Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Napakalapit sa mga Bata, Mayo 11
At dinadala ng mga tao sa Kanya ang maliliit na bata upang sila'y Kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad. Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit Siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa Akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos. Tunay na sinasabi Ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.” At kinalong Niya sila, ipinatong ang Kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila. Marcos 10:13-16. TKK 141.1
Nais ng Diyos na ang bawat bata na may murang edad ay maging Kanyang anak, na inaampon sa Kanyang sambahayan. Bagama't bata sila, maaaring maging mga kaanib ng sambahayan ng pananampalataya ang mga kabataan, at magkaroon ng napakahalagang karanasan. Maaaring mayroon silang malalambot na mga puso at nakahandang tumanggap ng mga impresyong tatagal. Maaaring mapalapit ang kanilang mga puso sa pagtitiwala at pagmamahal kay Jesus, at mabuhay para sa Tagapagligtas. Gagawin sila ni Cristo na mga maliliit na misyonero. Ang buong agos ng kanilang pag-iisip ay maaaring mabago, upang hindi magmumukhang kasiya-siya ang kasalanan, kundi dapat kamuhian at iwasan. TKK 141.2
Makikinabang ang mga maliliit na bata, gayundin ang mga mas matanda, sa pamamagitan ng turong ito; at sa pagpapasimple sa panukala ng kaligtasan, tatanggap ang mga tagapagturo ng kasing laking pagpapala ng tinatanggap ng mga tinuturuan. Ididiin ng Banal na Espiritu ang mga aralin sa mga pagiisip ng mga bata na handang tumanggap, upang maunawaan nila ang mga kaisipan ng katotohanan ng Biblia sa kanilang kapayakan. At magbibigay ang Panginoon ng karanasan sa mga batang ito sa mga gawaing misyonero; magmumungkahi sila ng mga linya ng pag-iisip na hindi nagkaroon maging ang mga tagapagturo. Magiging mga saksi para sa katotohanan ang mga batang maayos na naturuan.— COUNSELS TO PARENTS, TEACHERS, AND STUDENTS, pp. 169,170 . TKK 141.3
Gumawa kayo na parang gumagawa kayo para sa inyong buhay upang mailigtas ang mga bata mula sa pagkakalunod sa nakakarumi at nakakabulok na impluwensiya ng buhay na ito.— CHILD GUIDANCE, p. 309 . TKK 141.4
Dapat na kunin ang isang tagapagturo na magtuturo sa mga bata sa katotohanan ng Salita ng Diyos, na mahalaga para sa mga huling araw na ito, at kailangan nilang maunawaan. Paparating ang isang dakilang pagsubok: ito'y tungkol sa pagsunod o pagsaway sa mga utos ng Diyos.— REVIEW AND HERALD, July 2, 1908 . TKK 141.5