Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

128/366

May mga Magulang na Nagmamalasakit, Mayo 7

Sa lyong harapan ay huwag Mo akong paalisin, at ang lyong banal na Espiritu sa akin ay huwag Mong bawiin. Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng lyong pagliligtas, at alalayan ako na may espiritung nagnanais. Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad Mo; at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo. Awit 51:11-13. TKK 137.1

Anong panalangin ito! Maliwanag na hindi dapat na balewalain ang mga makasalanan sa sambahayan, kundi tinitingnan sila ng Panginoon bilang mga binili ng Kanyang dugo. Sa bawat sambahayan na naroon ang mga hindi hikayat, dapat na maging gawain nilang nakakakilala sa Panginoon na gumawa na may katalinuhan para sa kanilang pagkahikayat. Tiyak na pagpapalain ng Panginoon ang mga pagsisikap ng mga magulang, samantalang sa Kanyang takot at pagmamahal ay nagsisikap silang mailigtas ang mga kaluluwa sa kanilang sambahayan. Naghihintay ang Panginoon na maging mabiyaya. TKK 137.2

O, nawa'y magsimula ang gawaing iyon sa puso! “Sapagkat sa alay ay hindi Ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan Kita, hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog. Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa, isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi Mo hahamakin” (Awit 51:16, 17). Kung gayo'y itulot na maunawaan ng lahat ng kaanib ng sambahayan na kailangang magsimula sa puso ang gawain. Dapat na maipasakop ang puso at gawing nagsisisi sa pamamagitan ng lumalalang at nagpapanibagong-buhay na kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Sa pagkilala sa tulong ng makapangyarihang puwersang ito, hindi ba makagagawa ang mga magulang para sa pagkahikayat ng kanilang mga anak na may higit na kasigasigan at pagmamahal kaysa dati? TKK 137.3

Ang pangako ng Panginoon ay “Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin Ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan. Bibigyan Ko kayo ng bagong puso, at lalagyan Ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at Aking bibigyan kayo ng pusong laman. Aking ilalagay ang Aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin Ko kayo nang ayon sa Aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa Aking mga batas” (Ezekiel 36:25-27). TKK 137.4

Kapag gumagawa ang Espiritu ng Panginoon sa puso ng mga magulang, darating sa harapan ng Diyos ang kanilang mga panalangin at luha, at masikap silang magsusumamo, at tatanggap ng biyaya at karunungan mula sa langit, at magkakaroon ng kakayahang gumawa para sa mga anak nilang hindi hikayat. Habang ipinapakita ang espiritung ito sa tahanan, ito'y dadalhin sa iglesya, at silang mga misyonero sa tahanan ay magiging mga kinatawan din para sa Diyos sa iglesya at sa sanlibutan. Magtataglay ng malinaw na kakaibang hulma ang mga institusyon na itinayo ng Diyos.— REVIEW AND HERALD, Mareh 14,1893 . TKK 137.5