Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Para Maging Katulong ng Diyos, Hulyo 2
Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa, 1 Corinto 3:5, TKK 195.1
Hindi nagmamay-ari ng pareparehong kaloob ang mga lingcod ng Diyos. Kailangang matuto ng bawat isa sa Dakilang Guro, at pagkatapos ay ipahayag ang kanyang natutuhan. Ang lahat ay walang iisang gawain, gayunman ang lahat ay instrument ng Diyos sa ilalim ng nagpapabanal na impluwensiya ng Banal na Espiritu. Gumagamit ang Diyos ng iba't ibang kaloob sa Kanyang gawaing magligtas ng mga kaluluwa mula sa kawan ni Satanas. TKK 195.2
“Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa” (1 Corinto 3:8). Ang Diyos, hindi ang tao, ang hukom sa gawa ng tao, at Siya'y magbabahagi sa bawa't isa ng kanyang nararapat na gantimpala. Hindi ito ibinibigay sa sinumang tao para humatol sa pagitan ng magkakaibang lingkod ng Diyos. TKK 195.3
“Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa,” na humaharap sa iisang gawain—ang pagliligtas ng mga kaluluwa. “Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos” (talata 9). Sa mga salitang ito ay inihahalintulad ang iglesya sa isang nilinang na bukid, kung saan ang magbubukid ay gumagawa, na nangangalaga sa mga puno ng ubas na itinanim ng Panginoon; at sa isang gusali, na magiging banal na templo para sa Panginoon. Si Cristo ang Dalubhasang Manggagawa. Dapat gumawa ang lahat sa ilalim ng Kanyang pangangasiwa, na hinahayaan Siyang gumawa para sa kanila at sa pamamagitan nila. Nagkaloob Siya sa kanila ng kakayahang makitungo at kasanayan, at kung kanilang susundin ang Kanyang mga tagubilin, puputungan ng tagumpay ang kanilang paggawa. TKK 195.4
Walang dapat magreklamo laban sa Diyos, na naglagay sa bawat tao ng kanyang gawain. Siyang nagrereklamo at nababalisa, na nagnanais ng kanyang sariling paraan, siyang nagnanasa na hubugin ang kanyang kapwa manggagawa para sumang-ayon sa kanyang ideya, ay nangangailangan ng paggawa ng banal bago siya maging karapatdapat na lingkod sa anumang gawain. Malibang siya'y mabago, siguradong kasiraan siya sa gawain. —REVIEW AND HERALD, December 11, 1900. TKK 195.5