng ating pananampalataya. Lahat ng punto ng doktrina, bagaman ang mga ito ay tinanggap bilang katotohanan, ay dapat dalhin sa kautusan at sa patotoo; kung hindi sila makatatayo sa pagsubok na ito, “tunay na walang umaga sa kanila.” Ang dakilang plano ng pagtubos, na ipinahayag sa pagtatapos ng gawain sa mga huling araw na ito, ay dapat dumaan sa masusing pagsusuri. Ang mga pangyayari na may kaugnayan sa santuwaryo sa langit ay dapat magkaroon ng malalim na impresyon sa mga isipan at sa mga puso ng lahat upang kanilang maipakita sa iba. Ang lahat ay kailangang maging matalino sa bagay na may kinalaman sa gawain ng pagtubos, na nagaganap sa santuwaryo sa langit. . . . Sa pamamagitan ng pag- aaral, pagmumuni-muni, at pananalangin, ang bayan ng Diyos ay maiaangat na higit sa pangkaraniwan, na maka-lupang kaisipan at mga pakiramdam, at mailalagay sa pakikipagkaisa kay Cristo at sa Kanyang dakilang gawain ng paglilinis ng santuwaryo sa langit mula sa kasalanan ng bayan.— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 575. KDB 35.3