Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

130/366

Sinasagot ang mga Panalangin Para sa Tulong ng Diyos, Mayo 9

“Ang mga salitang ito na Aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso; at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon,” Deuteronomio 6:6, 7, TKK 139.1

Mga ama at mga ina, paano ako makakahanap ng mga salita upang ilarawan ang inyong dakilang pananagutan! Sa pamamagitan ng karakter na inyong ipinapahayag sa harap ng inyong mga anak tinuturuan ninyo sila na maglingkod sa Diyos o maglingkod sa sarili. Kung gayo'y ihandog ninyo sa langit ang inyong mga masikap na panalangin para sa tulong ng Banal na Espiritu, upang pabanalin ang inyong mga puso, at upang ang landas na inyong tinatahak ay makapagbigay ng kaluwalhatian at madala ang inyong mga anak kay Cristo. Ito'y dapat na magbigay sa mga magulang ng pagkadama ng kahalagahan at kabanalan ng kanilang tungkulin, kapag kanilang nakikilala na sa pamamagitan ng salita nilang walang ingat o pagkilos ay mapapangunahan nila ang kanilang mga anak na maligaw ng landas. TKK 139.2

Kailangan ng mga magulang ang pagbabantay ng Diyos at ng Kanyang Salita. Kung hindi nila pakikinggan ang mga payo ng salita ng Diyos, kung hindi nila gagawing tagapayo nila, panuntunan ng kanilang buhay, lalaki ang kanilang mga anak na walang ingat at lalakad sa mga landas ng pagsuway at kawalang paniniwala. Isinakabuhayan ni Cristo ang isang buhay ng paggawa at pagtanggi sa sarili, at namatay sa kahihiyan upang makapagbigay Siya ng halimbawa ng espiritu na kailangang kumilos at kumuntrol sa Kanyang mga tagasunod. Samantalang nagsisikap ang mga magulang sa kanilang buhay sa loob ng tahanan na maging katulad ni Cristo, maikakalat ang mga makalangit na impluwensiya sa mga buhay ng mga kaanib ng kanilang sambahayan. TKK 139.3

Sa bawat tahanang Kristiyano, dapat na parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng sakripisyo ng papuri at panalangin sa umaga at sa hapon. Sa bawat umaga at sa bawat hapon dapat na umakyat sa Diyos ang mga masikap na panalangin para sa Kanyang pagpapala at gabay. Dadaan ba ang Panginoon ng kalangitan sa mga tahanang ito, at hindi mag-iiwan ng pagpapala roon? Tunay na hindi. Naririnig ng mga anghel ang paghahandog ng papuri at ang panalangin ng pananampalataya, at nagdadala sila ng mga pagsusumamo sa Kanya na naglilingkod sa santuwaryo para sa Kanyang bayan, at ipinamamanhikan ang Kanyang mga kabutihan para sa kanila. Nanghahawak sa Diyos ang tunay na panalangin, at nagbibigay ng tagumpay sa mga tao. Sa kanyang mga tuhod, tumatanggap ng kalakasan at nilalabanan ng Kristiyano ang tukso. — REVIEW AND HERALD, February 1,1912 . TKK 139.4